Tumango siya. Subalit biglang umikot ang kanyang paningin at hindi siya makahinga. Hindi yata maganda ang epekto ng alak sa katawan niya. “E-Excuse me,” usal niya at nagtungo sa bahagi ng balkonahe na mahangin. Baka sakaling mawala ang pagkahilo niya kapag nakalanghap siya ng hangin.
Huminga siya nang malalim. Napansin niya na masayang ang mga nag-aani ng ubas habang nagkukwentuhan. She turned on the video camera setting of her cellphone camera. She wanted to capture that moment. Gusto niyang ipinta ang mga tulad nito, ang mga simpleng mamamayan ng Tarragon na mahal ang trabaho.
Humangin nang malakas at may narinig siyang tinig. “A ora in poi, il suo corpo è il mio. Lei farà tutto che desidero,” anang boses ng isang babae na parang sumama lang sa ihip ng hangin.
“Ano iyon? Sino ang nagsalita?” aniya at lumingon. “Ikaw ba?”
“Wala pong nagsasalita, mahal na prinsesa,” wika ni Halcyon.
“May nagsalita!” Natakpan niya ang tainga nang makarinig ng matinis na tili.
“Anong nangyari?” tanong ni Victorino.
“Huwag ninyo ako hawakan!” Narinig niyang sumigaw ang isang boses. Boses niya. Pero hindi naman niya iyon sinasabi. “Gusto ko nang umuwi. Ayoko na sa pesteng lugar na ito! Walang kwenta ang mga tulad ninyo!”
Boses nga niya iyon. Siya ang nagsalita pero hindi siya. Hindi ko sinabi iyon! Ano ba ang nangyayari? Subalit parang sa sariling isip lang niya ang sigaw na iyon. Nakikita niyang gumagalaw ang katawan niya subalit wala na sa kanya ang kontrol.
“Mahal na prinsesa, ano po ang nangyayari sa inyo?” tanong ni Halcyon.
“Papatayin ko si Andros. Kasalanan niya kung bakit nandito ako sa mundong ito. Papatayin ko siya at babalik na ako sa mundo ko!” sigaw ng tinig niya.
Hindi totoo iyan! Hindi ko maaring patayin si Andros. Mahal ko siya. Hindi ko siya kayang saktan!
“Hindi mo iyan magagawa sa mahal na prinsipe!” wika ni Victorino.
“Pipigilan ka namin!” dagdag ni Halcyon.
Hinablot niya ang patalim na nasa mesa at itinutok sa mag-ama. “Sige, subukan ninyong pigilan ako. Kayo ang una kong papatayin.”
Huwag mo silang sasaktan! At huwag mong papatayin si Andros. Huwag!
Subalit hindi na niya pag-aari ang kanyang katawan. Nagtatakbo siya palabas ng villa at sumakay sa karwahe. “Dalhin mo ako kay Prinsipe Andros!” utos ng tinig niya sa kutsero ng kabayong may pakpak. Pumailanlang ang kanyang halakhak.
Tulungan ninyo ako! Tulungan ninyo ang prinsipe! Nanganganib siya. Huwag ninyong hayaan siyang mamatay. Sagipin ninyo ako.
Subalit walang sinumang nakarinig sa kanyang sigaw.
LUMAPAG ang karwahe sa tabi ng falls kung saan mag-isang nag-eensayo si Andros sa paghawak ng espada. Tumigil ka! Huwag kang lalapit sa kanya! Subalit patuloy lang ang paghakbang niya patungo dito. Hindi nakikinig ang katawan niya.
Tumigil sa pagsasanay si Andros at umahon sa talon. “Yelena, nandito ka na agad? Akala ko mamaya ka pa dadating mula sa Petronades?”
Hindi ako dapat nandito. Ang pinakahuling lugar na gusto kong puntahan ay malapit sa iyo hangga’t di pa nawawala ang demonyo sa katawan ko.
Yumakap siya kay Andros. “Dahil gusto kong makasama ka.”
“Di mo iniiwanan ang pamamasyal mo sa Tarragon para makasama ako.”
“Hindi mo ba ako hahalikan?” tanong niya at unti-unting lumapit ang mukha dito. Dati ay gusto niya ang halik nito. Subalit hindi ngayon.
Lumayo ka sa akin, Andros. Sasaktan lang kita. Sagipin mo ang sarili mo. Itulak mo ako palayo. Huwag mo akong hahalikan! Huwag!
Inangkin ni Andros ang labi niya. Pilit pa ring lumalaban ang isip niya. Pero wala siyang magawa. Umangat ang kamay niya. Mula sa ilalim ng manggas ng gown niya ay hinugot ng kamay niya ang patalim na nakuha niya kanina sa bahay nila Halcyon. Itinaas niya iyon, handang itarak sa likod ni Andros.
Hindi ko kayang saktan si Andros! Hindi! Bitiwan mo ang kutsilyo! Itulak mo siya palayo, utos niya sa kamay niya. Hindi niya matanggap na manood na lang habang namamatay ang lalaking mahal niya sa sarili niyang kamay.
“Itigil mo iyan!” sigaw ni Halcyon. “Huwag mong sasaktan si Andros!”
Kusang lumuwag ang pagkakahawak niya sa kutsilyo at bumagsak iyon sa lupa. Naitulak din niya palayo si Andros. Nanlulumo siyang napaupo sa lupa. Sa wakas ay nawala na rin ang nilalang na kumokontrol sa katawan niya.
Napaiyak siya dahil hindi naituloy ang pagkakatarak ng kutsilyo kay Andros. Hindi niya ito tuluyang nasaktan. “Salamat dahil ligtas ka.”
Nakakunot ang noong dinampot ni Andros ang kutsilyo. “Anong ibig sabihin ng kutsilyong ito, Yelena? Ito ang isinumpang punyal na minsang ginamit para patayin ang aking ama.”
“Tinangka ka niyang patayin,” sabi ni Halcyon at niyakap ito. “Natutuwa ako kay Bathala dahil hindi ka napahamak.”
“Mabuti at napigilan namin ang masama niyang balak.” Tiningnan siya ni Victorino. “Mahal na prinsesa, kailangan ka namin iharap sa mahal na hari at reyna upang litisin sa salang pagtatangka sa buhay ng mahal na prinsipe.”
“Pero hindi ko siya gustong patayin. Maniwala kayo.” Nagmamakaawa siyang tiningnan ni Andros. “Andros, alam mo ang totoo. Hindi kita kayang saktan. Hindi ko magagawang pumatay nang kahit sino.”
Subalit iniwas lang ni Andros ang tingin sa kanya. Paano pa nga ba niya dedepensahan ang sarili kung hawak na nito ang patunay?
Tinulungan siyang tumayo ng sandatahan. “Paumanhin, mahal na prinsesa. Kailangan namin ipatupad ang batas ng Tarragon.”
Naramdaman niya ang pagkakatali ng baging sa kanyang kamay. Malungkot niyang nilingon si Andros na yakap ni Halcyon. Gusto niya ay pakinggan siya nito. Ngunit maging ito ay naniniwala na gusto niya itong patayin.