Love and Magic Series Chapter 23

“Paano mo ito nagawa sa aking anak, Prinsesa Yelena?” nasusuklam na tanong ni Reyna Odessa nang iharap siya dito at kay Haring Demetrius. Lahat ng mamamayan ng Tarragon ay naroon upang saksihan ang kanyang paglilitis. Sa tabi ng reyna ay si Andros na halos di siya tinatapunan ng tingin.

“Hindi ko po iyon magagawa, mahal na reyna,” tuwid ang tingin niyang sabi. Gusto niyang ipakita sa lahat na inosente siya at wala siyang kasalanan.

“Marami ang nakasaksi sa tangka mong pagpatay sa aming anak,” sabi ni Haring Demetrius. “Huwag ka nang magsinungaling.”

“Kami po ng aking anak na si Halcyon ang mismong nakarinig sa mga plano niya habang naroon siya sa aming lupain,” kwento ni Victorino. “Nangyari po iyon matapos siyang uminom ng alak. Maaring nalabuan ang kanyang pag-iisip.”

“Pero hindi iyon dahilan para saktan niya ang aking anak,” anang reyna.

“Sawa na siya sa mundong ito.” Si Halcyon naman ang nagsalaysay. “Galit siya sa atin. Subalit mas matindi ang galit niya kay Prinsipe Andros dahil ito ang nagdala sa kanya sa ating mundo. Ayaw niyang maging prinsesa at gusto na niyang bumalik sa mundo ng mga tao.”

“P-Pero di ko talaga nais sabihin iyon,” tutol niya. “Maaring nais kong bumalik sa mundo ng tao noon. Pero nagka-unawaan na kami ni Andros na tatanggapin ko kung ano ang nakatakda sa akin.”

“Alam mo ang kaparusahan sa ginagawa mo, Prinsesa Yelena. Marami ang nakasaksi. Marami ang nagpapatunay. Pinagtangkaan mong patayin si Prinsipe Andros. At kahit ikaw pa ang nakatakdang maging prinsesa, ang batas ng Tarragon ay dapat ipatupad.” Itinaas ni Haring Demetrius ang kamay at nakita muli niya ang Hades sa kanyang paanan. “Tanggapin mo ang iyong kaparusahan.”

Narinig niya ang tunog ng mga tambol. Hudyat ng kanyang kamatayan. Pumikit siya nang mariin. Gusto man niyang ipagtanggol ang sarili, wala namang makikinig sa kanya. Walang maniniwala. Inosente siya. Alam iyon ng Diyos. Pero maaring nakatakdang mangyari. Gulo lang ang dala niya sa mundong iyon. Handa siyang mamatay ngayong natiyak niyang di niya nagawang saktan si Andros.

Sayang. Kung kailan nagsisimula na niyang mahalin ang mundo ni Andros. Kung kailan mahal na niya ito, saka pa aalisin sa kanya ang pagkakataon na makasama ito. At least, naranasan niyang magmahal bago siya mamatay.

Idinilat niya ang mata at naramdaman niya ang pagpatak ng kanyang luha. Tumingin siya kay Andros. “Paalam,” mahina niyang bulong at muling ipinikit ang mata. Masaya na siya na ito ang makikita niya bago siya lamunin ng apoy.

“Itigil ninyo ito! Huwag ninyo siyang sasaktan!”

Dumilat siya nang marinig ang sigaw ni Andros. Nakaharang ito sa pagitan niya at ng hari at reyna. “Andros, lumayo ka!” sabi niya dito.

“Hindi,” mariin nitong wika at di natinag sa kinatatayuan. “Kung dadalhin ka niya sa Hades, kasama mo ako.”

“Ano ba ang nais mong mangyari, Prinsipe Andros? Sasayangin mo ang buhay mo para sa isang tao na nagtangkang kitlin ang buhay mo?” tanong ni Victorino. “Hindi namin iyan mapapayagan.”

“Andros, kailangan ka ng kaharian natin. Huwag mong ibuwis ang buhay mo para sa kanya,” pakiusap ni Halcyon. “Huwag kang hangal!”

“Tama si Yelena. Kasalanan ko kung bakit siya napadpad sa mundo natin kahit na labag sa kalooban niya,” wika ni Andros. “Kaya hindi ako papayag na dalhin siya sa Hades. Walang maaring manakit sa kanya.”

“Ano ang gusto mong mangyari, anak?” tanong ni Haring Demetrius. “Hindi na siya maari pang manatili sa ating mundo.”

“Ibalik natin siya sa mundo niya,” sabi ni Andros.

Umugong ang bulungan at pagtutol sa paligid. Lahat halos ay di sang-ayon sa pagbalik niya sa mundo ng mga tao. “Andros, alam mo kung ano ang kapalit,” sabi ni Reyna Odessa. “Ano ang handa mong isakripisyo?”

“Ang kapangyarihan ko. Kahit pa ang buhay ko,” sagot ni Andros. “Basta matiyak lang na makakabalik siya sa kanyang mundo.”

“Pero Andros…” usal niya. “Hindi ako papayag na isuko mo ang lahat para sa akin.” Isa pa, ayaw niyang bumalik sa mundo niya. Gusto niyang makasama ito dahil mahal niya ito.

Tumayo si Haring Demetrius. “Nagdesisyon na si Prinsipe Andros. Itakda ang pagbabalik ni Prinsesa Yelena sa mundo ng mga tao!”

“MAHAL na Prinsesa, nandito na po tayo sa Heraclea,” anang isang kawal at kinatok ang pinto ng karwaheng sinasakyan niya. Kasunod niya ang iba pang miyembro ng sandatahan upang tiyakin ang kaligtasan niya sa pagtungo sa lagusan.

Mabigat ang loob niyang bumaba sa karwahe. Suot niya ang damit na suot niya nang una siyang dumating sa Tarragon. Inikot niya ang paningin sa paligid. Itinuring na niyang tahanan ang mundong iyon. Itinalaga na niya ang sarili na doon mananatili habambuhay kasama ang lalaking mahal niya.

“Hindi ba pupunta dito si Prinsipe Andros para magpakita sa akin?” malungkot niyang tanong sa pinuno ng kanyang tagabantay.

“Nandito ako,” sabi ni Andros na nakatayo sa tabi ng lagusan.

“Andros, dumating ka para sa akin!” bulalas niya. Nang tangka niyang yayakapin ito ay pinigilan siya ng mga kawal. Di siya maaring lumapit dito o hawakan man lang ito sa takot na saktan niya ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.