“Gusto kong tiyakin na makakabalik ka sa mundo mo nang maayos.” Inabot nito sa kanya ang bag niya. “Nariyan ang lahat ng gamit na dala mo nang dumating ka sa aming mundo. Maging masaya ka sana sa iyong pagbabalik.”
Parang dinaganan ng malaking bato ang kanyang dibdib. Akala niya ay pipigilan siya nitong umalis. Na gusto pa niya itong makasama.
“Hinayaan mo na lang sana akong masunog sa Hades.”
“Hindi kita maintindihan! Ito ang gusto mo, Yelena. Nangako ako sa iyo na poprotektahan kita. Hindi ka maaring malaglag sa Hades sa mismong harap ko. Mas mabuti pang bumalik ka kung saan ka nagmula dahil iyon ang makakapagpasaya sa iyo. At sa pagbabalik mo sa iyong mundo, mabubura ang anumang alaala mo tungkol sa akin at sa mga panahon ng pananatili mo sa Tarragon. Wala kang maiiwan na bagay na magpapaalala sa amin at wala kang dadalhin pabalik sa mundo mo na nanggaling dito. Hindi ka namin gagambalain pa kahit kailan.”
Nakagat niya ang labi upang pigilan ang pag-iyak. Tuluyan na nitong isinara ang pinto sa kanya. Mahigpit niyang hinawakan ang manggas ng damit nito. “Ayokong umalis, Andros. Gusto kong makasama ka. M-Mahal kita!”
Bumakas ang lungkot sa mata nito. “Walang halaga ang isang salita kung hindi iyon ang nararamdaman at ikinikilos mo. Paalam, Yelena,” wika nito at kinintalan siya ng halik sa pisngi.
Parang nagsilbing hudyat iyon ng pagsinag ng nakakasilaw na liwanag. “Andros!” sigaw niya subalit nilalamon ng liwanag ang boses niya. Pakiramdam niya ay lumulutang siya. Unti-unting pumikit ang mata niya.
Inisip niya ang lahat ng alaala na kapiling niya si Andros. Bago tuluyang maglaho ang alaala niya. Alam niyang wala na siyang mamahalin pang iba kahit kailan nang tulad ng pagmamahal niya dito.
NARAMDAMAN ni Yelena ang pagkabasa ng kanyang mukha. Narinig niya ang pagtawag sa pangalan niya. Dahan-dahan siyang dumilat at namulatan niya ang nag-aalalang mukha ng mga kaibigan niya. “What happened to you, Yelena?” nag-aalalang tanong ni Eden. “Dito ka natutulog sa ilalim ng puno at sa gitna ng gubat.”
Sinapo niya ang noo. “G-Gitna ng gubat? Anong ginagawa ko dito?”
“Okay ka lang?” usal ni Eden. “Wala ka bang matandaan?”
“Baka napagod iyan papunta sa lake. Ilang bundok ang inakyat natin bago makarating dito,” sabi ni Maureen. “O baka nabagok ang ulo niyan.”
“Masakit ba ang ulo mo?” tanong ni Eden. “Kaya mo bang tumayo?”
Kumapit siya sa puno upang alalayan ang sarili na tumayo. “Anong petsa na?”
Kinatok ni Maureen ang noo niya. “May amnesia ka ba?”
“Umuwi na tayo. Nagsisimula nang pumatak ang ulan,” sabi ni Eden.
Luminga siya sa paligid. Tiningnan niya kung may isa pang trail sa kabila ng puno na siyang daan patungo sa mahiwagang kaharian ng Tarragon. Subalit puro kasukalan lang ang naroon. “Eden, wala bang daan dito?”
“Wala. Ito lang trail na nilalakaran natin ang nag-iisang daan dito. Bakit?”
Umiling siya. “W-Wala. Nasa iyo pa ang kuwintas na napulot ko kagabi?”
“Kuwintas? Wala ka namang napulot na kuwintas, ah!” sabi nito.
Walang kuwintas, walang Tarragon, walang engkanto at walang Andros. Panaginip lang ba ang lahat ng nasa isip niya. Imahinasyon? Nakadama siya ng lungkot. Bakit siya nalulungkot sa alaala ng isa lang panaginip?
“WHAT is the title of this painting?” tanong ni Mimosa, ang sikat na artist kung saan siya nagte-take up ng lesson.
“Andros,” sabi niya. Ilang araw pa siyang nagtagal sa bayan ng Marikit. Ilang beses niyang binalikan ang lawa at ang malaking puno sa gubat. Umaasa na maligaw ulit siya sa mundo ni Andros. Kaya sa halip na landscape ang ipinipinta niya ay ang mga alaala na lang niya sa pananatili sa mundo ng engkanto ang ipininta niya.
“Anong klase siyang engkanto?” tanong nito.
“He is the Prince of Tarragon,” sagot niya. Kino-conceptualize ang nalalapit na exhibit para sa mga new artist na itatanghal sa art gallery nitong Enchanted.
“Saan kayo nagkita?” tanong ni Mimosa at pinagmasdan ang painting.
“He is just a part of my dream. Lahat ng nakikita mong painting ko ay bahagi lang ng imahinasyon ko.”
Parang hindi totoo ang mundo ng mga engkanto. Wala sa cellphone niya ang kinunan niyang larawan. Walang nakalagay sa sketch pad niya maliban sa nauna nang sketch. Panaginip lang ang lahat.
Mataman siya nitong pinagmasdan. “Alam mo ang patakaran ko sa art school ko, Yelena. Lahat ay may kaugnayan sa mundo ng mga engkanto. Hindi ka ba nagtataka kung bakit tinanggap agad kita samantalang ni hindi ko pa nakikita ang mga sample works mo? At ikaw na ang nagsabi na wala kang alam sa engkanto.”
Mahigpit niyang hinawakan ang tasa. Mountain tea. Katulad iyon ng tsaa na paborito niyang inumin sa Tarragon…sa panaginip niya. “Hindi ko alam kung maniniwala nga ako o hindi. Parang sa isang kisap-mata lang nangyari ang lahat. Bumalik din ako kung saan ako nagmula.”
“Espesyal ka, Yelena. Walang mortal na nakakabalik sa mundo ng tao mula sa mundong iyon. Dahil isinugal ng binatang prinsipe ang buhay niya para sa iyo.”
Namangha siya. “Bakit alam mo? Hindi ko pa ikinukwento sa iyo.”