Love and Magic Series Chapter 25

Ngumiti lang ito. “Nagtataka ako kung bakit naalala mo pa nang buo ang pananatili mo sa lugar na iyon. Sinumang tao na makakabalik mula sa mundo ng mga engkanto ay walang maalalang kahit ano. Ang iba ay nasisiraan ng bait.”

“Miss Mimosa, naguguluhan pa rin ako. Walang bakas ng daan patungo sa Tarragon sa mundong ito. At maniniwala lang ako kung makakabalik ako.”

Tumayo si Mimosa at tumingala sa bughaw na langit. “Kukunin ka niya, Yelena. Nararamdaman ko na babalik siya.”

“Kung totoo si Andros, hindi niya ako pag-aaksayahan ng panahon. Gulo ang dala ko sa kanila. I already caused enough damage. Ayoko nang guluhin pa siya.”

Tahimik na ang Tarragon dahil sa pag-alis niya. Wala nang panganib sa buhay ni Andros. Masaya na ito kasama ang babaeng pinili ng puso nito – si Halcyon.

“Ikaw ang pinili ni Bathala para sa prinsipe.” Tumingin ito sa painting ni Andros. “Kung mahal mo siya, ipaglaban mo ang pag-ibig mo. Walang mas makapangyarihan sa mundo kundi ang pagmamahal.”

“Mimosa, bakit marami kang alam tungkol sa mga bagay na hindi ko naman sinasabi sa iyo? Nababasa mo ba ang isip mo?”

Ngumiti muli ito at tinalikuran siya. Saka ito humarap sa sarili nitong painting ng isang kastilyo sa dulo ng bahaghari. “Katulad mo rin ako, Yelena. Nanggaling na ako sa mundo ng mga engkanto. Ang kaibahan lang ay isa ako sa kanila.”

“CONGRATS, girl! Ang galing mo!” sabi ni Eden at hinalikan siya sa pisngi. “Ang ganda ng paintings mo. Very unique.”

“Weird kamo,” kontra ni Maureen. “Kinikilabutan ako sa mga paintings dito. Puro engkanto. Ganitong klaseng paintings ba talaga ang gusto mo?”

“Sa halip na suportahan mo, lalo mo pang idina-down,” sabi ni Eden kay Maureen. “Sabunutan kaya kita diyan!”

“Don’t!” saway nito. “We have a date, remember?”

“Oo nga pala. Labas tayo after ng exhibit. I-celebrate natin ang success ng first exhibit mo. May kasama naman tayong mga guwapo.”

Bahagya siyang dumistansiya. “Uuwi na lang ako.”

“Killjoy ka kahit kailan. Dadating pa mandin ang pinsan ni Jophet galing States,” tukoy ni Maureen sa boyfriend na anak ng mayor ng Marikit. Di na daw nito palalagpasin ang pagkakaroon ng boyfriend na mayaman at guwapo. “Huwag mo namang buruhin ang sarili mo kasama ang mga engkanto dito.”

“Nagmumukmok ka dahil di dumating ang parents mo?” tanong ni Eden.

“I didn’t invite them. Alam ko naman na di sila dadating.” Mas tama ang sinabi ni Maureen. Mas gusto niyang mag-isang alalahin si Andros. Ayaw niyang makipagkilala sa ibang lalaki dahil ikukumpara lang niya ito sa mga iyon. Imposible na makahanap siya ng tulad nito.

“Nandito na daw sila Jophet,” sabi ni Maureen. “Hahanapin lang namin siya.”

Nang umalis ang dalawa ay binalikan niya ang painting ni Andros na nasa bandang likod ng gallery. Isa iyon sa pinagkakaguluhang painting sa exhibit. Buhay na buhay at puno ng emosyon. Maraming nag-alok sa kanya ng malaking halaga para bilhin ang painting but it was not for sale. Gayundin ang iba pang painting ng Tarragon. Dahil iyon na lang ang alaala niya.

Natigilan siya sa paglapit sa painting nang makitang isang lalaki ang nakatitig doon. She held her breath as she stared at the man. Napakapamilyar ng tindig nito. At dahil naka-side view ay di siya maaring magkamali na kahawig na kahawig ito ng painting na nakalagay sa dingding. Nagbalik nga ba si Andros para sa kanya?

Muntik na niya itong sugurin ng yakap nang tumingin ito sa direksiyon niya at ngumiti. “Yes, Miss?”

“I-I’m sorry,” usal niya at yumuko. Kaboses ito ni Andros pero hindi tulad ng mata nito. Andros’ eyes were vivid violet. The man’s was chocolate brown.

Tumalikod siya at naglakad palayo. Bigo na naman siya. Hindi naman totoo ang mga engkanto. Hindi totoo si Andros. “Miss, nailaglag mo yata!” wika ng lalaki.

“Hindi sa akin…” Natigilan siya nang makitang hawak ng lalaki ang kuwintas ng Luha ng Hari. “Paano mo ito nakuha?”

“Nailaglag mo.”

Nagpapalit-palit ang tingin niya dito at sa kuwintas. “Ikaw ba si…”

“Leandros!” sabi ni Jophet at tinapik ang balikat ng lalaki. “Nakilala mo na pala si Yelena. Siya ang kaibigang artist nila Maureen.”

“It is a pleasure to meet you,” wika nito at hinagkan ang likod ng palad niya. Hindi niya magawang magsalita. Parang ito si Andros na parang hindi. “Gusto ko sanang bumili ng painting mo pero not for sale.”

“It is okay, Leandros,” sabi ni Eden. “Dahil siya ang ka-date mo.”

“Really? Sasama ka sa amin?” nakangiting tanong ni Leandros.

Wala sa sarili siyang tumango. Hindi niya alam kung paano siya nito napapayag. Katulad ba ni Andros si Leandros na may kakaibang mahika?

Ipinilig niya ang ulo. Imposible! Magkaiba ang dalawa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.