“Saan mo nakukuha ang mga idea mo?” tanong ni Leandros habang nakaupo sila sa open cottage na nakaharap sa beach. May resort ang pamilya nito sa Cavite. At habang nasa loob ng entertainment room sila Eden ay nagpahangin naman sila sa tabing-dagat. Pareho kasi nilang gusto ang tahimik na lugar.
“Maniniwala ka ba kung sasabihin ko na galing ako sa mundo ng engkanto? Na ako ang itinakda nilang maging prinsesa. At ang lalaki sa painting kanina ang prinsipe na dapat ay pakakasalan ko?”
Napatitig ito sa kanya. “No joke?”
“Mukha ba akong nagbibiro? At ang kuwintas na napulot mo kanina ang siyang pumili sa akin para maging prinsesa nila.”
Hindi niya alam kung bakit sinasabi niya ang ganoong mga bagay kay Leandros. Dahil ba frustrated siya na hindi ito si Andros? Hindi marunong mag-English si Andros. Hindi na ito basta-basta makakatawid sa mundo ng engkanto.
O baka naiinis lang siya dahil ayaw umamin ni Leandros na ito si Andros. Maraming pagkakahawig ang dalawa. At paano niya ipapaliwanag ang kuwintas?
Uminom ito ng white wine. “Nasaan na ang lalaking sinasabi mo?”
“Back to his mystical castle. He sent me back to the mortal world.”
“Maybe because he loves you.”
Natigagal siya sa sagot nito. “Paano mo nalamang mahal niya ako?”
Tumawa ito nang malakas. “Come on, Yelena. Sinasakyan lang kita. Mabuti pa, bumalik na lang tayo sa loob. Mag-videoke din tayo,” yaya nito.
Hindi siya nakapagtimpi. “Bakit ka umiiwas? Ikaw si Andros, di ba? Bumalik ka para sa akin. Dahil gusto mo akong makita. Bakit aalis ka na?”
Kinuyom nito ang palad at nanatiling nakatalikod sa kanya. “I must go.”
“Huwag mo akong iwan,” pagmamakaawa niya. Ngayong natagpuan niya itong muli, di na niya ito pakakawalan pa. “Isama mo ako.”
Humarap ito sa kanya. Hindi na brown ang mga mata nito at bumalik na sa kulay violet. “Nagpunta ako dito dahil gusto kitang makita. Tingnan kung maayos ang kalagayan mo. Kung bumalik ka na sa normal. Naaalala mo ako kaya dapat kitang iwan. Gusto kong dumating ako at umalis muli sa buhay mo nang walang nababago. Ayoko nang guluhin ka pa.”
“Paano mo nasasabi iyan? Akala mo ganoon kadaling makalimot? Tatlong buwan akong wala sa sarili habang iniisip mo kung totoo ka o imahinasyon ka lang. At kahit burahin mo pa ang alaala ko, mararamdaman ko pa rin ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi nakakalimot ang puso.”
She brushed her lips against him. Kabisado niya ang halik ni Andros. Hindi siya nagkamali dahil sinagot nito ang halik niya. He kissed her like Andros would. A kiss that was mind shattering and could go on forever.
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Kabaliwan ang ginagawa natin. Kapag nanatili pa ako dito, baka hindi na kita iwan pa.”
Niyakap niya ito. “Please stay, Andros. Matagal kong hinihintay ang pagbabalik mo. Can’t you see without you my soul dies?”
Pumikit ito nang mariin at kinintalan ng halik ang mga mata niya. “Sa ngayon, dito muna ako sa tabi mo.”
“AKALA ko wala ka nang kapangyarihan?” tanong ni Yelena kay Andros. Nakaupo sila sa balkonahe ng villa sa tabing-dagat. Sila lang ang tao doon dahil natutulog pa ang mga kasama nila. “At akala ko hindi ka na maaring makalayo sa lagusan kahit na may kapangyarihan ka pa?”
“Hindi ko rin alam kung bakit. Sa halip na mawala ang kapangyarihan ko, mas lumakas pa ito kaysa dati. Nakakalayo ako sa lagusan nang hindi nanghihina. Nagagawa ko na ring magbasa ng isip ng ibang tao at manipulahin ang isip nila. Hindi na rin mahirap sa akin na mag-adapt sa pananalita at pamumuhay nila.”
Napangiti siya. “Kaya pala marunong ka nang mag-English.”
“Iyon naman dapat ang galing sa States, di ba?”
“Naninibago ako sa iyo.” She was not used to see him in modern clothes. Ang magsalita sa pamamaraan niya. Na parang kauri niya ito.
“Kahit nasa mundo ka na ng tao, nararamdaman ko pa rin ang ugnayan natin. Dapat ay naputol iyon nang iwan mo ang kuwintas sa Tarragon. Hindi rin ako nahirapang hanapin ang mga taong may kaugnayan sa iyo.”
“Sandali, paano ka naging pinsan ni Jophet?”
“I manipulated his mind. Sa isip niya at ng lahat ay may pinsan siya na namuhay sa ibang bansa. Na may tulad ko na nabuhay sa mundong ito. Pero imahinasyon lang ang lahat pati ang mga bagay na pag-aari ko. Nakikita, nahahawakan, subalit naglalaho kapag wala na ang kapangyarihan ko.”
Kumuha siya ng toasted bread at nilagyan ng jam. “May kinalaman ba ang paglakas ng kapangyarihan mo sa pananatili ng alaala ko tungkol sa Tarragon?”
Saglit itong natahimik. “Maari. May isang bagay mula sa Tarragon ang naidala mo sa mundong ito.”
“Ano iyon?” Idinampi nito ang palad sa tiyan niya at tinitigan ang mga mata niya. Nagpapalit-palit ang kulay sa mga mata nito. “Ano ang nakikita mo?”
Kumislap ang mga mata nito. “Ang aking anak.”
“Anak mo?”
Ngumiti ito. “Anak natin,” pagtatama nito at niyakap siya. “Nasa sinapupunan mo ang susunod na tagapagmana ng Tarragon.”