Love and Magic Series Chapter 27

Hinawakan niya ang sarili niyang tiyan. “Bakit hindi ko nararamdaman? Saka hindi naman lumalaki ang tiyan ko.”

“Dahil di siya karaniwang nilalang. Nang ipagbuntis ako ng aking inang reyna, hindi rin lumaki ang tiyan niya. Makapangyarihan ang ating anak. Dapat kang bumalik sa Tarragon kasama ko.”

Nakadama siya ng matinding pangamba at niyakap ang sarili. “Hindi ako babalik sa Tarragon hangga’t di ko napapatunayang inosente ako. Hindi ako matatanggap ng mga kauri mo.” Nanlalamig siya tuwing maalala ang mga tingin sa kanya na puno ng pagkasuklam. Na isa siyang kriminal. Hindi niya hahayaan ang kanyang anak na mamulat na kinasusuklaman ang sarili nitong ina.

Hinawakan nito ang balikat niya. “Hindi ka nila sasaktan dahil ikaw ang magiging prinsesa ko. Nasa sinapupunan mo ang susunod na tagapagmana ng kaharian. Hindi kita hahayaang masaktan. Alam mo iyan, di ba?”

Umiling siya. “Hindi iyon! Inosente ako! At hindi ako papayag na tuwing titingin sila sa akin ay kriminal ang tingin nila sa akin. Patutunayan ko na hindi kita pinagtangkaang patayin. Naniniwala ka ba sa akin?”

Niyakap siya nito sa baywang. “Umupo ka muna at ipaliwanag mo sa akin kung ano ang nangyari sa Petronades.”

“Pinainom ako ng alak nila Halcyon. Isang kopita lang iyon kaya imposibleng malasing ako. Pagkaubos noon, nahilo ako. Kaya nagpunta ako sa balkonahe para magpahangin. Tapos umihip nang malakas ang hangin at may narinig akong nagsalita. Hindi ko maintindihan ang sinabi niya. Mula noon, di ko na kontrolado ang kilos at sinasabi ko. Iba ang sinasabi ng isip ko pero iba naman ang ginagawa ng katawan ko. Ayokong patayin ka. Pinipigilan ko ang sarili ko pero hindi ko magawa. Parang iba na ang nagpapatakbo sa katawan ko. Nawala lang kumokontrol sa akin nang dumating sila Halcyon. Tamang-tama lang para pigilan nila akong saktan ka. Pero hindi ko talaga gusto ang mga nangyari.”

Hinawakan nito ang dalawang kamay niya. “May nais magmanipula sa iyo para di matuloy ang kasal natin. Para mawala ka sa Tarragon.”

“Iyon din ang sabi ng oraculo. Pero hindi ko alam kung sino sila.” At paano niya lalabanan ang mga ito kung wala siyang kapangyarihan?

“Hindi ko alam kung paano natin patutunayang inosente ka. Wala tayong anumang patunay na may ibang kumontrol sa iyo. Bulong lang iyon sa hangin. Di iyon tulad ng pagkalason na may bakas ng ebidensiya.”

Saglit siyang nag-isip. “Ang cellphone ko! Ginagamit ko ang video camera nang may bumulong sa akin. Tiyak na naka-record iyon.”

“Dapat nga tayong bumalik sa Tarragon.”

“PRINSIPE Andros, bakit nandito ka sa aking lupain?” tanong ni Elektra nang sadyain nila ito sa lupain ng kidlat. “Ngayon itatakda ang kasal ninyo ni Halcyon.”

“Kay Halcyon?” gulat na usal ni Andros at tumingin sa kanya. “Hindi siya ang pinili ng kuwintas ng Luha ng Hari. At kahit siya pa ang piliin ng kuwintas, hindi ko pa rin siya mamahalin. Isa lang ang gusto kong maging prinsesa-si Yelena.”

Maang na napatingin sa kanya si Elektra. “Pero mahal na prinsipe, pinagtangkaan ka niyang patayin.”

“Kung pahihiramin mo kami ng iyong kapangyarihan, mahal na diwata ng kidlat, mapapatunayan ko sa iyong inosente ako,” sabi niya.

Itinaas nito ang hintuturo at hinipan ang dulo niyon. “Sige. Gagawin ko kung ano ang makakabuti sa lahat.”

Matapos ang ilang sandali ay natapos nang mai-charge ang cellphone niya. “Nandiyan ba ang kailangan natin?” tanong ni Andros sa kanya.

“Hindi nawala ang lahat ng kuha ko dito sa Tarragon.” Para iyong sim card na nananatili ang lahat ng impormasyong naka-save. “Heto!” She played the video clip shot at Petronades. Nakita sa video ang masasayang trabahador ng ubasan. Nang humangin ay nasagap ng video ang bulong. “Naintindihan mo ba?”

Seryoso ang mukha nito. “Ulitin mo ulit.”

She played the video once more. “Pamilyar sa akin ang dasal na iyan,” sabi ni Elektra. “Isa iyang pinagbabawal na dasal. Ginagamit iyan para kontrolin ang isip ng isang nilalang. Nagmimistula siyang puppet na sumusunod lang sa anumang naisin ng kumokontrol sa kanya.”

“Iyon mismo ang nangyari sa akin matapos kong marinig ang bulong,” aniya. Isa pala iyong mind-binding technique.

“Kung ganoon ay inosente ka?” tanong ni Elektra. “Biktima ka lang.”

“Hindi ko kayang pagtangkaing patayin ang lalaking mahal ko.”

“Maraming salamat, Elektra.” Ginagap ni Andros ang kamay niya. “Alam ko na kung sino ang gumawa nito.”

“MAHAL na prinsipe, kanina pa po hinihintay ng mahal na hari at reyna sa bulwagan,” wika ng kawal na sumalubong sa kanila pagbaba ng karwahe.

“Huwag mong tatanggalin ang hood mo. Persona non grata ka pa rin dito. Hindi natin mahuhuli ang salarin kapag ikaw ang naunang nahuli,” bilin ni Andros.

“Masusunod po, Kamahalan,” bulong niya at ngumiti.

Di magkamayaw ang mga tao nang pumasok sila ni Andros sa bulwagan. Tumayo ang hari at reyna nang makita ito. “Prinsipe Andros, saan ka nanggaling?”

“Hinanap ko ang prinsesa ko,” sagot nito.

“Ako ang prinsesa mo,” sabi ni Halcyon at nakangiting lumapit. “Nasa akin na ang kuwintas. Itatakda na ang kasal natin.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.