“Kasal?” Lumayo si Andros dito. “Hindi ikaw ang pinili ng kuwintas o ng puso ko. Dahil hindi totoo ang kuwintas na iyan.”
“Paano mo nasabi iyan, Andros?” tanong ni Haring Demetrius. “Nawawala ang kuwintas sa selyadong kahon. Mangyayari lang iyon kapag nahanap na niya ang susunod na magmamay-ari sa kanya. At napunta iyon kay Halcyon.”
“Ako ang kumuha ng Luha ng Hari sa kahon, Ama. Nasa tunay na nagmamay-ari ang kuwintas. Kay Yelena.” Ilahad ni Andros ang kamay sa direksiyon niya.
Tinanggal niya ang hood at lumapit dito. Di niya pinansin ang takot na bakas sa mukha ng mga nasa paligid. Yumukod siya. “Natutuwa ako na muli kayong makita, mahal na hari at reyna.”
“Bakit ka bumalik?” tanong ni Victorino. “Nasa mundo ka na ng tao.”
“Para patunayan na inosente ako. Hindi ko kailanman pagtatangkaan ang buhay ng lalaking mahal ko,” mariin niyang wika.
“Ano ang iyong patunay na inosente ka? Marami ang nakakita nang muntik mo nang itarak ang patalim sa kanya,” hamon ni Halcyon.
Inilabas niya ang cellphone. “Sa pamamagitan nito.”
“Kalokohan!At bakit ka namin pagkakatiwalaan?”tanong ni Haring Demetrius.
“Bakit hindi muna ninyo siya pakinggan, Amang Hari?”
Nang tumahimik ang lahat ay lumapit siya. “Ito ang nangyari habang ako ay nasa Petronades.” She played the video clip. Napasinghap ang lahat nang marinig ang bulong. “Iyan ang huli kong narinig bago nangyari ang tangka kong pagpatay sa prinsipe. Gusto kong kayo ang magpaliwanag sa akin.”
“Kinontrol ka sa pamamagitan ng ipinagbabawal na kapangyarihan. Ang bulong lang sa hangin. Sinumang makarinig ay kaya na nilang pasunurin sa kanilang nais. Nawawalan nang kakayahan ang biktima sa pagkontrol sa kanyang sarili,” sagot ni Haring Demetrius. “Isang pamilya lang ang maaring gumamit ng ganyang kapangyarihan. Pero hindi ako ang maaring magpaliwanag sa iyo.” Tumingin ito sa direksiyon ng mag-amang Halcyon at Victorino. “Nais ba ninyong ipaliwanag sa akin kung paanong nagamit pa rin ang kapangyarihang ito?”
Namutla si Victorino at biglang nawala ang kayabangan. “Mahal na hari, ginawa po namin ng aking anak ang lahat para sa kabutihan ng Tarragon. Ayaw po namin tuluyan itong mawasak sa pamamahala ng isang tao.”
“Dahil kayo mismo ang gustong mamamahala dito,” dugtong ni Andros. “Nabigo ang plano ninyo na ipakasal ako kay Halcyon. At nang may pagkakataon ay nagawan ninyo ng paraan para mawala sa landas ninyo si Yelena.”
“Hindi ginagamit ang kapangyarihan sa panlilinlang at sa pagpapahamak ng iba,” wika ni Reyna Odessa. “Nakalimutan na ba ninyo?”
“Hindi ito maari!” sigaw ni Halcyon. “Paano ang kasal namin ni Andros?”
“Walang mangyayaring kasalan kailanman dahil si Yelena ang mahal ko!” mariing wika ni Andros.
Nanlisik ang mata ni Halcyon. “Hindi! Inagaw niya sa akin ang lahat. Ang lalaking minahal ko mula pagbata at ang pagiging prinsesa! Kung hindi magiging akin ang lahat, dapat lang na maglaho siya!”
Itinaas ni Halcyon ang kamay at lumabas ang apoy sa palad nito. Natigagal siya nang patungo sa kanya ang lumalagablab na apoy. Hindi niya alam kung paano iyon maiiwasan. “Yelena!” sigaw ni Andros at sa isang iglap ay nasa harap niya ito.
Niyakap siya nito. Hindi nito suot ang kapa na siyang nagsisilbi nitong pananggalang. Pati ito ay matutupok ng apoy.
Subalit hindi sigaw nila ang pumailanlang sa bulwagan kundi ang sigaw ni Halcyon. “A-Anong nangyari?” tanong niya.
“Ginamit ng anak natin ang kapangyarihan niya para protektahan tayo.”
“Anong nangyari?” tanong ni Halcyon. Nasaktan ito subalit hindi malubha. “Kahit si Andros ay di kayang protektahan ang sarili niya mula sa kapangyarihan ko.”
“Mas makapangyarihan ang tagapagmana ng Tarragon. At nabubuhay siya sa sinapupunan ni Yelena, ang tunay na prinsesa,” wika ni Andros.
Humagulgol ng iyak si Halcyon. “Bakit hindi mo ako kayang mahalin?”
“Hindi ko rin alam, Halcyon,” sabi ni Andros at tinalikuran ito. “Sinusunod ko lang kung ano ang sinasabi ng puso ko.”
“Victorino, Halcyon, alam ninyo ang kaparusahan sa inyong ginawa. Ilang beses ninyong pinagtangkaan ang buhay ng prinsesa at prinsipe, maging ang buhay ng susunod na tagapagmana ng Tarragon.” Nang ikumpas ni Haring Demetrius ang kamay ay bumukas ang lagusan patungong Hades.
“Sandali po! Mas gusto ko pong patawarin sila kaysa dalhin sila sa Hades,” apela niya. “Naging masama sila subalit may pag-asa pa silang magbago,pagbayaran ang kanilang kasalanan sa ibang lugar. Iyong di na nila tayo magagambala pa. Kung dadating ang panahon na hahatulan sila, si Bathala na ang bahala sa kanila.”
“Sumasang-ayon din po ako,” segunda ni Andros.
“Masusunod ang inyong nais. Victorino, Halcyon, dadalhin kayo sa labas ng Lupain ng Tarragon,” deklara ng hari. “Hindi na kayo maaring pumasok pa dito kahit kailan. Anuman ang mangyari ay si Bathala na ang bahala sa inyo.”
Inakay ng mga kawal ang dalawa palabas. Kasunod niyon ang masayang pagbubunyi ng mga mamayan ng Tarragon. “Mabuhay si Prinsesa Yelena! Mabuhay si Prinsipe Andros!”
“Tatlong araw mula ngayon ay ang kanilang kasal,” anunsiyo ng hari.
EPILOGUE
“Mhykiel, come here!” utos ni Yelena sa isaang taong gulang na anak na naglalaro sa garden at binubungkal ang Bermuda grass. Nasa bahay sila kung saan siya lumaki. Doon sila tumutuloy na mag-anak kapag nasa Manila.
“Ang cute talaga ng baby mo. Hanggang ngayon kasi ayaw pa rin akong alukin ng kasal ni Jhopet. Gusto pa ring magpayaman,” reklamo ni Maureen.
“Basta ako malapit nang ikasal!” pagmamalaki ni Eden at ipinagwagwagan ang daliri na may suot na engagement ring. Isang doktor ang fiancé nito. “Tiyakin mo lang na pupunta ka sa kasal mo. Lagi ka kasing nakakulong sa hacienda mo.”
Hacienda ang tawag ng mga ito sa Tarragon. Pero kahit kailan ay hindi pa nakakapunta ang mga ito doon. Ang alam ng mga kaibigan niya ay nakatira silang mag-anak sa isang malawak na lupain sa Palawan.
“Galing lang kayo sa States kahapon, aalis na kayo agad?” anang si Maureen.
“Magkikita pa naman tayo next month, di ba? Hindi kami maaring magtagal dito dahil maraming inaasikaso si Leandros.”
Maraming batas ang naipatupad sa Tarragon. Bagamat di pa hari si Andros ay malaki ang nagging impluwensiya nito lalo na pagdating sa pakikipagkasundo ng Tarragon sa mga kaharian na dati nitong nakadigma. Nagnakaw lang sila ng panahon para dalawin ang mga kaibigan niya sa mundo ng tao.
“Tita, flowers!” sabi ni Mhykiel. Sa isang iglap ay may rosas na ito sa kamay at inabot kay Maureen.
Nanlaki ang mata ng dalawa.“How did he do that?”manghang tanong ni Eden.
“Magic,” sagot niya at hinawakan agad ang kamay ni Mhykiel bago pa ito may gawing bagong kababalaghan. “Leandros taught him a trick.”
“Wow! Gifted child!” sabi ni Maureen at ginulo ang buhok nito. “Thank you!”
Nang makaalis ang dalawa ay kinausap agad niya si Andros. “Pagsabihan mo itong anak mo. Nag-magic sa harap nila Eden. Sinabing flower tapos biglang nagkaroon ng bulaklak. Nagpalusot tuloy ako.”
Dahil kay Mhykiel ay malaya na silang mag-anak na magpabalik-balik sa mundo ng tao at engkanto. Sa murang edad ay nagagawa nang gamitin ni Mhykiel ang kapangyarihan nito. Nakakatuwa dahil kakaiba ang kanyang anak. Nakaka-nerbiyos lang kapag wala sa lugar nito kung gamitin.
“Then I’ll teach him how to erase memory so that nobody would find out.”
Leandros ito kapag nasa lupain sila ng tao. May sarili na rin itong bahagi sa mundo ng tao. Pero ang tunay nilang tahanan ay ang Tarragon. Paminsan-minsan ay nagpapasa pa rin siya ng mga painting sa gallery ni Mimosa. Hindi kasi niya maiwan ang hilig sa pagpipinta. Sa pagkakataong ito, tungkol sa pagsagip sa kalikasan ang ipinipinta niya. Dapat pangalagaan ng tao ang kalikasan dahil anumang mangyari sa mundo ay makaka-apekto sa mga engkanto.
“No! Turuan mo siya kung paano kokontrolin ang kapangyarihan niya! Lalo na sa mundong ito. Di niya malayang magagamit ang kapangyarihan niya.”
Kinintalan siya nito ng halik sa labi. “You worry too much. Hayaan mo siyang matuto ng sarili niyang leksiyon habang bata pa.”
“Mama, horse!” nanghahaba ang ngusong wika ni Mhykiel at itinuro ang puting kabayong may pakpak na kalalapag pa lang sa bakuran nila.
Kinalong ni Andros si Mhykiel. “It is time to go home.”
Nakangiti siyang yumakap sa baywang ni Andros. Uuwi na sila sa Tarragon, ang tunay nilang tahanan.