Malakas ang ihip ng hangin at ang hampas ng alon sa dagat. Sa dalampasigan ay nakita ni Aricka ang isang magandang babae. Mahaba ang pula nitong buhok at nakasuot ng silver na gown.
Muling umihip ang malakas na hangin at tumingala siya sa kalangitan. Hindi isang buwan ang sumisikat kundi dalawa. Ang ikalawang buwan ay kulay pula na nagsasabog ng kulay na dugo sa kalangitan. Maging ang malawak na dagat ay nagmistulang kulay dugo. Parang nagbabadya ng isang masamang pangyayari.
Maya maya pa ay may bangka na dumaong sa dalampasigan. Bumaba ang dalawang lalaki. Ang isa ay nakasuot ng katutubong damit. Subalit mas nagulat siya nang makita ang isa. Si Kraven. Nakasuot ito ng itim na pantalon at camiso de chino. Ang kaibahan lang nito kay Kraven ay mahaba ang buhok nito.
“Kraven? Bakit ka nandito?”
Gumuhit ang ngiti sa labi ng babae sa dalampasigan. “Inaasahan ko ang pagdating mo, Victor. Sasama ka na ba sa pagbalik ko sa aking mundo?”
“Hindi mo ako maisasama, Yvanna. Nandito ako para bawiin si Graciella,” ang sabi ng kamukha ni Kraven na si Victor.
“Ang babaeng iyon?” Humalakhak si Yvanna. “Walang kahirap-hirap ko siyang naikulong.” Isang babae ang nakasalampak sa dalampasigan. Nang tinangka nitong gumalaw ay isang malaking bola ng kuryente ang bumalot sa paligid nito. Wala itong ginawa kundi umiyak na lang. Hinaplos ni Yvanna ang mukha ni Victor. “Tayong dalawa na ang magkakasama. Wala na siya kaya ako na ang mamahalin mo.”
Itinulak ni Victor si Yvanna. “Hindi iyon mangyayari kahit kailan.”
Bumadha ang pagkagulat sa mukha ni Yvanna na napalitan ng galit. “Isinakripisyo ko ang lahat para makapunta sa mundong ito. Kaya hindi ako papayag na umalis dito nang wala ka.” Itinaas ni Yvanna ang kamay at kulay pulang liwanag ang lumabas sa kamay nito. “Sa akin ka, Victor!”
Mabilis na humarang ang lalaking nakasuot ng katutubong kasuotan. May hawak itong salamin at doon tumama ang pulang liwanag.
Napasigaw si Yvanna dahil ito ang tinamaan ng ilaw at naglaho. “Nasaan siya?” tanong ni Victor.
“Naikulong ko na siya sa salamin at di na makakawala pa.”
“Salamat, Ibalag,” sabi ni Victor. Dinaluhan nito si Graciella na nakawala na sa salamin na may kuryente na nagkukulong dito. “Umalis na tayo.”
“Huwag mo akong iwan, Victor!” sigaw ni Yvanna. “Mahal kita!”
“Tumahimik ka, tennyo!” wika ni Ibalag. “Ibabalik namin si Graciella at ikaw ang mabubulok sa salamin. Hindi mo kailanman magagamit ang kapangyarihan mo o makakaalis pa sa mundong ito.”
“Huwag mo akong iwan, Victor!” sigaw ni Yvanna. “Mahal na mahal kita! Pakawalan mo ako dito. Magiging maligaya rin tayong dalawa.”
“Hindi kita mahal,” mariing wika ni Victor na buhat si Graciella. “Habambuhay ka na sa salaming iyan. Hindi mo na kami masasaktan pa kahit kailan.”
“Nagkakamali ka! Hindi ako habambuhay na mananatili sa salaming ito. Hindi rin habambuhay ang kaligayahan mo. Dahil isandaang beses kitang pasasakitan. Ikaw at ang lahat ng mga mahal mo sa buhay. At sa muling pagsikat ng pulang buwan, maibabalik ko ang kapangyarihan ko. Gagamitin kong lakas ang lahat ng sakit na idudulot ko sa iyo. Maglalaho lang ang sakit kung babalik ka sa akin, Victor. Kung mamahalin mo ako.”
Umuga ang lupa at unti-unting lumubog ang isla. Mabilis na tinungo nina Victor ang Ibalag ang bangka. Subalit hindi nakatakas sa mga ito ang sumpa ni Yvanna bago lumubog ang isla. “Magbabalik ako!”
HUMIHINGAL na bumangon si Aricka. Dali-dali siyang bumaba ng kusina para kumuha ng malamig na tubig. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang napanaginipan. Pagdating niya sa kusina ay naroon si Mimosa at may hawak na baso ng tubig.
“What happened, sweetheart?” tanong nito.
“Bakit alam agad ninyo ang kailangan ko?” gulat niyang tanong at inabot ang tubig. Mabilis niya iyong inubos. Hindi pa siya nasiyahan at nagsalin muli ng tubig.
“You are my daughter. I sensed that you were having a bad dream. Kaya naisip ko na ikuha ka agad ng tubig. Care to tell me what happened?”
Mahabang sandali siyang hindi nakapagsalita. Masasabi ba niya dito kung ano ang panaginip niya? Sa huli ay umiling siya. “Hindi ko na po matandaan.”
Matagal siya nitong tinitigan. Parang tinitiyak kung nagsasabi nga siya ng totoo. Pagkuwan ay ngumiti ito at hinaplos ang buhok niya. “Okay. Magpahinga ka na. Alas dos pa lang ng madaling araw.”
Ano ang ibig sabihin ng panaginip niya? Sino sina Yvanna at Victor? Ano ang mayroon sa dalawang buwan? Bakit may pulang buwan?
Tumingin siya sa labas ng bintana. Parang nangangamba siya na makita doon ang pulang buwan. Subalit isang buwan lamang ang nakatanglaw sa kalangitan.
Silly. There was no such thing as a red moon on Earth, nangingiti niyang usal sa sarili. Kaya lang kakaiba ang panaginip ay dahil panaginip nga. Hindi magiging totoo. Dapat na nga siguro niyang kalimutan ang panaginip niya.
“SINO ang mas bagay na escort sa debut ko? Si Jasper o si Tristan?” tanong ni Faith habang nakadapa sa kama at nanonood ng TV sa kuwarto nito. Pinaplano nila ang debut nito. Sinukuan na kasi ito ng ibang kaibigan pagdating sa pagpaplano dahil pabago-bago ito ng isip. Kaya pati invitation nito ay hindi pa mai-distribute.
Nilingon niya ito. “Last time, nag-decide ka na na si Tristan ang pipiliin mo.”
“Oo. Pero nagkita kami ni Jasper kahapon. He returned from Boston just for me. Gusto daw niyang siya ang maging escort ko. Grade six pa lang ako, crush ko na siya. At hindi niya ako pinapansin dati…”
“Point taken. But how about Tristan? He is your first love,” paalala niya dito.
“Correction! He is not my first love. Rico is.”
“And who the hell is Rico?”
“Iyong kapitbahay natin dati. Kalaro natin sa piko na laging taya. Actually, natataya lang siya dahil inaako niya ang penalty ko. Isn’t he sweet?”
Itinirik niya ang mata. “Whatever! Just decide whether it is Jasper or Tristan.”
“Help me decide! I don’t know who to choose.” Tumingala ito at niyakap ang sarili. “Hindi ko naman na ito ang magiging problema ko dahil sa kagandahan ko.”
Tumayo siya at isinuot ang sandals. “Hindi ako ang magde-debut kundi ikaw. It would be better if you’d have your brother as your escort. O kaya isa na lang sa mga pinsan mo.”
“They bunch of killjoys! Lalo na si Kuya Kraven. Wala siyang palalapitin na boys sa akin. Lalong masisira ang birthday ko. Paano ako maliligawan?” reklamo nito. Masyadong overprotective si Kraven dito. Palibhasa ay nag-iisang babae sa pamilya. Pero lagi namang sunod sa layaw si Faith.
“Then decide now. Kung hindi ako mismo ang magsa-suggest sa Kuya Kraven mo na siya na lang ang gawing escort mo.”
Nag-ring ang cellphone nito. Nagtitili ito nang mabasa kung sino ang caller. “Gosh! It’s Rico!”