“Let me guess. Makikiusap din siya na siya na lang ang gawin mong escort sa debut mo,” maasim ang ngiti niyang sabi.
Pero sa halip na mamoroblema ay lalo pang lumapad ang ngiti ni Faith. “I think so!” anito at bumaba sa kama.
“If that’s the case, I’d rather go home.” Dahil wala silang mapag-uusapang matino kung madadagdagan na naman ang choice nito sa escort. “Tawagan mo na lang ako kapag makakapag-decide ka na nang maayos.”
“Aricka, wait!” Pero kinawayan lang niya ito at nagpatuloy sa paglabas ng kuwarto. Gusto niyang bumalik na sa pagre-review. Malapit na siyang pumasok sa review school pero ayaw niyang masyadong dumepende doon. Kailangan niyang mag-concentrate dahil ilang araw na siyang ginugulo ng weird niyang panaginip.
“Aricka! Aricka!” tawag sa kanya ng isang malambing na boses ng babae.
Sa isang iglap ay nawala siya sa bahay ni Faith. Parang nasa loob siya ng isang planetarium at napapalibutan ng libo-libong mga bituin. At nakaangat ang mga paa niya. Parang lumulutang siya sa kalawakan. “Sino ka?” tanong niya. Ngunit walang sumagot kanya. Hindi na rin siya lumulutang at naglaho ang kalawakan. Napasigaw siya nang makita niyang pabagsak siya sa hagdan. Napapikit siya. Hindi niya alam kung paano pipigilan ang pagbagsak.
“Hey!” anang boses ng lalaki at naramdaman ang matipunong bisig na sumalo sa kanya. Nang idilat niya ang mga mata ay ang mukha ni Kraven na puno ng pagtataka ang bumuglaw sa kanya.
“K-Kraven?” Nagulat siya nang makitang kalong siya nito. Nagpumiglas siya. “Bakit mo ako kalong?”
“Are you sleepwalking or daydreaming?” anito at dahan-dahan siyang ibinaba sa sahig. “You just tripped off the stair. Are you okay?”
Nasapo niya ang noo. “I… I felt a bit dizzy.”
“Pinahihirapan ka bang mag-isip ni Faith?”
Tumango agad siya. “Yeah… right! Hindi kasi siya makapagdesisyon kung sino ang pipiliin niyang escort. Sabi ko saka na kami mag-usap pag nag-decide na siya.”
Hinimas nito ang sariling pisngi habang pinagmamasdan siya. “Iyon ba talaga ang dahilan? O baka naman sinadya mo na magpatihulog sa hagdan?”
Nanlaki ang mga mata niya. “You mean that I deliberately threw off myself? And why would I do that?”
“Nang makita mo ako, nawala ka na lang sa sarili mo.” Ngumisi ito. “O baka nang makita mo ako, sinadya mong magpatihulog para magpapansin sa akin.”
Hinampas niya ito sa dibdib. “Hoy! Huwag ka ngang ambisyoso.”
“Come on, admit it! You were thinking of me. Tuwing malapit ako sa iyo, lagi ka na lang tulala dahil ako ang laman ng isip mo.”
Tinakpan niya ng mga palad ang dalawang tainga. “I don’t want to hear about this. I am not thinking of you. Goodbye!” aniya at nagmamadaling bumaba ng hagdan. Dahil kapag nagtagal pa siya sa lugar na iyon, baka sumabog na lang ang utak niya. Hindi niya matitiis ang pambubuska nito.
“Dream of me tonight, Aricka,” malambing nitong wika.
Natigil siya sa pagbaba ng hagdan at napalingon dito. Naalala niyang bigla ang panaginip niya. Ang lalaking kamukha nito na si Victor.
“Kraven, nakapagpahaba ka na ba ng buhok?”
Hinawakan nito ng sariling ulo. “Nope! Not yet. Bakit mo naman naitanong?”
She shrugged her shoulders. “Wala lang.”
“Sabi na nga ba! Aamin ka rin na pinapangarap mo ako. Gusto mo sigurong magpahaba ako ng buhok para guwapo ako sa paningin mo, no?”
“Hindi, no?” tanggi agad niya. “Baduy ka kayang tingnan kapag mahaba ang buhok mo. Magmumukha kang luma. Parang noong unang panahon.”
Biglang kumunot ang noo nito. “Paano mo naman natiyak na baduy?”
“Wala lang. Naisip ko lang.”
“You sure are weird. Mukhang in love ka nga sa akin. Ngayon mo lang pinakialaman ang ayos ko.”
“Ganoon ba? Sige, aalis na ako!” Baka mamaya ay tanungin pa niya ito kung may naging girlfriend na itong Yvanna ay lalo pa itong mag-freak out.
Ano ba ang problema niya? Pati si Kraven ay idinadamay niya sa panaginip niya samantalang imposible naman iyong mangyari. Siguro naman ngayon ay titigilan na niya ang pag-isip kay Victor o kay Yvanna o sa pulang buwan. It was all a product of her dream. Wala naman iyong basehan.
“Aricka, I’m glad you are still here!” sabi ni Faith na hangos na lumabas sa kuwarto. “Susunduin sana kita sa inyo.”
“Hey, bakit parang hinahabol ka ng sampung kabayo?” tanong ni Kraven.
Hinalikan nito ang kapatid sa pisngi. “Nakapili na ako ng escort!”
“At last! Who is the lucky guy?” tanong niya.
“Rico!” anunsiyo niya. “Mas cute na siya ang maging escort ko.”
“Rico? Iyong bata na six years old ka pa lang, nililigawan ka na?” nanlalaki ang matang tanong ni Kraven.
“I’m glad that you remember him, brother!” sabi ni Faith at tinapik sa pisngi si Kraven. Pagkuwan ay hinatak nito ang kamay niya. “Kaya papasok na kami ni Aricka sa kuwarto ko. We have to decide on the eighteen roses and my gown.”
“You haven’t decided on that one either?” Nasapo ni Kraven ang noo. “Oh, boy! Susukuan ka ng mga designer mo. Bilisan mong mag-decide. Baka dumating ang party mo nang dahon ang suot mo.”
“I know that you won’t let it happen, brother!” anang si Faith at kumindat.
“Well, see you around, Aricka dear!” nanunuksong sabi ni Kraven. “Huwag mo na akong masyadong iisipin para hindi ka malalaglag sa hagdan. I might not be there at all times to catch you when you fall.”
“Shut up, Kraven!” ngitngit niya at nagkulong sa kuwarto ni Faith. Hindi na niya maipinta ang mukha niya sa sobrang inis.
“I think my brother likes you,” Faith teased.
“Of course not! I am not his type and he is not my type either.”
Itinirik nito ang mga mata. “Ano ba talaga ang type mo na guy? Hanggang ngayon wala ka pa ring sinasabi na nagkaroon ka ng boyfriend or crush.”
“Wala pa sa isip ko iyan. I have a promising career. Makukuha ko iyon oras na maging CPA na ako. Ayoko munang isipin ang mga lalaki.” At hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya nalalaman kung sino talaga siya.
“Sige ka, baka tumandang dalaga ka.”
“Let’s focus on your debut first. Anong design ba ng gown ang gusto mo?” aniya at binuklat ang mga sketches ng gown na pinagpipilian nito.
“Well, this tube dress looks great. And fuchsia is my color so…”
“Mars, the Red Planet, is about to be spectacular. Earth is catching up with Mars in an encounter that will culminate in the closest approach between the two planets in recorded history.”
Napalingon siya sa TV. Itinaas niya ang kamay. “Faith, wait.”
Ipinagpatuloy niya ang pakikinig sa news report. “The encounter will culminate on August 27. Mars will look as large as the full Moon to the naked eye. The next time Mars may come this close is in 2287. No one alive today will ever see this again.”