Love and Magic Series Chapter 38

Hindi maipinta ang mukha ni Aricka habang nakatingin kay Kraven. Masaya itong nakikipagtawanan habang kasayaw ang isa sa mga bisita sa debut ni Faith. Inubos na lang niya ang white wine sa kopita upang doon ibuhos ang inis.

“Ayaw niyang makasakit. Ayaw niyang may ma-in love sa kanya. Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Hindi ba nakikipag-flirt siya sa ibang babae?”

Bakit ba naniniwala siya sa kalokohan ni Kraven? At bakit siya nagmamaktol na parang nagseselos siya. Samantalang hindi naman siya nagseselos. Wala naman siyang gusto dito. Pero naiinis talaga siya.

“Hey, aren’t you enjoying my party?” tanong ni Faith nang lapitan siya.

“You know how much I don’t like parties. Nagpunta lang ako dito dahil sa iyo,” paliwanag niya. At lalo pa siyang nainis dahil sa nakita niya kay Kraven.

“Daig ka pa ni Tita Mimi.” Inginuso nito ang mommy niya na masayang kausap ang isa sa mga art collectors na patron nito sa gallery. “She’s enjoying the night. Ikaw lang ang hindi nag-e-enjoy dito.”

Tiningala niya ito at nginitian. “Don’t mind me, Faith. Ikaw ang dapat na mag-enjoy sa birthday mo. I can take care of myself.”

“Ikaw ang bahala,” wika nito at lumipat na sa ibang mga bisita.

She let out a breath. She felt so alone despite of the crowd. Binitbit niya ang kopita ng alak at pasimpleng tumalilis palayo sa party. Pumunta siya likuran ng bahay ng mga Hernandez. Bahagi pa rin iyon ng garden pero walang tao. Hindi kasi naiilawan ang bahaging iyon. Pero sa tulong ng buwan ay nakita niya ang dadaanan.

Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa bench. Napapatda siya nang magliwanag ang paligid. Luminga siya ngunit wala namang bumukas na ilaw. At nanggagaling ang liwanag sa kakaibang insekto na nakadapo sa mga bulaklak. Hindi naman alitaptap ang mga ito. Mukha itong mga paru-paro na metallic ang kulay.

Tangka niyang hahawakan ang isa nang lumipad iyon. Sinundan niya ang direksiyon ng paru-paro at dumapo ito sa nakalahad na palad ng isang babae na nakaupo sa bench. Pink ang mahaba nitong buhok. Isang kakaibang nilalang.

“Nagugustuhan mo ba ang nakikita mo?” tanong ng babae. “Ganito ang makikita mo kapag nasa planetang Rojo ka.”

“Rojo? Anong planetang Rojo ang sinasabi mo?”

Itinaas ng babae ang kamay at lumipad ang mga paru-paro. Sa isang iglap ay nag-iba ang paligid niya. Nakita niya ang sarilli na lumulutang sa kalawakan. At sa harap niya ay ang pulang planeta. Ang Mars.

“S-Sino ka?” tanong niya sa babae. “Katulad ka rin ba ni Yvanna?”

“Sino ako?” Ngumiti ang babae at lumipad palapit sa kanya. “Ikaw at ako ay iisa.” Itinaas nito ang kaliwang kamay at kasabay iyong tumaas ang kanan niya kahit na hindi naman niya itinataas. Kumiling ang ulo nito sa kanan at sa kanya naman ay sa kaliwa. Ngumiti ito at awtomatiko siyang ngumiti. Parang nakaharap siya sa salamin. “Nakita mo na? Iisa lang tayo.”

“A-Anong ginagawa mo sa akin? Is this some kind of magic?”

“Tingnan mo akong mabuti? Pakiramdaman mo kung sino talaga ako,” utos nito at tumitig siya sa kulay violet nitong mga mata. Sa halip na makita ang sariling repleksiyon sa mga mata nito ay ito ang nakita niya.

Wala siyang nararamdamang takot dito. Magaan pa nga ang loob niya dito na parang matagal na niya itong kakilala kahit noon lang niya ito nakita. Pero imposible ang sinasabi nito na iisa lang silang dalawa.

“P-Paanong nangyari iyon?” naguguluhan niyang tanong.

“Dahil ako ang totoong ikaw.”

Umiling siya. “Hindi talaga kita maintindihan!” nasapo niya ang noo. “Oh, this is crazy! Maniniwala ako na galing ka sa planetang iyan. Pero hindi ako naniniwala na diyan din ako nanggaling. Tao ako!”

Hinaplos nito ang mukha niya. “Malapit mo na akong maintindihan. Dahil ngayong gabi ang simula ng wakas.”

“Aricka!” Napakurap siya nang marinig ang boses ni Kraven. naglaho ang kalawakan, ang mga bulaklak at paru-paro, maging ang babaeng kausap niya. Wala siyang maaninag na kahit isang bakas nito. Imahinasyon lang ba niya ito?

“What are you doing here?” nakakunot ang noong tanong ni Kraven. “Bored ka na siguro sa party.”

“Sort of. Ayoko naman talaga sa maingay at mataong lugar. How about you? Don’t tell me the party also bores you?” Sa dami ng female companion nito, tiyak na hinding-hindi ito mabo-bore.

“Sinundan kita. I want to dance with you.”

Nagsalubong ang kilay niya at tiningnan ito nang matiim. “Iyong totoo?” Bakit naman siya nito isasayaw samantalang babae na ang nag-aalok ditong magsayaw.

Tumingala ito. “Okay. Tinatakasan ko sila.”

“Ano na naman ang kasalanan mo? Galing mo kasing mambola.”

“Dear Aricka, those women want my blood. Gusto nilang yayain ako ng kasal. At hindi nila matanggap na ayoko na sa kanila.”

Naiiling niyang tinapik ang mukha nito. “Poor handsome Kraven. They are making it so hard for you to keep your bachelorhood, hmmm? Sinisimulan mo na sigurong isumpa ang kaguwapuhan mo.”

Inakbayan siya nito. “At least when I am with you, I am safe.”

Siniko niya ito. “Anong safe?”

Funny. While he felt safe towards her, he made her feel safe and unsafe at the same time. Ligtas siya kapag kasama ito dahil kaya siya nitong ipagtanggol. But now that they were alone, she felt threatened. Her senses were working overtime. She could smell his cologne, giving her chills. At kaunting dikit lang nito sa kanya ay hindi na siya makahinga. Ano ba ang ginagawa nito sa kanya?

At sasabihin nito na safe ang pakiramdam nito kapag kasama siya? That was crazy! Isang parusa sa kanya kapag malapit ito sa kanya. Mabuti na lang at nag-iisip siya ng tuwid. Kung hindi ay baka matulad siya sa mga babaeng nababaliw dito. But she knew better. Kraven was not her type.

Huminga ito nang malalim. “What is that smell?”

“What smell?” tanong niya. Baka mamaya ay pinagti-trip-an na naman siya nito. At sabihin na mabaho siya. Babatukan talaga niya ito.

“Scent of flowers.”

“Natural, garden ito. Maraming bulaklak.”

“No. Familiar sa akin ang amoy na iyon. Pero natitiyak ko na hindi iyon dito sa garden ni Mama.” Inilapit nito ang mukha sa buhok niya. “It must be your perfume.”

She rolled her eyes. “Hay, naku! Pati ako idinadaan mo sa pambobola mo. Fruity kaya ang scent ng cologne ko. Hindi bulaklak.” Madalas pa nga siyang biruin ni Faith na amoy melon ang cologne niya.

“Weird. Naamoy ko lang ang bulaklak na iyon sa panaginip ko. It was a flower which I haven’t seen before. At sa panaginip ko, may babae na ganoon din ang amoy. Hindi kaya ikaw ang babeang iyon?”

“Hay, naku! Mag-isa kang managinip dito! Babalik na lang ako sa party.”

Akala niya ay siya lang ang malala ang topak. Mas malala pala ito sa kanya. Ayaw na niyang marinig pa ang mga kalokohan nito. Sisirain lang nito ang gabi niya. Lalo na’t malapit na siyang magpatingin sa psychiatrist dahil kung anu-ano na ang nakikita niya. Baka mamaya ay maniwala pa siya na isa nga siyang alien.

“Hey, sasabay na ako sa iyo!” sabi nito.

“Naku, huwag ka ngang makalapit-lapit sa akin. Baka akalain pa ng mga tao na ako ang bagong nauto mo,” pagtataboy niya dito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.