Love and Magic Series Chapter 4

Bitbit ang canvass bag ay tinalunton niya ang daan. Sa tulong ng kaunting liwanag ay napansin niya ang naggagandahang mga ligaw na bulaklak na nakasabit sa mga puno. Hindi niya napansin ang mga iyon kanina nang papunta siya. Babalik siya bukas para iyon naman ang ipinta.

Ilang minuto pa at nasa harap na siya ng malaking puno ng narra na nasa gitna ng kagubatan. Iyon ang palatandaan niya na malapit na siya sa bungad ng gubat. “Sa wakas, makakapagpahinga na rin ako.”

Subalit nakailang minuto na siya nang paglalakad ay hindi pa rin niya matagpuan ang daan. At sa labis niyang pagtataka, paulit-ulit siyang bumabalik sa malaking punong narra. “Nagkamali yata ako ng daan,” usal niya. Nagdadalawang-isip siya tutuntunin ang dating daan o hahanap ng bago.

Inilabas niya ang cellphone. Magpapasundo siya kina Eden. Pero empty battery siya. Ni ayaw ngang bumukas. Samantalang full battery iyon nang umalis siya sa bahay kanina. Maya maya pa ay di na rin gumagana ang flashlight niya.

Tumayo siya nang marinig ang malakas na halakhakan. Boses iyon ng lalaki. At may isa pang trail sa kabila ng puno. Bakit hindi niya iyon napansin? Siguro ay pwede siyang magtanong sa mga taong iyon kung saan ang tamang daan.

Nakarinig siya ng lagaslas ng tubig. Hindi nabanggit ni Eden na may batis doon. Napansin niya na naiilawan ng sulo ang trail. Maingat niya iyong tinalunton. Patungo marahil iyon sa batis.

Sumilip siya sa malalaking puting bato upang tingnan kung sino ang mga tao. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang tatlong kalalakihan ang naliligo. She felt relieved when she saw Andros. Tatawagin sana niya ito subalit wala itong saplot sa katawan ang mga ito. Mabilis siyang nagtago sa bato. Napalunok siya at sapo ang dibdib upang patigilin ang puso niya sa mabilis na pagtibok. Mamaya na lang siguro niya ito tatawagin kapag tapos na itong maligo.

Isa pa, sasabihin na rin niya dito na nasa kanya ang nawawala nitong kuwintas. Magpapahatid siya sa bahay para ibigay dito ang kuwintas. But she wished that he would finish bathing soon. She wanted to go home.

Bakit hindi mo silipin kung tapos na siya? Tuksong tanong ng isip niya.

Hindi naman siya maninilip. Kung may makita man siyang hindi niya dapat makita, hindi niya kasalanan iyon. Saka ilang nude models na ang naipinta at nagawan niya ng sculpture. Andros wouldn’t be any different.

Unti-unti siyang sumilip mula sa pinagtataguang bato. Subalit bago pa niya makita kung nakaahon na ito sa ilog ay isang malamig na bagay ang dumapo sa leeg niya. Napalunok siya nang makitang isang malaking lalaki na parang higante at puro balbas ang mukha ang may hawak ng isang malaking palakol.

“Anong ginagawa mo dito?”

Itinaas niya ang dalawang kamay. “Magpapaliwanag po ako.”

Subalit bago pa siya makapangatwiran ay isang malaking kamay ang kumumpas sa kanyang mukha at unti-unti siyang nawalan ng malay.

UNTI-UNTING nagising si Yelena. Sumakit ang likod niya dahil sa pagkakahiga sa higaang gawa sa kininis na bato. Madilim ang silid. Hindi niya alam kung paano siya napunta doon. Ang natatandaan lang niya ay nakita niyang naliligo sa batis si Andros at isang malaking lalaki ang nakahuli sa kanya. Pagkatapos ay nakatulog na siya. Nararamdaman niyang walang masamang nangyari sa kanya. Pero ano ang ginagawa niya sa madilim na lugar na iyon? Nasaan siya?

Bumukas ang pinto at dalawang lalaking nakasuot ng kakatwang damit ang kumuha sa kanya. Nakasuot ang mga ito ng damit na mukhang galing sa Medieval era. Nakasuot ang mga ito ng brown leather na damit. May baluti ang ulo, dibdib, braso at binti. May dala pang sibat ang mga ito. Ano ba ang nangyayari?

“Bumangon ka!” utos ng mas malaki sa dalawa.

“Ano po ang kailangan ninyo sa akin?”

“Nahuli ka sa aming teritoryo. Sa lugar na sagrado para sa aming prinsipe.”

“Pero wala po akong ginawang masama.”

“Sabihin mo iyan sa mga inquisidores!”

Nagkaroon siya ng pag-asa. “Kung mapapatunayan ko pong inosente ako, pauuwiin na po ba ninyo ako?”

Kinuha ng mas maliit sa dalawa ang mga kamay niya at tinalian iyon ng baging. “Mukhang imposible na iyon dahil malakas ang ebidensiya laban sa iyo.”

“Po? Pero wala po akong kasalanan!” Nagpumiglas siya. Hindi siya kailangang tratuhin na parang kriminal. Subalit unti-unting humihigpit ang baging sa kamay niya. “Anong nangyayari?”

“Lalo iyang hihigpit kapag nanlaban ka. At kung tatangkain mong tumakas, kayang putulin niyan ang kamay mo at iba pang bahagi ng katawan mo dahil gawa iyan sa halamang trucilla.”

Nanahimik na lang siya. It was no use pleading her freedom to them. Hindi naman inquisidores ang mga ito. Iyon marahil ang mga imbestigador. Idinala siya sa isang silid na gawa sa metal na pinto na may iba’t ibang ukit. Namangha siya sa arkitektura at sining na ginamit doon. Kakaiba. Parang makaluma.

“Nasaang lupalop ba ako?” mahina niyang tanong sa sarili. May ganoon ba kalaking bahay sa gitna ng kagubatan? Bakit hindi nabanggit nila Lola Delilah ang kakatwang lugar at ang mga kakatwang mga tao na ito? Was Andros one of them?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.