Malamlam ang ilaw ng silid. Dalawang lalaki na mukhang respetado ang naroon. Pinaupo siya ng dalawang sumundo sa kanya sa isang upuan na gawa sa bato. Nagulat din siya nang kusang bumagsak ang mahigpit na baging sa kandungan niya. She was free. But not totally free. She was still at the mercy of strangers.
Yumukod ang dalawang kawal at pagkatapos ay lumisan. Ang dalawang lalaki na nasa harap niya ngayon marahil ang mga inquisidores. Bagamat pareho din ang suot nito sa dalawang nauna ay nakasuot ang mga ito ng maroon na kapa. Kaya sa halip na matakot, inaliw na lang niya ang sarili sa kakatwang damit ng mga ito.
Mataman siyang pinagmasdan ng pandak at matabang lalaki. “Ako si Aristophanes at siya si Heraclides.” Itinuro nito ang kasamang matangkad, payat at may bigotilyo. “Ano ang iyong pangalan?”
“Yelena Mujer po,” magalang niyang sagot. “Bakasyunista lang po ako dito. Nagpunta po ako sa lawa upang magpinta. Hindi ko po sinasadya na…”
“Tahimik!” saway ni Heraclides. “Isang kaarogantehan ang pagsagot nang higit sa itinatanong namin.”
Natahimik siya. “Sorry po.”
“Saang kaharian ka nagmula?”
Napanganga siya. Kaharian? “Po?” Baka kaharian ang tawag ng mga ito sa sariling pamunuan. “Sa Manila po. Pero nagbabakasyon lang po ako dito.”
“Manila? Saang kaharian iyon?” tanong ni Aristophanes.
“Hindi ko alam kung saan iyon.” Bumaling si Heraclides sa kanya. “Nag-eespiya ka! Nais ng Kaharian ng Manila na sakupin ang aming kaharian!”
“Excuse me po, isa po akong pintor. Graduate po ako ng UP Fine Arts. Nasa bag ko po ang gamit ko. Wala po akong ginagawang masama.”
“Ito ba ang tinutukoy mong mga gamit?” Inilabas ng lalaking matangkad ang bag. “Higit na lumakas ang hinala namin na espiya ka ng kalaban namin kaharian.” Kinuha nito ang cellphone. “Isang sandatang pamuksa.”
“Hindi po ako kriminal. Hindi rin po ako terorista. Ginagamit ko lang po ang cellphone para makausap ang mga kaibigan ko,” depensa agad niya. O baka tulad ito ng ibang tribo na walang alam sa modernong mga gamit.
Susme! Ultimo Manila ay hindi alam ng mga ito.
“Isang mataas na antas ng pakikipag-ugnayan? Kung ganoon, isa ka ngang espiya na ipinadala ng inyong kaharian. At hindi ka lang basta espiya. Kinuha mo rin ang mahalagang kuwintas na pag-aari ng prinsipe, ang Luha ng Hari.”
Napaawang ang labi niya nang makilala ang kuwintas na napulot niya. “Hindi ko iyan kinuha. Napulot ko lang iyan.” Pero paano iyon napunta ulit sa kanya samantalang ang pagkakatanda niya ay ibinigay na niya iyon kay Eden. Baka naman nakalimutan lang niya. Akala niya ay naibigay na niya.
Humalakhak si Aristophanes. “At maniniwala ako sa iyo?”
“Kilala ako ni Andros. Tanungin ninyo siya.”
Lalong tumindi ang galit sa mukha ng dalawa. “Huwag kang lapastangan sa aming mahal na prinsipe. Igalang mo siya.”
Kung ganoon, di pala basta-basta si Andros sa lugar na iyon. Isa pala itong prinsipe. “Matuto din kayong gumalang sa karapatan ko. Gamitin ninyo ang due process.” Nasa Pilipinas pa rin ang mga ito at nasasakop ng pambansang batas ang kanyang karapatan.
Nagkatinginan ang dalawa. “Due process?”
“Opo. Tamang pagkilala sa batas at pagpapatupad nito. Wala kayong karapatan na basta-basta ako usigin.”
“Wala kang karapatan sa kahit ano dahil ikaw ay nagkasala. At di ka namin bibigyan ng pagkakataong lumapit sa prinsipe,” kontra ni Heraclides.
“Wala kayong karapatan na basta-basta humatol. Malinis ang konsensiya ko. Kung gusto ninyo, hanapin pa ninyo si Mang Karyo.”
Kumunot ang noo ni Heraclides at hinimas ang bigotilyo. “Mang Karyo? At sino si Mang Karyo?”
“Siya ang baranggay captain ng Dapdap. Tito siya ng kaibigan ko. Kilala ang pamilya nila sa bayan ng Marikit. Mapapatunayan niya hindi ako magnanakaw.”
Hinampas ni Aristophanes ang mesa. “Huwag mo kaming linlangin! Kami ang mga Sandatahan! Ang iginagalang na kawal ng Tarragon.”
“Maging makatao naman po kayo,” malumanay niyang sabi. Gusto na niyang umiyak. She had never been humiliated all her life.
Nanlaki ang mata ni Heraclides. “Tao? Huwag mo kaming ihahambing sa mabababang uri ng nilalang na iyon! Ang mga tao ay karumal-dumal na nilalang na masahol pa sa hayop.”
Hindi niya alam kung matatawa o maiinis. Parang hindi tao ang mga ito. “Anong klaseng nilalang kayo?” Baka iba ang ibig sabihin ng tao sa dictionary nito.
“Mga kagalang-galang kami at makapangyarihang mamamayan ng Kaharian ng Tarragon!” tuwid ang tayong sabi ni Aristophanes.
“Kami ang mga sandatahan na kaisa ng kalikasan,” dagdag ni Heraclides.
“Ano kayo? Clean and Green? DENR? Bantay Kalikasan?”
Dumilim ang mukha ng mga ito. “Inuubos mo ang oras namin, babae! Pinaiikot mo lang kami. Gaya ng sinabi namin, di mo kami malilinlang. Ire-rekomenda namin sa mahal na hari na ipakain ka sa mga dragon ng Hades.”
“Ha? Dragon?” Tumawa siya nang malakas. May dragon pa ba na nag-e-exist? Natigilan siya nang makitang seryoso ang mga ito. Does it mean that she would meet her death? “Wait! You can’t do this to me! It’s brutal! Inhuman!”
“Mga kawal, dalhin ang babaeng ito sa mahal na hari.”