Love and Magic Series Chapter 40

Pagdating nina Kraven at Aricka sa gallery ay nakaabang na sa labas si Mimosa na mukhang inip na inip. “Kanina ko pa kayo hinihintay,” sabi nito. “Doon tayo sa opisina ko.”

“Nasa Laguna pa po kayo sabi ng sekretarya ninyo, Tita,” manghang wika ni Kraven. “Paano po kayo nakarating agad dito?”

“Lumipad ako,” she said with a grin.

Hindi rin niya maitago ang ngiti. Alam niyang literal na ‘lumipad’ ang mommy niya. She enjoyed teleporting every now and then.

“Paano kayo nakalipad kung traffic sa South Super Hi-way?” usisa pa rin ni Kraven. “Kadidinig ko lang sa radyo…”

“I can find my own way,” naging seryoso ang tono nito. “Naramdaman ko agad na kailangan ninyo ako dito kaya bumalik ako. Anong problema, Kraven? Tungkol ba kay Faith?”

Napalunok si Kraven at tumango. Nakita niya ang pagkagitla sa mukha nito dahil nahulaan ng mommy niya ang iniisip nito.

“Malaki ang problema niya kay Faith, Mommy.”

“She’s dying,” dugtong agad ni Kraven.

Namutla si Mimosa. “Faith is dying? P-Paano nangyari iyon? Hindi ba pagod lang siya sa party? Iyon din ang sabi ng mga doktor, hindi ba?”

Yumuko si Kraven. “One month na lang po ang itatagal ng buhay niya. Siya ang bagong biktima sa sumpa sa pamilya namin.”

Hinawakan ni Mimosa ang mga kamay nito. “Sabihin mo sa akin ang lahat, hijo. Titingnan ko kung makakatulong ako sa iyo.”

Ikinuwento ni Kraven ang lahat. May pagkakataon na gusto niyang mag-kwento rin ayon sa panaginip niya. Pero ano naman ang iba pa niyang maitutulong. Wala rin siyang maidadagdag na impormasyon. Hamak na mas may maitutulong ang mommy niya dahil ito ang maraming alam sa mga kababalaghan.

“Ilang araw na lang at bilog muli ang buwan. Kaunti na lang ang itatagal ng buhay ni Faith pero hanggang ngayon wala pa rin akong alam solusyon,” anang si Kraven na hindi maitago ang sakit sa boses.

“Hindi ba may kaibigan po kayong mga fairies, Mommy? May kakayahan silang manggamot ng mga taong naeengkanto o kahit pa natural ang sakit. Maybe you can ask for their help. Please?” pakiusap niya.

“Aricka, celestial maidens are far different from us. From entities of this world. Taga-ibang planeta sila. We don’t even know the extent of their powers. Dahil sa tagal ng panahon, wala pang naka-engkwentro ang mga diwata na katulad nila. Kung hindi pa nga ikinuwento sa akin ni Kraven, hindi ko malalaman. May maituturo ba kayong impormasyon kung saan sila maaring makita?”

Umiling si Kraven. “Lumubog na po ang isla na dati nilang kinalalagyan. Ni wala na pong makitang bakas kung nasaan iyon.”

“Magiging napakahirap nito para sa atin na hanapin sila. Kung simple lang sana silang engkanto o tao, madali para sa akin ang ipahanap sila. Pero ang mga nilalang mula sa ibang mundo ay hindi saklaw ng kapangyarihan ng mga diwata dito dahil dayuhan sila. Iba ang sistema ng kapangyarihan nila kaysa sa atin.”

“Ibig pong sabihin hindi ninyo ako matutulungan?” tanong ni Kraven. “Hindi po natin maililigtas si Faith?”

“Pipilitin kitang tulungan. Pero hindi ko maipapangako,” wika ni Mimosa.

Tumayo si Kraven. “Kahit na mag-isa lang akong hahanap sa kanya para maputol ang sumpa, gagawin ko para lang mailigtas ang kapatid ko.”

Nakita niya ang determinasyon sa mga mata ni Kraven. Hindi niya ito maaring pabayaan. Kailangan din niyang kumilos.

PAGDATING sa bahay ay nagkulong agad si Aricka sa kuwarto. Ihinagis niya ang bag sa kama. “Lumabas ka!” utos niya sa kalahating bahagi ng pagkatao niya. “Mamamatay si Faith. Kailangan kong mahanap ang pinagtataguan ni Yvanna. Ano ang susi kung paano mawawala ang sumpa. Nasaan si Yvanna?”

Naghintay siya ng mahabang sandali ngunit katahimikan na lang ang sumagot sa kanya. Nakakabinging katahimikan. Nakadama siya ng iritasyon. Namaywang siya at tumingala. “Nasaan ka? Bakit ayaw mong magpakita sa akin ngayon? Kapag hindi kita kailangan, bigla ka na lang sumusulpot. Pero kapag kailangang kailangan kita, ayaw mo namang magpakita sa akin. Niloloko mo ba ako?”

Nadagdagan ang iritasyon niya dahil mukha siyang tangang kinakausap ang sarili niya. Sarili nga niya ang kausap niya pero ayaw naman siya nitong sagutin.

“Anong klaseng nilalang ka ba? Ano ang silbi mo sa buhay ko kung alam mo ang katotohanan at ang nakatakdang mangyari pero hindi mo naman ako magawang tulungan. Wala kang kwenta!”

Hinarap niya ang salamin at matalim na tiningnan ang repleksiyon. “Sumagot ka! Mamamatay na ang kaibigan ko! Wala ka bang gagawin? Magtatago ka na lang ba kung nasaan ka? Duwag ka! Ano ba ang kinatatakutan mo?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.