Love and Magic Series Chapter 41

Galit niyang hinawi ang mga gamit na nasa ibabaw ng dresser niya nang wala pa ring sumagot. Hindi niya maiwasang mapaiyak at sumigaw sa sobrang frustration. She wanted to help Faith. She wanted to save her from the grave. But there was nothing she could do. Her hands were tied.

“Hindi ako ikaw!” sigaw niya. “Dahil kung iisa lang tayo, tutulungan mo akong mabuhay ang kaibigan ko! Sasabihin mo sa akin kung nasaan si Yvanna at kung paano tatapusin ang sumpa.”

Dahan-dahan siyang naglakad nang paurong at napaupo sa kama. Tigmak ang luha niya habang kinakausap ang repleksiyon sa salamin. “Hindi mo ako iiwan nang ganito! Hindi mo matitiis si Faith nang walang ginagawa. O baka halimaw ka din tulad ng babaeng iyon! Di mo ako katulad! Sinungaling ka dahil hindi tayo iisa.”

Then she started to hate her own reflection. Wala rin siyang kwentang kaibigan dahil wala siyang magawa. Dinampot niya ang vase na malapit sa kama at ihinagis iyon sa salamin. “Ayoko na!” sigaw niya.

Subalit bago pa man sumayad ang vase ay tumigil iyon sa ere kasabay ng pagsulpot ni Mimosa. Sa isang kumpas rin nito ay naibalik sa ayos ang lahat ng bagay. Mabilis siya nitong dinaluhan at niyakap. “Anong ginagawa mo sa sarili mo, Aricka? What’s wrong?”

“Mommy, bakit ganito ang nangyayari? Bakit?”

“Si Faith ba? There are some things beyond our control. Kahit kami na may kapangyarihan ay iginagalang kung ano ang nakatadhana. If it is Faith time to go, so be it. Wala tayong magagawa,” malumanay nitong paliwanag. “I know how painful death is. But that’s life.”

“Hindi siya mamamatay kung may magagawa lang ako. Alam ko na may magagawa ako!”

“How can you face a celestial maiden, honey?” Pinisil nito ang baba niya. “You are just a mere human. Anong mailalaban mo? Sa kwento sa akin ni Kraven, hindi sila basta-bastang nilalang. At mukhang nagpupunta sila sa planeta natin sa mga panahon na mahina ang kapangyarihan namin. May magagawa ka ba?”

“Mom, I am one of them.”

Mahabang sandali siyang tinitigan ni Mimosa. Hindi ito agad makapagsalita. “Sino ang nagsabi sa iyo?”

“It started with a dream. Naalala ba ninyo nang mga panahon na madalas ko kayong tanungin tungkol sa pagkatao ko? Pakiramdam ko kakaibang nilalang ako noon. Napanaginipan ko rin ang ikinuwento sa atin ni Kraven kanina.”

“Ang tungkol sa tennyo at sa ninuno niya?”

Tumango siya. “I am sure it happened less than three hundred years ago. Nakita ko kung paanong maglaban ang isang lalaki na nakadamit katutubo at si Yvanna, ang sinasabi niyang tennyo. Nakita ko ang ninuno ni Kraven na si Victor. Magkamukha pa nga sila. Nakita ko rin kung paanong naikulong si Yvanna sa salamin. Alam ko rin ang tungkol sa iniwan niyang sumpa. Pero hindi ko iyon maintindihan hanggang maipaliwanag sa akin ni Kraven ang tungkol sa hindi maipaliwanag na sakit ni Faith.”

“Nakita mo ang lahat ng iyon pero hindi mo ikinuwento sa akin?”

Napalunok siya. Di niya maiwasang makadama ng guilt. “Baka kasi sabihin ninyo sa akin na imahinasyon ko lang ang lahat. Na bahagi lang ng panaginip ko. Ang akala ko wala iyong relevance sa buhay ko.”

“Alam mo ba kung bakit nawala si Yvanna at hindi siya mahanap?”

Isinuklay niya ang dalawang kamay sa buhok. “Hindi ko po alam. Basta huli kong nakita sa panaginip ko ang tungkol sa paglubog ng isla.”

“Paano naman ang isa pang bahagi ng pagkatao mo?”

“Malayong-malayo ang itsura niya sa akin, Mommy. Maputi ang balat niya at morena ako. Pink ang buhok niya at violet ang mata. May kasama siyang kakaibang paru-paro. Mettalic red ang kulay nila. Sabi niya ay iyon ang makikita ko sa planetang Mars kung saan siya nanggaling.”

“Sinabi ba niya kung paano ka napadpad sa mundo ng mga tao? Kung ano ang kinalaman mo kay Yvanna?”

“Wala. Ang sinabi niya ay simula na ng wakas. Maaring ang tinutukoy niya ay ang tungkol sa pagkakasakit ni Faith. Pero bukod doon, wala na.”

“Paano kung hindi totoo na iisa lang kayong dalawa? Paano kung nililinlang ka lang niya…”

“Para saan, Mommy? Ano naman ang mapapala niya sa akin? Isa pa wala akong naramdamang takot nang magkaharap kami. Magaan ang loob ko sa kanya. Parang matagal na matagal ko na siyang kakilala.”

Napailing si Mimosa at huminga nang malalim. “Well, what can I say? Maaring isa ka ngang tennyo tulad ng sinabi ng isang bahagi ng pagkatao mo. Akala ko sanay na ako sa mga kababalaghan. Pero hindi pa pala.” Niyakap siya nito. “Who would have thought that I have a celestial maiden for a daughter?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.