Love and Magic Series Chapter 42

“Bakit ako napunta sa inyo, Mommy? Bakit nahiwalay ako sa kanila? At ano ang relasyon ko kay Yvanna?”

“Hindi mo ba alam kung paano makakausap ang isang bahagi ng pagkatao mo? Kung paano siya mapapalabas?”

Umiling siya. “Iyon nga po mismo ang gusto kong malaman. Sinubukan ko siyang kausapin kanina. Sigaw ako nang sigaw pero parang hindi niya ako marinig. Nagmumukha na nga po akong baliw kanina. Bakit kung kailan kailangan ko siya, hindi naman niya ako matulungan? Hindi niya masagot ang mga tanong ko? Kapag nakakausap niya ako, nagagawa niya. Pero bakit hindi ko magawa kapag siya na ang gusto kong makausap?”

Parang napaka-unfair. Parang ang isang bahagi lang ng pagkatao niya ang may kapangyarihan sa kanya. At siya ay walang magawa. Maghihintay lang siya kung kailan ito magpapakita sa kanya. Magsasabi kung ano ang gusto nitong sabihin para lalo lang pahirapan ang kalooban niya.

“Baka tulad mo, hindi rin niya alam ang sagot. Maaring naise-share lang din niya kung ano ang mensahe na dumarating sa kanya. O maaring naghihintay lang din siya ng panahon. After all, iisa lang kayong dalawa.”

“Pero may buhay akong kailangang sagipin.”

“Nandito ako. Susubukan ko na makatulong.” She drew a deep breath. “If only I could read your thoughts. Or maybe that is also beyond my control. Kung karaniwang tao kaya kong basahin ang iniisip, pero hindi ikaw. Dahil dalawa kayo na nasa katawan na iyan. Bukod pa sa di ka galing sa mundong ito.”

“Mommy, what should I do?”

Hinalikan nito ang noo niya. “Be patient. Sa ngayon, ikaw ang pinakamalapit na maaring makatulong para mailigtas si Faith.”

“YOU look better than the last time I saw you,” nakangiting sabi ni Aricka kay Faith nang dalawin niya ito minsan. Parang hindi iyon kuwarto ng isang may sakit. Everything was alive. Even the colors were screaming. At ang cd na nakasalang sa CD player nito ay Japanese Rock. Maingay.

“Dapat lang naman na maging masaya ako. Ilang araw na lang ang itatagal ng buhay ko. Gusto ko ngang magpa-party bukas dito sa kuwarto ko. I want to live my life to the fullest because next full moon I’ll be gone.”

Nahindik siya sa sinabi nito. “Faith, don’t say that,” saway niya dito.

Ngumiti ito. Wala siyang mabakas na lungkot sa mga mata nito o galit man lang. “Tanggap ko nang malapit na akong mamatay. Kinausap na ako ni Papa at Kuya Kraven. Sila ang nagpaliwanag sa akin.”

“Ganoon lang kadali sa iyo na tanggapin ang lahat?”

Bumuntong-hininga ito. “Hindi naman agad. Nalungkot ako dahil marami pa akong gustong gawin sa buhay ko. I still want to be an interior designer, get married and live happily ever after with the man I love. Pero anong magagawa ko kung oras na. I might as well accept my fate. I’ll just see everybody when you get there,” makahulugan nitong sabi.

“Your brother would fret if he hears you.” Ginagawa ni Kraven ang lahat para lang gumaling ito. He even consulted extra-terrestrial experts but with no luck. Iba kasi ang paniniwala ng mga tao sa ibang bansa kumpara sa nalalaman nito. At handang halughugin ni Kraven ang buong mundo mahanap lang si Yvanna.

“I know how much my brother loves me. Pero ayoko nang umasa na gagaling pa ako. Sabi ko nga huwag na siyang umalis. Huwag na niyang hanapin ang impaktang fairy alien na iyon. It is futile. I would die. At ang masama, baka mapahamak din siya.”

Naiiyak siyang niyakap ito. “I don’t want you to go.”

Masyado pa itong bata para mamatay. Ngayon pa lang nagsisimula ang buhay nito. Marami pa itong pangarap. Marami pa itong maaring gawin.

Bakit ba napakadali para dito na tanggapin ang kapalaran nito? Habang siya ay naghihirap ang kalooban dahil hindi niya ito matulungan.

“Don’t cry. I hate tears, you know?”

“Paano mo nagagawang ngumiti, Faith?” Hindi niya sukat-akalain na magagawa nitong maging matatag sa pagharap sa isang mabigat ng problema, ang kinatatakutan ng karamihan- ang kamatayan.

“Things are meant to happen, Aricka. Kailangan kong mawala para tuluyan nang matapos ang sumpa. Para hindi na kailangan pang danasin ng susunod na henerasyon ang pagkamatay na katulad nang sa akin. Doon pa lang, masaya na akong aalis sa mundong ito.”

“Basta huwag mo nang babanggitin pa ang tungkol dito. I don’t want to talk about death anymore.” Dahil umaasa pa rin siya na may magagawa siya.

“Para kang si Kuya. What’s wrong about dying? Hindi ninyo matanggap na lahat ay doon mauuwi.”

“Ayoko lang basta isuko ka sa Kamatayan.” Ayaw niyang manalo si Yvanna. Kahit na mas makapangyarihan pa ito sa kanya, hindi siya papayag na basta lang nitong kunin ang kaibigan niya.

“Mahal ko kayong lahat. Ayoko rin kayong iwan pero kailangan.” Ngumiti ito at ipinikit ang mga mata. “Ikaw na ang bahala sa kuya ko kapag wala na ako. And I also wish that you would find somebody who would love you.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.