Love and Magic Series Chapter 46

“S-Si Kraven?” Pilit siyang tumawa. “Magkasama lang kami para tulungan siyang sagipin ang kapatid niya. Hindi ibig sabihin niyon ay mahal ko siya.”

Itinapat nito ang kamay sa dibdib niya. “Kahit hindi ka magsalita, alam ko ang nararamdaman mo. Lumaki ka man sa mundo ng tao, ako pa rin ang iyong ina.”

“May nararamdaman ako para sa kanya pero hindi po pag-ibig iyon. Saka hindi ako pwedeng ma-in love sa ganitong pagkakataon. Marami pa akong dapat malaman. Marami pa akong dapat gawin. Gusto kong malaman kung ano ang silbi ko sa mundo at ang natakda para sa akin.”

“Ikaw ang pag-asa namin para makabalik sa planetang Rojo.”

“Ako?” Nagsalubong ang kilay niya. “Ayon sa kanang-kamay ni Yvanna na si Taro na nakakakita ng hinaharap, ang sanggol na ipapanganak sa paglilinya ng mga planeta ang nakatakdang magpabagsak kay Yvanna at pipigil sa masama niyang balak. At ikaw nga iyon.”

“Kung ako pala ang natitira ninyong pag-asa, bakit nahiwalay ako sa inyo?”

Lumungkot ang anyo nito. “Pagkapanganak mo pa lang, inutusan na ni Yvanna ang mga tauhan niya upang patayin ka. Itinakas ka ng iyong ama. Bago siya nahuli ay ginamit niya ang kapangyarihan niya upang mag-anyo kang tao. Itinago niya ang tunay mong pagkatao upang mamuhay ka bilang normal na tao. At di rin malaman ni Yvanna at ng mga tauhan niya kung sino ka talaga. Inilagay ka rin niya sa isang sasakyang pandagat na kinopya niya sa mga tao.”

“Ano po ang nangyari sa ama ko? Gusto ko rin po siyang makita.”

Tumingin ito sa malayo. “Nakakulong siya sa isang kuweba sa isla na humihigop ng lahat ng kapangyarihan niya. Kaya di siya maaring makipag-ugnayan sa iyo. Pero magagawa mo siyang iligtas kung matatalo mo si Yvanna.”

Napayuko siya upang itago ang pangingilid ng luha. “May tatay pala ako. Buong buhay ko, wala akong nakagisnang ama.”

Mariin siyang pumikit. Buong buhay niya ay isang malaking tanong kung sino talaga siya. Akala niya ay simple lang siyang tao. Hindi niya alam na malaki ang responsibilidad niya. At matindi ang hirap na pinagdaanan ng mga magulang niya upang mabuhay siya.

“Bakit ngayon ko lang nalaman na may isa pala akong katauhan?”

“Nasa loob lang siya ng puso mo. Naghihintay ng pagkakataon kung kailan niya magagawa ang kanyang misyon. Nagising lang siya dahil sa paglapit ng planetang Rojo sa mundo. At sa takdang araw ay lalabas rin siya.”

“Ang isa kong katauhan, ano ang pangalan niya?”

“Aricka.” Ngumiti ito. “Dahil iisa lang kayong dalawa.”

“P-Paano ko siyang makakausap? Bakit hindi siya nagpapakita sa akin kung kailangan ko siya?” aniyang hindi maitago ang hinanakit.

“Nagpapakita lang siya kung kinakailangan. At para lang ipasa ang mga mensahe na natatanggap niya mula sa akin. Tulad mo ay wala rin siyang alam. Pasensiya na kung nahihirapan ka. Limitado lang ang kapangyarihan ko.”

“P-Paano po ako makakapunta sa isla? Paano ko sasagipin si Faith?” Gusto na niyang matapos ang lahat ng problema niya upang maituloy niya ang buhay niya. At gusto rin niyang makasama ang mga magulang niya.

“Sa pagsikat ng dalawang buwan, maglalaho ang harang na inilagay namin sa isla. Magagawa mo nang makapasok. Subalit ingatan mo ang kasama mo.”

“Si Kraven? Bakit po?”

“Hindi papayag si Yvanna na mawala sa kanya si Victor sa ikalawang pagkakataon. Ito ang pagkakataong hinihintay niya, ang makasama ito habam-buhay. Papatayin niya ang lahat ng maaring maging balakid sa balak niya.”

“Poprotektahan ko po si Kraven. Pero paano ko gagawin iyon kung tao pa rin ako hanggang ngayon? Paano ko magagamit ang kapangyarihan ko?”

“Kailangan mong palabasin ang tunay mong pagkatao.”

“At paano ko po magagawa iyon?”

“Kapag namatay na ang katauhan mo bilang tao.”

ALAS diyes na nang gabi pero hindi pa rin makatulog si Aricka. Lumulutang pa rin siya hanggang ngayon. Gusto niyang hanapin ang isla para sagipin ang buhay ng kaibigan niya. Pero sarili pala niyang kamatayan ang makikilala niya.

Noong una ay parang wala siyang direksiyon. Nabubuhay nga siya pero parang tinatangay lang siya ng agos. Iyon pala ay may sariling daang inilatag ang tadhana sa kanya. Daang maghahatid sa kanya sa kamatayan.

Mabilis niyang pinahid ang tumulong luha sa mga mata. Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang Mommy niya. Wala siyang ibang gustong marinig nang mga oras na iyon kundi ang boses nito. She needed her so badly right now.

“Hello,” anitong parang naalimpungatan.

Kinagat niya ang labi para pigilan ang paghikbi. “Mommy!”

“Gabi na. Bakit napatawag ka? May problema ba?”

“Wala po. Baka mahirapan po akong maka-contact kapag pumunta kami sa isla. Wala daw pong signal doon.” Pero kaninang tanghali ay nagkausap na sila.

Now all she wanted was to fly home and hug her. Hindi ito ang inaasahan niya. Nasasaktan siya dahil di niya masabi dito ang nakatakda niyang kamatayan. Ayaw na niyang saktan pa ito. Sasarilinin na lang niya ang takot at lungkot.

“You sound troubled.”

Pilit siyang tumawa kahit pagak iyon. Sapat na para pagtakpan ang lungkot niya. “No. I just want to hear your voice. Nami-miss ko lang po kayo.”

“Na-miss mo agad ako? Kaninang umaga lang ihinatid pa kita sa airport. I thought you are already a big girl,” tukso nito sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.