Love and Magic Series Chapter 6

Inis na inis si Yelena. Tahimik siya habang inaakay ng dalawang kawal. Ihaharap daw siya ng mga ito sa hari at reyna. Kailangan talaga niyang makausap ang mga ito. Pero paano kaya siya makakapag-salita kung hindi niya maibuka ang bibig niya. Hindi niya alam kung anong klaseng mahika ang ginamit ng mga ito sa kanya. Kaninang galit na galit siya at nagsisisigaw ay ikinumpas lang ni Heraclides ang kamay at di na niya maibuka ang bibig. Daig pa niya ang dinikitan ng glue.

Humanda kayo! May araw din kayo sa akin! Oras lang na makabalik siya sa bayan ay magsasampa siya ng reklamo. Hindi niya ito mapapalagpas. Iyon ay kung magagawa pa niyang makatakas doon para magreklamo.

Malakas ang ingit nang bumukas ang pinto na kulay ginto. Dumagundong ang mga tambol. Parang ie-execute na agad siya di pa man niya naipagtatanggol ang sarili. “Mahal na Haring Demetrius, ang babaeng ito ay nahuli namin nag-eespiya sa mahal na Prinsipeng Andros. At mula sa kanyang lukbutan ay nakuha namin ang ninakaw niyang makapangyarihang Luha ng Hari,” anunsiyo ni Aristophanes.

Umugong ang bulungan ng mga tao sa paligid na pawang kakatwa rin ang damit. May takot sa mata ng ilan habang ang iba naman ay may galit sa mga mata.

Inikot niya ang paningin. Nasaan ang hari at reyna ng mga ito? Nakaharap lang naman siya sa kulay silver na kurtina. Sa isang iglap ay nahawi ang kurtina at lumitaw ang isang lalaki at babae na nakasuot ng costume ni King Arthur at Guineverre. May suot na korona ang mga ito. Kulay brown ang buhok ng hari. May balbas ito. Habang ang reyna ay may highlights na pula ang itim na buhok. What astounded her were their eyes. Vivid violet. Baka naman contact lens. Contact lens? Manila nga ay hindi alam ng mga ito, contact lens pa kaya?

Baka naligaw lang siya sa set ng isang fantaserye. What a joke! Gusto niyang humagalpak ng tawa. Nang maalala niyang naka-seal ang bibig niya.

“Magpakilala ka!” utos ng hari.

Paano ako magpapakilala kung hindi ako makapagsalita?

Subalit parang nabasa ng hari ang iniisip niya. Pumitik ito at awtomatikong natanggal ang pagkakadikit ng mga labi niya. Huminga muna siya nang malalim. “Yelena Mujer, dalawampu’t tatlong taong gulang. Nakatira po ako sa Bacood, Sta. Mesa, Manila. At hindi po ako magnanakaw.”

Nangalumbaba ang hari. “Ano ang iyong patunay na hindi ka magnanakaw?”

“Tanungin po ninyo si Eden. Kaya niyang patunayan na hindi ako masama.”

“At sino naman iyon?” tanong ng reyna.

“Apo po si Eden ni Lola Delilah. Kilala po ang mga Soliman sa bayang ito. Bayani pa nga po sa giyera ang asawa ni Lola Anita na si Lolo Alfonso.”

“Wala akong nakikilala sa mga sinasabi mo na lumaban sa aming digmaan,” sabi ng hari. “Kahit ang mga dumaan sa talim ng aking espada ay nakikilala ko.”

Espada? Alam niya ay gulok at mga baril ang gamit noong giyera. Saka may espada ba na gamit ang mga katutubo sa Pilipinas? Alam niya ay pana at palakol.

“Bakit hindi po ninyo subukang hanapin sila? Kilala po nila ako.”

“Huwag mo kaming paikutin!” saway ng reyna sa kanya. Naging mabalasik ang kulay lila nitong mata. “Gumagawa ka lang ng kwento.”

“Bakit di po ninyo sila puntahan? Alam ko po kung saan sila nakatira. Sana po ay maging patas at makatao naman kayo…”

“Makatao?” dumadagundong na sigaw ng hari. Napasinghap ang lahat.

Maging ang reyna ay may kakaibang kilabot sa mukha. “Napakatabil ng dila niya, Demetrius! Ngayon pa lang ay ipatapon na natin siya sa Hades.”

Hindi niya alam kung anong Hades ang tinutukoy ng mga ito. Baka naman gusto ng mga ito na ihulog siya sa bulkan. Baka sa Bulkang Mayon.

“Ano po ba ang mali sa sinabi ko? Mga tao naman kayo, di po ba?”

“Tumahimik ka!” sigaw ng hari. Ibinuka nito ang palad at biglang nagbago ang kinatatayuan niya. Animo’y nakatayo siya sa salamin.Sa baba ay nakita niya ang isang lugar na puro apoy. Umaalimpuyo iyon at handa siyang sirain anumang sandali. There were also fire-breathing dragon. Ipinilig niya ang ulo. It was only an illusion. Nice effects pero hindi siya natatakot. Hindi na siya batang paslit.

“Hindi ka ba natatakot?” tanong ng reyna. “Isang malaking kasalanan na ihambing kami sa mga tao. Hindi mo na kailangan pang dumaan sa ilog ng kamatayan. Direkta ka nang ihuhulog sa dagat-dagatang apoy.”

Oh, no! She was at the hands of lunatics! “Ano po ba ang palagay ninyo sa sarili ninyo kung hindi kayo tao? Engkanto? Lamang-lupa?”

“Ang katawagang iyan ang ginagamit ng mga tagalupa. Gaya nga ng nasabi ko, kami ay maharlikang nilalang na kaisa ng kalikasan. Kaya dapat kaming igalang,” sabi ng reyna. “At ikaw ay isang lapastangan na dapat parusahan.”

Biglang bumukas ang kinatatayuan niya. Napasigaw siya nang tuloy-tuloy siyang bumagsak. Nararamdaman niya ang mainit na hangin na humahaginit sa kanyang mukha. Naririnig din niya ang sigawan ng mga taong nauna nang ipinadala doon. Kasabay niyon ay ang ungol ng dragon.

Inangat niya ang kamay. Tinangkang abutin ang butas na unti-unting lumiliit. Naglalaho ang liwanag, napapalitan ng karimlan. Ito na ba ang katapusan niya?

Napapikit siya nang mariin. Diyos ko! Gisingin po ninyo ako. Nananaginip lang ako. Tulungan po ninyo ako. Marami pa po akong plano sa buhay. Pangako, kapag nagising ako ay ido-donate ko sa mga charity organization ang mapagbebentahan ng painting ko. Saka mabait naman po ako, di ba? I don’t deserve this! At higit sa lahat, di ko pa nararanasang magka-boyfriend. Huwag naman ninyong I-deprive sa akin ang tsansa na iyon. Igagalang ko rin ang weird na paniniwala ng ibang tao. Kahit na feeling nila ay di sila tao. Di ko sila pagtatawanan. Pati ang mga engkanto, kahit na di ako naniniwala sa kanila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.