Love and Magic Series Chapter 52

Nakatayo sa bow ng yate si Aricka habang pinagmamasdan ang paglapit nila sa isla. Buwan ang nagsisilbing tanglaw nila. Malapit na ang kabilugan niyon. Maya maya pa ay palaki na nang palaki ang isla sa kanilang paningin.

“Iyan na ang Isla ng Ilusyon,” wika ni Celeste sa kanila.

Nahigit niya ang hininga. “Katulad sa panaginip ko.” Wala sa sariling hinawakan niya ang kuwintas na salamin. Malapit na siya sa kanyang pinagmulan. Malapit na siya sa kanyang tadhana.

“Makakalapit na ba tayo sa isla?” tanong ni Kraven. “Mukha namang payapa ang dagat. Sana makadaong tayo.”

“Susubukan natin,” makahulugang wika ni Raoul na guide nila.

Ilang sandali pa ay lumakas na ang hangin at dumilim ang langit. Natakpan ng ulap ang buwan. Ni hindi na nila matanaw kahit anino ng isla. Naging mauga ang bangka dahil sa naglalakihang alon. Nagmistulang laruan ang yate ni Celeste.

“Anong nangyayari?” tanong ni Kraven.

“Hanggang dito na lang tayo maaring lumapit dahil mapanganib,” anang si Raoul. “Kahit kaming mga diwata ng dagat ay di lumalagpas sa lugar na ito.”

“Susubukan pa rin nating lumapit,” sabi ni Celeste at nagbigay ng instruction sa tumatayong kapitan ng yate.

“Pero…” puno ng pag-aalinlangang wika ni Kraven.

Naamoy din nito ang panganib. Maya maya pa ay pasigaw sila nang dambahin sila ng malaking alon. Napaluhod siya sa sahig ng yate at humanap ng makakapitan. Di pa man sila nakakalapit sa isla ay mukhang matatapos sila.

Pagapang na lumapit sa kanya si Kraven at niyakap siya. “Don’t worry. Nandito lang ako. Hindi kita pababayaan.”

Pilit siyang ngumiti dahil nakadama siya ng lakas nang maramdaman ang bisig nito. Sa isang banda ay nakadama rin siya ng takot para dito. Hahayaan ba niyang mamatay rin si Kraven? Kailangan pa ba nitong harapin si Yvanna?

“May malaking ipu-ipo sa tubig!” sigaw ng kapitan ng yate. “Kapag hindi tayo lumayo dito, tiyak na mahihigop tayo. Walang sinuman sa atin ang makakaligtas.”

Nagkatinginan sila ni Kraven. Nakita niya sa mga mata nito ang matinding takot. Takot na maaring di na nito mailigtas ang kapatid nito. Hindi na nito kailangan pang madamay sa gulo. Hindi niya ito hahayaang masaktan. At alam niyang sa kanya nakasalalay ang kaligtasan nilang lahat.

“Pull back, Celeste!” sigaw niya.

Nagulat ang lahay. “Ano?” bulalas nito. “Pero kailangan nating makalapit…”

“I said pull back!” mas matigas niyang sigaw ngayon.

Niyugyog ni Kraven ang balikat niya. “What the hell is going on with you?”

Ikinulong niya ang mukha nito sa palad niya at kinintalan ito ng halik. “Take care of yourself, Kraven. I love you.”

“Ano bang nangyayari sa iyo?” histerikal nitong sigaw.

Pagapang siyang lumayo dito saka sumampa sa railing. “Iligtas na ninyo ang sarili ninyo! Lumayo na kayo dito!” Mapait siyang ngumiti at ipinikit ang mga mata. Saka siya nagpatihulog sa tubig. Sa malaking ipo-ipo.

“Aricka!” narinig niya sigaw ni Kraven sa kabila ng matalim na kidlat.

“I’m sorry,” mahina niyang usal habang unti-unting hinihila sa ilalim ng tubig. She could see the hurt in Kraven’s face. Gusto man niya itong makasama, ayaw niya itong ipahamak.

Malapit na siyang mawalan ng malay nang maramdaman niya na may humawak sa kamay niya at humila sa kanya paitaas. Napaubo siya nang muling makalanghap ng hangin. “I’m here, Aricka!”

Pilit niyang idinilat ang mga mata. “Kraven? Sumunod ka?”

“Magkasama tayo dito. Kaya kung saan ka pupunta, susunod ako sa iyo.”

Unti-unti siyang nilamon ng lamig at ng dilim. Dahan-dahang nawawala ang matatalim na kidlat at ang dagundong ng kulog. Kasama ba talaga niya si Kraven o baka patay na siya at may anghel lang na nagligtas sa kanya?

DAHAN-dahang idinilat ni Aricka ang mga mata. Masakit ang katawan niya na parang napakalayo ng nilakbay niya. Dahan-dahan siyang bumangon. Nakahiga siya sa makinis na batong hugis parihaba. Kulay puti na gossamer silk gown ang suot niya. Nasa tabing-dagat siya at pinagmasdan niya ang paglubog ng araw.

Gaano katagal siyang nakatulog? Ang natatandaan niya ay gabi nang higupin sila ni Kraven ng ipu-ipo. Iniikot niya ang paningin. May mataas na bundok sa gilid niya. Nasaan ba siya? Nasa isla na ba sila?

Nagulat siya nang dumating ang isang grupo ng matatangkad na mga lalaki na pinamumunuan ng lalaking may hawak na espadang may pulang ilaw. Kulay apple green ang buhok nito at kulay violet ang mata. “Sino ka? Nasaan ako?”

“Ako si Taro. Ang kanang-kamay ni Prinsesa Yvanna. At narito ka sa kanyang isla. Nalulugod kami tanggapin bilang bisita niya sa mahalagang araw na ito.”

Nanlaki ang mata niya at tumingin sa langit. Ngayon ang nakatakdang araw ng pagsikat ng pulang buwan. Nagpalinga-linga siya.“Ang kasama ko? Nasaan siya?”

Iniunat nito ang kamay at iniluwa ng isang matandang puno si Kraven. Napapikit ito habang nakasandal sa katawan ng puno. Tulad niya ay iba na ang suot nitong damit. Katulad ng damit nila Taro.

“Kraven!” sigaw niya.

Dahan-dahan itong naalimpungatan dahil sa pagtawag niya. Nanlaki ang mata nito nang makita siya. “Aricka!” Sinubukan nitong lumapit sa kanya pero ang malalagong baging sa puno ay pumulupot sa paa at kamay nito.

“Kraven!” Sinubukan niyang daluhan ito ngunit itinulak siya pabalik ng salamin na may kuryente. Hindi niya alam na may harang sa kanya.

Pumailanlang ang matinis na halakhak ng isang babae. Isang salamin ang bitbit ng isang babaeng umaawit. Tumigil ito sa paglakad at nakita niya sa salamin ang mukha ni Yvanna. “Nakakatuwa namang pagmasdan. Ang dalawang nilalang na hindi maaring magkasama.”

“Ikaw si Yvanna?” may galit sa boses ni Kraven at nagpilit kumawala. Subalit animo’y may sariling buhay ang mga baging na pumipigil dito.

Ihinarap ng babae ang salamin kay Kraven. “Victor, natutuwa akong makita kang muli,” anang si Yvanna.

“Hindi ako si Victor!”

“Ikaw si Victor!” giit ni Yvanna. “At alam kong bumalik ka para sa akin.”

“Sinabi nang hindi ako si Victor. Matagal na siyang patay. At hindi ako nandito para sa iyo kundi para sa kapatid ko. Para tapusin na ang sumpa sa lahi namin.”

“Ang kapatid mo?”

“Siya ang ikaisandaan mong biktima. Kaya ako na lang ang kuhanin mo. Hayaan mong mabuhay ang kapatid ko.”

“Kukuhanin talaga kita dahil sa akin ka!” matigas na wika ni Yvanna. “Ngunit paano tayo magkakasama nang tuluyan kung di ko kukunin ang buhay ng kapatid mo? Siya ang katuparan ng aking sumpa.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.