Love and Magic Series Chapter 53

“Tumigil ka na sa paghihiganti mo, Yvanna!” sigaw niya. “Wala ka ring mapapala. Bumalik ka na lang sa mundo mo!”

Humarap sa kanya ang babaeng may hawak ng salamin. Puno ng pagtataka si Yvanna nang tumingin sa kanya. “At sino ang lapastangang babaeng ito?”

“Kasama po ng lalaking iyan,” sagot ni Taro.

“At bakit magkasama silang dalawa?”

“Dahil siya ang babaeng mahal ko at gusto kong makasama habambuhay,” sagot ni Kraven at sinalubong ang tingin niya. Naramdaman niya na galing sa puso nito ang sinabi nito. Iyon ba ang gusto nitong sabihin sa kanya?

“Hindi!” sigaw ni Yvanna. “Ako lang ang dapat mong mahalin!”

“Bakit kita mamahalin kung wala kang idinala sa pamilya ko kundi sakit?”

“Pwede kong bawasan ang sakit,” anang si Yvanna sa malambing na tinig. “Pero kukunin ko ang babaeng mahal mo!”

Mawala ang pwersang nakaharang sa paligid niya. Ngunit nahigit niya ang hininga nang ilapat sa leeg niya ang espada ni Taro.

“Huwag!” sigaw ni Kraven. “Parang pinatay mo na rin ako kapag nawala siya.”

“Dapat lang siyang mawala para ako na ang mahalin mo!”

“Mamahalin kita kung pababayaan mo siyang mabuhay at ang kapatid ko. Pakawalan mo siya. Pabayaan mo na siya,” wika ni Kraven.

“Kraven, don’t do this!” aniyang hindi mapigilang umiyak. Hindi siya papayag na mapunta ito kay Yvanna kahit pa para sa kanya.

“Hindi pwedeng dalawa sila,” wika ni Yvanna. “Kailangan mong mamili. Ang kapatid mo o ang ang babaeng mahal mo?”

Pareho silang natigilan ni Kraven. Nagsalubong ang mga mata nila. “Ako na lang ang kunin mo!” sigaw niya.

“Ayoko, Aricka!” tutol ni Kraven.

Humalakhak si Yvanna. “Maganda ang suhestiyon mo, babae. Mas gusto ko kung ikaw ang mawawala sa landas ko.”

Humarap sa kanya ang salamin. Pumikit si Yvanna at may inusal na salitang hindi niya maintindihan. Umihip ang napakalamig na hangin. Nakapangingilabot. At unti-unti ay nakadama siya ng panghihina. Nahihirapan na siyang huminga.

“A-Anong ginagawa mo kay Aricka?” pasigaw na tanong ni Kraven habang pilit itong kumakawala sa pagkakatali.

“Kinukuha ko ang kaluluwa niya para ganap akong lumaya.”

Unti-unting nagdidilim ang paningin niya. At nakikita niyang dahan-dahang bumibitak ang salamin na kinalalagyan ni Yvanna.

Sumigaw ni Kraven at nagawa nitong makawala sa pagkakatali dito. Mabilis siya nitong dinaluhan. “Aricka, huwag mo akong iiwan.” Hinawakan nito ang kamay niya. Naramdaman niya ang init ng kamay nito pero hindi iyon nakabawas sa panlalamig na nararamdaman niya. “Please, huwag mo akong iwan.”

Malungkot siyang ngumiti. “Ayoko ring iwan ka. Pero ito ang tadhana ko.” Itinaas niya ang kamay upang haplusin ang mukha nito. Natutuwa siya dahil mukha nito ang huling makikita niya bago siya mawala. At kahit mamatay siya ay iiwan niya dito ang puso niya. “Goodbye, Kraven.”

Tumingin siya sa langit at nakita ang pagsilay ng pulang buwan. Natupad na ang tadhana ko, usal niya bago nahigop ng salamin ang huling hibla ng buhay niya.

NASA isang madilim na lugar si Aricka. Nakahiga siya. Inangat niya ang kamay at naramdaman ang isang malamig na bagay sa ibabaw niya. Bahagyang nagliwanag at nakita niya si Kraven na umiiyak habang yakap ang wala niyang buhay na katawan. Tinangka niya itong lapitan ngunit isang salamin ang nakaharang sa kanya. Habang si Yvanna naman ay nakawala na sa salamin. Kulay pula ang paligid. Nagbubunyi ang mga alagad ni Yvanna. Lumapit ito kay Kraven at tangkang hahalikan.

“Nasaan ka?” tawag niya sa isa pa niyang pagkatao. “Patay na ako! Bakit hindi pa ka lumalabas para talunin si Yvanna?” Ayaw niyang mabigo ang lahat ng pinaghirapan nila. Ang makuha ni Yvanna si Kraven.

Naglaho sina Yvanna at Kraven sa paningin niya. Napalitan ng imahe ng isa pa niyang pagkatao. Ngumiti ito at inabot ang kamay sa kanya. “Oras na. Magkasama nating tapusin ang laban na ito.”

Nang hawakan niya ang kamay nito ay nahigit niya ang hininga. Parang hinihigop niya ang lakas na taglay nito.

Napapikit siya. At sa muli niyang pagdilat ay nasa isla na siyang muli. Subalit wala na siya sa lupa kung saan siya naroon kanina. Nakalutang na siya sa hangin. Maging ang rosas niyang buhok ay tinatangay ng hangin.

Nang mga oras na iyon, hindi na siya ang dating Aricka. Parang nabuhay siyang muli. Malakas. At mas makapangyarihan. Nakita niya si Kraven na tangkang hahalikan ni Yvanna. “Layuan mo siya!” utos niya kay Yvanna.

Gulat itong tumingala sa kanya. “Sino ka?”

Ibinaba niya ang nakalahad na kamay at unti-unti siyang bumaba sa lupa. “Ako ang sanggol na ipinanganak sa paglilinya ng mga planeta.”

Naglatang ang galit sa mukha ni Yvanna at puno ng akusasyong tumingin kay Taro. “Akala ko ba ay patay na siya?”

“Iyon po ang inakala namin, mahal na prinsesa. Dahil hindi na namin natagpuan ang katawan niya. Alam ninyong naghanap kami at…”

“Tumahimik ka na lang at patayin siya!” utos ni Yvanna.

Gamit ang iba’t ibang uri ng sandata ay sumugod ang mga tauhan ni Yvanna sa kanya. Ibinuka niya ang palad at umulan ng patulis na mga yelo. At sinumang tamaan ay nababalutan ng yelo ang katawan. May mga tauhan na gamit ang espadang kidlat. Hindi niya kayang labanan ang mga ito sa malayuan. Nagawa ng mga itong makalapit sa kanya. Ngunit bago pa sumayad sa katawan niya ang armas ng mga ito ay may pananggalang na animo’y pader na humaharang sa kanya at pumoprotekta sa kanya. Walang anumang armas ang kayang masira iyon. Hanggang halos lahat ng tauhan ni Yvanna ay nabalutan ng yelo.

“Sumuko ka na, Yvanna. O mauubos ang mga alagad mo.”

Sinugod siya nito gamit ang nag-aapoy nitong espada. Inilahad niya ang palad at hinipan iyon. Isang ipo-ipo ang lumabas at tinangay si Taro.

“Taro!” palahaw ni Yvanna.

Niyakap siya ni Kraven. “Ikaw ba iyan, Aricka?”

“Tama. Ito ang tunay kong pagkatao. Ito ang aking tadhana. Maayos din natin ang lahat, Kraven. Makakabalik din tayo sa atin.”

“Wala kayong karapatang magsaya!” nagpupuyos na sigaw ni Yvanna. “Dahil hindi ako babalik sa mundo ko. Hindi ako magiging talunan. Lilipulin ko ang mundo. Para wala nang nagmamahalan.”

Idiniin nito ang mga palad sa lupa at nagsimulang lumindol. Nagkayakap sila ni Kraven. “Anong nangyayari?” mahina niyang usal.

“Tingnan mo ang alon sa dagat!” Itinuro ni Kraven ang pag-ahon ng tubig sa dagat. Iyon ang nilikha ng lindol ni Yvanna. Kasunod niyon ang naglalakihang alon. Isang tsunami. Nakatakdang magpalubog sa maraming mga bansa at magwasak sa buhay ng maraming mga tao.

Humalakhak si Yvanna. “Mamangha kayo sa aking kapangyarihan.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.