Love and Magic Series Chapter 54

Inilahad niya ang palad at isang punyal ang lumabas doon. Hiniwa niya ang kanyang palad at hinayaang pumatak ang dugo niya sa lupa. Sa isang iglap ay tumigil ang lahat sa paligid. Maging ang malalaking alon sa dagat ay nagmistulang yelo. Pati ang mga nilalang na may buhay sa paligid ay nagmistulang estatwa.

“Anong ginawa mo?” tanong ni Kraven.

“Pinatigil ko ang oras para mawalan ng bisa ang kapangyarihan ni Yvanna. Babalik ang lahat sa dati.” Sa isang iglap ay nagpatuloy muli ang paghinga ng buhay sa mundo. At ang kaninang nagngangalit na dagat ay naging banayad.

“Hindi ako papayag! Kung hindi ko mawawasak ang mundo, mabuting pang ikaw na lang ang mawala.”

Pulang liwanag ang lumabas sa mga mata nito. Awtomatikong humarang ang pananggalang na yelo sa harapan niya ngunit nagawa iyong sirain ng pulang ilaw ni Yvanna. Nahigit niya ang hininga dahil hindi niya alam kung paano makakaiwas.

Naipikit na lang ni Aricka ang mga mata upang tanggapin kung ano ang tunay niyang tadhana. Naramdaman niya ang pagtama ng mainit na bagay sa dibdib niya. Ngunit napadilat siya nang walang maramdamang sakit. Nakita niya na patungo sa direksiyon ni Yvanna ang pulang ilaw.

“Aricka, ang kuwintas mo,” wika ni Kraven at niyakap siya.

Yumuko siya. Ang salamin ang sumalo sa pulang ilaw at ibinalik iyon kay Yvanna. Nakaligtas siya. At katapusan naman para kay Yvanna.

Subalit sa gulat niya ay biglang humarang si Taro. Ito ang tinamaan ng pulang ilaw at naglaho. Naramdaman niyang nawala ang kwintas na nakasabit sa kanya at sa halip ay bumagsak iyon sa harap ni Yvanna. “Taro!” lumuluhang sigaw ni Yvanna at kinuha ang kuwintas. Si Taro ang nakulong sa salamin.

“Natutuwa ako dahil ligtas kayo, mahal na prinsesa,” anang tinig ni Taro.

“Ipaghihiganti kita.” Tumayo si Yvanna at puno ng galit sa mga matang hinarap sila. “Hinding-hindi ko kayo mapapatawad!”

“Tama na, Yvanna! Hindi ka pa rin ba natututo ng leksiyon mo?” tanong niya.

“Tumahimik ka! Anong alam mo sa nararamdaman ko? Lahat ng bagay ay nasa iyo na! Ang lalaking mahal ko! Kaya di mo maramdaman ang sakit! Ang gusto ko lang naman ay may magmamahal sa akin.”

“Bulag ka ba, Yvanna? Maraming nagmamahal sa iyo. Lumingon ka sa paligid mo. Ang mga tauhan mo, lalo na si Taro, mahal ka nila!” wika niya.

Natigilan si Yvanna. “Mahal nila ako?”

“Malawak ang pag- ibig. Hindi makasarili at mapagparaya. Kapag mahal mo ang isang tao, gagawin nila ang lahat para maging masaya at di masaktan ang taong mahal nila,” paliwanag niya. “At iyon ang ginawa ng lahat ng mga tauhan mo. Sumama sa mundong ito na walang katiyakan. Naglingkod sila sa iyo ng daang taon upang hintayin ang muli mong paglaya. Umaasa sila na mahal mo rin sila at ibabalik sila sa mundo nila.”

“Mahal nila ako at susundin nila ang gusto ko!”

“Mahal mo rin ba ang mga tagapaglingkod mo? Tinanong mo ba sa kanila kung ano ang gusto nila?” ganting-tanong nila.

“Taro, ano ang gusto mong gawin ko? Sisirain ko ba ang mundong ito?” tanong ni Yvanna.

“Tama na, mahal na prinsesa. Labis na kayong nasaktan. Bumalik na tayo sa mundo natin Naghihintay ang planetang Rojo sa atin,” sagot ni Taro.

Napaluha si Yvanna. “Patawarin mo ako, Taro. Naging makasarili ako.”

Pumatak ang isang luha ni Yvanna sa kuwintas at nagliwanag iyon. Nakawala si Taro mula sa salamin. “Paano nangyari iyon?” namamanghang tanong ni Kraven.

“Pagmamahal. Pagpapakumbaba.” Ngumiti siya at ginagap ang kamay nito. “Iyon lang ang kailangan para makawala sa salamin.”

“MARAMING salamat sa tulong ninyo. At patawarin ninyo ako sa pagiging sakim ko,” wika ni Yvanna. Nakabukas na ang lagusan at handa na ang lahat upang bumalik sa planetang Rojo. “Kailangan na naming umalis dahil sa pagsikat ng araw ay magsasara na ang lagusan.”

“Sana ay maging maganda ang inyong pagsisimula,” sabi ni Kraven.

“Aricka!” Nang lumingon siya ay nakatayo di kalayuan ang kanyang ina.

Patakbo siyang yumakap dito nang mahigpit. “Ina! Sa wakas ay nahawakan ko rin po kayo at nayakap!”

“Ang iyong ama. Si Octavious.”

Napalingon siya sa kanyang ama. Light blue ang buhok nito. Niyakap rin niya ito at hindi mapigilang mapaluha. “Totoo nga! May tatay ako.”

“Natutuwa ako dahil nagkita na tayo, Aricka. Hindi nasayang ang sakripisyo ko noon. Dahil ikinararangal ka namin ng iyong ina na maging anak.”

Lalo siyang napaiyak. Isang pamilya. Nabuo rin ang kanyang pamilya. Sa wakas ay nabuo na ang kanyang tunay na pagkatao.

“Sasama ka ba sa kanila, Aricka?” tanong ni Kraven.

Bigla siyang naguluhan. Babalik na sa planetang Rojo ang mga magulang niya. Maaring di na niya ito ito makita pa. Nilingon niya si Kraven. Pero magagawa ba niyang iwan ang lalaking mahal niya? At ang mommy niya, umasa itong babalik siya. Sino ang pipiliin niya?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.