“Mamili ka, anak,” wika ni Arabella. “Sa ating mundo, may kapangyarihan ka. Makakasama mo ako at ang iba mo pang kauri. Magiging halos isang prinsesa ka rin at magiging masagana ang buhay mo. May malakas kang kapangyarihan.”
“Sa mundong ito ay puro sakit ang maari mong danasin,” wika ni Octavious. “Wala kang kapangyarihan.”
“Pero nandito ang mga taong nagmamahal sa akin. Nandito si Kraven.
“At ang iyong desisyon?” tanong ni Arabella.
“Gusto ko pong manatili sa mundong ito kasama ang lalaking mahal ko.”
“Pero para mangyari iyon ay kailangan mong maging tao,” sabi ni Octavious.
Napalingon siya kay Kraven. Nagtatanong kung ano ang gusto nito. Ang dating Aricka o ang Aricka na nasa harap nito ngayon.
“Mas gusto ko po ang dating Aricka. Ang Aricka na simple lang. Dahil iyon ang Arickang minahal ko,” wika ni Kraven. “Mas gusto ko siya bilang tao.”
“Masusunod,” wika ni Octavious. Hinalikan siya nito sa noo. Huminga siya nang malalim at naramdaman niya ang muling pagbabago ng kanyang anyo.
Niyakap siya ni Kraven. “Nagbalik ka na sa dati.” And it felt good to be back to her old self again. Although she enjoyed having magical powers and saving the world for a while. Pero mas gusto niya ang simpleng siya.
“Ina, hindi po ba kayo galit sa akin?” tanong niya.
Nakangiting umiling si Arabella at niyakap siya. “Ang nais namin ay ang kaligayahan mo. Magkikita pa rin tayo. Madadalaw ka namin sa pamamagitan ng panaginip. Hindi rin tayo magkakahiwalay.”
“Octavious, Arabella, malapit nang sumikat ang araw,” wika ni Yvanna. “Oras na upang simulan ang ating paglalakbay.”
Nakagat niya ang labi upang pigilan ang pagluha nang halikan siya sa noo ng mga magulang. “Paalam, anak. Hanggang sa muling pagkikita,” wika ni Octavious.
Basa ng luha ang mga mata niya hanggang pumasok sa lagusan ang mga magulang niya at unti-unti iyong nagsara. Pinahid ni Kraven ang mata niya. “Huwag kang malungkot. Mas high-tech yata sila sa ibang planeta. Makikita mo rin sila.”
“Hindi ko kailangang malungkot dahil kasama naman kita.” Napayakap siya dito nang umuga ang lupa. “Kraven, lulubog na yata ang isla.”
“Paano tayo makakaalis dito?” tanong nito.
Sa di kalayuan ay nakarinig sila ng kakaibang iyak. Nanlaki ang mata niya nang mula sa dagat ay may isang dambuhalang hayop na pumaibabaw. “May balyena!” aniya at itinuro. “Papalapit siya dito.”
“Maaring isa siya sa mga kaibigan ni Raoul at sinusundo tayo.”
Lumangoy sila palapit sa balyena. Sumampa sila sa likuran niyon. “Hindi naman siguro tayo ibabagsak nito, no?” aniya.
“They are intelligent mammals. Highly intelligent,” wika ni Kraven.
Humiga siya sa kandungan ni Kraven at pinagmasdan ang unti-unting pagsabog ng liwanag sa kalangitan. “Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga pinagdaanan natin. Parang panaginip lang.”
“You are awesome!”
“Thank you.” Sa wakas ay tinanggap na niya nang maluwag sa loob na iisa lang sila ng isa pa niyang katauhan. “And you were great, too.”
“Dahil tulad mo, may pinoprotektahan din ako. Ikaw at si Faith. But in the end, you were the one who saved me. Who would have thought that you are a heroine? Dapat kang bigyan ng award.”
“I don’t need it. Ang masaya buhay tayong lahat.”
“Hindi ka ba nagsisisi na nandito ka sa mundong ito. Walang kapangyarihan.”
“Di ko kailangan ng kapangyarihan. Ang kailangan ko lang ay makasama ang mga taong mahal ko. Ikaw ba, hindi nagsisisi na kasama ako? No powers. At mas maganda ang isa kong pagkatao. Di mo na siya makikita pa.”
Tumawa ito. “Mas gusto kong ikaw ang kasama ko. Dahil nakakatakot ka kapag may powers ka. Kapag inasar kita, baka gawin mo akong iced candy.”
Itinulak niya ito. “A, ganoon?”
Napasigaw ito nang muntik nang malaglag sa tubig. Mabilis niya itong hinawakan sa kamay. Umiyak ang balyena na parang pinapagalitan sila. “Sorry, Moby Dick,” anang si Kraven at tinapik ang likod ng balyena.
Ginagap nito ang kamay niya. “May gusto akong sabihin sa iyo.”
“Sasabihin mo na siguro sa akin iyong dapat mong sabihin kapag nalusutan natin ang lahat ng problema, no?”
“Yeah.” He kissed the back of her hand. “I love you!”
“I know. Narinig ko na sinabi mo kanina kay Yvanna. Pero hindi ko pa rin alam kung totoo ang nararamdaman mo para sa akin.”
“Kahit na willing akong I-risk ang buhay ko para sa iyo?”
“I am just a normal girl. Gusto kong malaman lahat ng details.”
“Bata pa lang tayo gusto na kita. Dapat nga liligawan na kita noong eighteen ka pa lang. Pero nalaman ko rin ang sumpa ni Yvanna. Kinailangan kong pigilan ang nararamdaman ko. Dahil nangako ako sa sarili ko na handa akong ibuwis ang buhay ko para kay Faith.”
“Do you know that you are not my most favorite person? Wala ka kasing ginawa kundi kulitin ako at asarin,” aniyang di mapigil mapangiti. “But you are the most special man in my life. Aside from my father, of course.”
“Yes. Because I am handsome, intelligent, charming…”