Love and Magic Series Chapter 57

Nabuhay si Liatris sa mundo ng mga Vinca na kaiba ang paniniwala. Ang mga babae ang namamayani habang ang mga lalaki ay walang silbi kundi bilang alipin at tagabigay lamang ng anak. Walang pag-ibig. Walang kasal. Dahil ang dalawang bagay na iyon ang makakasira sa isang babae.

Natuklasan niya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig nang maging alipin niya si Cid. Nakahanda siyang baliin ang lahat ng batas at paniniwala niya para dito. Maging ang talikuran ang lahat ng Vinca. Ngayon ay siya na ang alipin ng pag-ibig nito.

Ngunit ano ang pipiliin niya? Ang kamatayan o ang katotohanan na di siya ang mahal nito?

Maharot ang pagsasayaw ng mga ilaw. Halos nakakabingi ang musika at punung-puno ng mga tao ang dance floor. Biyernes noon kaya punung-puno ang bar na pinuntahan ni Liatris kasama ang kaibigang si Achillea.

“Wala ka pa rin bang nagugustuhang lalaki?” kaswal nitong tanong sa kanya at inikot ang mata sa paligid.

Umiling siya at sumimsim ng alak. “Ikaw, may nagustuhan ka na ba?”

“Meron na. Marami sila,” nakangiti nitong sabi at kinindatan ang lalaking nasa kabilang mesa. “Pero siyempre, kung sino ang unang lumapit, siya ang pipiliin ko. Ikaw, bakit di ka nakipagsayaw sa nagyaya sa iyo kanina? Guwapo naman siya.”

“Ayoko sa kanya,” matabang niyang sabi.

“At sa dinami-dami ng guwapong lalaki dito, wala ka pa ring gusto?” Humalakhak ito na parang nanunuya. “Kaya hanggang ngayon ay wala ka pa ring karanasan. Ano na lang ang sasabihin ng mga pinamumunuan mo? Na ang prinsesa ng mga Vinca ay di pa rin nahahalikan hanggang ngayon.”

Di siya kabilang sa mundong iyon. Mula sila sa ibang mundo. Sa mundo ng espesyal na mga nilalang. Mas kilala ng mga tao bilang engkanto. At kabilang siya sa mga Vinca. Isang kaharian na pawang kababaihan lamang ang namamayani.

Ilang taon na siyang lihim na pinagtatawanan ng mga Vinca. Maging ang sarili niyang Inang Reyna ay napapasimangot kapag pinag-uusapan siya. Ang isang karaniwang Vinca ay nawawala ang pagkabirhen sa edad na labing-anim. At mula noon ay aktibo na ang mga ito sa pagpili ng mga lalaking gustong makasama. Isa iyong simbolo ng dominasyon ng mga kababaihan.

“Alam mo kung ano ang paniniwala ko,” mariin niyang sabi.

“Tungkol sa pag-ibig? Kalokohan! Gumagaya ka na sa paniniwala ng mga baliw na pinangangatwiranan ang kahangalan nila. Walang pag-ibig, Liatris. Malamang inimbento lang iyan ng mga babaeng mahihina na handang magsakripisyo sa mga lalaki kahit na sinasaktan sila at ginagawang tanga. Walang lalaking marunong magmahal. Kailan ka ba maliliwanagan?”

“Sige na, Achillea. Tama ka na,” sabi niya para matapos na ang usapan.

Naiintindihan niya ang sentimyento nito. Masaklap ang naging karanasan ng mga Vinca sa lalaki. Sa loob ng ilang daangtaon, naging alipin ang mga kababaihan ng malulupit na lalaki. Sinaktan lang ang mga babae ng kanilang asawa. Ginamit bilang tagadala ng anak.

Hanggang isang babae ang lumaban sa asawa niya. Si Reyna Gaillardia, ang unang babae na lumaban sa asawa nitong hari. Pinatay nito ang sariling asawa na walang ginawa kundi uminom, maggiyera at manakit ng babae. Si Reyna Gaillardia ang naging kauna-unahang pinuno ng mga Vinca. Una nitong ibinatas na gawing alipin ang mga lalaki.

Naghimagsik ang maraming lalaki. Ang mga naghimagsik ay ipinatapon sa kaharian. At ang mga naiwan ay tuluyan nang ginawang alipin. Nabaligtad na ang pangyayari. Mula noon ay simple lang ang silbi ng mga lalaki sa mga Vinca-sa pakikipagtalik at pagkakaroon ng anak. Ang kauna-unahang itinuturo ng isang Vinca sa kanyang anak ay huwag maniwala sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay aalipin lamang sa isang babae. Magsisilbing kapangyarihan lang iyon para sa isang lalaki upang manakit ng babae.

Kumaway ang lalaking huling kinindatan ni Achillea. “Sa palagay mo ba ay siya ang pipiliin kong maging ama ng anak ko?” Eksperto si Achillea sa pang-aakit ng lalaki. Pinag-aralan nito ang gawi ang mga tao.

“Bakit hindi na lang isa sa alipin ang piliin mo? Hamak na mas guwapo ang mga alipin natin kaysa sa taong iyan.”

“Dahil ayokong napipilitan lang ang lalaking magiging ama ng anak ko. Gusto ko, malaya din niya akong pinili. Di tulad sa mga alipin. Kailangan mo pang I-hipnotismo para lang paligayahin ako. Ayoko ng tau-tauhan. Mas nararamdaman kong babae ako kung nakakapili ako ng lalaking gusto ko at gusto rin ako. ”

Kapag bilog ang buwan, humihina ang harang na nasa mundo ng mga tao at engkanto. Sa permiso ng kanyang ina na si Reyna Salvia, nakakapunta sila sa mundo ng mga tao para makipagniig. Pinapasama siya nito kay Achillea para daw mawala ang pagiging birhen niya.

“Wala ring ipinagkaiba ang pakikipagtalik mo sa alipin at sa mga taong nagustuhan ka. Wala pa ring pag-ibig doon.”

“Huwag kang magmatigas, Liatris. Baka nakakalimutan mo na malapit na ang ika-dalawampu’t isa mong kaarawan. At kung birhen ka pa rin, si Reyna Salvia na ang pipili ng lalaki para sa iyo. Mawawalan ka ng kalayaan na pumili ng lalaking gusto mo. At magsisisi ka kung bakit naghintay ka sa wala.”

Isa iyong batas ng mga Vinca para tiyakin na patuloy ang paglaki ng lahi nila. Wala pang Vinca na napapatawan ng ganoong kaparusahan. Mukhang siya pa lang ang kauna-unahan kung di pa dadating ang lalaking hinihintay niya. Ngunit kahit ano pang sabihin ng mga ito, naniniwala pa rin siya sa pag-ibig.

Minsan na niyang nakita ang tunay na pagmamahal. Ang guro niyang si Malva ay minsang umibig sa alipin. Kitang-kita niya ang saya sa mga mata nito habang ikinu-kwento kung gaano nito kamahal si Damascus. Di niya nakita ang kaligayahan sa mata nito sa kahit sinong Vinca na nakipagtalik sa pinakamagaling na alipin.

Minsan ay nagtangka ang dalawa na tumakas. Nahuli ang mga ito. Mapapatawad lang ng mga Vinca si Malva kung mamamatay si Damascus. Sa halip ay pinili ni Malva na mamamatay kasama ang lalaking mahal nito. Para sa marami, iyon ay kahangalan. Pero para sa kanya dakila ito dahil marunong itong magmahal. Pinili nitong makasama ang lalaking mahal nito. Maswerte ito. Gusto rin niyang maranasan ang pagmamahal na naranasan nito.

Maya maya pa ay lumapit na ang lalaki na kanina ay kinindatan ni Achillea. “Hi, Miss.” Inilahad nito ang kamay. “Let’s dance.”

Ginagap ni Achillea ang kamay nito at ngumiti. “Sure,” Isa sa kapangyarihan nila na makopya ang pananalita at kilos ng karaniwang mga tao. Kaya wala silang problema sa pakikisalamuha sa mga ito.

Kumaway si Achillea sa kanya. Ibig sabihin ay magkita na lang sila sa lagusan bago sumikat ang araw. Magsasara na ang lagusan pagsikat ng araw mamaya.

Yumakap agad ito sa leeg ng lalaki pagdating sa dance floor. Halos wala nang hangin sa pagitan ng katawan ng mga ito habang nagsasayaw. Maya maya pa ay magkalapat na ang labi ng dalawa. Nang lumingon siya sa paligid ay naghahalikan din ang lahat ng magkakapares sa bar na iyon.

Tumayo siya. Hindi na siya nababagay pa sa lugar na iyon. Pupunta na lang siya sa labas ng lagusan para doon hintayin si Achillea. Nang biglang may humarang sa kanyang lalaki. “Hi, Miss! Wanna have some fun?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.