Love and Magic Series Chapter 58

Maasim siyang ngumiti nang isupalpal nito ang sigarilyo sa bibig. “No, thanks.” Wala siyang kainte-interes dito. “I have to go.”

Hahakbang pa lang siya pero inunat nito ang kamay kaya bigla siyang natigilan. “Huwag ka nang pakipot, Miss. Alam ko naman na gusto mo rin ako. Kanina ka pa nga ngiti-ngiti nang ngiti sa akin.”

Baka naman si Achillea ang ngumingiti dito kanina. “Baka akala mo lang ikaw ang nginingitian ko.”

Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya palapit dito. “No. You can’t leave yet. How about I take you home?” Saka nito ibinuga ang usok ng sigarilyo.

Tumalim ang mata niya. “Bitiwan mo ako! Kung hindi, magsisisi ka.”

Humalakhak ito. “Ako? Magsisisi? Ano naman ang magagawa mo sa akin?” Hinapit siya nito sa baywang. “Baka ikaw ang magsisi sa pagtanggi sa akin. I think you should know what you are missing.”

Tangkang ilalapit nito ang mukha sa kanya. Hahalikan siya nito. Naramdaman niya ang pag-init ng kamay niya. Hinawakan niya ang kamay nitong may hawak sa kanya. Habang ang malaya niyang kamay ay humawak sa baywang nito. Kasabay niyon ay ang malakas nitong pagsigaw na narinig sa buong bar sa kabila ng malakas na tugtog. “Ang kamay ko!” sigaw ng lalaki nang bitiwan siya. “Anong ginawa mo?”

Napasadlak ito sa sahig habang nanlalaki ang matang nakatingin sa umuusok nitong kamay. Kitang-kita ang marka ng kamay niya sa balat nito na parang idinikit sa baga. “Dapat lang iyan sa iyo,” sabi niya.

“Magbabayad ka! Mga bata, kunin siya para turuan ng leksiyon!” utos nito.

Apat na lalaki na malalaki ang katawan ang naglakad palapit sa kanya. Naghanda siyang patumbahin ang apat. Sinanay ang mga Vinca na ipagtanggol ang mga sarili lalo na sa mga lalaki. Nang may biglang humatak sa kamay niya na isang lalaki. Napilitan tuloy siyang tumakbo kasama nito sa sobrang pagkabigla.

“Habulin ninyo siya!”

KANINA lang ay handa na siyang patumbahin ang mga kalaban niya. Ngayon ay kasama na siyang tumatakbo ng lalaking ito. Di niya maiwasang mainis sa pakialamerong lalaki. Kahit kailan ay wala pa siyang inurungang laban. Nakataya ang karangalan niya bilang isang Vinca sa laban na iyon. At dahil sa pagtakbo niya, baka iniisip na ng mga lalaking iyon na isa siyang duwag.

“Miss, dito tayo,” anang lalaki at iginiya siya sa direksiyon ng carpark.

Nabighani siya sa boses nito. Lalaking-lalaki. Buong-buo. Matangkad ito. Sa palagay niya ay nasa anim na pulgada. Mukha ring matipuno ang pangangatawan. Balewala dito ang pagtakbo nila. Guwapo rin kaya ito? May guwapo bang pakialamero? Ayaw niya sa lahat ay pinangungunahan siya.

Tumigil sila sa isang kotse at binuksan iyon. “Miss, pumasok ka na.”

Bubuka pa lang ang labi niya para sermunan ito at sabihing huwag siyang pakialaman nang mapatulala siya. Sa tulong ng liwanag ng buwan ay napagmasdan niya ang mukha nito. Malamlam ang mata nito. Matangos ang ilong at may kahabaan ang buhok. Sa unang tingin ay mukha itong maamo. Hanggang tumalim ang mga mata nito. Na parang mandirigma na handang makipaglaban.

“Miss, ano ba? Pumasok ka na!” naiirita nitong utos. “Kapag nakita nila tayo, pareho lang tayong mapapahamak.”

Dominante. Guwapo nga pero dominante naman. Sa mundo nila, walang nagtataas ng boses sa kanya. Lalo na ang isang lalaki. “Bakit? Sinabi ko ba na tulungan mo ako. Kung ayaw mong mapahamak, sana di ka na lang nakialam.”

“How ungrateful! Damn!” Bigla siya nitong binuhat at inupo sa tabi ng driver’s seat. “Diyan ka lang!” utos nito at ibinalibag ang pinto.

“Kung ayaw mong mapahamak, aalis na lang ako,” sabi niya nang umupo ito sa driver’s seat. “Kaya ko na ang sarili ko.”

Awtomatikong nag-lock ang pinto. “Stay put, will you?” Mahina itong napamura nang marinig ang papalapit na yabag. “Nandiyan na sila. Di na tayo makakaalis dito. Tiyak na mahahabol nila tayo.”

Hinampas nito ang manibela. Mabilis na gumana ang utak niya. Kaya niyang buksan ang lock sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. Pero tiyak na magtataka ang lalaki. At kung tatakas siya, hahabulin siya nito. Makikita sila ng mga humahabol sa kanila. Kung mahuhuli sila, ito ang mapapahamak. At mapipilitan din siyang gamitin ang kapangyarihan niya.

“May naisip na ako,” sabi niya.

“Huwag mong sabihing tatakas ka na naman.” Hinawakan nito ang kamay niya. “I won’t let you. If you get out of the car, I’ll go after you.”

Napatitig siya sa guwapo nitong mukha. “Wala akong balak na tumakas.”

Hinatak niya ang leeg nito para maglapit ang mukha nila. Idinikit niya ang labi dito. Nanlaki ang mata nito. Nakuha nito ang ibig niyang sabihin nang tanggalin niya ang butones ng polo nito at paglakbayin ang kamay niya. Iyon lang ang naiisip niyang paraan para mautakan nila ang mga humahabol sa kanila. Ibinaba niya ang zipper ng leather biker blouse niya. Di pa siya naging agresibo pagdating sa lalaki. Kailangan lang niyang iligtas ang guwapong pakialamero.

Akala niya ay magiging simpleng halik lang iyon. Nanlaki ang mata niya nang simsimin nito ang labi niya. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang napapikit. Ganoon pala ang halik. Parang nagulo ang daloy ang dugo niya. At nararamdaman din niya na parang nag-aapoy ang katawan niya.

May kumatok sa bintana ang humahabol sa kanila. “Pare, may nakita ka ba na babae at lalaki na…”

Galit na bumaling ng tingin ang lalaki sa mga ito. Mabilis din nitong kinabig ang ulo niya sa sugpungan ng leeg at balikat nito para itago siya. “Ano ba? Hindi mo ba nakikita na nakakaabala ka dito?”

Sumaludo ang humahabol sa kanila. “Pasensiya na, boss!”

Habol niya ang paghinga habang nakasubsob dito. Mabango ito. At naramdaman niya ang kalamnan nito sa ilalim ng daliri niya. Noon lang siya nakaramdam nang ganoon. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya. Ang sabi ni Malva, doon daw niya malalaman kung espesyal sa kanya ang isang lalaki. Makakaramdam agad siya ng malakas na kaba.

Napapitlag siya nang ilapit nito ang bibig sa tainga niya. Itutuloy ba nila ang nasimulan nila kanina? Kung ito ang lalaking matagal na niyang hinihintay, hindi siya tututol. “Miss, okay na. Wala na sila,” bulong nito.

Inangat niya ang tingin. “Ha?”

“Let’s fix ourselves,” sabi nito at ibinutones ang damit.

Nahawi ang ulap sa utak niya. Sinasabi pala nito na magbihis na sila. Iyon lang? “Paano ang mga humahabol sa atin?”

May narinig silang sumibad na sasakyan. Nagpulasan agad ang mga humahabol sa kanila para habulin iyon sa pag-aakalang sila ang sakay. “Nasolusyunan na ang problema natin. Pwede na tayong umalis.”

Bumalik siya sa upuan niya at pinaandar na rin nito ang kotse nito. Isinara niya ang zipper ng blouse niya. Saka niya isinuklay ang daliri sa nagulong buhok.

“Saan kita ihahatid?” tanong nito.

Natigilan siya. Sa lagusan sila magkikita ni Achillea. At sa isang iglap ay pwede siyang makarating doon. Kaya niyang maglakbay sa isang lugar sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. At ang alam niya ay malayo ang lagusan. At di rin niya alam kung ano ang pangalan ng lugar na iyon sa gitna ng gubat.

“H-Hindi ko alam kung saan ako pupunta.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.