Idinala siya ng lalaki sa isang coffee shop na nadaanan nila. Iilan lang ang mga tao doon na tahimik na nagkakape. Hinayaan niyang ang lalaki ang um-order.
“Pasensiya na kanina kung napagtaasan kita ng boses,” sabi niya nang ilapag nito ang umuusok na tasa ng kape sa harap niya.
“Wala iyon.” Magaan nitong hinawakan ang isang kamay niya at sinipat-sipat ang braso niya. “Are you okay? Hindi ka ba niya sinaktan?”
Umiling siya at binawi ang kamay dito. “Hindi.” Sumasal na naman ang kaba sa dibdib niya sa simpleng pagdidikit lang ng balat niya. Di niya iyon naramdaman sa kahit sinong alipin o sa kahit sinong lalaki. Ano ba ang mayroon sa lalaking ito?
Pinagmasdan niya ang mukha nito. Guwapo nga ito. Isa sa pinakaguwapong lalaking nakita niya. Matipuno din ang katawan nito. Pero marami din namang katulad nito sa mga alipin nila.
“Pagpasok ko sa bar, nakita ko na susugurin ka ng mga tauhan ni Lambert. Kaya nga hinila na agad kita palabas.”
“Kaya ko ang sarili ko,” aniya at humigop ng kape. “Kahit na di ka pa dumating, kaya kong ipagtanggol ang sarili ko.” Sanay silang mga Vinca sa pakikipaglaban. Kailangan nila iyon para protektahan ang sarili at ang Kaharian.
Napailing ito. “Kilala ko si Lambert. You can’t imagine what they would do to you once they catch you. Hindi ko alam kung ano ang ginawa mo kay Lambert pero mukhang ginalit mo siya ng husto.”
“Tinanggihan ko siya. Ayoko sa kanya.”
“Masyado kang matapang para tanggihan siya. Ano nga pala ang ginagawa mo sa lugar na iyon? It was oozing with sex and violence everywhere.”
“Isinama lang ako ng kaibigan ko. Ikaw, ano ang ginagawa mo doon?”
“I have to meet a friend.”
“Pasensiya na kung di kayo nagkita ng kaibigan mo dahil sa akin.”
Ngumiti ito. “It’s okay. Basta huwag ka nang babalik doon. Baka makita ka ulit ni Lambert at ng mga tauhan niya. Baka di ka na swertehin sa susunod.”
“Hindi na ako babalik.” At sa palagay niya ay natuto na ng leksiyon si Lambert. Baka sa susunod ay sunugin niya ang katawan nito kapag nagpakita ulit ito sa kanya. “Saka di naman ako natatakot sa kanya.”
Mahabang sandali siya nitong pinagmasdan. “You are so different. Masyado kang matapang. Di ka karaniwang babae.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Kung di ako dumating, malamang mag-isa mong hinarap ang mga tauhan ni Lambert. Wala namang tutulong sa iyo dahil hawak niya sa leeg ang mga tao doon. Walang kakalaban sa kanya. Pero di ka man lang natakot. At ikaw lang ang kilala kong tinulungan ko na nga, galit pa.”
Huminga siya nang malalim. “Nasanay lang ako na harapin ang sarili kong mga laban. Gaya ng sinabi mo, walang ibang magtatanggol sa akin.” Nasanay siyang huwag umasa sa kahit na sino lalo na sa isang lalaki. “Ikaw, di ka ba natakot nang ipagtanggol mo ako? Baka hinahanap ka na rin nila ngayon.”
“Kaya ko ang sarili ko.”
“Pareho lang naman pala tayo. Kaya nating ipagtanggol ang mga sarili natin. Anong kaibihan nating dalawa?”
“Babae ka.”
Mariin niyang pinagdikit ang labi niya. “Dahil babae ako di ko kayang ipagtanggol ang sarili ko? Ibig sabihin dahil babae ako mahina ako? Na kailangan namin ang tulong ninyong mga lalaki para mabuhay?”
“Apparently, I am wrong. Gaya nga ng sinabi ko, hindi ka karaniwang babae. Maybe you are one of those feminists who are asking for women’s liberation.”
“Babae na galit sa mga lalaki?” Kung malalaman nito ang tungkol sa mga Vinca, sasabihin siguro ng mga ito na kaharian sila ng mga feminista. Paano ay tugmang-tugma sa paglalarawan nito sa mga kababaihan sa kanila?
“At hindi naniniwala sa pag-ibig,” dugtong pa nito. “Na kaya mong mabuhay ng walang lalaki sa tabi mo.”
“Hindi ako ganoon,” nausal niya. Kaya marahil niyang mabuhay nang walang lalaki. Pero naniniwala naman siya sa pag-ibig. “Naniniwala lang ako na di dapat tratuhing mahina ang mga babae. Kaya rin namin ang ginagawa ng mga lalaki.”
“Yeah. Gender equality. Alam ko naman iyon. I have a mother and a sister who believe in such. Pero mukhang mas matapang ka sa kanila. Di rin sila masyadong ma-pride. They won’t mind being defended by a man.”
“Kung alam mo bang kaya kong ipagtanggol ang sarili ko, hahayaan mo ako?”
Umiling ito. “Tutulungan pa rin kita. Labag sa prinsipyo ko na hayaan ang isang tao na nasa gipit. Konsensiya ko iyon kapag napahamak ka.”
“Ganoon ka ba sa lahat ng tao?” Mapapahamak lang naman ito kung patuloy itong makikialam sa gulo ng ibang tao.
Tumingin ito sa labas. “Kung may magagawa lang naman ako, bakit hindi? Pero mas protective ako sa mga taong mahal ko.”
Narinig na naman niya ang salitang pagmamahal. Alam niyang kailangan mong ingatan ang mga taong mahalaga sa iyo. Pero hindi naman siya nito kakilala. Bakit pinoprotektahan pa rin siya nito? Di niya maintindihan. Ngunit kahit ano pa ang paliwanag nito, nakuha nito ang paghanga at respeto niya.
“Paano kung ma-in love ka sa isang lalaki?” tanong nito. “Hahayaan mo na ba siyang protektahan ka?”
“Siya ang poprotektahan ko,” matigas niyang wika.
Tumawa ito nang malakas. “You are really something!”
Kumunot ang noo niya. “May mali ba sa sinabi ko?”
“Wala. Natutuwa lang ako sa iyo. Karaniwan kasi mga babae ang pino-protektahan ng mga lalaki. Ikaw naman baligtad.”
“Kailangang tanggapin ako ng lalaking mahal ko kung ano ako.”
“Then you should also be aware of men’s pride. May ego rin kami. Gusto rin namin na ipagtanggol ang babaeng mahal namin.”
Ano ba ang naiintindihan niya sa pride ng mga lalaki? Wala iyon sa mundo nila. Dahil alipin lang ang tingin nila sa mga lalaki. Walang karapatan sa kahit ano.
Pero hindi alipin ang lalaking nasa harap niya. May kalayaan itong tinatamasa. May kalayaan itong magmahal. May kakayahang lumaban. Isang klase ng lalaki na papangarapin ng kahit sinong babae sa mundong iyon. At kung ito ang lalaking mamahalin niya, di ito papayag na basta-basta na lang manood habang ipinagtatanggol niya sa mga kaaway. Mas sanay ito na magtanggol.
“Saan kita ihahatid?” tanong nito. “Malapit nang mag-umaga.”
Bigla siyang tumayo. Malapit nang sumikat ang araw. Magsasara ang lagusan at sa susunod na pagbilog ng buwan pa siya makakabalik sa kanyang mundo. “P-Pwede mo na akong iwan dito. Sa tingin ko naman di nila tayo nasundan.”
“At hahayaan kitang mag-isa dito?”