Love and Magic Series Chapter 60

“Kaya ko na ang sarili ko,” mariin niyang wika. “Salamat na lang.”

Kinuha nito ang wallet at may inilabas na card. “Here is my calling card. Kung kailangan mo ng tulong, tawagan mo ako. Basta huwag ka nang babalik sa lugar na iyon. Ayokong makita ka pa nila Lambert,” nag-aalala nitong wika.

“Hindi na nila ako makikita pa.”

Tatalikod na sana ito nang humarap ulit sa kanya. “And one more thing, don’t kiss strangers like what you did a while ago.”

“May mali ba sa pagkakahalik ko sa iyo?” Baka di siya nito nagustuhan dahil di siya ganoon kagaling humalik. Natural iyon ang una niyang halik. Noon lang niya nagamit ang natutunan niya sa paaralan tungkol sa tamang paghalik.

Nahaplos nito ang sariling batok. “You are asking for trouble, lady!”

“Liatris ang pangalan ko,” wika niya.

“Well, Liatris!” Namaywang ito. “Alam ko na ginawa mo lang iyon para protektahan tayo pareho. Basta huwag mo nang uulitin. It’s like jumping from the frying pan to the fire. I have to go now. Mag-iingat ka.” Pinisil nito ang kamay niya. “And please call me Cid.”

Mabilis siyang pumunta sa women’s CR nang umalis na ito. Cid Mykiel Rivas ang pangalan ng lalaki. Pumikit siya at dahan-dahan siyang nilamon ng apoy. Pagbukas ng mata niya ay nasa malaking puno na siya na nagsisilbing lagusan pabalik sa kanyang mundo. Gumuhit ang ngiti sa labi niya. Magkikita pa rin sila.

“BAKIT, Liatris? Sinabi ko sa iyo na huwag na huwag mong gagamitin ang kapangyarihan mo sa mundo ng mga tao. Ilang oras lang tayo doon pero nakalimutan mo na ang utos sa atin,” sermon ni Achillea sa kanya nang puntahan siya sa kuwarto niya.

Maingat niyang nilinis ang espada niya. “Huwag ka nang magalit. Nakaligtas naman ako. Ni wala ako kahit isang galos.”

“Alam ko. Pero alam mo ba kung ano ang nangyari sa biktima mo?”

“Oo. Sinunog ko ang kamay niya.”

“Nagkagulo sa bar dahil sa ginawa mo. Isinugod sa ospital si Lambert. Iyak nang iyak dahil akala niya mawawalan na siya ng kamay.”

“Dapat lang iyon sa kanya. Wala kasi siyang galang. Hula ko nga marami na siyang taong inagrabiyado. Dapat sa mga lalaking tulad niya, di na binubuhay,” aniya at itinaas ang espada.

“Aba! Muntik na nga akong hindi isama ni Zander sa condo niya. Muntik na akong walang mapala. Buti na lang magaling akong mangumbinsi.”

“Iyan lang ba ang ikinagagalit mo?” tanong niya at nilingon ito.

“Nagagalit ako dahil nawalan ka ng ingat. Mahigpit ang batas natin tungkol sa paggamit ng kapangyarihan sa mundo ng mga tao. Ang kaparusahan ay…”

“Hindi ka maaring makipagtalik sa mga alipin sa loob ng dalawang linggo.” Malapad siyang ngumiti. “Wala naman diperensiya kahit parusahan ako o hindi.”

Hinawakan nito ang balikat niya at niyugyog. “Isinama kita sa mundo ng mga tao hindi para manggulo. Kita mo nga, hanggang ngayon birhen ka pa rin.”

Napangiti siya. “Pero hindi ibig sabihin wala akong nakitang lalaki.”

“Talaga? Anong nangyari?” kinikilig nitong tanong.

Inabot niya ang calling card dito. “Bigay niya sa akin kagabi.”

Binasa nito ang calling card. “Cid Mykiel Rivas? O, ano ngayon kung binigyan ka niya nito? Wala namang nangyari sa inyo, di ba?”

Binawi niya ang card dito. “Siya ang nagligtas sa akin kagabi.”

“Ikaw, ililigtas ng isang lalaki? Kayang-kaya mo naman ang sarili mo. Hindi ba insulto naman iyon sa iyo bilang isang Vinca?”

“Wala akong pakialam.” Tinanaw niya ang umuusok na Bulkang Vitaliz sa di kalayuan. “Alam mo ba na hinalikan ko siya para di kami mahuli ng mga humahabol sa amin? Tapos parang nawala ako sa sarili ko.”

Pumalatak ito. “Ikaw ang nawala sa sarili? Parang di yata tama iyan. Alalahanin mo na ang turo sa atin, dapat tayo ang kumokontrol sa mga lalaki. Di natin dapat hayaan na sila ang kumontrol sa atin.”

Nangalumbaba siya. Wala siyang pakialam sa mga paalala nito. “Basta ang alam ko, gusto ko siyang makita ulit sa susunod na kabilugan ng buwan. Babalik ako sa mundo ng mga tao.” Kinuyom niya ang palad. “At di ko na siya pakakawalan.”

Mataman siya nitong tinitigan. “Basta huwag mong sasabihin sa akin na pag-ibig na ang nararamdaman mo. Alam mo kung ano ang kabayaran ng pagiging isang hangal, Liatris. Huwag kang magkakamali.”

Naputol ang pag-uusap nila nang may kumatok sa pinto. “Prinsesa Liatris, ipinapatawag kayo ni Reyna Salvia sa bulwagan,” anang isang kawal.

“Salamat.” Nagkatinginan sila ni Achillea. “Oras na para mag-ulat.”

Nagtungo sila sa bulwagan ng palasyo. Simple lang ang palasyo nila subalit matatag. Ilang pagsabog na ng bulkan ang nalagpasan nito. Maging ang mga Vinca ay simple lang ang kasuotan. Kadalasan ay gawa sa balat ng hayop ang damit nila na pandigma. Malambot na tela na makulay naman kapag karaniwang araw. At boots na hanggang tuhod ang pangsapin sa paa. Di sila maluho.

“Liatris, anong nangyari sa pagtungo mo sa mundo ng mga tao?” tanong ni Reyna Salvia. “May maiuulat ka na ba sa akin?”

Yumuko siya. “Paumanhin mo, Inang Reyna.”

“Birhen ka pa rin hanggang ngayon?” Dumagundong ang boses sa buong bulwagan. Kasunod niyon ay ang bulungan ng mga nasa paligid. Siya ulit ang sentro ng katatawanan sa buong kaharian. Walang naililihim sa mga Vinca. Parang isa silang malaking pamilya na nalalaman ang nangyayari sa isa’t isa. Bumaba si Reyna Salvia sa trono at nilapitan siya. “At nalaman ko mula kay Achillea ang paggamit mo sa kapangyarihan mo sa mundo ng mga tao.”

“Ipinagtanggol ko lang po ang aking sarili. Magkagayunman, handa po akong tanggapin ang kaparusahan.” Lalong lumakas ang tawanan.

Di maiwasan ang pagdilim ng mukha ni Reyna Salvia. Palibhasa ay naisahan niya ito. “LIatris, alam mo na di ito maaring magpatuloy. May responsibilidad ka na kailangang gampanan. Sa sarili mo bilang babae at sa kaharian natin.” Bilang babae, kailangan niyang makuha ang lahat ng pwedeng maranasan ng isang babae. At kailangan din niyang bigyan ng susunod na tagapagmana ang kaharian.

“Isa lang naman ang hinihingi ko, Inang Reyna. Maghintay kayo hanggang sa pagsapit ng kaarawan ko,” aniya at yumukod. Nang itaas nito ang kamay ay senyales na tapos na ang kanyang pag-uulat at papasok ang susunod na mag-uulat.

“Mahal na Reyna, ihaharap po namin ang lalaking ito na nahuli namin sa gubat na sakop ng ating kaharian!” ulat ng pinuno ng kawal sa Silangan. Bitbit ng mga kasama nitong kawal ang isang lalaki na malapad na metal na kuwintas sa leeg.

“Mahal na Reyna, di ko po sinasadya. Nagmamadali lang po ako na makatungo sa Kahariang Asturia. At ang gubat po ninyo ang pinakamabilis na daan. Wala po akong masamang hangarin.”

“Ikinalulungkot ko, lalaki. Hindi mo binasa ang babala sa labas ng gubat na sinumang tatapak sa aming lupain ay pag-aari na namin. At dahil di mo iginalang ang aming batas, alipin ka na namin habambuhay. Di ka na makakalabas pa dito.”

Nagmamakaawa ang lalaki nang ilabas ng mga kawal patungo sa kulungan ng mga bihag. Sa loob ng ilang siglo, tahimik na namumuhay ang mga Vinca. Nakakulong sila sa sarili nilang mundo. Sinumang lalaki na pumasok sa kanilang teritoryo ay ginagawang alipin. Paraan na rin iyon ng pagkalat ng lahi nila. At babala sa iba na nagtatangka pang sumuway.

“Gusto mo ba siya?” tanong ni Achillea sa kanya.

Umiling siya. “Hindi ako interesado.” Mas gusto pa rin niya si Cid.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.