Napadilat siya nang maramdaman niyang may sumalo sa kanya. Nang dumilat siya ay buhat-buhat siya ni Andros. “Andros?” usal niya.
Ngumiti ito. “Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na.”
Lumipad sila paitaas. Naglalaho ang tinig ng pananaghoy. At ang nakaka-pangilabot na gibik ng dragon. Hanggang muli silang makabalik sa liwanag. Lumapag sila sa mismong harap ng hari at reyna. Inilapag siya ni Andros at yumukod. “Paumanhin kung nahuli ako sa paglilitis.”
“Hindi ka kasama sa paglilitis. Pinabantayan ka namin sa mga kawal. Nahatulan na namin ang magnanakaw at espiyang iyan!” anang hari at itinuro siya.
“Huwag kang lumapit sa kanya, anak,” pakiusap ng reyna. “Isa siyang mapanganib na nilalang.”
“Pero hindi po ako magnanakaw.” Hinila niya ang kapa ni Andros. “Andros, sabihin mo sa kanila na hindi ako magnanakaw. Na naiwan mo lang ang kwintas kagabi. Nalaglag siguro iyon at napulot ko pero di ko iyon pinag-interesan. Ang totoo, ibabalik ko nga iyon sa iyo.”
Ginagap ni Andros ang kamay niya. “Totoo po ang sinasabi niya. Isa pa, bakit niya nanakawin ang kuwintas kung siya mismo ang nagmamay-ari nito?”
“Ang babaeng iyan ang pinili ng kuwintas upang maging susunod na reyna?” nanlalaki ang matang usal ng hari.
“Pinili akong reyna ng ano?” naguguluhan niyang tanong.
“Nais kong ipaalam sa lahat na natagpuan ko na ang aking maging prinsesa,” anunsiyo ni Andros at hinalikan ang likod ng kamay niya.
Parang gusto na lang niyang muling bumuka ang sahig at tuluyan siyang lamunin. Wala siyang pakialam kung sa Hades pa siya bumagsak. Pero hindi siya magiging prinsesa ng mga wirdong nilalang na ito kahit pa sa panaginip.
SA ISANG iglap ay nagbago ang pagtrato sa kanya. From a hellish cell, she was transferred to a new and elegant room. Malawak ang kuwarto. Parang kasya na doon ang bungalow nila sa Manila. Fit for a princess. Wala nga lang radyo, TV o ibang modernong gamit. Lampara lang ang ilawan pero komportable naman.
May mga alalay din na naka-antabay sa kanya. Ayon na rin iyon sa utos ng hari at reyna mula nang malamang siya ang nakatakdang pakasalan ng prinsipe.
Yumukod sa kanya ang isang babae na may bitbit na iba’t ibang klase ng makikintab na tela. “Mahal na prinsesa, mamili na po kayo ng nais ninyo.”
“Salamat na lang. Mas gusto ko ang damit na suot ko,” nakasimangot niyang sabi. Nagpapanting ang tainga niya kapag naririnig siyang tinatawag na prinsesa.
“Pero hindi po iyan ang nais ng mahal na hari. Ang utos po sa amin ay ayusan kayo dahil maya maya ay ihaharap din kayo sa kanila ng mahal na reyna.”
“Gusto kong makausap si Andros!” mariin niyang sabi.
“Pero hindi po kayo maaring humarap sa mahal na prinsipe nang ganyan ang suot. Kakatwa naman ang damit sa kaharian ninyo. Kahit ang mga mahihirap na nilalang sa aming kaharian ay hindi nakikitang nakasuot nang ganyan.”
Umangat ang kilay niya. Hindi lang alam ng mga ito na designer jeans and shirt ang suot niya. Mas out of fashion kaya ang mga ito. “Nang magkita kami, ganito na ang itsura ko. Kaya kakausapin ko siya kung anuman ang suot ko. Dadalhin ba ninyo ako sa kanya o sasabihin ko na ayaw ninyo akong sundin?”
Yumukod ang babae. “Masusunod po, mahal na prinsesa.”
Nakadama siya ng tagumpay nang alalayan siya ng babae at ng dalawa pang kawal sa silid ni Andros. Bumukas ang pinto at sinalubong pa siya mismo ni Andros. Parang hindi na nagulat na makita siya. “Iwan muna ninyo kami,” utos ni Andros sa mga tauhan. Yumukod ang mga ito at dumistansiya sa kanila. Isinara ni Andros ang pinto. “Anong masasabi mo sa silid mo, mahal kong prinsesa?”
“Huwag mo akong tatawaging prinsesa. Kinikilabutan ako!” Ngayon niya ito natitigang mabuti. Kaya pala kakaiba ang mata nito nang makita niya. Dahil kulay violet din ang mata nito tulad ng mga magulang.
“Ano ang itatawag ko sa iyo?”
“Yelena.”
“Pero isa ka nang prinsesa kaya dapat kang masanay.”
“Andros, naguguluhan pa rin ako. Hindi ko alam kung binabangungot ako o nag-iilusyon lang ako. Paano ako naging prinsesa?”
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Hindi ka nananaginip.”
Lumayo siya dito dahil pakiramdam niya ay nalulusaw siya. She needed to keep her sanity. “Kung ganoon, gusto ko nang umuwi. Wala akong planong maging prinsesa mo. I just want to go back to my old life.”
“Imposibleng makabalik ka sa mundo mo. Nasa mundo ka ng engkanto.”
Pumikit siya at bumilang ng sampu. “Mundo ng engkanto? At engkanto kayo?” Hindi niya alam kung matatawa siya o iiyak. “Hindi ako naniniwala sa engkanto. Kaya tigilan mo na ang kalokohang ito. Wala akong pinasukan na kahit ano nang magpunta ako sa gubat. I didn’t fall in a hole or a warp zone. Basta naglakad ako nang naglakad. So I know that there must be a way out somewhere.”
“Nang pumasok ka sa malaking puno, nakapasok ka na sa mundo namin.”
“No joke? Puno? Ano naman ang pruweba mo?”
“May mga dala kang makabagong teknolohiya na ginagamit ninyong mga tao, hindi ba? Di mo na ba ito nagamit nang walang dahilan.”
Tumango siya. “Kaya ba hindi na gumana ang flashlight at cellphone ko?”
“Tama. Hindi iyon gumagana sa aming mundo dahil mahika na bigay sa amin ng kalikasan ang maaring magamit sa mundo namin.” Ibinuka nito ang kamay at mula doon ay lumabas ang isang bolang kristal. Mula doon ay lumitaw ang malaking puno sa gubat. “Ito ang lagusan patungo sa aming mundo. Ang sinumang tao na naliligaw dito ay sinasadyang iligaw ng aming tagabantay.”
“At paano ako nakapasok sa mundo ninyo?”