Love and Magic Series Chapter 61

Idinikit ni Liatris ang dulo ng espada sa leeg ni Achillea at umugong ang palakpakan sa paligid. Natalo na naman niya ito. Araw-araw silang nagsasanay sa pakikipaglaban. Mas lalo sa kanya. Malaki ang nakaatang na responsibilidad sa balikat niya bilang susunod na Reyna ng mga Vinca.

Ibinaba niya ang espada at inabot ang kamay kay Achillea. Nakangiti nitong inabot iyon at hinila niya ito patayo. “Bakit parang nagmamadali ka yata ngayon sa pag-eensayo? Paghahandaan mo ba ang ritwal mamayang gabi?”

Isa iyong fertility ritual. Sa bagong buwan ng ikaapat na buwan ng taon ay nagsasagawa sila ritwal bilang pag-aalay sa diyosa ng mga kababaihan. Ito rin ang ritwal para sa mga babaeng nais magkaanak at handa nang makipag-isa sa lalaki.

“Hindi ko kailangang sumali doon.” Para lang iyon sa mga babaeng nais nang magkaanak. At magkakaanak lang siya sa lalaking pinili niya.

“Pero malapit na ang kaarawan mo. Ang ritwal nito ay para sa lahat ng mga babaeng nais magkaanak sa taong ito. Naalala mo ang sinabi ni Reyna Salvia. Nais na niyang makita ang susunod na prinsesa ng mga Vinca.”

“Huwag na muna nating pag-usapan ang tungkol diyan. Pupunta muna ako sa lawa,” sabi niya at patakbo itong iniwan.

Naiwan niya itong natitigilan bago pa ito mag-usisa. Mabilis siyang nagtungo sa lawa na pinaniniwalaang tirahan ng diwata ng lawa. Sa lugar na iyon ay maaring ipakita ng diwata kung saan ang naroon ang isang taong hinahanap niya.

Lumuhod siya sa tawi ng lawa at ihinulog ang calling card na bigay ni Cid sa kanya. Kailangan niya ng bagay na pag-aari ng hinahanap niya para makita ito. Gusto lang niya itong masilayan bago sila magkitang muli.

“Diwata ng lawa, sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, ipakita mo sa akin ang aking ihinahanap,” usal niya. Bumula ang tubig at umusok. Sa wakas ay makikita na niyang muli si Cid. Sa pamamagitan din niyon ay di na siya mahihirapan pang hanapin ito pagbalik niya sa mundo ng tao.

Sa pagtataka niya ay walang lumabas na anumang imahe doon nang mahawi ang usok at kumalma ang tubig. “Ha? Paano nangyari iyon?” Inulit niya ang ritwal. Maaring nagkamali siya. Subalit pareho pa rin ang naging resulta.

“Ano? Nakita mo na ba ang taong hinahanap mo?” tanong ni Achillea na nakatayo sa likuran niya.

Umiling siya. “Nagtataka ako. Tama naman ang inusal ko na dasal. Dapat maipakita niya sa akin kung nasaan si Cid. Pero walang lumalabas.”

“Saan naman pupunta ang taong hinahanap mo? Baka naman patay na siya.”

Matalim siyang lumingon dito. “Huwag mong sabihin iyan! Hindi siya patay! Baka may problema lang sa kapangyarihan ng lawa ngayon.”

Ibinuka nito ang palad sa ibabaw ng tubig at kusang umangat ang calling card papunta sa kamay nito. “Galing ang bagay na ito sa mundo ng mga tao. At hahanapin ng diwata ang lalaking iyon sa mundo ng mga tao.” Inabot nito sa kanya ang calling card. “Kung di na siya nakita, maaring nasa ibang mundo na siya o patay na nga siya. Iyon ang totoo.”

Mariin niyang hinawakan ang calling card at ibinalik sa bulsa. “Ibig mong sabihin, maaring nahuli siya ng mga tauhan ng bumastos sa akin at sinaktan siya? Hindi! Sinabi niya na kaya niya ang sarili niya! Di siya pwedeng mamatay!”

“Ano ngayon kung wala na siya? Lalaki lang siya.”

“Ayoko! Siya ang gusto ko!” Ito ang lalaking matagal na niyang hinihintay. Pinili na rin niya itong maging ama ng anak niya. Kung may lalaki siyang mamahalin, ito na iyon. Dito lang niya ibibigay ang katawan niya.

“Wala ka nang magagawa kung patay na siya. Lalaki lang iyon,” walang emosyon nitong sabi. “Paghandaan na lang natin ang ritwal mamayang gabi.”

Kumislap ang pulseras nila ni Achillea. May nagpapadala ng mensahe sa kanila. “Sa lahat ng Vinca na nasa bahaging Silangan. Magmadali! May nakapasok sa ating teritoryo. Kasalukuyan siyang nasa kagubatan,” anunsiyo mula sa punong kawal ng mga Vinca na tagabantay sa Silangan. Sa panawagang iyon, lahat ng mga Vinca na nasa bahaging iyon ng kaharian ay dapat tumulong sa paghahanap. Kaligtasan ng kaharian nila ang nakasalalay.

Tinanguan siya ni Achillea. “Tingnan natin kung sinong mas magaling sa atin, Liatris. Kailangan kong bumawi sa pagkakatalo mo sa akin kanina.”

“Tinatanggap ko ang hamon,” sabi niya at patakbong tinungo ang gubat.

Inipon niya ang kapangyarihan sa paa at inakyat ang puno. Mas mabilis para sa kanya na maghanap sa ganoong paraan. Si Achillea ay sa lupa naghanap.

Bilang prinsesa ng mga Vinca, may kakayahan siyang makaramdam kung sino ang Vinca at hindi. Kaya din niyang pakiramdaman ang kilos ng pangahas at sa direksiyong tinutungo nito. Ang kailangan lang niyang gawin ay pag-aralan ang direksiyon nito. Nagulat siya sa mabilis na pag-iiba-iba ng direksiyon ng hinahabol nila. “Matinik ka, ha,” aniya at tumalon patungo sa kabilang sanga. “Pero kayang-kaya kitang hulihin.” Kung di siya ang makakahuli dito, di siya dapat maging prinsesa ng mga Vinca. Di pala niya kayang depensahan ang kaharian niya.

Umangat ang gilid ng labi niya nang maramdaman niyang sa direksiyon niya patungo ang pangahas. Mabilis nga itong tumakbo. Walang sinuman sa mga Vinca ang makakahabol dito kahit na siya. Pero mautak naman siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.