Papalapit na ito nang tumalon siya mula sa puno. Saktong humarang siya sa daraanan nito. Iniumang niya ang espada sa leeg nito. Halatang natigilan ito sa bigla niyang pagsulpot. “Hindi ka na makakatakas ngayon.”
Nakasuot ito ng maskara kaya di niya makitang mabuti ang mukha ng lalaki. Ngunit matangkad ito at mukhang matipuno. Sa isang iglap ay nahawi ng espada nito ang espada niya palayo sa leeg nito. Tumalsik ang espada niya.
“Wala akong planong manggulo. Di ko rin gustong saktan ka,” sabi nito at ibinalik ang espada sa lalagyan nito. Di na ito makikipaglaban sa kanya. “May hinahanap lang akong tao kaya ako napadpad sa lugar ninyo.”
Namanhid ang katawan niya nang marinig ang boses nito. Kaboses ito ni Cid. Ipinilig niya ang ulo. Ginagamitan siya ng kapangyarihan nito para linlangin siya. Para masira ang konsentrasyon niya sa paglaban dito.
“Tama na ang pagpapanggap. Hindi mo ako maloloko!” sabi niya at sinipa ito. Pumilig lang ang ulo nito at ang tinamaan niya ay ang maskara nito.
Tinalikuran siya nito. “Pabayaan mo na lang akong umalis. Ayoko ng gulo.”
“Hindi!” sigaw niya. Kinuha niya ang pana at palaso sa likuran niya. Saktong humarap siya nang pakawalan niya ang palaso. Humaginit ang palaso sa balikat nito at naipako ito ng palaso sa katawan ng puno. Tangkang tatanggalin nito ang pagkakapana nang pakawalan pa niya ang isa pang palaso na tumama sa kabilang bahagi ng damit nito. Tuluyan na itong hindi nakagalaw.
“Hindi ka na sana tumakas,” sabi niya at nilagyan ng kuwintas ang leeg nito. Ang kuwintas na nagtatakda dito bilang alipin ng mga Vinca.
Nagdatingan ang ibang mga Vinca. “Magaling. Nahuli mo siya, Liatris.”
“Kayo na ang bahala sa kanya na magharap sa Inang Reyna.” Gusto pa niyang bumalik sa lawa. Baka sakaling makita pa niya si Cid.
“Pakawalan na ninyo ako. Dahil kapag ako ang nakawala…”
Humalakhak si Achillea. “Hindi ka na makakawala pa. Dahil sa kuwintas na iyan, di mo na magagamit pa ang kapangyarihan mo. Iyan na rin ang kokontrol sa iyo. Wala kang ipinagkaiba sa karaniwang tao.”
Ang ipinagtataka lang niya, bakit nanatili ang boses ng pangahas na kaboses ni Cid. Di tuloy niya mapigilang isipin kung ano ang itsura nito sa ilalim ng maskara. Katulad din ba ito ni Cid? Tao si Cid. Di ito kabilang sa mundo nila. Kaya imposible na maging kahawig ito ng pangahas. Pero bumalik pa rin siya sa lalaki.
“Anong nasa ilalim ng maskara mo?” tanong niya at inangat ang maskara.
“Huwag!” sigaw nito subalit huli na. Natanggal na niya ang maskara.
At siya ang nagulat nang makita ang mukha ng bihag. Kamukha nito si Cid.
IMPOSIBLE! Si Cid ang bago nilang bihag. Di pa rin makapaniwala si Liatris hanggang iharap ito kay Reyna Salvia. Ngayon niya naintindihan kung bakit di niya ito makita sa mundo ng mga tao. Dahil nasa mundo na nila ito.
“Ako po si Cid. Wala po akong intensiyong manggulo. May hinahanap po ako at ang sinabi sa akin ay dito siya napadaan sa direksiyon ng inyong kaharian,” paliwanag ni Cid. Sa kabila ng suot na kuwintas para sa alipin ay diretso pa rin nitong tiningnan si Reyna Salvia. Ni hindi man lang ito natatakot.
“Kung wala kang intensiyong masama, sana’y di na nagpilit pang pumasok sa aming lupain. At para saan ang suot mong maskara?”
“Iyan po ang kasuotan sa aming kaharian,” paliwanag nito. Dahil sa maskara nito ay di niya ito nakilala. Akala niya ay nililinlang lamang siya ng tinig nito. Kung nakita lang niya ang mukha nito, sana’y pinatakas na niya ito.
“Sinabi ng aking mga kawal na nakipaglaban ka sa kanila.”
“Para lamang po ipagtanggol ang aking sarili. Kung tatanungin po ninyo sila, wala akong sinaktan kahit sino kahit kaya ko namang kitlin ang kanilang buhay,” sabi nito at tumingin sa direksiyon niya. Ipinaalala nito kung paano siyang natalo sa labanan. Iniwas niya ang tingin. Kasalanan niya kung bakit ito nabihag.
“Dahil sa iyong kapangahasan, magiging alipin ka na Kaharian ng mga Vinca,” deklara ni Reyna Salvia. “Inaalisan ka na namin ng kahit anong karapatan. Di mo na magagamit pa ang iyong kapangyarihan. Habambuhay mo nang isusuot ang kuwintas na iyan bilang sagisag na isa kang alipin. Mga kawal, dalhin na siya sa kulungan ng mga alipin.”
“Huwag!” protesta niya.
“Liatris?” tanong ni Reyna Salvia. Nakita rin niya ang pagdidikit ng kilay ni Cid. Nagtaka ito sa pagtutol niya.
“Dalhin ninyo siya sa silid ko,” taas-noo niyang utos.
PUMASOK si Liatris sa silid niya. May isang pinto pa doon na katugon ng kabilang silid. Binuksan niya iyon at natagpuan si Cid na nakahalukipkip habang pinanonood ang mga Vinca na inaayos ang hardin ng palasyo para sa pagtitipon. Naging alerto agad ito pagpasok niya sa silid.
“Wala akong gagawing masama sa iyo,” sabi niya at inilapag ang mga sandata sa mesa malayo dito. Di siya magagalaw nito dahil mas malakas na siya dito. Epekto kuwintas na kumokontrol dito.
“Bakit dito mo ako idinala? Anong gagawin mo sa akin?”
“Ito ang kuwarto ko.” Ang totoong kuwarto niya ay sa unang silid na pinasukan niya. Habang ang kuwartong iyon ay nakalaan sa mga alipin na pipiliin niyang makasama sa gabi. Marahan siyang lumapit dito. Di niya inalis ang tingin dito nang haplusin niya ang mukha nito. “Kaya pala hindi kita makita sa mundo ng mga tao. Nandito ka lang.”