“At di na ako nagtataka kung bakit kakaiba kang babae. Dahil isa ka sa kanila. Namumuhay kayo sa paniniwala na superyor kayo. Ano nga pala ang tingin mo sa mga lalaking tulad ko? Laruan lang? Iyon ba ang ginagawa mo sa mundo ng mga tao? Para paglaruan ang mga lalaki?”
“Hindi ba ganoon din naman ang mga lalaki?” Di niya makakalimutan na sa kasaysayan, naging tau-tauhan ng mga lalaki ang mga babaeng tulad niya. At kung di nabuo ang kanilang kaharian, baka hanggang ngayon ay sila pa rin ang alipin.
“Hindi lahat ng lalaki katulad ng iniisip mo.”
Umupo siya sa gilid ng kama. “Hindi mo rin ako masisisi kung ano ako. Ganito na ako pinalaki. May mga paniniwala na hindi basta-basta mabubura sa akin. Pero huwag kang mag-alala. Hindi kita ibibigay sa kanila.” Sa kanya lang ito.
“Alipin mo na ako ngayon. Hawak mo na ang buhay mo. Magagawa mo na ang lahat ng gusto mo sa akin at wala akong karapatang tumutol, hindi ba?” sarkatiko nitong tanong. Kung iba sigurong Vinca ang kausap nito, malamang ay naparusahan na ito. Pero di niya iyon gagawin.
“Hindi kita pipiliting gawin ang di mo gusto. Kung ayaw mo dito, pwede kitang ipadala kasama ang ibang mga alipin.”
“Iyon naman ang dapat, hindi ba?”
“Kapag isinama kita doon, ibig sabihin ay magiging alipin ka ng kahit sinong Vinca. Pero kung mananatili ka sa silid na ito, ako lang ang makakasama mo. Walang ibang pwedeng gumalaw sa iyo.”
“Kundi ikaw lang,” dugtong nito. “Hindi pa rin iyon makatarungan!”
“Hindi makatarungan ang pagpasok mo sa teritoryo namin sa kabila ng mga babala. Di ka na namin responsibilidad kung lumabag ka man sa batas namin. Ikaw ang nagdesisyon sa buhay mo.”
“Wala kayong karapatan na paglaruan ang buhay ng mga alipin ninyo.”
“Hindi ba may batas rin kayo sa kaharian ninyo? Kung ako ang mapupunta sa kaharian ninyo at magkakasala ako, parurusahan din ninyo ako. Ginagawa namin ito ayon sa pinaniniwalaan naming tama.” Tumayo siya. “Kailangan ko nang umalis. May mahalaga kaming pagtitipon mamaya. May darating mamaya para paliguan ka at bihisan para sa pagtitipon. Sumunod ka nang maayos sa kanila.”
Tumigas ang anyo nito. “At kung hindi ako sumunod?”
“Susunod ka pa rin sa kanila kahit na ayaw mo. Kaya ka nilang kontrolin.”
“Maari ba akong sumama sa ibang mga alipin nang walang nangyayari sa ating dalawa?” tanong nito. Mukhang nasusuklam nga itong makasama siya.
Taas-noo niya itong tiningnan. Di niya ipapahalata dito na nasaktan siya. Hindi ba nito alam na maraming alipin ang mas piliin ang pwesto nito? Halos parang prinsipe ito sa ginagawa niyang trato dito. “Kung aalis ka sa silid na ito bukas nang nananatili pa rin akong birhen, di ka na kailangan pang isama sa ibang mga alipin. Pupugutan ka na nila agad ng ulo.”
“Ano? Bakit? Dahil masakit sa ego ninyo na di mo ako napilit?”
“Hindi. Ibig lang sabihin no’n wala kang silbi sa amin,” aniya at lumabas ng pinto. Kung mahal nito ang buhay nito, mag-iisip itong mabuti.
HANDA na si Liatris para sa gaganaping ritwal sa gabing iyon. Suot niya ang palda na gawa sa nilubid na tela na nagpapakita sa maganda niyang binti. Sa gitna niyon ay may makislap na palamuti.
Pumasok si Reyna Salvia sa kanyang silid. “Isuot mo ang sinturon na ito sa gabing ito,” wika nito at tinulungan siya sa pagsusuot ng sinturon sa baywang niya.
“Salamat po, Ina.” Isa iyong mahalagang regalo mula dito. Ibinibigay iyon sa isang Vinca ng ina nito kapag handa na itong maging ganap na babae.
“Alam mo ang ibig sabihin ng sinturon na ito. Sumisimbolo ito sa pagiging malaya mo bilang isang babae. Sa iyo nakasalalay ang kinabukasan ng mga Vinca. Kaya huwag na huwag mo kaming bibiguin.”
Nagsayaw siya kasama ang iba pang Vinca na kabahagi ng ritwal sa paligid ng apoy na may nakapormang espada na ihinugis na bituin. Sinaliwan nila ang tugtog ng plawta sa malumanay na musika. Itinaas nila ang kamay habang nakatingala sa bagong buwan, simbolo ng pagsisimula ng bagong buhay.
Sumikdo ang dibdib niya nang tumigil ang tunog ng tambol at napalitan ng musika mula sa plawta. Pumasok ang mga lalaking kasali sa ritwal. Nakasuot ang mga ito ng maskara at walang pang-itaas na damit. Subalit nakilala agad niya si Cid dahil ito ang pinakamatangkad at pinakamatipuno sa lahat.
Umupo ang mga ito sa harap nila. Nag-iba rin ang tempo ng sayaw nila. Naging mapang-akit iyon. Iniindayog niya ang balakang sa pagsayaw at nagsayaw paikot kay Cid. Sa kabil ang maskara ay nakita niya ang epekto niya dito. Halos di maalis ang tingin nito sa kanya.
Lalo niyang ginalingan ang pagsasayaw. Tinanggal niya ang sinturon at iniikot sa kuwintas nito sa leeg. Tumayo ito subalit di pa rin magawang alisin ang mga mata sa kanya. Matapos ang ritwal ay idinala na ito sa silid niya.
Alam niyang doon pa lang magsisimula ang totoong ritwal.