Love and Magic Series Chapter 65

“Alam ko,” usal niya. “Natural lang iyon sa simula.”

Inangkin nito ang labi niya. “Magiging maingat ako pero di pa rin maiiwasang masaktan ka. Kung kailan mo akong kagatin para mabawasan ang sakit, gawin mo.”

Tumango siya. Di niya inaalis ang titig sa mata nito nang dahan-dahan nitong pinag-isa ang kanilang katawan. Iginalaw niya ang kalamnan at napasinghap ito. Napangiti siya nang makita ang epekto ng kanyang ginawa. Iniyakap niya ang mga binti sa baywang nito at pinagsugpong ang paa sa likuran nito.

Mas naramdaman niya ang pag-iisa nila. Sa una ay marahan siya nitong inangkin. Hanggang maramdaman niya ang tuluyan nitong pag-angkin sa kanya. Wala siya halos naramdaman na sakit dahil puro sensasyon ang dumadaloy sa kanyang katawan. Bumilis nang bumilis ang kilos nito.

Pakiramdam niya ay dahan-dahan siyang lumulutang. Parang lava na nagmumula sa bulkan. Dahan-dahan siyang itinataas mula sa sentro ng mundo patungo sa bunganga bulkan. Hanggang tuluyan iyong sumabog.

Tinawag nila ang pangalan ng isa’t isa. Parang pareho silang biktima ng isang trahedya na para mabuhay ay kailangan nila ang isa’t isa.

Mahigpit siyang humawak sa balikat nito. Pakiramdam niya ay niyanig siya ang mundo niya. Kung sumabog ang Bulkang Vitaliz nang mga oras ding iyon, malamang ay di niya malalaman ang kaibahan.

TAHIMIK na ang paligid. Tapos na ang kasiyahan sa labas pero unti-unti pa lang humuhupa ang malakas na tibok ng puso ni Liatris. “L-Lagi bang ganoon?”

“Hindi. Dahil noon ko lang iyon naramdaman,” sabi ni Cid at hinaplos ang buhok niya. Kanina pa ito tahimik.

“Kung magsalita ka, parang marami ka nang karanasan.”

“Ayokong pag-usapan ang tungkol diyan.”

Di niya maiwasang makadama ng lungkot. Kanina lang ay iisa sila. Ngayon ay napakalayo nito sa kanya kahit na magkatabi lang sila.

Bumalikwas siya ng bangon. “Sa totoo lang, hindi ko naman alam kung ano ang dapat na itanong o hindi. Nabuhay ako nang walang lalaki. Ni hindi ko nga kilala kung sino ang tatay ko. Ikaw ang kauna-unahang lalaking nakausap ko. Sa aming mga Vinca, nasasabi namin ang lahat ng gusto namin. Akala ko pwede kong itanong sa iyo kahit na ano.”

Magkaiba nga sila. At kahit na alipin pa ito, di pa rin ito magiging tunay na alipin. May sarili itong isip. Paano ito tatagal sa piling niya?

“Hindi ako sanay na wala akong kontrol sa sitwasyon. Iyon ang tinatakasan ko. May mga bagay na dapat ay sa akin lang. Pinipili kong manatiling sekreto. Hindi mo ako masisisi. Ngayon pa lang ako naging alipin.”

Umiling siya. “Hindi. Kasalanan ko. Di na ako dapat nagtatanong.”

Di naman interesado ang mga Vinca sa mga lalaki o sa pagkatao ng mga ito. Isang mainit na katawan lang ang tingin nila sa mga lalaki. Pero hindi si Cid. Pinili niya itong maging ama ng anak niya. Gusto niya na may mai-kwento siya sa anak niya kung anong klaseng lalaki ang ama nito.

Huminga siya nang malalim. “Kung pwede lang na bumalik tayo sa panahon na natin alam kung sino talaga tayo,” tukoy niya sa pagkikita sa mundo ng tao. “Noon, pwede tayong magtanong sa isa’t isa nang walang ipinagbabawal.” Ngayon ay isang malaking pader na ang nakapagitan sa kanila.

Ihinarap siya nito at hinaplos ang mukha niya. “Pwede nating kalimutan kung sino tayo. Kung ano tayo.”

Pumaibabaw ang katawan nito sa kanya at inangkin ang labi niya. Handa siyang kalimutan ang lahat huwag lang matapos ang gabing iyon.

KASAMA ni Liatris si Cid nang lumabas ng palasyo. Sinabi niya na isasama lang niya ito na mamili. Pero ang totoo ay gusto niya itong ipasyal. Tahimik ito habang nakasunod sa kanya at inoobserbahan ang paligid.

“Napaunlad ninyo ang kaharian ninyo nang kayo lang?” tanong ni Cid habang pinapanood nila ang kalakalan sa pamilihan. Nasa tuktok sila ng burol. Doon niya pinili dahil silang dalawa lang ang naroon.

“Oo. Mas maunlad pa nga kami kaysa noong kasama pa naming namumuhay ang mga lalaki. Iyon ang sabi sa kasaysayan namin. Noong mga lalaki pa ang namumuno, laging magulo ang kaharian. Lagi silang umaalis para makidigma. Walang katapusang digmaan. Babalik sila dito para lang anakan at alilain ang mga babae. Habang wala sila, kinailangan ng mga babae na matutong buhayin ang sarili niya at ang mga anak niya. Hanggang maging reyna si Reyna Gaillardia. Ninuno ko siya. Habang nakikipagdigma ang mga lalaki, tinipon niya ang mga kababaihan. Palihim silang nag-aral sa paggamit ng mga armas. Nagawa niyang patayin ang malupit niyang asawa at siya na ang namuno sa mga Vinca. Walang sinumang lalaki ang umapi sa mga babae mula noon.”

“At mga lalaki na ang ginawa ninyong alipin,” sabi nito. Nilingon siya nito. “Anong ginagawa ninyo sa mga ipinapanganak na lalaki? Pinapatay ninyo?”

“Di kami pumapatay basta-basta ng kalahi namin. Lalo na ang isang inosenteng sanggol. Subalit ipinanganak siyang alipin. Lumalaki siya sa isang bahay na pinaglalagakan ng iba pang sanggol na alipin. Nakahiwalay sila sa mga alipin na di ipinanganak ng isang Vinca. Mga nagkakamaling pumasok sa aming lupain.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.