Love and Magic Series Chapter 66

“Dahil lalaki siya? Habang ang mga babae ay magiging kaisa ninyo?” Naging malungkot ang mga mata nito. “Sa kaharian namin, inaalagaan at minamahal ang mga anak kahit na sino pa siya. Lalaki siyang may ama’t ina.”

“Wala akong nakilalang ama.” Isang instrumento para magkaanak lang ang tingin ng mga Vinca sa mga lalaki. Doon naman daw magaling ang mga ito. “Parang isang malaking pamilya na kami. Inaalagaan namin ang isa’t isa. At sa palagay ko, di malaking kawalan sa akin kung wala man akong ama.”

“Iba pa rin kapag lumalaking may ama ang isang bata,” giit nito.

Natahimik siya. Bigla niyang naitanong sa sarili kung mas makakabuti bang lumaki ang magiging anak nila na kasama ito bilang ama. Magiging anong klaseng ama kaya si Cid? Magiging mas mabuti at magaling ba ang kanyang anak kung kasama niya ito sa pagpapalaki.

“Bakit nangingiti ka? Pinagtatawanan mo ang paniniwala ko?” untag nito. Nagulat pa siya nang makitang may bahagyang galit sa mata nito.

“Ha? Hindi!” Tumayo siya. “Halika, may ipapakita ako sa iyo.”

Matapos ang ilang sandaling paglalakad ay bumungad sa kanila ang malawak na bukirin ng mga bulaklak. Animo’y nagkukulumpunan na pulang bituin ang mga ito. Parang bata siyang nagtatakbo at nagpaikot-ikot. “Ito ang paborito kong lugar. Pakiramdam ko kasi isa ako sa mga bulaklak.”

“Anong klaseng bulaklak ang mga ito?” tanong ni Cid.

“Fiorre fiamma. Apoy na bulaklak. Nabubuhay lang siya sa init ng bulkan. At kapag sasabog na ang bulkan, lalong lumalaki at gumaganda ang bulaklak. Katulad naming mga Vinca. Kung mas mahirap ang pagsubok, mas nagiging matatag kami.”

“Tama ka.” Pumitas ito ng isang bulaklak at tangkang ilalagay sa tainga niya.

Humakbang siya palayo. “A-Anong gagawin mo?”

Hinawakan niya nito sa balikat para di siya gumalaw at inipit ang bulaklak sa tainga niya. “Bagay sa iyo ang bulaklak. Lalo kang gumanda,” usal nito habang di nito inaalis ang tingin sa kanya.

Naibaba niya ang tingin dahil parang matutunaw siya. “W-Wala pang lalaking nagsasabi sa akin na maganda ako.”

Hinaplos nito ang pisngi niya. “Kung ganoon ay lagi kong dapat sabihin kung gaano ka kaganda.” Hinagkan siya nito. Yumakap siya sa leeg nito at ibinuka ang labi upang tanggapin ang halik nito. Kung magsalita ito ay parang siya ang pinakamagandang babae. Sa palagay niya ay nagugustuhan na siya nito.

“Liatris!” narinig niyang tawag sa kanya ni Achillea.

Bigla silang naghiwalay ni Cid nang makita si Achillea na nakatayo sa di kalayuan. “Achillea!” Matiim ang tingin nito sa kanila na parang nahuli silang gumagawa ng ipinagbabawal.

“Ipinapatawag ka ni Reyna Salvia.”

“Pero si Cid…”

Naningkit ang mata nito. “Hayaan mong ang kawal na magbalik sa alipin.”

Tinanguan siya ni Cid at ngumiti. “Sige na. Magkita tayo mamaya.”

Saka lang siya ngumiti at sumunod kay Achillea. Buo na ang araw niya sa ngiti nito. Tiyak niyang magiging maganda ang gabi niya sa muli nilang pagkikita.

“NASA silid mo pa rin ba ang bihag?” tanong ni Achillea matapos nilang mag-ulat kay Reyna Salvia. “Di ba dapat isinasama na siya sa ibang alipin?”

“Sa silid ko pa rin siya hangga’t di pa ako nagdadalang-tao.”

Nang isagawa ang fertility ritual, si Cid na ang pinili niya bilang ama ng kanyang anak. Pero gumagawa siya ng paraan para di siya magbuntis. Iyon lang ang naiisip niyang paraan para mapanatili sa tabi niya si Cid.

“At paano kung hindi ka magbuntis?”

“Masyado pang maaga para malaman iyan, hindi ba? Ilang araw pa lang ang nakakaraan mula nang may mangyari sa amin ni Cid. Huwag kang mainip.”

Pinigilan nito ang balikat niya. “Huwag nga tayong maglokohan, Liatris. Espesyal ang trato mo sa lalaking iyon.”

“Dapat lang. Dahil siya ang magiging ama ng anak ko.”

“Espesyal ang magiging anak mo. Pero wala ka nang pakialam sa ama niya. Hindi dapat tratuhin na espesyal ang kahit sinong lalaki.” Mataman siya nitong tinitigan. “Huwag mong sabihin na mahal mo na siya?”

Tinalikuran niya ito. “Sa akin na lang iyon.”

Hinarangan nito ang dadaanan niya. “Huwag ka ngang hangal, Liatris! Alam mo kung ano ang kabayaran ng pagmamahal mo sa kanya. Nakataya dito ang karangalan mo bilang isang Vinca at ang respeto naming lahat sa iyo. Ikaw ang susunod naming pinuno. Huwag mong kakalimutan iyon.”

“Ano pa nga ba ang ginagawa ko? Di ba ginagawa ko ang responsibilidad ko sa inyo bilang susunod ninyong pinuno? Magkakaroon din ako ng anak. Basta huwag na lang ninyong pakikialaman ang nararamdaman ko.”

“Nababaliw ka na, Liatris! Sige, pababayaan kita sa ilusyon mo ng pagmamahal. Pero isang araw matatauhan ka rin. Dahil kahit kailan, hindi ka mamahalin ng lalaking iyon,” anito at iniwan siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.