“Sa pamamagitan ng kuwintas.” Ikinumpas nito ang kamay at nakasuot na ang kuwintas sa kanyang leeg. “Ang kuwintas na iyan ay mahalaga sa aming kaharian. Dahil iyan ang pumipili sa susunod na reyna.” Parang magic pero ilang beses na niyang nagawa iyon ng magician. Di pa rin siya convinced.
“Bakit ako ang pinili niya? Hindi ko naman ambisyong maging reyna. Saka ang alam ko, ibinigay ko na ito kay Eden para ibigay sa iyo kung sakali.”
“Oras na mapili na niya ang karapat-dapat na mag-ari sa kanya, hindi na niya ito hinihiwalayan kahit kailan. Mula nang mapasaiyo ang kuwintas, iyan na mismo ang nagtakda sa kapalaran mo. Ang maging prinsesa ng Kaharian ng Tarragon.”
“I have the right to choose my destiny. Alam ko kung ano ang gusto ko sa buhay ko at hindi ako magpapadikta sa gusto ng iba. Kagabi lang kita nakita at gusto mo agad na maging prinsesa mo ako? Saka wala ka bang isip?”
“Sinusunod ko lang kung ano ang itinakda sa akin ng kapalaran. Ito ang nakatakda sa iyo, Yelena. At hindi ka nananaginip.”
She was mesmerized by his voice. Hindi siya makagalaw nang unti-unting lumapit ang mukha nito sa kanya at halikan siya. His lips held her captive. Parang lumulutang ang ulo niya sa alapaap. That was her first kiss. Wala siyang alam sa paghalik. But a voice inside her head was commanding her what to do. Not to repulse but to open her lips and reply.
Nakadama siya ng panghihinayang nang matapos ang halik. Pero bumalik ang inis niya nang makit ang tagumpay sa mga mata nito.
Ano ba ang nangyari sa kanya? Was she hypnotized? Ginamitan ba siya nito ng magic? Ni hindi man lang siya nakalaban… dahil wala siyang balak lumaban. Tinanggap lang niya halik nito, nag-enjoy… and she responded.
Ano na nga ba ang pinagtatalunan nila kanina? Hindi niya dapat kalimutan ang isyu dahil lang nagpadala siya sa halik nito.
“Hindi papayag ang mga magulang mo na maging prinsesa ako. Ayaw nila sa akin. Ayaw nila sa mga tao. Maliit ang tingin nila sa amin,” sabi niya nang matatag na ang boses at isip niya.
At maaring pati ito ay ganoon din ang tingin sa kanya. Napipilitan lang ito dahil siya ang ‘naka-tadhana’ dito. Isa pa, kailangan niyang putulin ang kalokohang iyon bago siya tuluyang mawala sa sarili dahil sa kakaibang tingin at halik nito.
“Hindi nila maaring malaman na tao ka.”
“At bakit?”
Ikinumpas nito ang kamay at isang eksena ang nag-flash sa harap niya na parang sine. Ipinapakita ang imahe ng muntik na niyang kabagsakan sa kanina-ang Hades. Dahil ang totoong Hades ay mas kakila-kilabot pa sa nakita niya. “Tiyak kong diyan ka nila ipapatapon. At wala na akong magagawa para sagipin ka pa.”
Napalunok siya. “Hindi nila alam na tao ako?”
“Inakala nilang tao ka din dahil sa kuwintas. Ang pagiging tao mo ay sekreto lang sa pagitan namin ng ilang diwatang mapagkakatiwalaan ko at ng oraculo. Siya ang nakikipag-ugnayan kay Bathala sa mga nakatakdang mangyari sa hinaharap. Hindi matatanggap ng lahat na isang tao ang magiging prinsesa. Kaya hangga’t maari ay itago natin ang tunay mong katauhan. Para ito sa ikabubuti ng lahat.”
“Sa ikabubuti ninyo. Paano naman ang ikabubuti ko? May mga kaibigan ako na nagmamahal sa akin. Hahanapin nila ako. Ang mga magulang ko… Hindi ba pwedeng hayaan mo na lang akong mamuhay kasama sila? Ibigay mo na lang sa iba ang kuwintas. Sabihin mo na pumili siya ng iba.”
“Hindi ko maaring utusan ang kuwintas. May sarili siyang pagtatakda na kahit ako ay hindi ko kayang kontrolin. Mawawasak ang kaharian ng Tarragon kung masisira ang kasaysayang itinakda sa amin. At para sa mga taong dati’y nakakakilala sa iyo, mabubura ka sa kanilang alaala. Na parang di ka nabuhay sa mundo ninyo.”
“No! You can’t do that. Wala kayong karapatan na manipulahin at ibahin ang kalagayan ng isang tao. Nilalang ako ng Diyos na isang tao. Nagpapaalipin kayo sa hula. Dahil lang sa isang kuwintas, ginugulo ninyo ang buhay ko.”
Yumuko ito. “Iginagalang namin ang kalooban ni Bathala.”
“Ako din naman. Iginagalang ko ang gusto ng Diyos. Pero bilang isang tao, binigyan niya ako ng kalayaan na sundin ang anumang gustuhin ko. And I must pay the conquences for what I did. Karapatan ko na magkaroon ng kalayaan.”
Lumungkot ang mukha nito. “Kaisa ka na sa amin. At kami ay sumusunod ayon sa itinakda sa amin ng kalikasan.”
Nanlulumo niyang isinubsob ang mukha sa palad. “G-Gusto ko nang umuwi.”
“Kung gusto mong lisanin ang mundo namin, nasa iyo ang pagpapasya. Pero hindi iyon ganoon kadali. Kung gusto mong hanapin ang lagusan patungo sa mundo ng mga tao, hindi kita matutulungan. At oras na malaman nila ang totoo mong katauhan at nahuli ka ng mga kawal, sa Hades ka babagsak.”
Hindi siya maaring basta-basta sumuko. May pag-asa pa. Sa ngayon, magpapatianod muna siya sa lahat ng gusto nito. Ang magpanggap na payag na siyang maging prinsesa, hayaan itong halikan siya at mag-enjoy sa halik nito kung kinakailangan. Pero tatakas pa rin siya.