Sinusundan naman ng matalim na tingin ni Zari ang papalayong kotse ng magkasintahan habang nakatanaw sa bintana ng kanyang silid.
"Ehem.. Hindi mo kailangan tanawin ang pag-alis nila kung nasasaktan kalang."
Hindi niya nilingon man lang ang matandang babaylan. Umalis lang siya sa pagkakatayo sa may bintana ng hindi na matanaw ang kotse. Umupo si Zari sa gilid ng kama at saka lang sinulyapan ang matandang babaylan na hindi niya namalayan na nasa loob na pala ng silid.
"Nag-aalala ka ba sa damdamin ko?" turan nito sa nang-uuyam na tono," kung magagawa mo nga lang eh ipatapon akong muli sa pabalik sa Arectia, malamang ginawa mo na."
"Ikaw lang nag-iisip ng ganyan Zari. Pero alam mong sila talaga ang nagmamahalan pero ginusto mo parin umeksena sa kanila pwes tanggapin mo ang konsekwensya ng iyong desisyon."
Tinapunan niya ng masamang tingin ang babaylan. Nakita naman ng kaharap ang pagkuyom ng mga kamao nito na nakapatong sa kandungan.
"Unang kita ko palang sa'yo sa Arectia noon,alam kong may tinatago kang ugaling hindi kanais nais. Hindi nako nagtaka na sa kabila na mas higit kang maganda kay Margaret ay mas pinili siya ng kamahalan kesa sa'yo."
Bigla naman nalukot ang mukha ni Zari sa narinig sa kausap. Bago pa siya may maisagot,tumayo na ito at lumabas ng silid na iyon. Labis naman naghihimutok ang kalooban ng babae,nahagip ang unan sa higaan saka binato sa nakapinid na pintuan.
Magkatabi sa upuan ang magkasintahan habang pinapanuod ang masayang pakikipaglaro ni Adrian sa ibang bata sa park. Isinama nila ito para malibang narin.
"Ang sarap talagang maging bata. Madali para sa kanila ang makalimot sandali sa mga pinagdaanan sa buhay." Saad ni Haru nang hindi inaalis ang tingin kay Adrian.
Tumango lang si Margaret kahit batid niyang hindi ito nakatingin sa kanya. Matagal siya sa pagtitig kay Adrian at sa mga kalaro nito. Napalingon siya sa katabi ng maramdamang may nakatitig sa kanya.
"Bakit?" wala sa loob niyang tanong dito.
Bahagyang ngumiti sa kanya ang binata bago nagsalita, "ikaw lang ang nag-iisang reyna dito sa puso ko,pakatandaan mo sana. Walang kahit anupaman ang makapaghihiwalay sa'tin." Madamdaming nitong sabi.
Pakiramdam ni Margaret parang may bikig sa kanyang lalamunan. May kirot siyang naramdaman na hindi niya mawari na para saan. Habang nakatitig siya sa lalaking pinakamamahal,na tila kinakabisa ang mukha niya sa paraan ng pagtitig nito.
Napapitlag pa siya ng hawakan nito ang kanyang kamay at dalhin sa labi saka dinantayan ng halik ang likod ang kanyang palad.
"Mahal na mahal kita Margaret."
"Mahal din kita Haru." Bakit ba pakiramdam ng dalaga ay parang pamamaalam ang salitang binitiwan nito imbes na paghahayag ng damdamin.
"Ehemm.."
Sabay napalingon ang dalawa sa matangkad na lalaking nakatayo sa harapan nila. Parang pamilyar kay Margaret ang lalaki pero hindi niya maalala kung saan niya ito nakita. Seryuso ang ibinabadya ng mukha nito,maitim at marahil ay nasa treinta na mahigit ang edad nito.
"May kailangan ka?" Si Haru ang nagtanong dito.
"Nais ko sana kayong makausap." Pinaglipat-lipat ng lalaki ang tingin sa kanilang dalawa.
Tiningnan ito ni Haru mula ulo hanggang paa,kabisado ng dalaga ang mga titig nito alam niyang wala itong tiwala sa lalaki.
Tumayo si Haru, "tayo na lang ang mag-usap."
May kumislap na alaala sa isip ni Margaret, bigla siyang napatayo.
"Natatandaan ko na,kayo po 'yong lalaki sa pwesto ni lola Consuelo noon habang bumibili ako ng paninda niya. May sinabi po kayo tungkol sa halimaw na gumagala."
Pilit na ngumiti ang lalaki, napasulyap naman sa kanya si Haru sa sinabi niya.
Inanyayahan sila ng lalaki na nagpakilalang si Dondon sa isang maliit na kainan sa bayan na iyon. Nalaman nila na dati pala itong pulis na nag resign sa serbisyo. Nag tayo na lang ito ng isang maliit na kainan, katulong ang mga magulang nito.May pamangkin si Dondon na halos kaedad ni Adrian, hinayaan niya muna maglaro ang dalawang bata sa isang silid upang makapa-usap silang tatlo.
Isang mesa na nasa sulok ng kainang iyon sila umupo. Tatlong tasa ng kape ang idinulot sa kanila ng ina ng lalaki, tinanung pa sila kung mayroon silang nais kainin. Sinagot ni Dondon ang ina na mamaya na lang siguro dahil may importante silang pag-uusapan. Tumango lamang ang may edad ng babae bago sila iniwan.
"Ano bang gusto mong sabihin?" tila naiinip ng tanong ni Haru sa lalaki.
"May ideya naba kayo kung sino ang halimaw?"
Nagkatinginan naman ang dalawa bago ibinalik ang mga mata sa kaharap.
"Wala pa." Maikling sagot ni Haru.
Humigop muna ng kape ang lalaki bago muling magpatuloy, " gusto ko kasing magtulungan tayo upang mapatay ang halimaw na iyon." Mataman itong tumitig kay Haru.
"Bakit sa'min mo gustong makipag tulungan?"
"Dahil alam kong may kakayanan kang labanan ang halimaw. Nakita mismo ng dalawang mata ko kung paano mo nilabanan ang halimaw."
Napamulagat naman si Margaret habang si Haru ay walang mababakas na kahit na anong emosyon sa mukha.
"Nang araw ng salakayin ng halimaw ang sasakyan ng isang pamilya. Pauwi ako noon,nakita kong bumangga ito sa isang puno. Doon ko nakita na lumabas ang isang bata sa kotse at tumakbo sa kakahuyan. Hinabol ito ng halimaw,kahit nakaramdam ako ng takot ng mga oras na iyon. Sinundan ko ang bata sa kakahuyan para sana iligtas. Doon ko nakita ang pambubuno niyo ng halimaw na iyon."
"Alam niyo po ba kung nasaan ang mga magulang ni Adrian?" Biglang naitanong ni Margaret,kung nakita ng lalaki ang nangyari marahil alam nito kung nasaan ang mga magulang ng bata.
Matagal muna siyang tinitigan ni Dondon bago sumagot, "ou alam ko kung nasaan sila. Ako ang tumulong sa kanila,hwag kayong mag-alala ligtas ang mag-asawa. Kailangan ko lang na ilihim ang tungkol sa kanila dahil para narin sa kaligtasan nila."
"Pwede mo ba kaming dalhin kung nasaan ang mga magulang ng bata? Siguradong matutuwa ni Adrian,inakala namin na napaslang sila ng halimaw." Nagniningning naman sa galak ang mga mata ng dalaga sa nalaman.
"Dadalhin ko kayo sa kanila,mabuti pa ngang doon nalang natin ipagpatuloy ang pag-uusap." Luminga linga pa ito sa paligid. Nagtaka naman ang magkasintahan sa ginawi nito.
Ilang sandali pa lulan nang muli sila ng kotse. Nasa harap ang dalawang lalaki habang mas pinili ni Margaret na maupo sa likod ng sasakyan katabi ni Adrian. Hindi magkamayaw ang kaligayahan ng bata ng malaman nitong buhay pa ang mga magulang. At ngayon nga ay pupuntahan nila ang mga ito sa dulo ng bayan na'to ayon kay Dondon.
"Pakiramdam ko ba may alam ka sa pagkatao ng halimaw na 'yon?" tanong ni Haru habang diretso ang tingin sa daan.
"Hinala palang sa'kin. Kailangan ko lang ng matibay na ebidensya para mapatunayan tama ang hinala ko."
"Sige tutulungan kita."
Napaangat naman si Dondon sa kainauupuan sabay lingon sa binata na nakabaling parin sa pagmamaneho ang atensyon.
"Talaga?" Parang hindi makapaniwala si Dondon sa narinig,inakala niyang mahihirapan itong kumbinsihin siya. Mababakas din ang kasiyahan sa mukha nito, " ngayon palang nagpapasalamat nako sayo Haru. Matagal ng salot ang halimaw na 'yan sa bayan namin. Oras na para matapos na ang kanyang pagpaslang sa mga inosenteng mamamayan ng San Martin."
Ang nakikinig na si Margaret ay natuwa din kahit papaano ngunit hindi niya maiwasan na hindi mag-alala para sa kaligtasan ng binata.
May bente minutos din ang itinakbo ng kotse bago narating ang dulong bayan ng San Martin.
Agad silang bumaba ng sasakyan,mababakas sa mukha ni Adrian ang pagkasabik na makitang muli ang mga magulang. Napansin ng magkasintahan na magkabilang daan ay puro mga puno. Wala din silang makitang bahay.
"Kuya Dondon,nasaan na po sina papa at mama ko?" Hindi nakatiis na itanong ni Adrian.
"Hwag kang mainip magkikita rin kayo ng mga magulang mo,"anito saka ginulo ang buhok nito.
Bumaling ito sa magkasintahan,"sumunod kayo sa'kin." Saka nag patiuna ng maglakad.
Isang hagdan bato na nasa kaliwang bahagi ang natatakpan ng mga puno ang nakita nila. Nang tingalain nila ang taas halos hindi nila matanaw. Lumingon ito sa kanila bago humakbang paakyat.
"Nasa 100 steps lang naman ito,"anito
Pagdating sa taas,halos pangapusan ng hininga si Margaret, samantalang ang tatlong kasama parang wala lang.
"Ok kalang?" Masuyong tanong ni Haru sa kanya.
Tumango lang siya dito. Mula sa kinatatayuan nila,nakita nila ang isang may kalakihang bahay na gawa sa bato ngunit walang pintura.
"Nasaan po sina papa at mama?" Nasasabik na tanong ni Adrian kay Dondon. Hindi na nakasagot ang lalaki ng sa kanang bahagi nila ay sumulpot ang isang babae na nakapusod at mahabang damit. Nangingilid ang mga luha nito sa mga mata habang nakatingin kay Adrian.
"Mama!" Agad itong tinakbo ng yakap ng bata at gumanti naman ng mas mahigpit na yakap ang babae.
Hindi maiwasan maluha ni Margaret sa nasaksihang reunion ng mag-ina.
"Akala ko hindi na mayayakap ng mama ang baby ko," wika ng babae sa gitna ng pag-iyak habang yakap pa rin ang anak.
Matapos ang ilang sandaling iyakan at yakapan sa pagitan ng mag-ina. Pumasok sila sa bahay,nakita nila ang ama ni Adrian na nakahiga at may bandahe ang isang binti. Nagyakapan ang mag-ama, katulad ng asawa nito napaluha din ang lalaki ng mayakap ang nag-iisang anak. Lumapit ang babae sa kanyang mag-ama,sabik na nagyakapan ang mag-anak.
Lumabas muna ang magkasintahan at si Dondon upang bigyan ng pagkakataon na magkasarilinan ang mag-anak. Nilibot ng magkasintahan ang mga mata sa paligid. Wala naman makikitang kakaiba sa paligid maliban sa mapuno. Malamig narin ang klima dahil siguro sa pahapon narin.
"Dito na kayo magpalipas ng gabi," alok ng lalaki sa kanila, " may tatlong silid ang bahay, pwede kayo sa isang silid."
Tumingin naman si Margaret sa binata,hinihinge niya ang opinyon nito. Parang ayaw nga niyang umuwi muna sa bahay nito dahil kay Zari. Kung dito sila magpapalipas ng gabi magiging pabor sa kanya.
"Salamat Dondon,para ngang ang sarap magpalipas ng gabi dito,"sagot ni Margaret.
Nasisiyahan naman ang lalaki sa sinagot niya. Habang si Haru ay may pagtatakang nakatingin sa kanya pero ayaw salubungin ng dalaga ang nagtatanong nitong titig sa kanya.
Isang masaganang hapunan ang naganap sa gabing iyon sa bahay ni Dondon. Kahit hirap pa sa iniindang sakit sa binti, pinilit ng ama ni Adrian ang makasalo sa hapag kainan.
"Bakit nga pala agad kang pumayag sa alok ni Dondon na dito tayo magpalipas ng gabi?" Tanong ni Haru habang nasa labas sila at nagpapahangin.
"Wala naman,gusto ko lang."
"Dahil ba kay Zari?" Pananalakab ng binata.
Umiwas naman ng tingin si Margaret dito.
"Kung ganoon si Zari nga ang dahilan. Hwag mo siyang intindihin,gagawa ako ng paraan kung paano siya pababalikin sa Arectia."
"Paano kung ayaw niyang bumalik?" Naghahamon na tanong ng dalaga dito.
Tinitigan siya ng matagal ng binata bago nagsalita, "babalik siya sa Arectia,kung hindi man hindi ko hahayaan na maging hadlang siya sa'tin. Pangako 'yan."
Napayakap nalang siya sa binata na ikinabigla nito sandali bago gumanti ng mas mahigpit na yakap.