Nagising si Margaret sa nakakasilaw na liwanag,na nagmumula sa bintana ng silid na ipinaukopa sa kanila ni Dondon ng nagdaang gabi. Bahagya pa siyang uminat bago dahan-dahan bumangon mula sa pagkakahiga.
Napuyat siya kagabi dahil sa pagkailang na nararamdaman na makatabi sa isang higaan ang binata. Hindi naman niya kasi matiis na hayaan nalang itong matulog sa sahig habang siya ay nasa malambot na higaan. Malalim na ang tulog nito pero nanatiling gising siya at malayang pinagmamasdan ang maamo at gwapo nitong mukha.
Lumabas siya ng silid,naabutan niya ang ina ni Adrian na naghahanda ng almusal. Malapad itong ngumiti ng makita siya.
"Good morning po aling Martha."
"Good morning din hija. Sandali na lang at kakain na tayo,"anito saka bumalik sa kusina.
Bale apat lamang silang nag-almusal ng umagang iyon. Wala si Haru at Dondon,maaga daw umalis ang mga ito. Nagbilin lang na may kailangan lang puntahan. Nagtataka man ay hindi na lamang nag-usisa pa ni Margaret. Mamaya pagdating nalang ng binata saka niya ito tatanungin sa naging lakad ng mga ito.
Samantala ng mga sandaling iyon lihim naman nagmamasid sina Haru at Dondon sa isang malaking bahay.
"Paano naman dumating sa punto na siya ang pinaghihinalaan mong halimaw na pumapatay sa mga taga rito?" tanong ng binata kay Dondon.
"May pinag babasehan ako, katulad ng simula ng dumating sila dito halos isang taon ng nakalipas, marami ng kababalaghan na nangyari sa bayan na'to. Nag research din ako sa internet tungkol sa pamilya nila,ni isa walang tugma sa kung saan talaga sila nagmula. Malakas ang kutob ko na pakitang tao lang ang ginagawa nilang kawanggawa sa mga taga rito para pagtakpan ang totoo nilang pagkatao," litanya nito sa kanya.
Hindi umimik ang ang binata pero napatango nalang siya. Kung tama nga ang hinala nito,kung ganoon hindi galing sa Arectia ang halimaw na pumapatay sa bayan na'to.
Ilang oras din sila nagmanman sa lugar na iyon bago umuwi. Naabutan nilang nasa labas si Margaret, mukhang kanina pa ito naghihintay sa pagdating nila.
"Hinihintay kana ng misis mo,"pabulong na sabi ni Dondon.
"Bakit ngayon lang kayo?" tanong ng dalaga ng makalapit sila.
Nang lingunin niya ang kasama ay nakangisi ito sa kanya.
"May kinailangan lang kaming puntahan ng maaga,"paliwanag niya ngunit parang nakukulangan sa paliwanag niya ang dalaga.
"Maiwan ko muna kayo,"paalam ni Dondon,agad na itong tumalikod sa kanila.
"Sobrang aga n'yo naman yatang lumakad,hindi man lang kayo kumain muna. Kumain kana ba?"
Napangiti naman si Haru sa mga sinabi ng dalaga na nagpakunot sa noo nito ng makitang nangingiti siya. Naalala kasi niya ang tinuran ni Dondon kani-kanina lang.
"Bakit ka nangingiti d'yan? Lipas gutom na 'yan."
Isang tawa ang pinakawalan niya bago nagsalita, " daig mo pa kasi ang asawang nanenermon sa kanyang kabiyak."
Namula naman ang pisngi ng dalaga sa mga binitiwang salita ng lalaki sa kanya. Hindi malaman kung ano tuloy ang isasagot niya. Tatalikuran na sana niya ito nang pigilan nito ang kanang braso niya at iniharap sya.
Seryuso ito na nakatitig sa kanya, " hindi nako makapaghintay na dumating iyong araw na talagang magiging mag-asawa na tayong tunay." Bahagya pa nitong hinaplos ang pisngi niya.
"Ako din naman." Buong pusong pag-amin naman niya.
Napagdesisyunan ng magkasintahan na paunlakan ang paanyaya ni Dondon na manatili muna sila sa kanyang tahanan. Aalis narin kasi ang mag-anak ni Adrian,balak na nilang umuwi sa Sta. Ynez sa sunod na araw. Hiniling din ng batang Adrian na makasama sila bago sila magtungo sa sunod na bayan.
"Ok lang ba na hindi na natin ipaalam sa sa babaylan at kay Z-Zari na hindi tayo makakauwi muna? " bahagya pa siyang muntik masamid sa pagbanggit ng pangalan ng babae.
"Hindi natin obligasyon na ipaalam sa babae na iyon kung saan man natin gustong pumunta,"pormal nitong saad, "at ang babaylan alam niya kung nasaan tayo ngayon,may kakayan siya para malaman iyon."
Napatango-tango na lang siya. Kahit papaano nakahinga siya ng maluwag na ilang araw na hindi makikita ang babae.
Kinagabihan, nagluto ng mga especial na putahe ang ina ni Adrian. Nakasalo narin nila sa hapag kainan ang ama nito dahil kahit papaano nagagawa na nitong tumayo. Especial ang gabing iyon dahil iyon na huling gabi na makakasama nila si Adrian. Kahit sandali palang nila nakakasama ang bata,napalapit na ito sa kanila. Balak nga niya sanang imungkahi kay Haru dati kung talagang wala ng magulang ang bata at kamag-anak na pwedeng kumupkop,ang nais niya ay ampunin nalang lamang ito.
Matapos ang masaganang hapunan,nasa labas ang magkasintahan at nagpapahangin.
"Hindi mo pa sinasabi sa'kin kung saan kayo nanggaling ni Dondon." Panimula niya upang makapagbukas ng topic.
"Pinuntahan namin ang mansion ng pinaghihinalaan niyang halimaw."
Bigla naman nakaramdam ng kilabot si Margaret sa sagot nito, ilang beses din siyang napalunok. Bigla na naman rumihistro sa kanyang isipan ang itsura ng halimaw. Sa biglang pag-ihip ng hangin, pakiwari ba niya nagtayuan ang mga balahibo niya sa katawan. Hindi niya tuloy maiwasan na sumulyap sa madilim na bahagi ng kinatatayuan nila.
"Hwag mong sabihin na natatakot ka? Eh kasama mo naman ako ngayon,"waring nanunudyong saad ng binata,na marahil nakita ang pagrehistro ng sindak sa mukha niya.
"Hindi ko lang maiwasan."luminga linga siya sa paligid,heto na naman ang kanyang pakiramdam na para bang may nagmamasid sa kanila ng mga oras na iyon.
"Kagaya ng pangako ko hindi ko hahayaan na saktan ka ng halimaw na iyon,"
"Alam ko naman. Sa tingin mo kaya saan nagmula ang halimaw?"
Biglang sumeryuso ang mukha ng binata," meron hinala ang babaylan ngunit ayaw niya munang sabihin hanga't hindi pa malinaw."
"Gusto ko na rin mahuli ang halimaw na iyon,para wala na siyang mabiktima na mga inosenting tao."
"Hwag kang mag-alala mahuhuli rin namin siya. Ako mismo ang papaslang sa kanya."
May biglang naalala ang dalaga,nag-alangan pa kung dapat ba niyang sabihin pa pero mas nanaig ang kagustuhan na isambulat ang niloloob. At isa pa pagkakataon na niya.
"Eh si Zari anong magiging papel niya sa atin? Sa'yo?"
Tinitigan siya ng binata bago sumagot, "kung anuman ang mga sinabi niya, kalimutan mo na lang. Wala siyang magiging papel sa buhay ko," sandali munang tumigil ito sa pagsasalita bago nagpatuloy,"hindi ko masusuklian kung anuman ang nararamdaman niya para sa'kin. Ikaw lang ang nag-iisang babaeng nagmamay-ari ng puso ko, wala nang iba."
Mula sa liwanag na nanggagaling sa buwan,nabanaag niya sa mga mata nito ang damdamin para sa kanya. Sapat na ang mga binitiwang salita nito upang maglaho ang nararamdaman niyang panibughong umahon sa kanyang dibdib simula ng dumating ang babae sa kanilang mundo. Hindi niya namalayan ang paglapit nito sa kanya, naramdaman nalang niya ang paglapat ng mga labi nito sa kanya. Nang gabing iyon,saksing muli ang buwan sa kanilang pagmamahalan.
Nakayakap sa kanya si Adrian habang umiiyak,ito na kasi ang oras ng kanilang pag-alis. Naghihintay na ang itim na kotse na nirentahan nila sa bayan upang ihatid sila sa sunod na bayan. Tahimik naman nagmamasid ang mga magulang nito.
"Pangako,dadalawin ka namin doon ng kuya Haru mo." Hindi narin maiwasan na hindi mapasigok ni Margaret dahil sa pagpipigil na hwag maiyak.
"Kailangan na natin umalis baby,"anang kanyang ina.
Kumalas naman ang bata sa pagkakayakap sa kanya at kay Haru naman yumakap at nagpaalam. Ilang sandali munang nakipag-usap ang mga magulang nito sa kanila,bago tuluyang sumakay ng kotse. Nagpasalamat ang mga ito sa pagliligtas at pag-aalaga sa kanilang anak.
Habang tumatakbo papalayo ang kotse ng mga ito dumungaw pa sa bintana ang ulo ni Adrian at kumaway pa sa kanila. Kumaway din sila hanggang lumiko ang sasakyan at mawala na sa kanilang paningin.
"Sa maikling panahon,nakita kong napalapit na ng husto sa inyo ang bata," saad ni Dondon.
"Hindi naman mahirap mahalin ang bata,napakaswerte ng mga magulang niya sa kanya,"sagot ni Haru.
"Masaya kong nakasama na niya ang mga magulang niya,"wika naman ng dalaga na bakas parin sa mukha nito ang lungkot.
"Anong plano niyo?" tanong ni Dondon, habang ang isang kamay ay nasa bulsa ng pantalon," pwede naman kayong tumigil dito hangga't gusto niyo."
Umiling si Haru,"kailangan narin namin umuwi. May dapat din kaming harapin. Ibibigay ko sa'yo ang numero ko, para kung sakali maari mo kong tawagan." Dinukot ng binata ang cellphone sa bulsa ng kanyang suot na pantalon,ganun din ang ginawa ni Dondon.
"Tatawagan kita pare,pag kailangan kong tulong mo. Sa ngayon kaya ko naman ang pagmamanman mag-isa."
"Welcome kang pumunta sa bahay kahit anong oras mong gustuhin." Pagyayakad pa ng binata.
Tumango lang ito,saka bumaling ang tingin kay Margaret at ngumiti,"ingatan mo ang boyfriend mo,swerte mo sa kanya. Pwede kayong bumalik dito kahit anong oras niyong gustuhin."
Tipid naman ngumiti ang dalaga sa lalaki, "salamat sa'yo. Ikaw naman ang dumalaw sa'min,"paanyaya rin niya.
Lulan na sila ng kotse ng magsalita si Haru, bahagya pang sumulyap sa kanya ito," bagay pala sa'yo ang nakaduster."
Napatingin naman sa sarili ang dalaga, duster ng mama ni Adrian ang suot niya. Pinahiram kasi siya nito ng ilang damit upang may ipamalit siya. Nang sulyapan niya ito, nahuli niyang pigil nito ang mapanagiti.
"Hindi ba bagay?" nakataas ang kilay na tanong niya.
Nagtanggal muna ito ng bara sa lalamunan bago sumagot," bagay naman lalo na siguro kung may mga anak na tayo."
Napipilan naman ang dalaga sa tinuran nito,hindi niya alam na umabot na sa punto na naiisip nito ang tungkol sa pagkakaroon nila ng mga anak. Napangiti na din siya.
Bumungad sa kanila ang magulong bahay pagkarating nila. Basag lahat ng mga display, maging ang mga sofa set mga nakabaliktad lahat. Daig pa ang dinaanan ng bagyo ang loob ng bahay. Itinulos naman sila sa bungad ng pinto habang pinagmamasdan ang makalat na paligid.
"Buti umuwi na kayo."
Napalingon sila sa direksyon ng kusina,nakatayo doon ang matandang babaylan. Humakbang palapit dito si Haru.
"Anong nangyari dito?"
"Nagwala ng husto si Zari ng hindi kayo umuwi. Kinailangan ko siyang igapos sa puno sa labas ng bahay,dahil kung hindi malamang kumitil na siya ng inosenting buhay."
"Anong karapatan niyang magwala sa sarili kong pamamahay?"galit na tanong ni Haru dito.
"Napakalma ko siya gamit ng aking mahika. Sa tindi ng kanyang pagseselos kaya siya nakagawa ng ganitong bagay."
Nakaramdam naman ng inis si Margaret sa babae,lalo na't ito pala ang may kagagawan ng nangyari sa loob ng bahay. Nasa isip ng dalaga na anong karapatan nitong magselos at magwala ng ganito.
Humakbang siya palapit sa mga ito,ang kanyang puso ng mga oras na iyon ay nag-aapoy sa inis sa babae.
"Sa tingin ko kailangan niyo na siyang ibalik sa Arectia." Malamig pa sa yelong saad niya sa mga ito.
Napatingin naman sa kanya ang dalawa,ang mga mata ng babaylan ay nanlalaki sa pagkakatingin sa kanya. Nasa anyo nito ang hindi pagkapaniwala sa sinabi niya.