Gustong matawa ni Margaret sa itsura ng mukha ng babaylan ng marinig ang kanyang sinabi. Pinanatili niya ang seryosong mukha, hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas ng loob upang iparating sa mga ito ang nasa loob niya. Dahil siguro alam niyang panig sa kanya ang binata.
Nag-alis ng bara ang babaylan bago ito nagsalita, " hindi ganun kadali 'yon."
"Tama si Margaret."
"P-peron kamahalan.." hindi malaman ng babaylan ang sasabihin nito, pinaglipat-lipat nito ang tingin sa kanilang dalawa.
"Hindi ko maintindihan kung bakit hirap kayong pabalikin siya sa Arectia. Ano bang dahilan? Malinaw naman na walang pag-ibig sa kanya si Haru at kahit anong gawin niya hindi mapapasakanya ang kanyang kamahalan." hindi na maiwasan na malangkapan ng inis ang tono ng dalaga.
"Hindi mo kasi nauunawaan Margaret ang lahat." Mahinahon na sagot ng babaylan.
"Kung ganoon po,ipaliwanag niyo sa'kin ang dahilan."
Tumingin ang babaylan sa binata na parang humihingi ng permiso dito. Ngunit blangko ang mukha nito.
Muling bumalik ang mga mata nito a dalaga, " si Zari ay kalahating tao at kalahating lobo. Ang kanyang ama ay isang purong itim na lobo. Batid niya ito simula palang ngunit inilihim niya sa inyo," saglit muna itong huminto sa pagsasalita.
Parang bomba iyon sa pandinig ni Margaret,hindi makapaniwala sa natuklasan na pagkatao ng babae na itinuring na niyang kaibigan nang nasa Arectia pa siya.
"Masyadong malakas ang kanyang dugong lobo kesa sa pagiging tao. Tuwing nagbabago siya ng anyo hindi niya magawang makontrol ang kanyang sarili. Lalo siyang nagiging mabangis pag nagagalit."
"Mas kailangan na niyang makabalik sa Arectia bago pa siya makapaminsala ng buhay sa bayan na'to." Sabat ng dalaga sa pagsasalita nito.
"Kahit Ilang beses ko pa siyang ibalik sa Arectia,may kakayahan siyang muling makabalik sa mundong ito. At ang higit sa nakakatakot na maaring mang__"
"Tama na," putol ni Haru, "gumawa ka ng paraan para upang makabalik siya sa pinanggalingan niya. May tiwala ako sa kakayahan mo mahal na babaylan." Parang may nahimigan ang dalaga na pagmamakaawa sa tono nito.
Bahagyang nakatalikod ang binata sa kanya kaya hindi niya maaninag ang ekspresyon ng mukha nito. Nakita naman niya sa mukha ng babaylan ang pag-aalinlangan at takot. Saan? Tanong ng isip niya.
"Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko,para sa'yo kamahalan at sa'yo man Margaret. Alam n'yo ang kaligayahan niyo lamang ang aking hangad. At ang magkasama kayo ang inyong kaligayahan." Ngumiti ito ng hindi naman umabot sa mga mata nito.
Inaya na siya ng binata na umakyat na sila sa kanilang silid. Ngitian niya muna ang matandang babaylan bago nagpatianod sa kasintahan.
Isinandal siya ng binata sa nakapinid na pinto ng kanyang silid,ang mga kamay nito ay nasa kanyang beywang. Sobrang lapit ng mukha nito sa kanya. Matamis ang ngiti nito na para bang wala silang inabutan na delubyo sa bahay nito.
"Pakasal na tayo sa lalong madaling panahon," pabulong nitong saad sa kanya na ang mga mata ay hindi inaalis sa pagkakatitig sa kanya.
"Ano?" sobrang bilis ng tibok ng puso niya. Hindi niya malaman ang isasagot dito,baka nagkamali lang siya ng dinig o baka nagbibiro lang ito. Sinabayan pa ng parang may lumilipad na paru-paro sa tiyan niya.
"Gusto kong magpakasal na tayo sa lalong madaling panahon," makikita sa mga mata nito ang katiyakan sa mga binibitiwan salita, " matagal ko ng gustong ibigay 'to sa iyo."
Nang hindi siya nagsasalita, hinawakan ng binata ang kanyang kamay at saka isinuot sa kanyang palasingsingan ang isang diamond ring na hindi niya namalayan na dinukot nito sa bulsa ng suot na pantalon.
Napasinghap siya nang mamasdan ang singsing sa kanyang daliri na kumikislap pa ang nag-iisang bato nito. Simple and elegant ang dating nito sa kanya.
"Totoo ba ito?" ang tanging namutawi sa bibig niya.
"Ang singsing o ang alok kong kasal?" nagawa pang magbiro ng binata.
"Syempre ang inaalok mong kasal. Kahit walang singsing alam mong pakakasal ako sa'yo." Nangingilid ang luha sa mga mata niya. Parang gusto niyang pumalahaw ng iyak sa sobrang galak ng kanyang puso.
"Ibig bang sabihin ay payag kanang pakasal sa'kin?"
Agad yumakap ang dalaga kay Haru. Gumanti naman ng yakap ang binata dito.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ng magkasintahan ng mga sandaling iyon. Wala silang kamalay-malay sa mga darating na sakuna at dagok sa kanilang relasyon.
Nasa ilalim ng puno ng acasia ang matandang babaylan habang tahimik na pinagmamasdan ang walang malay na katawan ni Zari. Kinailangan niyang itali ito sa puno at gamitan ng mahika upang masupil ang lakas nito.
"Ikaw na ang bahala sa kanya Magician,bantayan mo siyang maigi,"baling niya sa kanyang aso na kumawag-kawag pa ang bunto't nito na para bang pinapahiwatig sa pagsang-ayon nito. Saka siya pumasok sa loob ng bahay, mabigat ang bawat hakbang ng kanyang mga paa. Para bang sa bawat hakbang nito ay ang bigat ng kanyang dalahin.
Pagpasok ng matandang babaylan sa loob ng bahay,nakita niyang naghihintay sa kanya si Haru. Lumingon ito sa kanya ng maramdaman ang mga yabag niya na papalapit.
"Masyado kang nagpadalos-dalos sa iyong desisyon kamahalan," mahinang sabi nito na laylay ang mga balikat. Batid nito ang ginawa niya kani-kanina lang.
Tingin ba rito ng binata ay parang tumanda lalo ang itsura.
"Hindi ako nagsisisi sa aking pasya. Siya lang ang gusto kong maging Reyna ng Arectia,lalo na sa puso ko at hindi ang sino mang babae."
Napabuntong hininga nalang ang babaylan,tanda ng pagsuko. Pinapaubaya na niya ang mangyayari sa may likha sa mundong ito at maging sa tagapangalaga ng Arectia ang kapalaran ng dalawang mundo.
Tinitigan niya sa mga mata ang binata at buo narin sa isip at kalooban ang kanyang desisyon.
"Kahit ano pa ang mangyari,nasa inyo ang aking katapatan." Bahagyang pa siyang yumukod sa harap nito.
Ngumiti naman si Haru, "salamat, marami na'kong utang na loob sa inyo. Hindi ko nakakalimutan na kayo ang dahilan kung bakit nakarating ng Arectia si Margaret na naging dahilan para makilala ko siya."
"Hindi niyo kailangan pasalamatan ako,isa iyon sa mga tungkulin ko ang maghanap ng karapat dapat na maging itinakda. Nagkataon lang na nagkaibigan kayo at hindi na iyon sakop ng aking kapangyarihan."
"Malalampasin din natin ang suliranin na ito,"wika niya
Hindi na sumagot pa ang babaylan. Ngunit sa likod ng isipan nito hindi maalis-alis ang pangamba sa pwedeng mangyari sa hinaharap.
Sinasalansan ni Dondon ang mga panggatong na ibinilad sa araw sa dirty kitchen sa likod ng bahay niya. Tumingin pa siya sa kalangitan, anumang sandali nagbabadya ang pagbagsak ng malakas na ulan.
Sakto naman na natapos ang kanyang ginagawa na biglang buhos ng malakas na ulan,sinabayan pa ng pagkulog at matatalim na kidlat.
Ang plano sana na pagpunta sa kabayanan ay naudlot dahil sa masamang panahon. Napapailing nalang na sinarado ang mga bintana at kinandado ang mga pintuan ng kanyang bahay.
Hindi alintana ng isang nilalang ang malakas na buhos ng ulan na bumabasa sa kanyang buong katawan. Hindi siya nakakaramdam ng nanunuot na lamig dahil sa makapal na balahibo.
Tiyak ang mga hakbang na tinalunton ang isang masukal na daan. Sandaling huminto at hinawi ang matataas na damo. Sa kabila ng malamig na panahon dahil sa ulan, nag-aapoy ang mga mata nito sa pagkakatitig sa bahay.
Habang nagkakape sa kusina,nabitin sa ere ang gagawin sanang pagdadala ng mug sa bibig dahil sa mga katok sa pinto. Nangunot naman ang noo ng lalaki dahil sa kaisipan na sino naman kaya na sa gitna ng sama ng panahon ay may maliligaw sa bahay niya.
Nag-aatubili na lumapit sa kalapit na bintana upang silipin ang nasa labas ng pinto. Tanging tagiliran lang ang kanyang naaninag, ngunit natiyak niya na lalaki ito dahil narin sa bulto ng katawan. Alanganin man,bugso ng kabutihan asal na baka nangangailangan ito ng tulong ay pinagbuksan niya ng pinto ang kung sino mang kumakatok.
Bumungad sa kanya ang isang lalaki na basang-basa ng ulan. Gula-gulanit ang suot na maong at pang-itaas na damit. Sa mabilis na pagsuri niya,wala naman siyang nakitang sugat sa katawan nito. Nang tingnan niya ang mukha nito,dahil sa kahabaan ng buhok na halos tumakip na sa mukha nito, at bahagya pang nakayuko ay hindi niya mabistahan ang itsura nito.
May kung anong kaba siyang naramdaman sa kaharap na hindi niya matukoy.
"Anong kailangan mo?"
"Makikisilong po sana ako sa inyo hanggang makatila lang ang ulan. Naligaw po kasi sa gubat,buti po may nakita kong bahay,"sabi nito sa mahinang boses.
Nilingon pa niya ang labas,mag-aalas kuwatro palang pero parang papagabi na ang paligid dahil sa malakas na buhos ng ulan. Niluwangan niya ang bukas ng pinto upang makapasok ito.
"Tumuloy ka muna,"aniya. Nakita niyang alumpihit itong pumasok sa loob.
Agad niyang sinarado ang pinto,pumasok siya sa isang silid at kumuha ng tuwalya. Walang imik niya itong ibinigay dito,isang mahinang salamat naman ang itinugon nito sa kanya.
"Ipagtitimpla kita ng kape,sumunod ka sa'kin sa kusina." Tumalikod na siya dito, narinig naman niya ang mga hakbang nito.
"Maupo ka muna," kumuha siya ng isang mug at nagtimpla ng kape. Nakatalikod siya dito, habang tumatagal lalong sumisidhi ang kabang hindi niya maipaliwanag. Pasimple niyang kinuha ang maliit na salamin na bilog sa bulsa ng kanyang suot na jacket.
Sinilip niya sa salamin ang lalaking kasalukuyang nakaupo at nakaharap sa kanya. Muntik na niyang nabitawan ang salamin ng makita ang totoo nitong anyo. Agad niyang ibinalik ang salamin sa bulsa ng jacket,at huminga ng malalim bago humarap sa lalaki.
Tahimik niyang inilapag sa harap nito ang tasa ng kape. Umupo siya sa katapat nitong upuan,pilit itinatago ang kabang nararamdaman.
"Ano bang ginagawa mo sa gubat sa ganitong kasamang panahon?" tanong niya, habang kinukuha sa bulsa ang cellphone.
"May hinahunting kasi akong baboy ramo,nakakaperwisyo na kasi ito sa'kin." Mahina lang ang pagkakasabi nito,pero mahihimigan niya ang talim sa tono ng pananalita nito.
Napalunok naman ng laway ang lalaki,kinakabahan man pero pilit niyang nilalabanan ang kabang kanina pa gustong umalpas sa kanyang dibdib.
Bahagya pa siyang ngumiti dito bago magsalita," perwisyo talaga ang mga baboy ramo,pero masarap din silang pang laman tiyan. Tama ba? Kaya maraming mangangaso pa rin ang dumadayo dito upang manghuli ng baboy ramo kahit batid nilang may gumagalang halimaw sa gubat."
Mula sa pagkakayuko,nakita niyang ngumisi ang lalaki na nagbigay ng kakaibang kilabot sa buong pagkatao niya. Ilang beses siyang napalunok ng sariling laway, naramdaman narin niya ang panginginig ng kanyang mga tuhod sa ilalim ng lamesa. Hindi ito sumagot,bagkus kinuha nito ang mug ng kape saka uminum habang ang mga mata ay hindi humihiwalay sa kanya.
"Kinakabahan ka na ba, Dondon?" tanong nito saka marahas na ibinalik sa mesa ang mug ng kape. Nanlilisik ang mga mata nito sa pagkakatitig sa kanya.
Mabilis siyang tumayo sa pagkakaupo at saka dumistansya dito. Kinapa niya ang pistol na nakasiksik sa kanyang likuran. Sa mismong mga mata niya nakita ang pagbabagong anyo nito.
Humaba ang nguso na parang sa isang lobo, tinubuan din ng matatalas na pangil. Humaba ang mga balahibo sa mukha at buong katawan. Maging ang mga paa at kamay ay humaba ang mga kuko. Tuluyan nang nasira ang damit nitong gula-gulanit dahil sa paglaki at pagbabago ng katawan.