Loving the Forbidden Charmer (Filipino) Chapter 21

“TOTOO ba na ikaw ang susunod na asawa ni Hamid?” tanong ni Fatima, ang pangalawang asawa ni Hamid habang inaayos ang buhok niya. Parang nag-transform ang lahat. Kanina ay mukhang busabos ang mga tao doon pero nang maghanda para sa kasiyahan, isinuot ng mga ito ag makukulay na damit.

Nahiwalay si Lexie kina Aiden at Ka Andong. Napasama siya sa grupo ng mga kababaihan partikular na sa mga asawa ni Hamid.

Umaapaw ng seafood at local wine. Kahit na mahirap ang mga tao doon, sagana naman sa mga bagay na mahal sa siyudad gaya ng likas na yaman. Maging ang kultura at tradisyon ng mga Mogpog ay makikita sa pagdiriwang para sa ikasampung anak ni Hamid. Naririnig pa niya ang tugtog ng kumintang sa labas ng kubo kung saan sila naglalagi ng mga asawa ni Hamid. Pinahiram siya ng tradisyunan na kasuotan ng mga ito at maging mga gintong hikaw at pulseras na minana pa sa mga ninuno ng mga ito. It was probably worth millions.

“Hindi. Ikakasal na ako kay Aiden, ‘yung kasama ko,” paglilinaw ng dalaga. “Mahal niya ako.”

It was weird saying those words. Nagpapanggap lang naman sila ni Aiden. Pero sa isang bahagi ng puso niya, gusto niyang isipin na mahal siya nito. If only it would keep her sane in her insane predicament.

Maybe that illusion could only save her. They were trapped in the island. Walang signal ang cellphone nila sa isla. And even those were confiscated from them. Ibabalik daw iyon sa kanila kapag umalis sila ng isla. Kahit si Kap Andong ay hindi makalapit sa bangka nito para makaradyo sa pamilya nito. Ayaw din nitong magtangka ng kahit ano na pwedeng makagalit sa mga Mogpog. Sa gabing iyon daw ay mga bisita sila pero kailangan pa rin nilang makiramdam.

“Sinabi rin ng tatay ko na mahal niya ako. Pero pinili na ipakasal ako kay Hamid kaysa pag-aralin,” malungkot na usal ni Yasmina. “Trese anyos pa lang ako noon. Gusto kong makalayo sa isla na ito. Pero hanggang ngayon nandito pa rin.”

“Sinasabi mo ba na mas gugustuhin ni Aiden na piliin ko si Hamid para sa pansarili niyang interes?” tanong niya sa babae. “Para sa isla ninyo?”

Gagawin siguro ni Amadeus na ibenta siya para sa pansarili nitong interes pero hindi iyon gagawin ni Aiden sa kanya.

“Kung may isang bagay man kaming natutunan, gagawin ng mga lalaki ang inaakala nilang makakabuti sa interes nila. At ang makakabuti sa kanila ay iniisip nilang makakabuti rin sa atin. Tagasunod lang tayo,” sabi naman ni Fatima. “Kaya matapang ang lalaking mahal mo kung kaya niyang ipaglaban nang patayan nang walang ibang kapalit. Subalit natitiyak ko na di matutuwa si Hamid kapag tinanggihan siya. ”

Gustong tumutol ni Lexie sa sinabi ng mga ito. How could they live in such a backward culture? Marami namang tribong Moro na nakausad na sa panahon at patas na ang pagtrato sa mga babae. Habang sa lugar na iyon ay itinuturing na bagay ang mga babae na bahagi ng barter trade. At may gaya ni Fatima na gustong makawala sa tradisyon.

Kung magkakaroon sana ng resort ang Brava International doon, maibibigay nila ang tulong na kailangan ng mga tao doon. Magkakaroon ang mga ito ng paaralan at ospital.

“Kahit na gusto kong makapag-aral ang mga bata at magkaroon kami ng hanapbuhay dala ng mga turista, hindi ko gugustuhin na iwan ang lugar na pinagbuwisan ng buhay ng mga ninuno namin,” sabi ni Yasmina. “Ayaw naming malunod sa kultura na popular sa labas.”

Hindi niya alam kung ano ang magiging plano ni Amadeus sa pagpapanatili ng kultura ng mga Mogpog pero mahalaga na I-address nila ang isyu na iyon. Iyon ay kung makakalabas sila nang buhay sa lugar na iyon.

Natigilan sila sa tatlong magkakasunod na tunog ng gong. “May mga maglalaban?” tanong ni Fatima. “Tingnan natin.”

Nang lumabas sila ay nakita nila sa gitna ng bilog na napapalibutan ng apoy sina Aiden at Hamid. May hawak na yantok ang dalawa. Dali-dali siyang lumapit kay Kap Andong. “Ano po ang nangyayari dito?” tanong niya sa lalaki.

“Nagkahamunan ng labanan. Ayaw pumayag ni Hamid na tanggihan mo na lang siya basta. Ayaw ka namang isuko ni Sir Aiden. Kailangan nilang maglaban hanggang isa sa kanila ang sumuko para sa iyo.”

“Ano?” bulalas ng dalaga. “Akala ko ba kailangan munang pag-isipan? Wala ba akong karapatan na magkaroon ng sarili kong boses?”

“Ma’am, sa lugar po na ito, hindi po boses ng mga babae ang napapakinggan. Kaya ipagdasal na lang ninyo na manalo si Sir Aiden. Mabuti nga yantok lang ang gamit nila at hindi totoong espada.”

Alam niya ay may background ang lalaki sa martial arts. Nagte-training ito ng arnis at ng kickboxing sa gym dalawang beses kada linggo. Pero lahi ng mga mandirigma ang mga Mogpog. Hindi hahamunin ni Hamid ang binata kung wala itong kakayanan.

Hindi alam ng dalaga kung matutuwa o maiinis kay Aiden. He decided to defend her honor without asking her permission. Ito lang ba ang paraan para depensahan siya? Ganoon ba siya kagusto ni Hamid para maglaban pa ang mga ito?

Sa hudyat ng gong ay nagsimula na ang labanan. Napapaigtad siya sa bawat pagtatama ng yantok. Nang umatake si Aiden at akmang patatamaan si Aiden sa tagiliran. Napaigtad ang binata. Nagtawanan ang mga nanonood. Pabor ang mga ito kay Hamid. Mabilis kumilos ang lalaki para sa laki nito. Kinakabahan siya na baka dehado si Aiden.

Pinagsalikop ni Lexie ang mga palad. Aiden, kailangan mong manalo. Please. Ayokong maging fourth wife. Ayokong maiwan sa islang ito. And I want you to be safe. Please. Babalik pa tayo sa Manila. May flower farm ka pang itatayo.

Mag-isang pumalakpak si Lexie ang sa wakas ay natamaan nito si Hamid sa braso. Ngumisi si Aiden dahil nakapuntos ito. Nagkaroon ng pag-asa ang dalaga na matatalo nito si Hamid. Aiden flicked his wrist. Magkasunod na lumipad ang yantok na hawak ni Hamid.

“Nanalo si Aiden!” usal ng dalaga at nagtatalon sa tuwa.

Isang sigaw ang pinakawalan ni Hamid at sinugod si Aiden. Itinumba nito si Aiden sa buhanginan. Bago pa nakahuma si Aiden ay pinaulanan na ito ng suntok ng lalaki. Walang nagawa ang binata kundi salagin sa magkakrus na braso ang mga suntok na pinapakawalan ng kalaban.

“Sandali! Panalo na si Aiden! Tama na iyan!” sigaw ni Lexie at akmang susugod.

Pinigilan siya ni Kap Andong. “Hayaan lang po ninyo sila, Ma’am. Ang labanang iyan hanggang may sumuko sa kanila.”

“Paano pa makakalaban si Aiden niyan?” angil niya. Di patas ang laban pero wala siyang magagawa dahil nasa teritoryo sila ng kalaban. Wala siyang magawa kundi ipakita na lang ang suporta kay Aiden. “Bumawi ka, Aiden! Lumaban ka. Kapag natalo ka dito, mas matakot ka sa gagawin ko sa iyo.”

Natigilan si Hamid. Di niya alam kung dahil sa pagod o nagulat sa banta niya. Di marahil ito sanay na may matapang na babaeng nagbabanta sa lalaki. Gusto niyang malaman nito na siya papayag magpakasal dito. She won’t take it lying down.

Sinamantala ni Aiden ang pagkakataong iyon. Akmang susuntok na naman si Hamid nang mula sa likuran ay ipinulupot ni Aiden ang binti sa leeg nito. Diniinan nito ang ulo ni Hamid saka pinagsusuntok. It was a superb lock. Hindi na magawang gamitin ni Hamid ang mga kamay dahil na rin sa posisyon ng mga binti ni Aiden. Napasigaw na lang ito sa sakit. “Suko na ako! Panalo ka na!”

Nang kumalas si Aiden dito ay alerto sila. Baka mamaya ay balikan ito ng mga tauhan ni Hamid. Pero yumukod si Hamid dito bilang simbolo ng respeto ng pagkakapanalo dito.

Pumalakpak si Lexie at maluha-luha itong sinalubong ng yakap. “Mabuti na lang nanalo ka. Akala ko matatalo ka at iiwan mo ako dito.”

“Hindi kita iiwan dito. Tandaan mo iyan. I will protect you.”

“I owe you,” usal ng dalaga.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.