PABILING-BILING sa katreng hinihigaan si Esmeralda. Alas dos y media na ng madaling araw. Naging tikatik ang ulan subalit malakas pa rin ang hagupit ng hangin at wari niya ay bumubuwelo na naman ito para sa panibagong buhos ng ulan. Lalo niyang hinigpitan ang pagkakabalot ng sarili sa makapal na sweater dahil lalo lang tumitindi ang lamig.
Mainit na ang katawan niya subalit malamig pa rin ang pakiramdam niya sa kaibuturan ng puso niya. Hindi kayang painitin ng anumang damit o kahit apoy. Isang tao lang ang maaring pumawi sa lamig na nararamdaman niya. Ang estrangherong siya ring nagsindi sa init na naramdaman niya tuwing lumalapit siya dito – si Richard.
Hindi siya pinatulog ng ideya na ilalim ito ng pamamahay niya at wala halos saplot sa katawan. Pagod ang katawan niya subalit hindi ang isipan niya. Lagi niyang pinakikiramdaman ang bawat kaluskos nito. Kahit na pumikit siya ay ang makisig pa rin nitong katawan ang nakikita niya, naamoy niya ito at damang-dama pa niya matipunong muscles nito na hinaplos lang niya kanina. Pati na rin ang marka ng labi nito sa likod ng palad niya.
Richard, ano bang ipinainom mo sa akin? Bakit parang nagagayuma ako? Maawa ka naman! Patulugin mo na ako!
Pero kahit anong gawin niya ay di pa rin ito mawala-wala sa isipan niya. Ano ba ang nangyayari sa akin? Hindi naman ako atat na atat sa lalaki na makakita lang ng guwapo o maganda ang katawan ay malalaglagan na ng panty. At handa nang isuko ang Bataan. Hindi ako ganoong babae. Marunong naman akong magpigil sa sarili ko. Isa pa, ikakasal na ako sa iba kahit pa peke iyon. Hindi ako pwedeng maging taksil kay Aiden.
Makalipas ang dalawang oras ay bumangon siya. Iniwan niya ang naghihilik pa rin na si Cynthia Lyn na mukhang nag-e-enjoy sa panaginip nito.
Bumaba si Esmeralda at inisa-isa ang mga nanunuluyan sa kanya. May apat na silid sa bahay niya. Maluwang ang sala sa taas at ang sala sa baba na puno din ng mga tao. Pawang mahimbing din ang tulog ng mga ito. Wala man lang nagising o tuminag nang madaanan niya.
Tumuloy sa kusina at naglaga ng tsaang gubat. Baka sakaling maialis niya si Richard sa sa sistema. Kapag hindi pa ito nawala sa isipan niya ay baka tuluyan na siyang mawala sa sarili. Ano ba ang pangontra sa isang tulad nito?
“Esmeralda?” untag sa kanya ng boses ni Richard.
Napapikit ang dalaga. Tulog na ang mga taong tumuloy sa sala at sa mga silid sa ibaba ng bahay. Pawang pagod ang mga ito. Kung may gising lang sana sa mga ito para makakwentuhan niya para mawala na sa isip niya si Richard. Dahil kahit nasa itaas ito at natutulog ay naririnig pa rin niya ang boses nito.
“Nakatulog ka na yata dito,” narinig niyang muling usal nito.
Napadilat siya at nakita ang malaking pigura na nasa pinto ng kusina. “R-Richard?” aniya nang matagpuan ang boses. “A-Anong ginagawa mo dito?”
Tumayo siya at lumapit dito para alalayan ito. Mahina pa ito. Alam niyang mabuway pa itong tumayo. Nang tangka niya itong alalayang maglakad at umupo ay tumutol ito.
“Hindi na kailangan. Kaya ko na ang sarili ko. Nakita mo naman, nakababa ako ng hagdan nang hindi gumugulong,” anito sa pabirong boses.
Bumalik ang dalaga sa kinauupuan at pinagmasdan na lang ang lalaki na marahang maglakad palapit sa mesa hanggang makaupo ito sa bakanteng upuan sa tapat niya. Nakadama ng mumunting katiwasayan. Mas mabuting makaiwas siya sa pagdikit-dikit dito. Kapag kasi nagkadikit sila ay nanghihina siya.
Kanina lang ay pipi niyang nahiling na sana ay may kasama siyang nagtsa-tsaa. Pero hindi naman niya sinabi na ang mismong bumabagabag sa isip niya ang makakasama niya. Paano pa niya ito maiaalis sa isip kung nakikita niya ito at nakakausap? Saka niya napansin na silang dalawa lang ang nasa madilim na kusina. Ang tanging tanglaw nila ay ang rechargeable lamp.
Subalit hindi hadlang ang munting ilaw niyon para mapagmasdan niya ito. Ang mala-diyos nitong kaguwapuhan na pinatitingkad ng repleksiyon ng ilaw sa kulay kape nitong mga mata.
“Hindi ba dapat nasa kuwarto ka pa at nagpapahinga? Ayos na ba ang pakiramdam mo? May masakit pa ba sa iyo?” tanong niya sa binata. “Baka mamaya lagnatin ka dahil sa pagkakababad mo sa tubig saka sa bugbog mo sa katawan.”
Gusto niyang hipuin ang noo nito para malaman kung mainit pa subalit natigilan siya. Kailangang rendahan niya ang sarili.
“I can’t sleep,” sabi nito. “Narinig kong lumabas ka ng kuwarto mo kaya naisipan kong sumunod. Sana hindi ako nakakaabala sa iyo.”
Pilit siyang ngumiti. “H-Hindi naman. Gusto mo ng tsaa?” alok niya.
“Kape. Kape na lang sana. Tea is for sissies.”
“Mas maganda ang tsaang gubat sa katawan kaysa sa kape.”
“I am fine with coffee. Kung meron lang naman.”
Tumayo siya. “Sige. Ipagkakanaw kita ng kape.”
Kinuha niya ang kape sa cabinet. Naipagpasalamat siya dahil magkakaroon siya ng rason para hindi ito tingnan. Dinampot niya ang termos at nagsalin ng mainit na tubig sa tasa. Hindi rin ito makatulog katulad niya. Kaya siguro naririnig niya ang kaluskos mula sa silid nito. Iniisip kaya siya nito? O baka naman iba ang nasa isip nito. Bakit hindi na lang ito nanatili sa kuwarto nito hanggang makatulog ito? Bakit kailangan pa siya nitong sundan?
“Esmeralda?” tawag ulit nito.
Napapitlag siya at bahagya itong sinulyapan. “Bakit?” tanong niya.
“Masyado na yatang maraming kape ang nailagay mo,” puna nito. “Baka naman nerbiyusin na ako niyan.”
“H-Ha?” gulat niyang sabi at napatingin sa kinakanaw na kape. Saka niya nalaman na maitim na maitim na iyon. Kung ilang kutsara ang nailagay niya ay hindi niya alam. Okupado nito ang utak niya. “P-Pasensiya na,” aniyang biglang nataranta. Litang siya sa kaiisip sa binata.
Narinig niya ang munting halakhak nito sa likuran niya. Naramdaman niya ang init ng katawan nito ilang pulgada mula sa katawan niya. Hindi siya makagalaw. Kung kanina ay nalilito siya, ngayon ay paralisado na ang utak niya.
“Ako na ang bahala sa kape ko.” Hinawakan siya nito sa balikat at iginiya sa kinauupuan niya kanina. “Kaya ko na ito.”
Hindi na niya inalam kung ano ang ginawa nito sa sariling kape. Hawak lang niya ang mainit na tasa ng kape niya sa mga palad habang hinihintay na bumagal ang mabilis na tibok ng kanyang puso.
Umupo ito sa bandang kanan niya. Sa halip na inumin ang kape ay inamoy lang nito. “Masarap pala ang pakiramdam ng ikaw ang nagtitimpla ng sarili mong kape,” sabi nito. “Sa trabaho ko kasi, nag-uutos lang ako ng magtitimpla.”
Among tunay pala ito. Katulad siguro ito ni Aiden na boss sa kompanya at may alalay tulad ni Alexis na uutusan nitong magtimpla ng kape, bumili ultimo hamburger at pati ang paghahanda ng isusuot nito sa mga parties.
Nao-obserbahan niya iyon sa paraan ng pananalita nito at sa nakita niyang pananamit nito kanina. Subalit wala siyang planong tanungin kung ano ang ikinabubuhay nito. Mas gusto niyang manatili itong estranghero sa kanya kaysa ang kilalanin ito.
“Namamahay ka siguro kaya hindi ka makatulog,” sa halip ay sinabi niya upang hindi na siya matukso pang magtanong dito tungkol sa personal na buhay.
Nagkibit-balikat ito. “Madalas akong bumiyahe. Hindi uso sa akin ang namamahay.” Iginala nito ang paningin sa paligid. “Maganda itong bahay mo kahit hindi pa tapos. Isa ka siguro sa pinakamayaman dito.”
“Mahirap lang din ako katulad nila. Nagkataon lang na sinuwerte ako.”
Luminga ito sa paligid. “Kagagawa pa lang ng bahay mo?”
“Oo. Wala pang palitada at pintura. Minadali lang gawin. Mabuti nga nagawa agad bago pa bumagyo.”
“You must worked hard for it.”