Sa kabuuan ay parang isa itong diyos ng mga Griyego. Bumaba sa Bundok ng Olympus upang akitin ang isang mortal na tulad niya. Hindi siya basta-basta naaakit sa mga lalaking guwapo o maganda ang pangangatawan. Pero bakit pagdating kay Richard ay parang nanlalamig siya na naiinitan at pinangangapusan siya ng hininga?
Napahawak siya sa hamba ng pinto nang maramdaman niya ang panginginig ng tuhod niya. Katawan lang iyan. Marami na akong nakitang katawan. Di dahil maganda ang katawan, parang katulad na ako ni Cynthia Lyn na parang mawawala sa sarili? Hindi naman ako ganoon kahinang babae.
Napalunok siya nang parang may nang-aakit na boses na nagsalita sa isipan niya. Pero gusto mo siyang lapitan. Gusto mong haplusin ang muscles niya. Gusto mong malaman kung ano ang pakiramdam na halikan ng isang lalaki na katulad niya. Gusto mong tuklasin kung hanggang saan makakarating ang atraksyon na nararamdaman mo sa kanya. Kahit minsan lang.
Hindi! Ipinilig ni Esmeralda ang ulo. May naririnig siyang babala sa isipan niya. Kailangan na niyang umalis sa silid na iyon. Humanap na lang siya ng ibang mag-aasikaso dito. Hindi na tama ang nararamdaman niya. Hindi niya gusto ang epekto ng binata sa kanya.
Inangat nito ang tingin at nagtama ang mga mata nila. “Kanina ka pa?”
“A-Ano...” Alumpihit siya sa kinatatayuan. “K-Kasi di naman ako marunong maghilot. Baka kailangan si Cynthia Lyn ang ipatawag ko o si Mang Kadyo...”
“Di naman ako magpapahilot. Lagyan mo lang siguro ng ointment dito sa likod saka sa ibang lugar na di ko maabot,” sabi ng binata at pumihit sa kanya. “Sandali lang naman ito. Kung maaabot ko, hindi na ako mang-aabala. Please?”
Parang may mahika ang salitang “please” mula dito. Kusang gumalaw ang paa niya at animo’y nahihipnotismong lumapit dito. Tumayo siya sa likuran nito. “Saan banda ang masakit?” tanong niya.
Kinuha nito ang kamay niya at saka inilapat sa likuran nito. “Here. Sa palagay ko may tumama na matigas na bagay sa katawan ko kaninang nasa ilog ako. At dito rin.” Inilipat nito ang kamay niya sa tagiliran nito na malapit na sa paha ng shorts nito. “I think it is bruised.”
EEEE! Tumili siya sa utak niya nang maramdaman niya ang mainit nitong balat. Parang napapaso siya. At ang kalamnan nito ay matigas. Parang masarap pisilin. Saan pa kaya may masakit dito? Lagpas sa paha ng shorts nito?
“Nakita mo ba?” tanong ng binata sa kanya at lumingon.
“Ang alin?” tanong ni Esmeralda at maang na tumingin dito.
“Kung may pasa sa mga itinuro ko sa iyo.”
Napatingin siya sa baywang nito kung saan nakalapat ang kamay niya at inangat iyon. Abala siya sa pagpapantasya sa lalaki samantalang nandoon nga siya para tulungan ito dahil may masakit dito.
Napangiwi ang dalaga nang makita ang pasa sa likod nito. Meron sa bandang balikat at mayroon din sa gitna ng likod pati na rin sa bandang baywang nito. Nalamog marahil iyon nang tumama sa isang matigas na bagay habang rumaragasa ang ilog. Nagkukulay ube na ang malaki nitong pasa.
“Pasensiya na kung hindi natin malalagyan ng yelo,” sabi ni Esmeralda sa binata at magaang hinaplos ang pasa. “Walang yelo ngayon dahil brownout...”
Tipid itong ngumiti habang nakalingon sa kanya. “Ointment is fine. It smells awful but it can ease away the pain.”
Inamoy niya ang langis ng niyog. “Okay naman ang amoy. Langis ng niyog pa nga ang ginagawa kong lotion. Saka panglangis sa buhok.”
Nagulat siya nang hawakan nito ang ilang hibla ng buhok niya at amuyin. “Why does it smell good on you? Makes me want to devour you...” anito sa mababang boses.
Devour. Parang gusto siya nitong kainin? Nang tingnan siya nito ay binasa nito ang pang-ibabang labi. Para siyang kakanin sa paningin nito na gusto nitong tikman. At malakas ang kaba sa dibdib niya. Kung pagbabasehan niya ang malagkit nitong titig ay parang gusto siya nitong tikman sa erotikong paraan?
Hindi. Baka imahinasyon ko lang iyon. Ako lang ang naglalagay ng malisya.
“Para akong biko?” aniya at bahagyang tumawa. “Buti ka pa nababanguhan. Ayaw ng kapatid kong si Jeremy ang amoy. Sabi niya parang aswang daw ako o manananggal na nagpapahid ng langis ng niyog at nagpapalit ng anyo sa gabi.”
“Inaakit mo ba ang mga biktima mo? Then you eat their heart for midnight snack?” anitong may bahid ng galit ang boses.
Nagtaka siya at magaang pinahiran ng langis ang mga pasa nito. “Mukhang laki ka sa Maynila. Huwag mong sabihing naniniwala ka sa aswang at mga maligno?”
“Sabihin na nating maraming mga aswang na nagpapanggap na anghel at walang kamalay-malay ang mga biktima nila na uubusin ang lahat sa kanila - puso nila, ang pinagpaguran nila at ang tiwala nila.”
Naramdaman niya ang tensiyon sa balikat nito habang hinahaplos niya. “Tungkol ba ito sa mga babae na nakilala mo kaya ayaw mong magkanobya o mag-asawa?” tanong niya at pilit na sinilip ang mukha nito na natatakpan ng dilim. “May nanloko na ba sa iyo? Minahal mo tapos pera lang ang habol sa iyo?”
“Ako?” tanong nito at nilingon siya. May bahagyang talim ang mga mata nito. “I am not that stupid. Mas kailangan kong mag-ingat. Di nila ako maiisahan.”
“Mabuti naman,” aniya at huminga ng malalim. “Hindi naman kita masisisi dahil maraming manloloko sa mundo.”
Mukhang di nito paborito ang tinatakbo ng usapan nila dahil maigting pa rin ang kalamnan nito. Pinisil niya ang balikat nito at narinig niya ang pag-ungol nito.
“May masakit ba?” nag-aalalang tanong niya.
“No. It actually feels good. Ituloy mo lang.”
Itinuon lang niya ang atensyon sa pagmamasahe dito. Malinaw pa rin ang malalaking pasa sa katawan nito. Subalit hindi iyon nakabawas sa kakisigan ng lalaki.
Nakakatakot isipin na kanina ay muntik na itong mamatay. Na posibleng gaya ng mga magulang niya ay isa na itong malamig na bangkay sa ilalim ng mga kamay niya. Pero buhay ito. Nasagip niya ito.
“I guess that is enough,” narinig niyang sabi ni Richard dahilan para mapapitlag siya. Umabot na pala ang kamay niya sa baywang nito. Mapanganib na ang bahaging iyon at di niya napansin. Gumulong ito paharap sa kanya. “Pwede ka nang magpahinga. Ako na lang ang maglalagay ng langis. I can take it from here.”
Kumurap si Esmeralda ng ilang beses. Nakahilata ito sa harap niya na parang isang masarap na handa sa isang pista. Tukso! Isa itong malaking tukso! “Ahhh... Sigurado ka na walang ibang masakit sa iyo? Baka may kailangan ka pa.”
“I am fine. Sa palagay ko makakatulog na ako at mawawala na ang sakit. Thank you and goodnight,” sabi ni Richard at kinintalan ng halik ang likod ng kamay niya.
Pumitlag si Esmeralda nang maramdaman ang init ng labi nito sa likod ng palad niya. Parang may mumunting kuryente na gumapang sa katawan niya. Ginagawa din naman iyon ni Aiden sa kanya pero parang wala naman siyang ibang nararamdaman. Walang kuryente. Walang kilig.
“S-Sige. Magandang gabi,” usal niya at iniwan ito.
Naging normal lang ang paghinga niya nang makalabas sa silid nito. Hindi siya naakit dito. Ikakasal na siya sa lalaking kasing-guwapo nito. Dapat ay mas makadama siya ng atraksyon kay Richard.
“Baka naman epekto ito ng paglangoy ko sa ilog kanina. Di kaya napasukan ng tubig ang utak ko?” usal ni Esmeralda habang nakahiga at nakatitig sa kisame. Sana paggising niya kinabukasan ay matino na ulit siya.