Loving The Man Without A Heart (Filipino) Chapter 19

Mukhang walang pakialam si Amadeus sa apoy na nagbabaga sa pagitan nila pero dama ni Esmeralda ang malakas na kabog ng dibdib nito. Naaapektuhan din ito sa kanya. Nararamdaman din niya ang nararamdaman nito. Dapat siyang mag-alala pero isang bahagi ng puso niya ang nasiyahan.

Sutil talaga. Ayaw man lang makisama.

Nang ibaba siya ng binata sa harap ng kubo ay dali-dali niyang binuksan iyon. “Kaninong kubo ito?” tanong ng binata.

“Sa pamilya ko. May tanim kaming mga gulay at punong namumunga. Mabuti nga hindi ito gaanong nasira ng bagyo,” sabi niya at tiningala ang pawid na bubong. May pabigat iyon sa ibabaw para hindi tangayin ng hangin. Kababawi lang nila iyon mula sa pinagsanlaan nila. Mabuti na lang at mabait ang napagsanlaan niya at di na siya tinubuan pa. Salamat sa tulong ni Aiden.

“Sa inyo naman pala ito. Ayaw mo pang dito tumuloy,” sabi ng binata at tinanggal ang kapote nito.

Nagkibit-balikat lang ang dalaga at ang sarili sa pag-iikot sa kubo. Kumuha siya ng panggatong para makapagparingas ng apoy at makapaghanda ng mainit na maiinom nila ng binata. “May kapeng bigas dito at tsaang gubat. Ano ang gusto mo?” tanong niya sa lalaki dahil di naman uso ang instant na kape at tsaa.

“Kape na lang. Tutulungan na kita,” prisinta ng binata at tumanghod sa tabi niya.

“Kaya ko na ito,” sabi niya at nag-focus lang sa pagpaparingas ng apoy. “Umupo ka na lang doon.”

“Dito lang ako. Mas mainit dito sa tabi mo. I feel better with you around.”

Di niya pinansin ang sinabi nito at tumayo. May tubo ng tubig na nakakonekta sa bukal at doon siya kumuha ng tubig. Naramdaman niya na nakasunod ang tingin ni Richard sa kanya.

“Anong oras daw dadating ang mga susundo sa iyo dito?” tanong niya.

“Hindi ko alam. As soon as possible. Depende sa kondisyon ng kalsada,” sabi ng binata at nagkibit-balikat. “In a hurry to get rid of me?”

“Gusto ko lang makabalik ka agad sa pamilya mo.”

“Paano kung sabihin ko sa iyo na ayoko nang umalis sa tabi mo? Na masaya na akong kasama ka? I can’t forget about your kisses last night. Hindi ako nakatulog kagabi. I can’t get enough of the feel of having you in my arms.”

Sinibat niya ito ng matalim na tingin. “Pwede tumigil ka na? Sinabi ko na sa iyo na ikakasal na ako kay Aiden. Baka nga magpang-abot pa kayo bukas. Sasama siya sa mga magdadala ng tulong. Kaya tama na!”

Kinagat niya ang loob ng pisngi. Siyempre nasa ibang bansa pa rin si Aiden ngayon pero hindi na nito kailangang malaman. Aalis na ito bukas. Ang kailangan lang niya ay gamitin na panangga si Aiden mula sa tukso.

“Mahal mo ba siya?” tanong pa rin ng lalaki.

Bumuka ang bibig niya para sabihing “oo”. Sa halip ay iba ang lumabas sa bibig niya. “Pakakasalan ko siya.”

“Hindi mo nasagot ang tanong ko,” anito sa nagbabantang tinig. “Simpleng tanong pero di mo masagot. Hindi mo siya mahal.”

“Sino ka para sabihin iyan? Di mo naman kami nakita ni Aiden na magkasama.”

“Gusto kong malaman dahil kung mahal mo siya, iiwanan na kita. Iyon ay kung nagsasabi ka ng totoo.”

Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. Di niya kailangang ipangalandakan sa ibang tao na nagmamahalan sila ng binata. Nang malaman ng mga kababayan niya na ikakasal siya sa isang guwapo at mayamang lalaki ay ang mga ito na mismo ang gumawa ng kwento na love at first sight daw iyon. Na maswerte siyang makatagpo isang prinsipe gaya ni Aiden. Walang sinuman ang kumuwestiyon sa bilis ng mga pangyayari. Tanging si Richard lang ang tunay na nakakabasa sa kung ano ang tunay na nilalaman ng puso niya. At natatakot siya na hindi epektibo ang kanyang pagpapa nggap. Kung si Richard na isang estranghero ay napuna na di niya mahal si Aiden, paano pa kapag hinarap niya ang ibang tao na gustong patunayan na isa lang siyang manggagamit at nagpapanggap lang na mahal niya si Aiden gaya ng kapatid ng kasintahan na si Amadeus dela Merced?

Kailangan niyang pangatawanan ang kasinungalingan. Hindi niya pwedeng biguin si Aiden. Kailangan niyang gawin ang trabaho. Kailangan niyang kumbinsihin ang lahat na mahal niya si Aiden at sisimulan niya iyon kay Richard.

Inipon niya ang tapang at sinalubong ang mga mata ni Richard. “Mahal ko siya. Mahal ko si Aiden,” deklarasyon niya sa pagitan ng naggigiyagis na ngipin.

Sinambilat ni Richard ang braso ng dalaga. “Kahit na sabihin mong mahal mo siya, iba ang nararamdaman ko sa kilos mo. Kung mahal mo siya, bakit parang di ka masaya nang kausap mo siya kanina? Ni hindi mo nga sinabing mahal mo siya.”

“Ano? Nakikinig ka sa usapan namin?” bulalas niya.

Ngumisi lang ang lalaki. Animo’y di ito ang tipo ng tao na walang pakialam kung paano gagawin ang mga bagay-bagay. Ang mahalaga dito ay makuha ang resulta. “Ang totoong nagmamahal, binibigyan ng assurance ang taong mahal niya. Sinasabi niya. Hindi tinitipid iyon, Esmeralda.”

“Ano... Hindi lang kami ni Aiden ang tipong kailangang sabihin na mahal namin ang isa’t isa. Ayaw niya ng ganoon. Nakokornihan siya,” palusot niya at iniwas ang tingin dito. Alam niyang mahina ang argumentong iyon pero wala na talaga siyang maisip.

“Kung mahal mo talaga siya, hindi mo ako hahalikan.”

“Iyon lang?” tanong niya. “S-Sinabi nga ng wedding coordinator ko meron daw tinatawag na bridal shower. N-Nagdadala daw ng hubaderong nagsasayaw para sa bride. Parang ganoon lang din ang sa iyo. Hinalikan kita. Wala lang.”

Naningkit ang mga mata nito. “You mean I am like a stripper? Your last hurray before you get married?”

“Parang ganoon na nga pero di naman talaga kita gusto. D-Dala lang ng kuryosidad kaya kita hinalikan. Ganoon lang.”

Tumango-tango ito. “A stripper. How about I give the bride a show for free?” Saka nito hinubad ang suot na basang Tshirt.

Nataranta si Esmeralda. Hindi niya inaasahang gagawin iyon ng lalaki. “Anong ginagawa mo?” kinakabahang tanong ng niya.

“Giving the bride a little show as you described it. Ito naman ang tingin mo sa akin ‘di ba?” nakangising tanong ng lalaki kahit bakas ang sakit sa mga mata nito. “Isang lalaki na parang walang pakiramdam. I am just a body to entertain you.” Namaywang ito na parang ipinagmamalaki pa sa kanya ang magandan katawan nito. “Gawin mo ang gusto mo sa akin. Gusto mong sayawan kita? Do you want to touch me? Don’t worry. You can have me for free. Guilt-free. Sabi mo nga normal lang naman iyan sa mga ikakasal na babae.”

Dapat ay matakot siya at lumayo kay Richard. Pero alam niya sa puso niya na di siya nito sasaktan. Siya ang nanakit dito. Tinrato niya ito na parang isang laruan, isang lalaki na para sa panandaliang aliw lang. Mas malala pa sa lalaking bayaran.

Nagsisinungaling siya sa totoo niyang nararamdaman. Mas malalim pa ang kahulugan ng halik na iyon kaysa sa nais niyang palabasin. Pero hanggang doon na lang sila ni Richard. Hindi sila maaring magpatuloy.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.