Praktikal siyang babae. Kinalimutan na niyang pwede siyang magmahal. Wala na siyang kalayaan.
Inirapan niya si Richard. “S-Sinabi ko na ngang di ako interesado.”
Hinawakan ng binata ang baba niya at pilit na hinuli ang mailap niyang mga mata. “Your eyes say otherwise.”
“Bakit ba hindi mo matanggap na ayoko nsa iyo?” pagalit niyang tanong.
“Dahil alam kong ako ang gusto mo. And it is not just a physical thing. You can feel how my heart beats for you.” Kinuha nito ang kamay niya at inilagay sa hubad nitong dibdib. “We have something special the moment we first met. As if you are claiming my soul. At natitiyak ko na hindi mo iyon nararamdaman sa lalaking pakakasalan mo.”
Umiling siya at binawi ang kamay. “H-Hindi. Wala akong nararamdaman sa iyo.” Wala iyong kumbiksyon gaya ng nais niya.
“You want me, Esmeralda,” anito sa mababa at mapangharuyong tinig. Kinintalan nito ng halik ang noo niya, ang dulo ng ilong at ang labi niya. Hindi niya magawang tumutol. Unti-unti na nitong tinitibag ang mahina niyang depensa. “Hindi tama na pakasalan mo ang lalaking iyon. He will never make you feel like this. Gusto mo ba na habambuhay na makasama ang isang lalaki na hindi mo mahal? He can’t even make you feel this good. Magiging miserable lang ang buhay mo. Come on, Esmeralda. Hindi ako papayag na mangyari ito sa iyo.”
Umiling si Esmeralda at naramdaman ang pamamasa ng mga mata. “Mabuting tao si Aiden. Di ako magiging miserable sa kanya.”
“He is a good person, I can feel that. Pero hindi mo siya mahal.”
“Pakakasalan ko si Aiden. Nangako ako sa kanya at pangangatawanan ko iyon.” Hindi niya pwedeng iwan ang binata sa pagkakataong ito. At lalong hindi niya tatalikuran ang kapatid niya para sa pansamantalang kahibangan.
Mataman siyang pinagmasdan ni Richard. Pakiramdam ng dalaga ay sinusuri siya nito sa ilalim ng microscope. Ang kaibahan lang ay hindi ang kaliit-liitang selula niya ang nakikita nito kundi ang laman ng puso niya at kaluluwa.
“Pakakasalan mo ba siya para maipagamot ang kapatid mo? Para iahon siya sa hirap? Para maibalik ang lahat ng nawala sa iyo nang mawala ang magulang mo? Hindi ito ang tama, Esmeralda,” angil ng lalaki.
“Hindi ito ang tama? Sino ka ba para husgahan ako? Sino ka ba sa buhay ko? Hindi nga tayo magkaano-ano. Basta ka na lang sumulpot sa buhay ko. Kailan lang naman tayo nagkakilala. Bukas lang mawawala ka na. Babalik ka na kung saang lupalop ka nanggaling at hindi na tayo magkikita. Buhay ko ito. Kaya wala kang karapatan na sabihin sa akin kung ano ang tama at mali at kung paano ko dapat patakbuhin ang buhay ko. Wala ka namang alam.”
Hinila siya nito palapit sa katawan nito. “Kaya mo ba siyang pakasalan nang ako ang iniisip mo? Na halik ko ang hinahanap mo?”
Mahirap ngang kalabanin ang damdamin. Ngunit ano ang mangyayari sa kanya kung susundin niya ang simbuyo ng damdamin? Kaya ba niyang pakiusapan si Richard na manatili sa tabi niya? Bukas lang ay babalik na ito sa Maynila. Ano pa ang posibilidad na magkita sila?
Isang estranghero si Richard Infante. Wala siyang alam dito. Maliban sa Maynila ito galing at inanod ito ng baha habang patungo sa kabilang bayan. Na galing sila sa magkahiwalay na mundo.
Matalino siyang babae at praktikal. Hindi niya maaring ipagpalit ang pangarap niya at ang buhay ng kapatid niya dahil lang sa pakiusap ng isang estranghero. Kahit na ang mga halik nito ay kayang sirain ang katinuan niya. Kahit na nahiling niya na sana ay ito na lang si Aiden. Hindi posible ang anumang hiling niya. Si Richard ay isang kahibangan. Isang apoy sa naglalagablab na impyerno na tutupok sa buo niyang pagkatao. Isang apoy na umaakit sa kanya gaya ng isang gamu-gamo.
Napapikit nang mariin si Esmeralda. “Kabaliwan ang nararamdaman natin sa isa’t isa, Richard. Walang mabuting maidudulot sa atin iyon. Kapag umalis ka na dito, makakalimutan mo rin ako at ang lugar na ito. Pabayaan mo na ako.”
“Hindi iyon ganoon kadali,” bulong nito sa kanya. “Huwag mo siyang pakasalan, Esmeralda. Hindi ka magiging masaya sa lalaking hindi mo mahal.”
Tiningnan niya ito nang matalim at ipiniksi ang brasong hawak nito. “Huwag mo akong guluhin, Richard. Ayos naman ang buhay ko nang di ka pa dumadating. Bakit di mo ako hayaan sa buhay ko?”
Niyakap siya nito nang mariin. “Ayaw mo bang gumawa ng isang bagay na pwedeng magpasaya sa iyo minsan sa buhay mo nang hindi iniisip ang responsibilidad, ang tama o mali? Live a little, Esmeralda.”
Live a little? Katulad ng pagsu-surfing nito nang di inaalala ang buhay nito? Ang pagmamaneho sa gitna ng bagyo? Padalos-dalos ito at pagsasaya lang ang alam. Wala itong mabigat na responsibilidad. Marangya ang buhay nito na di nito kailangang isakripisyo ang prinsipyo nito para lang maisalba ang mahal nito sa buhay. Wala itong kailangang ikompromiso. Malaya nitong nagagawa ang gusto nito.
“Madali para sa iyo na sabihin iyan,” aniya at huminga ng malalim. “Wala ka sa sitwasyon ko. Di mo pinagdaanan ang pinagdadaanan ko. Madali lang sabihin sa iyo kung ano ang tama at mali dahil di mo naman kapatid ang nasa alanganin ang buhay. Sa palagay mo ba kung nagkapalit tayo ng pwesto, kailangan kong pakasalan ang lalaking di ko mahal?”
At tuluyan nang bumalong ang luha sa mga mata ng dalaga . Ayaw niyang magmukhang kawawa sa harap ng lalaki. Masakit lang mahusgahan. Sino ba ang gustong maging desperada na halos isanla na ang kaluluwa nila para lang mabuhay ang taong mahal nila?
Dapat ay sanay na siya dahil iyon din naman ang paratang sa kanya ng kapatid ni Aiden. Na pera lang ang habol niya sa kapatid nito. Pero masakit rin pala kapag harapang isinasampal sa kanya ng taong naging mahalaga sa kanya gaya ni Richard. Dahil sa maikling panahon ay nakapasok na ito sa puso niya.
Hinawakan ni Richard ang balikat niya. “Pwede kitang tulungan. Hindi mo kailangang magpakasal sa iba.”
Umiling si Esmeralda. “Pangako lang iyan, Richard. Wala akong panghahawakan sa iyo. Ni hindi ko nga alam kung babalik ka pa pag-alis mo dito. Makakalimutan mo ang San Luis. Makakalimutan mo ako. Mula nang mamatay ang magulang ko, alam ko naman na wala akong ibang maasahan kundi ang sarili ko.”
Matamang tinitigan ni Richard ang dalaga. Animo’y tinitimbang-timbang ang mga sinabi niya. Kung mababa ang tingin nito sa kanya ay tatanggapin niya. Ito ang pinili niya. Ito ang paraang alam niyang tama.
“Esmeralda, hindi na kita pipilitin kung gusto mo pa rin magpakasal,” mahinay na sabi ng binata at hinawakan ang balikat niya.
“N-Naiintindihan mo ako?”
Bumuntong-hininga ito. “Tama ka naman. Wala akong karapatan na pakialaman ang buhay mo. Kailan mo lang ako nakilala. Aalis din ako. But I want you to know that I care about you. I really want you to be happy.”
Pilit siyang ngumiti kahit wasak na wasak ang puso niya. “Magiging masaya din ako kapag nakita kong magaling ang kapatid ko at normal na ang buhay niya. Kaya kong isakripisyo ang lahat para sa kanya.”
Kinabig nito ang baywang niya at kinintalan ng halik ang noo niya niya. “I can’t leave you like this. Pwede bang kahit sa ilang sandali maging totoo ka sa sarili mo, Esmeralda? Kalimutan mo si Aiden. Kalimutan mo ang responsibilidad mo. Kalimutan mo ang sasabihin ng ibang tao. Sundin mo ang isinisigaw ng puso mo. Sundi mo kung ano ang tama para sa iyo.”
“Anong ibig mong sabihin?”
Hinaplos nito ang labi habang nakatitig sa mga mata niya na parang nais siya nitong angkinin. “Set yourself free, Esmeralda. Just this once. Hindi mo kailangagn magkunwari sa totoong nararamdaman mo. Gawin mo kung ano ang magpapasaya sa iyo bilang babae. We still have until the rain stops. Take whatever you want. Take me. Let me be your slave for a little while. Susundin ko ang lahat ng gusto mo.”