“My mom gave it to me when I was four. Sabi niya kapag suot ko ito, makakaya ko ang lahat gaya ng paborito kong superhero.”
Umangat ang gilid ng labi niya. “Sino ang paborito mong superhero?”
Kumunot ang noo nito at umiwas ng tingin na parang nahiya. “Di ko na matandaan. Matagal na iyon.”
“Alam mo na halos ang lahat sa akin pero wala pa akong alam sa iyo o tungkol sa pamilya mo. Imposibleng hindi mo na maalala kung sino ang paborito mo noong bata ka pa,” sabi niya at lumabi. Pati ba naman iyon ay isesekreto nito?
Ipinilig nito ang ulo. “Iba na lang pag-usapan natin,” anito sa may kalamigang boses.
“Sige. Ano na lang ang trabaho o pinagkakakitaan mo,” tanong niya at bahagyang inangat ang sarili para mapagmasdan dito.
“I manage a resort,” matipid nitong sagot.
“Anong klaseng resort?”
“Maliit na beach resort lang sa Surigao.”
Tiningala niya ito habang nakataas ang kilay. “Maliit lang? Parang madami kang masyadong inaalala nang nakaraan na gusto mong umalis agad dito.” Pakiramdam kasi niya ay malaki itong tao at maraming trabahador nito ang kailangan nitong alalahanin.
Di agad ito nakasagot at napapatda. Animo’y nagulat sa tanong niya. “We are in the middle of a negotiation with an investor. Gusto kong mag-expand sa resort. At nag-aalala dahil...”.
“Dahil ano?” tanong niya at pumihit paharap dito nang di naituloy ang sagot.
Umiling ito. “Wala. My work is boring.”
“Handa naman akong makinig sa kwento mo. Sa buhay mo. Tungkol sa pamilya mo.” Gusto niyan makilala ito di lang sa pisikal na aspeto. Gusto niyang makilala ang lalaki na pinag-alayan niya sa sarili.
Napansin ni Esmeralda ang bahagyang paglikot ng mata nito. “Wala naman akong masyadong maiku-kwento maliban sa may kapatid ako. Pero di kami malapit sa isa’t isa.”
Kumunot ang noo ng dalaga. “Bakit naman?”
Pumikit ito ng huminga ng malalim. “Namatay ang nanay ko noong walong taon ako. Makalipas ang ilang buwan, my father married his very pregnant secretary. May affair na pala sila noong buhay pa si Mommy. At ang resulta ng kataksilan na iyon ay ang kapatid ko.”
Nahimigan niya ang hinanakit sa boses nito at di niya ito masisisi. Kahit naman sinong anak ay masasaktan sa pinagdaanan nito. “Hindi mo naman siguro sinisisi ang kapatid mo sa kasalanan ng magulang niya.”
Dumilat ito at sumimangot. “No. Pero mula noon pakiramdam ko nawalan na ako ng pamilya. Na parang inagaw nila ng nanay niya ang pamilya na dapat para sa akin. Hindi ko naramdaman na parte ako ng buhay nila.”
“Richard...”
Naging matigas ang anyo nito. “Pero tapos na iyon. Nakaaraan na. Hindi na ako bata na nangangailangan ng affection mula sa nakatatanda sa akin. Hindi ko na rin pinapangarap ang kumpletong pamilya o maging bahagi ng isang buong pamilya. I am too old for that.”
“Pero sana maging maayos na ang relasyon ninyo ng kapatid mo. Magkapatid pa rin kayo. Ako, gagawin ko ang lahat para kay Jeremy. At nararamdaman ko na ganoon ka rin sa kapatid mo.”
Mataman siya nitong tiningnan. Na parang pagtatalo sa isipan nito kung tututulan ang pahayag niya. “Tama ka. Hindi ko rin siya matitiis. Gagawin ko rin ang lahat para sa kanya. Dahil siya na lang ang nag-iisang pamilya ko,” mariin nitong sabi. “Poprotektahan ko siya kahit na anong mangyari.”
Kumabog ang dibdib ni Esmeralda. Hindi niya alam kung bakit sa halip na magbigay ng kasiyahan sa kanya na may malasakit naman pala si Richard sa kapatid nito pero bakit nararamdaman niya ang galit mula dito. Na parang galit ito sa kanya. Ano ang ginawa niyang mali? Masyado na ba siyang nanghihimasok sa personal nitong buhay? Dapat ba ay hindi na siya mag-usisa pa?
Bumalikwas siya ng bangon at tinalikuran ito. “Tumila na ang ulan. Bumalik na tayo sa bahay,” sabi ng dalaga at kinuha ang damit upang magbihis.
Mabigat sa loob ni Esmeralda na sabihin iyon. Gusto pa niyang manatili sa bisig ni Richard sa loob ng kubo na iyon kung saan wala siyang aalalahanin at wala siyang responsibilidad. Gusto niyang maramdaman ulit ang sensasyon na naidulot nito sa kanya.
Isa-isa niyang hinamig ang damit at isinuot. Tapos na ang sandali na nagawa niyang maging malaya sa tulong ng binata. Kailangan na nilang bumalik sa realidad. Sa kapatid niyang may sakit. Sa lalaking pakakasalan niya.
Tipid na ngumiti si Esmeralda nang muling harapin si Richard. Isinusuot nalang nito ang T-shirt nito. “Maraming salamat.”
“What for? Ako ang dapat na magpasalamat.” Sinapo nito ang pisngi niya. “Salamat sa pagbibigay mo sa sarili mo sa akin. Sana ay hindi mo iyon pinagsisisihan dahil iyon ang pinakamagandang regalong natanggap ko.”
“Hindi. Ikaw ang nagbigay ng regalo sa akin. Hinayaan mo akong makadama ng kalayaan kahit na ilang sandali lang.”
Ngayon lang siya nagdesisyon para sa sarili niya. Sa ilang sandali ay di niya inisip ang ibang tao. At hindi niya alam kung mangyayari pa ulit iyon. Pakiramdam niya ay habambuhay na siyang nakatali sa responsibilidad.
Hinawakan ng binata ang balikat niya. “Huwag kang magpakasal.”
Napapatda si Esmeralda. “Richard, ang sabi mo sa akin hindi mo hihingin sa akin iyan...”
“Huwag kang magpakasal. Kahit ilang araw lang ibigay mo sa akin. We have something really great together. Nararamdaman ko iyon. Gusto kong bigyan mo ang sarili mo ng pagkakataon para maging malaya. Kung anuman ang problema mo ngayon, magagawan ko iyon ng paraan. Hintayin mo ako.”
“Wala akong maipapangako, Richard.”
Ayaw niya ng mga pangako. Sa mundong ginagalawan nito ay maraming babae ang higit na maganda sa kanya. Maaring pag-alis nito mamaya ay hindi na nito maalala pa ang mukha niya.
Samantalang siya ay habambuhay niyang matatandaan ang gabing iyon. Hindi ganoon kadaling kalimutan ang unang lalaking umangkin sa kanya. Ilang sandali na naranasan niyang maging masaya at malaya.
“Maging totoo ka sa sarili mo. Hindi ka magiging masaya sa lalaking iyon. I can help you. I will make sure that everything will be okay.”
Umiling siya. “H-Hindi ko alam.”
Pinatay niya ang apoy ay di kinibo ang binata habang inaayos ang mga gamit hanggang makalabas sila ng kubo. Naguguluhan siya. Tatanggapin ba niya ang alok ni Richard na tulungan siya?
Isinara ng binata ang kubo. “The offer still stands. Kung kailangan mo na mapagamot ang kapatid mo at mas gumanda ang buhay mo, will help you out.”
“Bakit?”
“I think I am falling for you.”
Tumigil sa pagtibok ang puso ni Esmeralda. Nai-in love na ito sa kanya sa ganoon kaliit na panahon? Napuno ng saya ang dibdib niya na parang sasabog. Pagmamahal. May espesyal din siyang nararamdaman sa binata at sa palagay niya ay tumindi iyon mula nang may mangyari sa kanila. Kung mabibigyan marahil sila ng pagkakataon ay maaring mauwi iyon sa pagmamahalan.
Pero napawi din ang saya niya. Wala na silang panahon para sa personal niyang interes. Saglit na kalayaan lang ang maari niyang tamasahin. May kapatid siyang umaasa sa kanya. May lalaking pinangakuan siya ng kasal. At kahit pa nangako si Richard na kaya nitong ayusin ang buhay niya, hindi pa rin niya mapang-hahawakan iyon.
Tinalikuran niya ito. “Huwag na nating pag-usapan iyan. Umuwi na tayo dahil baka abutin na naman tayo ng ulan,” pag-iiba niya sa usapan at naglakad palayo.
Hinarap niya ang malamig na simoy ng hangin at binilisan ang paglalakad. Pero nagulat siya nang hawakan ng binata ang kamay niya. “Hayaan mo na ako kahit ngayon lang. Hangga’t nandito pa tayo. Hangga’t pwede pa.”
Ngumiti siya sa binata at di tumutol. Kahit sa ilang oras ay maramdaman niya ang init ng kamay nito. Na di siya nag-iisa. At kung sa ibang panahon lang at pagkakataon, alam niyang di nila bibitawan ang kamay nito.