Loving The Man Without A Heart (Filipino) Chapter 23

NAALIMPUNGATAN si Esmeralda sa tunog ng motor mula sa taas. Animo’y may malaking lamok na bumubulong sa kanya. Madaling-araw na siyang nakatulog dahil nagkwentuhan sila ni Richard buong gabi.

Hindi na niya pinigilan ang sarili. Gusto niya na maraming alaala sa unang lalaki sa buhay niya. Nagtrabaho daw ito sa isang cruise ship kaya maraming bansang napuntahan at kalaunan ay nakaipon.

Nakaka-inspire ang mga kwento nito. Kung gaano ito kahilig sa adventure at iba’t ibang extreme sports. Kung paano nito na-enjoy ang mga kultura at tradisyon sa iba’t ibang bansa sa mundo. At sa loob ng isang gabi ay hinayaan niya ang sarili na mangarap na balang-araw ay mararating din niya ang mga iyon. At sa kanyang pangarap ay kasama niya si Richard.

Nang buksan niya ang bintana ay nakita niya ang chopper na umiikot pa rin ang elisi habang nakalapag sa patag na parang malapit sa burol. Mula doon ay pinagtutulungan ng mga kababaryo niyang lalaki na ibaba ang mga kahon at mga balutan. Dumating na ba ang tulong na hiningi ni Richard.

Dali-dali siyang naghilamos at nagsepilyo sa banyo at saka bumaba. Nasalubong pa niya na kaibigang si Cynthia Lyn na humahangos. “Esmie, andiyan na ang mga relief goods. May doktor at social workers pang dumating na padala ng kaibigan ni Richard. Ang bongga nga dahil naka-helicopter pa.”

“Nakita ko nga.”

“Oo. At susunduin na rin nila si Richard. Isasabay na daw para makabalik na sa Maynila. Ibang klase. Yayamanin nga talaga siya.”

Nilampasan niya ang kaibigan at bumaba ng hagdan. Isang makeshift tent ang itinatayo sa may bakuran niya at doon inilagak ang mga relief goods para isa-isa ring maipamigay. Isang tent din ang itinayo kung saan kinukuhanan ng blood pressure si Manang Conching.

“Nasaan si Richard?” tanong niya.

“Nasa may helicopter kasama si Jeremy. Gusto daw makasakay ng kapatid mo sa helicopter,” sagot ni Cynthia Lyn. “Ako nga rin sana makasakay ng helicopter.”

Hindi na niya pinansin ang kaibigan at nagtuloy-tuloy sa chopper. Naabutan niya doon na nakasakay sa tabi ng piloto si Jeremy at nagulat nang makitang si Richard ang katabi ng kapatid niya. Animo’y ipinapaliwanag ng binata sa kapatid ang iba’t ibang instrumento sa panel ng helicopter.

Ilang sandali siyang di gumalaw sa kinatatayuan dahil masarap pagmasdan na nakangiti si Richard. Maaliwalas ang anyo nito at hindi mukhang seryoso. Ito ang Richard na gusto niyang maalala kapag umalis na ito. Ang Richard na masaya. Ang Richard na napapangiti sa pagpapasaya nito sa ibang tao. Gaya kung paano din siya nito napapangiti. Hindi pa man ito umaalis ay nami-miss na niya ito.

“Ate, sumakay ka rin dito!” paggising ni Jeremy sa kamalayan niya.

Marahan siyang lumapit sa helicopter. “Bumaba ka diyan. Baka nakakaabala ka sa pagtatrabaho ng iba. Baka makasira ka pa.”

“Kasama naman niya ako. Wala naman siyang hinahawakang iba,” depensa naman ni Richard. “Saka naibaba naman na ang mga supply.”

“Kahit na. Wala kaming pambayad kapag may nasira diyan.”

Bumuntong-hininga si Richard. “Naglilibang lang naman ang bata.”

“Ngayon lang naman ito, Ate. Aalis na si Kuya Richard mamaya,” katwiran naman ni Jeremy.

“Sige. Diyan kayo. Titingnan ko lang kung ano ang maitutulong ko,” sabi ni Esmeralda at nagtungo sa tent upang makausap ang mga social worker doon at malaman din ang sitwasyon sa ibang lugar. Matapos iyon ay tumulong siya sa pagluluto para sa ipapakain sa mga tao.

Ang totoo ay gusto lang niyang abalahin ang sarili. Hindi matanggap ng puso niya na tuluyan nang aalis si Richard. Akala niya ay kaya ng kalooban niya na makitang umalis ang binata. Hindi pala niya kaya.

“Ano bang ginagawa mo dito? Aalis na si Richard. Magpaalam ka na,” anang si Cynthia Lyn at kinaladkad siya palabas ng bahay. Umiikot na ang motor ng chopper. Habang si Richard naman ay pinagkakaguluhan ng mga kababaryo niya.

“Salamat dn sa tulong na naibigay sa amin, Sir Richard. Akala ko nga di na kami maaambunan ng tulong,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Mang Kadyo. “Nagpadala pa kayo ng doktor at gamot para sa amin. Samantalang matagal na panahon na walang pakialam ang mga tao sa gobyerno sa amin kapag ganitong sakuna.”

“Huwag po kayong mag-alala, Mang Kadyo. Mula ngayon di na kayo pababayaan o makakalimutan kapag may ganitong sakuna. Ako po ang bahala,” paniniyak ni Richard sa matandang lalaki.

“E ako?” singit naman ni Cynthia Lyn at kumapit sa braso ni Richard. “Naibigay ko na sa iyo ang cellphone number ko. Text-text tayo, ha?”

“Sus! Sa akin ka lang naman nagpapasa ng load,” kantiyaw ni Topher.

“Tse!” anang kaibigan at inirapan ang lalaki.

“Kuya Richard, nangako ka sa akin na isasakay mo ako ng helicopter sa susunod na balik mo,” nanghahaba ang ngusong sabi ni Jeremy.

Tinapik ni Richard ang ibabaw ng ulo nito. “Kailangan muna nating magpaalam sa Ate Esmeralda mo.” At hinagilap siya ng mata ng binata. “Esmeralda,” usal ng lalaki.

Nang magtama ang mga mata nila ay nanlambot ang tuhod ng dalaga. Sa halip na mabawasan ang epekto nito sa kanya ay lalo pang tumindi. Kinuyom niya ang palad para makontrol ang nagbabantang luha.

Paglapit nito sa kanya ay hinubad nito ang kuwintas na suot. Kinuha nito ang kamay niya at inilagay sa palad niya. “This is my mom’s necklace. I want you to have it. Ito man lang maging pasasalamat ko sa pagliligtas mo sa buhay ko at sa pag-aalaga mo sa akin.”

Umiling si Esmeralda. “Wala akong hinihinging kapalit sa iyo. Hindi ko matatanggap ito dahil bigay ito sa iyo ng nanay mo.”

Nagulat siya nang bigla siya nitong kabigin ng yakap. Nang bumangga siya sa matipuno nitong katawan ay parang naubusan siya ng hangin at lakas. “Salamat sa pagbibigay ng panibagong buhay sa akin. At ayokong makalimutan mo ako.”

Mariin siyang pumikit nang nanuot sa katawan niya ang init ng yakap nito. Sa higpit ng yakap nito sa kanya ay parang ayaw na siya nitong pakawalan.

“Naalala mo ang usapan natin? Bigyan mo ako ng konting panahon. Babalik ako,” bulong ng binata. “Hintayin mo ako.”

“Richard...” Sinabi na niya dito na ayaw niya ng mga pangako. Na kung anuman ang pinagdadaanan niya sa buhay ay di siya nito dapat pang alalahanin.

“Just give me a little chance.”

Huminga siya ng malalim at pilit na ngumiti kahit na parang pinipiga ang puso niya. “Nasa iyo ang number ko. Tumawag ka lang kung may problema ka o ligtas ka nang nakabalik sa inyo,” usal niya nang bumitiw sa pagkakayakap nito. Pinilit niyang pasayahin ang boses habang may pagmamakaawa naman sa mga mata ng binata.

“Sir, kailangan na po nating umalis,” anang piloto ng chopper nang lapitan ang binata at tinapik ang balikat nito.

Mabigat man ang loob ay kailangan nang pakawalan ni Esmeralda si Richard. Ayaw niyang panghawakan ang mumunting pag-asang inaalok nito. Mistula siyang ibon na nakabalik na sa hawla at ang magagawa lang niya ay pagmasdan habang papalayo ang langit kung saan malaya siyang nakalipad.

“I promise that I will come back,” sabi ng binata sa lahat at kumaway pa. Hinagod nito ng tingin ang mga tao subalit ilang sandali na tumutok ang mga mata sa kanya. May lihim na mensahe sa mga matang puno ng pag-asam.

Hihintayin kita, bulong puso ng dalaga nang makasakay na si Richard sa chopper.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.