Loving The Man Without A Heart (Filipino) Chapter 24

AWTOMATIKONG hinawakan ni Esmeralda ang suot na kuwintas na nakasabit sa leeg niya nang makitang lumilipad ang isang helicopter sa ulunan niya habang nakatayo sa balkonahe ng condo ni Aiden sa Taguig.

Dali-dali niyang dinampot ang cellphone nang tumunog iyon. Subalit laking dismaya niya nang makitang mensahe iyon mula kay Aiden na nagsasabing alas siyete ng gabi siya nito susunduin para sa party. Muli ay bigo na naman siya dahil text message mula sa ibang tao ang inaasahan niya.

“Si Kuya Aiden po ang nag-text? Dadating na daw po ba siya?” tanong ng kapatid sa kanya na kanina ay masayang nakikipag-kwentuhan sa staff ni Aiden na si Mylle. Ang mas batang staff na kaga-graduate pa lang sa college ang sumundo sa kanila sa San Luis nang nagdaang araw.

Matabang siyang ngumiti. “Oo.”

“Ma’am, nag-aalala ba kayo sa pagpunta sa party ni Sir Amadeus? Masungit iyon pero tiyak na babait iyon sa inyo dahil maamo siya sa magagandang babae,” anang may kadaldalang sekretarya. Kumpara kay Alexandra na tahimik at may pagka-suplada, napaka-approachable naman ng babae at maalaga sa kapatid niya. “Magugustuhan niya kayo para kay Sir Aiden.”

“Sana nga,” nausal na lang niya at muling pinagmasdan ang nagkikislapang ilaw ng lungsod mula sa salaming bintana ng condo.

Halos dalawang linggo na mula nang umalis si Richard sa San Luis. Sa loob ng dalawang linggong iyon ay lihim siyang umasam na babalik ito para tuparin ang pangako nito. Na patutunayan nitong mahal siya nito. Pero habang unti-unting naaayos ang San Luis at bumabalik ang mga tao doon sa normal na buhay, dahan-dahan naman na gumuguho ang ilusyon niya.

Wala siyang tawag o text na natanggap mula sa lalaki. Kalokohan na umasa kay Richard. Kinalimutan na siya nito. Nakabalik na ito sa normal nitong buhay. Kaya dapat lang na bumalik din siya sa normal niyang buhay. Kailangan niyang harapin ang pangako niya kay Aiden at iligtas ang buhay ng kanyang kapatid. At kung anumang pinagsaluhan nila ni Richard ay mananatili na lang sa kanyang alaala. Bahagi ng nakaraan niya na mananatiling lihim. At nangako si Esmeralda sa sarili na magiging tapat siya kay Aiden kahit di niya ito mahal.

“You look stunning!” sabi ni Aiden nang dumating sa condo para sunduin siya. Nakasuot siya ng champagne-colored diaphanous gown. Itinaas ang buhok niya na kinulot at maganda ang pagkaka-make up sa kanya ng pumuntang hair and make up artist na kinuha ni Mylle para ayusan siya.

“Salamat. Ikaw rin,” ganting papuri niya dito nang kintalan siya ng halik sa pisngi. Nailang siya pero dapat siyang masanay dahil parte iyon ng pagpapanggap niya bilang babaeng pakakasalan nito. “Aalis na ba tayo? Hindi ba sasama si Lexie?”

“She’s on leave.” Inalalayan siya ng binata sa braso. “Let’s go.” Tulog na noon si Jeremy at hindi na ito nahintay. Isang private nurse ang nagbabantay dito.

Lumunok siya at pinagsalikop ang mga palad nang bumibiyahe na sila. “K-Kailangan ba talaga nating pumunta sa party?”

“Of course. Ngayon pa lang kita maipapakilala sa mga tao at sa kapatid ko. I think it is about time.”

Sinapo ni Esmeralda ang dibdib na malakas ang kaba. “Paano kung mapahiya ka dahil sa akin? Tiyak na puro sosyal ang mga nandoon. Hindi ako katulad ni Lexie na tuloy-tuloy kung mag-English na parang taga-Amerika.”

“You are beautiful. No need to fret. At alam ko namang matalino ka. Kaya mong sagutin ang mga tanong nila. Di naman lahat ng tao doon ay matapobre. Basta ngumiti ka lang sa kanila.”

“At anong gagawin ko sa kapatid mo? Baka ipahiya niya ako sa mga tao.”

“Natatakot ka sa kanya?”

Tumigas ang anyo niya. “Di ako natatakot sa kanya. Ikaw lang ang inaalala ko dahil ayokong mapahiya ka dahil sa akin.”

Matagal na niyang hinihintay ang pagkikita nila ni Amadeus dela Merced. At kahit kailan ay hindi pa siya natakot o na-intimidate sa katulad nitong mayabang na dahil lang may pera ay parang hawak na nito sa kamay ang mundo.

“Mabait na siya ngayon.”

“Paanong naging mabait? Ganoon na lang ba kadaling magbago ang tao?” nagsususpetsa niyang tanong.

“Sabihin na nating may himalang nangyari pagkagaling ni Kuya Amadeus sa bakasyon niya. Naging mas mabait siya at sinabi pa niyang gusto ka niyang i-welcome sa pamilya. Naiintindihan na daw niya ako dahil na-in love na rin siya. Imagine, my brother is a playboy. Wala pang sineseryosong girlfriend. Tapos ay magbabago dahil sa pag-ibig. I must meet that girl. Dahil sa kanya, di na kokontra si Kuya Amadeus sa kasal natn..”

“Mabuti naman kung ganoon,” anang dalaga sa malamig na boses.

Pero walang tiwala si Esmeralda kay Amadeus. Galit na galit ito nang makausap niya sa cellphone dati. Kulang na lang ay isumpa siya nito. Kaya kahit na maganda pa ang ipakita nito sa kanya ay mag-iingat siya. Ngayon pa lang ay nakikiramay na siya sa babaeng minahal nito.

Mahigpit ang kapit niya sa braso ng binata nang makapasok sa bulwagan ng hotel. Sumalubong sa kanila ang musika na likha ng piano at violin, ang halakhakan ng mga tao sa sosyal na boses at ang eleganteng dekorasyon na nakamamangha. Nakasuot ng naggagandahan at mamahaling damit ang mga dumalo.

Isang matandang babae ang sumalubong agad sa kanila. “Aiden, nakabalik ka na pala. Akala ko nasa Thailand ka pa.”

“Pinabalik agad ako ni Kuya Amadeus para sa party na ito. Hindi ko daw pwedeng ma-miss at ipinasama niya sa akin si Esmeralda para makilala niya. Esmeralda, si Tita Florida. Siya ang personal assistant ni Papa at namana ni Kuya Amadeus. But she’s my old teddy bear.” At niyakap ni Aiden ang babae.

Natawa na lang si Florida. “Ang batang ito talaga. Di ka pa rin nagbabago.”

Inilahad ni Esmeralda ang palad sa babae. “Ikinagagalak ko po kayong makilala, Ma’am.”

Niyakap siya ng matandang babae. “Tita na lang ang itawag mo sa akin. Tutal ay magiging asawa ka na ni Aiden. Imbitado sana ako sa kasal ninyo.”

“Next week we will start sending out invitations,” sagot naman ni Aiden.

Puno ng pag-aalala siyang pinagmasdan ni Florida. “Kumusta naman ang baryo ninyo? Nakakabawi na ba kayo sa bagyo? Sabi kasi ni Amadeus naapektuhan daw ang area na iyon.”

“A-Amadeus?” gulat na tanong ni Esmeralda. “Paano po niya nalaman?”

“Siguro dahil nabalitaan niya na apektado ng bagyo ang San Luis. Humingi kasi ako ng tulong sa foundation ng Brava Hotel. Nalaman siguro ni Kuya,” sagot naman ni Aiden.

Mabuti hindi niya hinarang ang tulong. Pakiramdam kasi ng dalaga ay isang berdugo ang kapatid ni Aiden. Walang pakialam sa nararamdaman ng ibang tao. Hindi ba’t walang puso nga ang taguri dito ng mga tao?

Luminga si Aiden sa paligid. “Nasaan pala si Kuya? Kasama ba niya ang girlfriend niya?”

Nagkibit-balikat ang matandang babae. “Wala naman siyang nabanggit na girlfriend sa akin. Wala siyang ka-date ngayon. Meron ba?”

“Sabi po niya in love daw siya at makikilala ko ngayong gabi. Kaya nga good mood siya nang imbitahan kami ni Esmeralda dito sa party,” paliwanag ni Aiden.

“In love si Amadeus?” Isang mataginting na halakhak ang pinakawalan ni Florida. “That is the silliest thing I’ve ever heard. Imposible yatang mangyari iyon, Aiden. He must be joking.”

“Hindi marunong magbiro si Kuya Amadeus,” anang si Aiden sa seryosong tono.

Patuloy pa rin sa pagtawa si Florida. “That is impossible.”

“What are you laughing at, old woman?” anang seryosong boses ng isang lalaki sa likuran ni Florida.

Pumitlag ang puso ni Esmeralda nang marinig ang boses. Hindi siya maaring magkamali dahil kilala niya ang boses na iyon.

Nang pagmasdan niya ang lalaki ay tumigil ang pagdaloy ng dugo sa kanyang katawan. Matangos ang ilong nito na gaya ng kay Aiden. Malinis ang mukha nito, parang bagong ahit at mukhang mabango. Matikas ito sa suot na tuxedo. Hindi niya maintindihan pero parang nakita na niya ito bukod sa pamilyar ang boses nito.

Nang iangat nito ang paningin at nagtama ang mga mata nila ay nanginig ang tuhod niya. Ang mga mata ni Richard. Malalim iyon at halos itim na. May kaparehong intensidad na nadadama niya kapag tumitingin sa kanya. ‘Yung tumatagos sa kaluluwa. Hindi siya maaring magkamali. Si Richard ito

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.