Lumuwag ang pagkakahawak ang pagkakahawak ni Esmeralda kay Aiden. “Richard?” usal niya sa pangalan ng lalaki. Nandito si Richard sa mismong party ng kapatid ni Aiden.
“We are here and I am not late,” anang lalaki si Aiden at kinamayan ito. “We won’t miss it for the world.”
Tumingin sa kanya si Richard at ngumiti. Isang impersonal na ngiti na ibinibigay ng lalaki sa kanya na para sa isang taong noon lang nito nakita. “Hello,” bati nito sa suwabeng boses.
Parang may bikig sa lalamunan ang dalaga dahil gustong mangilid ang luha niya. Sumisigaw ang puso niya kay Richard. Tadhana ba ang naglapit sa kanila para magkita sila sa party? Kung kailan tinanggap na niyang di na ito babalik pa sa buhay niya, saka naman ito muling nagpakita.
Gusto niyang magpakilala dito bilang si Esmeralda. Baka hindi na siya nito natatandaan. Baka nakalimutan na siya nito kaya di na ito nagtangkang contact-in siya. Madami siyang tanong. Madami siyang gustong malaman. Kahit di niya alam kung paanong sasabihin dito ang nasa isip niya dahil umaapaw din ang emosyon niya.
“Meet Esmeralda Solomon, my future wife,” narinig na lang niyang pagpapakilala sa kanya ni Aiden sa kanya. Hindi na niya masyadong narinig ang iba pang sinabi nito dahil abala siya sa pagtitig kay Richard. “Esmeralda, I would like you to meet my brother, Amadeus dela Merced.”
Amadeus dela Merced. Hindi Richard Infante.
Hindi makapaniwala si Esmeralda habang nakatitig sa kapatid ni Aiden. Nagkataon lang ba ito na kahawig ni Amadeus si Richard?
Hindi sila iisa ni Richard. Nasa Surigao na si Richard ngayon, doon sa maliit niyang resort. Magkahawig lang sila ni Amadeus. Magkaboses. Pareho lang silang masungit at matigas ang ulo at parang walang pakialam sa damdamin ng iba at...
Lumunok siya nang maalala ang mga tingin ni Richard sa kanya na parang may galit kahit na di naman siya nito kilala nang lubusan. Na parang may nagawa siya nitong mali kahit wala naman.
Mangyayari lang iyon kung siya si Amadeus dela Merced at alam niyang ako ang babaeng pakakasalan ng kapatid niya.
Pakiramdam ni Esmeralda ay may bumaril sa kanya sa kinatatayuan niya at tumagos sa kanyang puso. Nagpalinlang siya kay Amadeus. Mistula itong sundalo na nakapasok sa teritoryo ng kalaban nang walang kamalay-malay. Nahulog siya sa patibong nito.
Subalit buhay pa siya. Gising siya habang kaharap ang kanyang bangungot. Si Richard, ang lalaking pinagbigyan niya ng kanyang puso at sarili at si Amadeus, ang kapatid ni Aiden na labis ang pagkamuhi sa kanya ay iisa.
Umangat ang gilid ng labi ni Amadeus na parang alam nito ang paghihirap ng kalooban niya. Kung paanong wasakin nito ang masasayang alaala nilang dalawa.
Animo’y isa itong maginoo nang hawakan ang kanyang kamay. Hindi niya maialis ang mga mata dito nang hagkan nito ang likod ng palad niya. “At last I get to meet you, Esmeralda,” anito sa mapang-akit na boses. “I’m glad that Aiden brought you here. Akala ko ay hindi na tayo magkakakilala bago ang kasal ninyo.”
Itinago niya sa likod ng maskara ang galit at sakit na nararamdaman. Kung iniisip ni Amadeus na tapos na ang laban at talo na siya, nagkakamali na ito. Hindi pa ito ang oras para umiyak siya at umaktong talunan. Nagsisimula pa lang ang tunay na laban nilang dalawa.
Ngumiti siya at binawi ang palad dito. Nararamdaman pa rin niya ang init na dala ng labi nito. Pasimple niyang ipinunas sa gilid ng gown ang minarkahan ng labi nito. “Salamat dahil naimbitahan mo rin ako sa party mo, Mr. dela Merced,” pormal niyang sabi at nakadama ng kasiyahan nang makita niya ang mariing pagdidikit ng labi ni Amadeus nang sundan ang galaw ng kamay niya. Isang insulto marahil dito na burahin ang marka ng halik nito sa balat niya.
Naipagpasalamat niyang natagpuan niya ang tinig. Gusto niyang yayain si Aiden pauwi. Na hindi niya matatagalan pa ang pagtitipong iyon kasama ang kapatid nito - ang lalaking sinungaling. Subalit hindi niya alam kung ano pa ang plano ni .
Mahinang tumawa si Amadeus. “Mr. dela Merced? Hindi ko alam na ganyan ka kapormal sa kapatid ng boyfriend mo. Please call me Amadeus.”
“Amadeus?” usal niya habang pinaglalaruan ng dila ang pangalan nito. Banyaga sa kanya ang pangalan nito. Mas sanay siyang tawagin itong Richard.
Kinuyom niya ang palad. Hindi ito si Richard. Walang Richard. Si Richard ay isang kathang-isip na binuo ni Amadeus dela Merced upang linlangin siya. Nagpanggap itong ibang tao upang akitin siya at pabagsakin. Gusto nitong wasakin siya dahil para dito ay masama siyang babae. At binigyan ko siya ng alas para sirain ang pangalan ko kay Aiden.
Kailangan kong sabihin kay Aiden ang tungkol kay Amadeus bago pa niya ako maunahan. Mahigpit na kumapit si Esmeralda sa kamay ni Aiden. Sana lang maintindihan din ako ni Aiden kung bakit ko nagawang ibigay ang sarili sa iba. At iyon ang pinakamalaking pagkakamali ko.
Pinaupo sila sa mesa sa gilid ng dance floor. Patay-malisya na lang siya at tumitingin-tingin sa paligid para maiwasan ang kausapin ni Amadeus. “You look gorgeous, Esmeralda. Hindi na ako nagtataka kung bakit gusto kang pakasalan ng kapatid ko. Kahit sino ay mabubulag sa kagandahan mo,” malamang sabi ng lalaki.
Nagtangis ang ngipin niya pero pilit siyang ngumiti. Alam na nito ang mga sekreto niya. Kung paanong di niya totoong mahal si Aiden at kailangan lang niya itong pakasalan para ipagamot ang kapatid niya.
“Salamat,” tipid niyang sagot at dinampot ang kopita.
“Nasaan na pala ang babaeng sinabi mo na nagpatino sa iyo, Kuya? I want to meet the lucky woman,” sabik na sabi ni Aiden at pinagkiskis pa ang mga palad.
Uminom agad si Esmeralda ang tubig dahil parang sasabog ang dibdib niya. May ibang babae sa buhay nito - ang babaeng mahal nito at seseryosohin nito. Habang siya ang babaeng gusto nitong sirain ang buhay.
“Makikilala mo rin siya mamaya. Aiden, pwede ko bang hiramin si Esmeralda? I would like to dance with my future sister-in-law,” paalam ni Amadeus.
Biglang kumapit si Esmeralda sa braso ni Aiden. Nahihintatakutan niya itong tiningnan. Subalit hindi siya napansin ni Aiden ang piping pagsusumamo niya.
Nakangiti nitong iniabot ang kamay niya kay Amadeus. “Sure, Kuya. Basta ingatan mo si Esmeralda.”
“I will,” pangako ni Amadeus.
WALANG nagawa si Esmeralda nang hawakan ni Amadeus ang kamay niya. Gustuhin man niyang tumutol ay nakita niya ang masaya si Aiden dahil madalang ang pagkakataon na nagkakasundo ito at ang kapatid. Sa kabila ng panggigipit ni Amadeus dito ay alam niyang importante pa rin ang relasyon nito bilang magkapatid. At hindi ang party na ito ang tamang lugar para sirain niya iyon.
Inakay siya ni Amadeus sa dance floor. Napaigtad siya nang maramdaman ang init at mistulang kuryente na dumadaloy sa katawan niya. Traidor ang katawan niya. Kasing traidor ni Amadeus.
Gusto niyang magtatakbo palayo dito. Subalit bago pa niya matupad ang balak ay hinapit nito ang katawan niya palapit dito. Inilapat niya ang palad sa dibdib nito upang itulak ito palayo subalit natunugan nito ang plano niya.
“Gusto mo bang gumawa ng eksena, Esmeralda?” bulong nito sa kanya. Nadoble ang kaba niya nang maramdaman ang init ng hininga nito sa kanyang tainga. “Gusto mo bang mapahiya si Aiden?”
Matapang niyang sinalubong ang mata nito. “Hindi ko ugaling gumawa ng eksena dahil hindi naman ako uhaw sa atensiyon ng tao.”
Ngumiti ito sa paghamon niya. “Then relax.”
Hindi alam ni Esmeralda kung paanong iwas ang gagawin para di magdikit ang katawan nila. “Pwedeng dumistansiya ka ng konti?”
Napansin naman niya ang ibang nagsasayaw na di naman gaanong madikit. Habang kay Amadeus ay parang nananadya at inilapit pa ang labi sa tainga niya. We’ve been closer than this before,” anito sa sensuwal na boses. “Smile, Esmeralda. Ipakita mo sa mga tao na natutuwa kang magkasayaw tayong dalawa. Make my brother happy. Do you want to ruin his night?”
Nang lumingon siya ay nakita niyang kausap ni Aiden ang ilang mga bisita. Ngumiti pa ito sa kanya. Hindi nito alam na gusto na niyang sakalin ang kapatid nito.
Ipininid ng dalaga ang bibig kaysa ano pa ang masabi niya dito. Subalit di naman nakatakas ang ilong niya nang yumakap sa kanya ang bango nito. Naalala na naman niya nang gabing angkinin siya nito.
Gusto niyang pangibabawin ang galit kaysa ituon ang isip sa gabing pinagsaluhan nila. Hindi na ito ang lalaking minahal niya. Isa na itong kaaway.
“Kumusta na? You look different,” komento ng lalaki.
Ngumisi siya. “Mabuti naman...” Sadyang ibinitin niya ang sasabihin at tiningala ako. “Ano ang dapat kong itawag sa iyo? Richard o Amadeus?”
Nagkibit-balikat ito. “Whatever suits you.”
“Mas gusto ko yata ang demonyo,” angil niya sa pagitan ng mga ngipin. Hindi na niya magawang itago ang matinding galit sa panlilinlang nito.
Humalakhak ito. “Nice sense of humor, Esmeralda,” may kalakasang sabi nito para sa kabutihan ng mga nakikinig sa kanila. “But I must admit that you look the part of a perfect fiancee for my brother.” Pinagala nito sa kabuuan niya ang mga mata na parang sinasabing alam nito kung ano ang anyo niya kung wala siyang saplot sa katawan.
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha. Sa halip ay pinanatili niya ang paningin sa guwapo nitong mukha upang ipakitang hindi siya apektado. “Ikaw din. Mas bagay sa iyo ang tuxedo kaysa ang mga damit na ipinahiram sa iyo ng mga tagabaryo.”
Umangat ang gilid ng labi nito. “Thank you. But I guess I look better without my clothes,” wika nito sa tinig na nanghihipnotismo.
Parang tubig na dumaloy sa kamalayan niya ang hubad nitong katawan. Kabisado niya ang bawat hipo ng balat nito at ang kalamnan sa katawan. Gaya ng pagkakakilala nito sa katawan niya.