Loving The Man Without A Heart (Filipino) Chapter 26

Mabilis niyang inilayo ang katawan dito na parang napaso. “I-Ibalik mo na ako kay Aiden. Kailangan na niya ako sa tabi niya. Ipapakilala pa niya ako sa mga bisita.” Iyon ang unang beses na lumabas siya kasama ang lalaki at ngayon pa lang siya nito ipapakilala sa mga tao. Tahimik lang ang preparasyon nila sa kasal.

“The perfect fiancée,” sarkastikong sabi nito. “Hindi mo man lang tatapusin ang kanta bago ka bumalik sa kanya? Don’t you miss spending time with me? Don’t you miss my touch?” Humaplos ang hinlalaki nito sa ibabaw ng gown niya na parang nang-aakit. “I bet my brother can’t kiss you like I do.”

“Tumigil ka nga. Ikakasal na kami...”

“That didn’t stop you before,” nakangisi nitong sabi.

“At paano naman ang babaeng mahal mo? Hindi ka ba nahihiya?”

“No. Di ko naman siya pinagtaksilan. Sa ating dalawa, sino ba ang nagtaksil sa pakakasalan niya?”

Parang sinampal si Esmeralda sa sinabi nito. Siya ang nagtaksil kay Aiden kahit pa di sila tunay na nagmamahalan. Pero alam na iyon ng pinakamalupit nilang kalaban. Ang lalaking nagsabi na nagsisimula na itong mahalin mahalin siya, na handa nitong baguhin ang mundo niya at nagpakahangal siyang hintayin ang pagbabalik nito. Di na pala ito babalik dahil walang Richard Infante. Hindi siya mamahalin ni Amadeus dela Merced kahit na siya pa ang kahuli-hulihang babae sa mundo. Isa lang siyang basura at walang kwenta ang pinagsaluhan nila.

Puno ng disgusto niyang pinagmasdan ang mukha ni Amadeus na nanunuya. Alam nito ang kahinaan niya. Pilit nitong ipinaalala sa kanya ang gabi ng kanyang kabaliwan. Natutuwa itong makita kung paano siya matalo.

“Nakakadiri ka!” anas niya at tinalikuran ito. Wala siyang pakialam kung anuman ang isipin ng ibang tao sa pang-iiwan niya dito sa gitna ng dance floor.

IMPIT na umiyak si Esmeralda habang nakakulong sa isa sa mga cubicle sa restroom. Nang mamatay ang mga magulang niya ay kinailangan niyang maging matatag at di umiyak para sa kapatid na si Jeremy. Nang malaman niyang may sakit ang kapat ay di rin siya nagpapakita ng kahinaan sa kapatid. Nagpakatatag siya.

Pero ibang klaseng sakit ang nararamdaman niya ngayon. Kanina ay mistula siyang binaril sa dibdib. Ngayon ay nararamdaman niya ang pag-ukil ng bala sa dibdib niya. Hindi lang niya ibinigay ang sarili sa isang kaaway. Isang bahagi din ng puso niya ang nakuha nito.

At sa gabing ito ay ipapakita nito sa kanya na hindi siya ang babaeng karapat-dapat nitong mahalin. Sa gabing ito ay ipapakilala nito sa lahat ang babaeng mahal nito. Hindi isang basura kagaya niya.

Pakiramdam ni Esmeralda ay isa siyang madumi at tangang babae. Minsan lang niya ninais na bigyan ng kalayaan ang sarili. Nagpadala siya sa simbuyo ng damdamin. At hindi niya alam kung paano malalampasan ang bangungot na iyon.

Hindi niya alam kung gaano katagal siya sa loob ng cubicle at nakatulala habang natuyo ang luha sa mga mata niya. Napapitlag na lang siya nang may kumatok sa pinto ng cubicle. “Esmeralda, are you there, hija?” tanong ni Florida.

“Opo,” sagot niya sa malat na boses.

“Are you okay? Nag-aalala si Aiden sa akin di ka pa raw bumabalik. Basta ka na lang daw nawala samantalang kanina ay kasayaw ka lang ni Amadeus. May nangyari bang hindi maganda?”

“M-Masama lang po ang pakiramdam ko.”

Kumatok ulit ito. “Buksan mo itong pinto at dadalhin na kita sa clinic.”

Iyon mismo ang kailangan niya - ang makalayo kay Amadeus at hindi niya makita kapag ipinakilala na nito ang babaeng mahal nito. Gusto niyang umuwi at tahimik na umiyak.

Kinuyom niya ang palad. Kapag nagpadala siya sa clinic, ibig sabihin ay talo na siya sa laro ni Amadeus dela Merced. Kailangan niyang maging malakas. Kailangan niyang bumalik sa tabi ni Aiden. Mas mahalaga ito kaysa sa emosyon niya. Dahil ito ang totoong target ni Amadeus. Gusto nitong saktan si Aiden sa pamamagitan niya. At iniisip nito na nagtagumpay na ito.

Tumikhim siya. “Lalabas na po ako,” aniya at binuksan ang pinto. Lulugo-lugo siyang naglakad palabas.

Biglang nasapo ni Florida ang dibdib. “Hija, you look terrible!” Nang sulyapan niya ang sarili ay mugto ang mata niya, kumalat na ang make up niya at mukha siyang isang payaso na biglang pinagdrama. “ We should bring you to the clinic right away. Tapos sasabihin ko kay Aiden na iuwi ka na.”

Umiling siya. “Hindi po. Lumipas na po ang sakit ng ulo ko.”

Inalalayan siya nito hanggang makarating sa sink. “Kaya mo ba talaga? May sinabi ba sa iyong hindi maganda si Amadeus habang nagsasayaw kayo?”

Marahan siyang umiling at pilit na ngumiti. “W-Wala po. P-Pwede po bang tulungan ninyo akong mag-retouch ng make up? Kailangan po ako ni Aiden sa tabi niya.”

Nakakaunawa naman itong tumango. “Sige. Ako na ang bahala.”

Ilang minuto din nitong inayos ang make up niya. Animo’y magician si Florida dahil umayos-ayos ang itsura niya. Pagharap niya sa salamin ay mukha na siyang presentable bilang babaeng pakakasalan ni Aiden dela Merced.

Tinatagan niya ang lakad nang lumabas ng restroom at naglakad sa malawak na bulwagan ng hotel. Sinalubong siya ni Aiden at inalalayang umupo. “Are you okay?” tanong ng binata.

“Medyo sumama lang ang pakiramdam ko pero ayos na ako.”

Ipinakilala naman ng host si Amadeus at umulan ng palakpakan nang umakyat ito sa stage. “I know everyone’s wondering what this party is for. It is not my birthday nor the anniversary of Brava Hotel. This party is a toast for a new life. Little did you know that I almost lost my life to Typhoon Amihan a few weeks ago. Di ko inaasahan na mapuputol ang tulay na tinatawiran ng kotse ko, inanod iyon at akala ko katapusan ko na.”

Narinig niya ang pagsinghap ni Aiden sa tabi niya. “Muntik nang mamatay si Kuya? Saan? I didn’t know that. Di naman siya nagbabakasyon dito sa Pilipinas.” Bumaling ito kay Florida. “Do you know about this?”

“I-I don’t know. Di naman nagsasabi ang kuya mo kung saan siya magbabakasyon,” anang matandang babae.

Pasimple itong nilingon ni Esmeralda. May alam ba ito tungkol sa panlilinlang sa kanya ni Amadeus. Kasabwat ba ito? Malakas ang hinala niya na hindi lang nagkataon ang pagkakapadpad ni Amadeus sa San Luis pero tanging pagkagimbal at pag-aalala lang ang nasa mukha nito.

“But a brave and beautiful angel saved my life. Siya katulong ang baryo niya ang nagligtas sa akin mula sa rumaragasang ilog. Sila ang nag-alaga sa akin. I had nothing at that time but the clothes off my back and my stubborn pride. Tumira ako sa isang lugar na walang kuryente, no fancy food, no gadgets, no internet connection or network signal and no one to serve my bidding. Sinubukan kong umalis ng baryo. I even tried to bribe the locals to help me to get back to Manila despite the flood and landslide. My feisty angel put some senses into my head. Siya ang pumigil sa akin para hindi mapahamak.

Nagtawanan ang mga tao sa paligid. “My brother finally met his match,” anang si Aiden at pumalakpak. “That girl must be really extra-ordinary. Di basta-basta napapatahimik si Kuya Amadeus.”

Mariin lang na pinagdikit ni Esmeralda ang labi habang nagtitimpi na bulyawan si Amadeus at agawin ang mikropono mula dito. Kwento nila iyon. Siya ang babae sa kwento subalit bakit nito ikinukwento sa mga tao? Hindi niya maintindihan kung para saan iyon.”

“Then we fell in love. Yes, you heard it right. A certified bachelor like me fell in love with a barrio lass.” Tumingin ito sa direksyon niya. “Ayokong maniwala noong una na pwede kong maramdaman iyon. But I did.”

Yumuko ang dalaga upang di makita ng iba ang pagtatagis ng bagang niya. Parang totoong magkakasakit si Esmeralda. Gusto niyang masuka. Anong kalokohan ang sinasabi ni Amadeus? Sinabi nito sa kanya na mahal siya nito pero alam niyang wala iyong katotohanan. Pinaasa lang siya nito. Naghintay siya sa wala pero wala naman talaga itong balak na balikan siya.

Muli na namang nanariwa ang sakit sa dibdib niya. Wala talagang hangganan ang kasinungalingan ng lalaki. Ipapakilala na ba nito ngayon ang babaeng mahal nito pero ipapaangkin dito ang kwento nila?

“And I want you to meet the woman who owns my heart - Esmeralda Solomon.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.