“ANO?” MAANG NA TANONG ni Kareene kay Sam. Nasa loob sila ng kwarto niya. Nakaupo ito sa kama niya at nakatayo siya sa harapan nito. Pagkatapos nitong tumalak sa harapan niya ay tiningnan naman siya nito na parang isa siyang specimen na pinag-aaralan nitong mabuti.
“May nagbago sa’yo. Hindi ko lang ma-pinpoint kung ano pero may nagbago sa’yo,” ulit nito sa unang sinabi na ikinaikot ng kanyang mata. Sa halip na sa bahay ng mga ito doon sa Maynila ito manatili ay doon ito lagi tumutuloy sa bahay niya.
“Kami na,” simpleng sabi niya rito.
Hindi niya alam kung sasabihin ba niya rito ang buong pangyayari dahil baka lalo itong maghisterya. Pero hindi niya sasabihin dito ang tungkol sa katauhan ni Darcangelo. At alam niyang hindi sinabi ni River dito ang totoo dahil kung alam nito ang tungkol kay Darcangelo ay tiyak na papasok pa lang siya ng kanilang bahay ay nailipad na siya nito papuntang Marinduque para mailayo siya sa huli.
“Okay. Explain ‘kami na’,” anitong ikinangiwi niya. Alam niyang sasabihin nito iyon.
“Alam kong masyadong mabilis ang mga pangyayari para sa’yo. Hindi kami dumaan sa pormal na ligawan, ganyan. Pero alam mo ‘yong weird, crazy feeling na ‘yon? Iyong feeling mo na tama lahat. It feels like everything had fallen into place. It’s beautiful,” paliwanag niya rito. Hindi niya maipaliwanag ang mga nararamdaman niya ngayon.
“At naramdaman mo ‘yan in the most threatening moment of your life? With a complete stranger na mukhang nakakatakot kahit na mukha siyang hot? I’d get the hot part but...”
“Sam! Mabuti siyang tao.” At least, now.
“Pero hindi mo pa rin siya lubos na kilala,” ani Sam.
Nagbuga siya ng hangin pagkuwa’y hinawakan ito sa magkabilang balikat. “Sam, I love him,” seryosong sabi niya rito.
“Paano mo nagawang mahalin ang isang tao sa loob lang ng isang linggo? Marami sa mga magkasintahan ngayon ay dumaan sa ligawan at sa dates, K!” anito. Paano pa kaya kapag nalaman nitong may namagitan na sa kanila ni Darcangelo?
“Iyon nga. Dumadaan sila sa dates at ligawan para magkakilalang mabuti at magka-develop-an. Iyon nga ang nangyari sa’min ni Darc. Ang ipinagkaiba lang namin sa ibang couple, lumalabas sila araw-araw or every other day samantalang na-stuck kami ni Darc sa isang lugar kung saan kami nagkakilalang mabuti at nagka-develop-an. Couples spend an hour or more on dates. Darc and I spend everyday with each other. Isa pa, gusto ko na siya mula pa no’ng una ko siyang makita. It’s really crazy kasi puro kalokohan ang naiisip ko sa kanya noon. He gave life to the heroes on the erotic novels I’ve read. Pero akala ko noon hindi ko na siya makikita ulit. Luckily, nagkita ulit kami at nagkasama pa ng matagal. No’ng nasa isla kami, parang araw-araw kaming nagde-date. Pakiramdam ko nga, kilala ko na siya ng matagal katulad mo, hindi katulad no’ng ibang tao na kahit matagal ko nang kasama ay parang hindi ko pa rin kilala. Kaya hindi imposibleng hindi ako ma-in love sa kanya,” paliwanag niya rito.
“You see, hindi naman kasi mahirap mahalin si Darc. Although, madalas akong mainis sa kanya, mabuti naman siyang tao. He was trying to be tough for his work but he has a heart. Ilang beses na niya akong iniligtas. Alam mo ‘yong ‘imprinting’ ng werewolves ‘daw’? The moment you saw ‘the one’? Wala ka nang magagawa kundi mag-stick sa kanya. Gano’n ang naramdaman ko kay Darc kaya kahit na ano’ng pagtataboy niya sa’kin ay hindi ko pa rin magawang lumayo sa kanya. I felt connected with him, whole even. He’s my knight in shining armor. He’s the one and no matter what happened, I’ll hold on to him,” dugtong pa niya rito.
“Wow. I’m...speechless. Hindi pa kita narinig na nag-‘drama’ ng ganyan dati,” sabi ni Sam sa kanya matapos niyang magsalita. Pagkuwa’y humugot ito ng isang malalim na hininga at niyakap siya. “I’m so glad you’re safe, K. I guess kailangan kong mag-‘thank you’ kay Darc sa pag-aalaga niya sa’yo,” anito nang humiwalay sa kanya.
“You should. And please don’t say anything bad about him. Sana magkasundo kayo. Though may issue siya sa pagto-tolerate ng mga makukulit,” nakangising sabi niya rito.
“Okay. I’ll try,” anito.
“That’s the key word. ‘Try’. Let’s all try our best to be the best for each other, okay? Thank you for always, always, always being there for me, Sam. I love you,” nakangiting sabi niya rito saka ito niyakap.
“You know I love you kaya hindi kita matiis,” anito sa kanya.
“See? Ganyan din si Darc sa’kin. Kaya I’m sure magkakasundo kayo. So, ano namang nangyari sa’yo sa loob ng isang linggo maliban sa pag-aasikaso ng kaso ko?” tanong naman niya rito.
“Opposite tayo ng nararamdaman ngayon, obviously. I’m just glad everything’s now over,” anito sa kanya. Tinaasan niya ito ng isang kilay dahil napakasimple ng sagot nito.
“Hmmm. Parang may nagbago sa’yo,” nang-aasar na sabi niya rito.
“Oh, shut up! I’ve had hell. Iyon ang nangyari mula nang makilala ko ang River na ‘yon. Ayoko talagang pag-usapan. Hindi katulad nang sa inyo ni Darc ang nangyari sa’min. It’s ugly, kaya pangit ding pag-usapan. Come on. Magpapasalamat ako kay Darc at kausapin mo naman si River, okay?” anitong tuluyan nang inilihis ang usapan nila.
“Fine,” naiiling na lang na sabi niya rito.
Pagkuwa’y sabay silang nagtungo sa sala kung saan naiwan ang dalawang lalaki. Mukhang magpapatayan ang dalawang lalaki anumang oras ngayon. Ramdam na ramdam niya ang tensyon sa pagitan ng mga ito. Kaya agad siyang pumagitna sa mga ito.
“So, kumusta kayo?” aniya sa mga ito.
“Kailangan kitang makausap, Kareene. Alone,” seryosong sabi ni River sa kanya pagkuwa’y hinila siya nito sa loob ng kanyang kusina. “Ano’ng ginawa mo? Hindi ka dapat nagtiwala sa taong ‘yon! Hindi mo siya kilala! Hindi mo alam kung ano ang maaari niyang gawin sa’yo!” mariing sabi sa kanya ni River nang makarating sila sa kusina.
“Bakit hinayaan mo akong manatili sa kustodiya niya kung natatakot ka palang may gawin siyang masama sa’kin? Pero tapos na ang lahat. Buhay pa rin ako ngayon at ligtas. Wala siyang gagawing masama sa’kin, Riv. I trust him and I love him. Ikaw ang hindi pa nakakakilala sa kanya ng lubos,” seryosong sabi niya rito.
“Ano ka ba! Pinagsamantalahan niya ang kainosentihan mo! He’s a killer, Kareene!”
“Dati. Pero nagbago na siya ngayon. Mahal niya ako at magbabagong-buhay na siya, River.”
“Kalokohan ‘yan! Alam mo na ang tungkol sa Rogue? Matagal nang hina-hunting ng mga kinauukulan sa buong mundo ang grupo nila. Lahat sila ay notorious killer at dapat silang magbayad sa gobyerno. Kasama na si X,” mariing paliwanag nito.
“Alam ko. Pero maniwala ka sa’kin, River. Nagbago na si Darc. Hindi siya pumapatay na lang basta. Masasamang-tao din naman ang pinapatay niya eh. At saka, niligtas ka niya dati. Hindi mo ba naisip na hindi naman talaga siya masamang tao at wala lang siyang choice kundi sumunod sa utos ng lider ng Rogue kaya siya pumapatay? He’s a good guy, Riv. Please give him another chance,” pakiusap niya rito.
“Kareene! Hindi ako makapaniwala na sinasabi mo ‘yan! Kahit na iniligtas niya ako at ikaw, dapat pa rin siyang magbayad sa batas. You’re a journalist. Paano ang sinumpaan mong tungkulin sa bayan? Hahayaan mo na lang na may isang mamamatay-taong gumagala sa Maynila? Ipagpalagay na nating hindi ka niya papatayin, paano naman ang ibang tao? He’s a cold-blooded assassin, Kareene! He’s trained to kill!”
“May ebidensiya ka ba sa lahat ng krimen na ginawa niya? Given nang may mga pinatay na tao ang grupong Rogue pero malalaman mo ba kung sino sa miyembro nito ang pumatay sa isang tao? Look, River. Kapag may...pinatay pa siyang tao simula sa araw na ito, ako mismo ang magsusuko sa kanya sa inyo. I’d also give you the freedom to put me in jail too. Pero sa ngayon, let him be. Ako ang bahala sa kanya, Riv. Trust me,” seryosong sabi niya kay River.
“Nahihibang ka na ba? Magpapakulong ka para sa kanya? Listen to this, K. Over a week ago, nagsulat ka ng isang article tungkol sa isang congressman na isa palang masamang tao dahil sa isa siyang drug lord. Kating-kati ka pa noon na ipakulong siya. Pagkatapos ngayon, nadiskubre mong may mamamatay-tao ka sa bahay mo pero hindi mo siya ipapakulong? To think na mas mabigat pa ang kasalanan niya kaysa kay Congressman Go. Ano’ng nangyari sa’yo?” hindi makapaniwalang tanong ni River sa kanya at may bahid na iritasyon at galit sa boses nito ngayon.
“Nakilala ko ang totoong siya, River. I dug him deeper and I figured that there’s goodness inside him than what he’s supposed to be. Lahat ng tao ay may kasamaan kaya naniniwala akong lahat ng masamang tao ay may kabutihan din. I can’t give up on him, Riv. Kapag ginawa ko ‘yon, ibig sabihin ay hindi ko maitatama ang pagkakamali ng tatay ko. Ibig sabihin ay sinukuan ko din ang tatay ko at ang paniniwala ng mama ko.”
Alam niyang naipangako niya sa kanyang sarili na hindi niya sasabihin kahit kanino ang sikreto ng pamilya niya. Pero dahil alam na ni River ang tungkol sa Rogue, sinabi na rin niya rito. Isa pa’y matutulungan sila nito.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” kunot-noong tanong nito sa kanya.
“Ang tatay ko ang dahilan kung bakit napasali sa Rogue si Darc, River. Parte rin ng Rogue ang tatay ko at siya ang gumagawa ng gadgets nila dati hanggang sa mamatay siya. Pinatay nila ang tatay ko dahil gusto niyang kumalas sa grupo. You see, the only way to get out of Rogue is for you to die. Ayokong mangyari ‘yon kay Darc kaya kailangan ko ng tulong mo,” aniya ritong mas ikinakunot ng noo nito.
“Hindi, Kareene. Kailangan niyang makulong—“
“Ibibigay ko sa’yo ang Black Chip na naglalaman ng database ng Rogue. Nakalagay doon ang lahat ng kailangan mong malaman sa Rogue. Pero sa isang kondisyon,” aniya rito.
“Ano namang kondisyon ‘yon?”
“Kailangan mong mangako sa’kin na hahayaan mong mamuhay ng normal si Darc at hindi siya hahawakan ng kahit na sino sa mga awtoridad o nang agency n’yo,” seryosong sabi niya rito. Special agent lang kasi si River sa NBI at may-ari ang pamilya nito ng isang undercover agency.
“Hindi ko hawak ang NBI, Kareene.”
“Come on, River. Bakit mo ako ipinagkatiwala sa kanya? Kung nag-aalala ka sa’kin ng lubos noon, hindi ba dapat hinanap mo na ako agad kahit na tinawagan ka niya? Pero nakipag-cooperate ka pa sa kanya. It’s not as if he threatened you to kill me, right? Naniniwala ka rin na hindi niya ako kayang patayin ‘di ba? Naniniwala ka rin na may kabutihan siya?” nakangiting tanong niya rito.
“Ibigay mo sa’kin ang chip na ‘yon,” sabi lang nito sa kanya at walang anu-anong iniwan siya roon sa kusina. Napangisi na lang siya sa kanyang sarili dahil alam niyang tama ang hinala niya rito. Alam niyang mahirap para dito ang paniwalaan siya o si Darcangelo pero nagpapasalamat siya kay River dahil bukas pa rin ang isipan nito kahit na may tungkulin din ito sa bayan.
“Thank you, River!” aniya rito saka ito niyakap nang makaagapay siya rito. At nakita iyon nina Sam at Darcangelo.
“What are you doing?” agad na tanong ni Darcangelo sa kanya. Nakakunot-noo ito at tila hindi nito nagustuhan ang pagyakap niya kay River kaya agad siyang kumalas sa huli. Pero napangiti siya nang maisip na mukhang nagseselos si Darcangelo.
“She obviously just hugged me,” sabi naman ni River dito.
“Thank you-hug lang ‘yon,” sabi niya habang palapit dito. Niyakap niya ang kanang braso nito nang makalapit siya rito saka siya humilig dito.
“Kahit na. You’re not supposed to hug him,” asik ni Darcangelo sa kanya.
“Napaka-possessive mo naman,” komento ni River dito.
“Ang sweet kaya,” sabi naman ni Sam. Kinindatan niya ito.
“Ano’ng sinabi niya sa’yo?” tanong sa kanya ni Darcangelo.
“Tinanong lang niya kung ano’ng nangyari at sinabi ko na rin sa kanya ang tungkol sa Black Chip. Ibibigay ko na ‘yon sa kanya ngayon. Tutulungan niya tayo, Darc,” aniya rito. Tumango lang ito sa kanya.
From now on, everything will be all right.
DEAR DIARY,
Nakabalik na kami ni Darc sa Maynila at nasa ayos na ang lahat. At least, I hope so. Sana ay mailigtas ko naman si Darc ngayon para maging malaya na siyang talaga mula sa kanyang nakaraan. Pero hindi naman talaga iyon ang gusto kong sabihin sa’yo ngayon. Gusto kong sabihin sa’yo ang tungkol sa power ng ‘the one’—ang favorite journal entry ng tatay ko.
Nang mabasa ko ang entry niya na iyon, alam kong si Darc na ang ‘the one’ ko. Ang sabi niya, kapag nakita mo na daw ang ‘the one’ mo, gagawin mo ang lahat para sa kanya kahit na iyong mga bagay na hindi mo pa nagagawa noon. You’ll even do things you’re not supposed to do. Lalapit ka pa rin sa kanya kahit alam mong hindi pwede. Mamahalin mo pa rin siya kahit alam mong bawal. Simply because you can’t resist him—and that’s the power of ‘the one’. He would make you insist or go for him because he holds your heart.
Gano’n ang nangyari sa’kin kay Darc. And I won’t give up on him. Ever.
Yours,
Kareene