HINDI napanindigan ni Leigh ang hindi pagharap sa nanay niya. Umuwi siya sa Cavite nang weekend na iyon at pagkakita niya rito’y agad siyang napaluhod at naiyak sa harapan nito.
“Ano’ng nangyari sa’yo, anak?” nag-aalalang tanong agad sa kanya ng nanay niya. Dinaluhan siya nito at niyakap.
“Ang hirap, ‘Nay. Ang sakit-sakit,” umiiyak na sabi niya rito.
“Huhupa rin ‘yan. Makakalimutan mo rin siya,” sabi naman nito sa kanya.
“Alam ko na ang totoo, ‘Nay. Nakaharap ko na si Agatha Serrano,” pag-amin niya rito. Naramdaman niya ang paninigas nito. Kumalas siya sa yakap nito at hinarap ito ng maayos.
“Ano’ng sinabi niya sa’yo? Sinaktan ka ba niya?” tanong nitong tila natatakot pa.
Naikuyom niya ang kanyang mga kamay nang makita ang takot sa mga mata ng nanay niya. “Sinaktan ka ba niya dati, ‘Nay?”
Napayuko ang nanay niya sa kanya. “Oo, anak. Iba’t ibang klaseng sakit ang idinulot niya sa’kin noon. Kaya natakot ako nang malaman kong isang Serrano si Knight lalo pa’t anak siya ni Agatha. Natatakot akong baka saktan ka rin ni Agatha. Ang mas malala pa ro’n, alam kong masasaktan ka rin kapag nalaman mong magkapatid kayo ni Knight. Kaya inutusan kitang layuan kaagad siya.”
Napakagat-labi si Leigh. Ayaw niyang marinig ang katotohanang magkapatid sila ni Knight dahil tuwing naaalala at naririnig niya iyon ay mas dumo-doble ang sakit na nararamdaman niya. Bakit kailangang maging kapatid pa niya si Knight? Pwede namang lokohin na lang siya nito dahil pakiramdam niya’y hindi magiging ganito kasakit ang nararamdaman niya kung iyon ang rason nang paghihiwalay nila.
“Paano ka niya sinaktan noon, ‘Nay?” tanong niya. Ayaw man niyang saktan ang nanay niya dahil sa pag-alala nito sa nakaraan pero naunahan siya ng kanyang curiousity.
“Isa sa mga malalapit na kaibigan ng mga Maxwell si Augustus. Minsan ay pumupunta-punta siya sa mansion matapos nilang manggaling sa Batangas para magkarera doon—sa lugar na Camp Speed na ngayon. Isang araw ay ipinatawag na lang ako sa garden dahil gusto daw makilala ng isang guest kung sino ang cook ng mga Maxwell. Noon ko nakilala si Augu. Na-in love siya sa luto ko pero na-love at first sight agad ako sa kanya noon.”
“Simula noon, madalas nang magpunta sa mansion si Augu at sa tuwina’y pinupuntahan niya ako sa kusina o ‘di kaya nama’y naglalagi kami sa garden. Naging malapit kami sa isa’t isa at sa bawat pagkikita nami’y mas lalo lang lumalalim ang nararamdaman ko sa kanya. Alam kong ganoon din siya sa’kin. Hanggang sa hindi na lang kami sa mansion nagkikita. Minsan nga ay double-date pa kami ng Tita Sunny mo. Bale-wala sa’kin kung malayo ang agwat namin sa buhay, basta ang mahalaga ay mahal namin ang isa’t isa.”
“May nangyari sa’min isang gabing naging mapusok kami pareho. Kapag kasi matindi ang nararamdaman mong pagmamahal sa isang tao, nakakalimutan mo na ang lahat ng bagay. Nang gabing ‘yon, limot na limot ko ang buong mundo. Ang mahalaga lang sa’kin ay siya. Pero nagka-letse-letse na ang mga sumunod na nangyari pagkatapos niyon. Biglang lumitaw si Agatha na dating nobya pala ni Augu. Inamin sa’kin ni Augu na ipinagkasundo siya ng kanyang mga magulang sa dati niyang nobyang si Agatha. Pero handa raw siyang maitakwil ng kanyang mga magulang dahil ako daw ang mahal niya. Naniwala naman ako.”
“Pero nang magdaos ng kaarawan niya si Wendell sa mansion ay bigla na lang humarap sina Augu at Agatha sa mga taong engaged na. Mata-pobre, mataray at matalas ang dila no’ng si Agatha. Kung anu-anong pangalan ang itinawag niya sa’kin noon nang magkaharap kami, nang malaman niyang mayroong namagitan sa’min ni Augu. Pinahiya pa niya ako sa harap ng maraming tao nang gabing ‘yon. Pero sa lahat ng ‘yon, labis niya akong nasaktan dahil siya ang pinili ni Augu.”
“Hindi ko matanggap ang paliwanag ni Augu noon. Buntis daw si Agatha at kailangan niya itong panindigan. Nasaktan ako sa mga sinabi niya kaya nang malaman kong buntis din ako ay hindi ko na binalak pang sabihin sa kanya. Alam ni Sunny ang lahat ng ‘yon dahil naging malapit kami sa isa’t isa sa mga dates na pinagsamahan naming apat nina Wendell at Augu. Pero sa aming apat, sila lang ni Wendell ang nagkatuluyan. Gayunpaman, masaya ako sa kanilang dalawa. Masaya ako ngayon dahil kasama kita, anak. Ikaw ang pinakamahalaga sa buhay ko, ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko at ayaw kitang masaktan.”
“Hindi mo na dapat pang nalaman ang tungkol sa kung sino ang ama mo at kung ano ang relasyon mo kay Knight kung nakinig ka lang sa’kin. Kung sana’y nilayuan mo siya agad. Pero nasa akin din ang pagkakamali dahil hindi ko sinabi sa’yo noon pa man kung sino ang ama mo. Disinsana’y naging maingat tayong dalawa,” pagtatapos ng nanay niya sa kwento nito.
“Hindi mo ba naisip na may karapatan akong kilalanin ang tatay ko?” aniya rito.
“Hindi tayo nabibilang sa mundo nila, Leigh. Sinubukan ko na noon pero hindi ko nagawa. Iba sa kanila ang pamilya Maxwell. Ayaw kong mapahiya ka, ayaw kong kutyain ka nila, ayaw kong maranasan mo ang naranasan ko noon. Kaya hindi ko na binalak pang sabihin sa’yo kung sino ang ama mo. Isa pa’y hindi rin alam ni Augustus na buntis ako noon. Kapag nalaman niya ay sigurado akong malalaman din ‘yon agad ni Agatha. Sa’yo mababaling ang atensyon nila at sigurado akong gagawin ni Agatha ang lahat mawala ka lang sa landas niya. Ayaw kong masaktan ka niya, anak.”
Tinanguan na lang niya ito. Mahirap tanggapin ang lahat pero kailangan at dapat niyang tanggapin ang buong katotohanan na hindi na siya maaaring lumapit pa sa mga Serrano. Sa tingin niya ay totoo ang banta ni Agatha sa kanyang kaya nitong saktan ang nanay niya at ayaw niyang mangyari iyon. Isa pa’y hindi na sila dapat pang magkita ni Knight.
Pagkatapos niyang makipag-dramahan ng ganoon sa nanay niya ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Raoul na kasalukuyang nasa Italy pa rin ngayon. Ikinwento niya rito ang lahat ng nalaman niya. Nagulat ito sa mga nalaman. Sino ba namang hindi sa kanila? Pagkuwa’y tinulungan siya nitong bumuo ng plano kung paano siya makakalayo kay Knight.
“So, do you think I’m brave enough for love?” pagkuwa’y pabirong tanong niya rito patungkol sa naging pag-uusap nila noon.
“I don’t know but you’re braver than I thought you’d be. You didn’t dodge the bullet and took the fall. It takes a brave woman to accept pain, to sacrifice love and to move on forward to the future,” ani Raoul.
Napahikbi siya dahil sa sinabi nito. “Pero ang sakit-sakit, Raoul. I love him so much. Hindi pala nag-e-exaggerate ‘yong mga taong nagsabing parang pinutulan sila ng life-support kapag nasaktan dahil sa pag-ibig…dahil ‘yon ang nararamdaman ko ngayon. I can’t breathe.”
“’Wag ka kasing umiyak,” sabi ni Raoul—flatly. Alam niyang biro na iyon para dito kahit na hindi cheerful ang tono ng boses nito kaya natawa na lang siya. Natawa siya dahil sa failed attempt na namang mag-joke ni Raoul at dahil gusto rin niyang tumawa. “Seriously, Leigh. ‘Wag ka nang umiyak. Dammit!”
“’Wag mo ‘kong murahin,” aniya rito.
“You don’t know how much I wanted to be with you right now, Leigh,” masuyong sabi ni Raoul sa kabilang linya.
Kahit paano ay napangiti siya dahil sa sinabi nito. Alam niyang sinsero ito sa pagsasabi niyon pero hindi ibig sabihin niyon ay magte-take advantage na ito sa sitwasyon. Hindi ganoon ang matalik niyang kaibigan. Maswerte siya dahil alam niyang mahal siya nito kahit na gusto niyang magalit sa sarili niya dahil sakit lang ang idinulot niya rito. She simply couldn’t love him the way he loved her. Ayaw niyang magsinungaling dito at sa kanyang sarili. Ayaw niyang maging unfair dito.
“Knowing you’re concern for me is enough. Thank you, Raoul.”
PAKIRAMDAM ni Leigh ay may bagyo sa loob niya na malabo pang humupa ngayon. Pigil na pigil niya ang sariling huwag umiyak ng malakas habang nakakubli sa likod ng pintuan ng apartment nila. Doon ay dinig niya ang pag-uusap nina Reema at Knight na isang buong linggo na niyang hindi nakita dahil nagpunta ito sa Cebu—ayon na rin sa mga text nito.
Alam niyang iyon ang paraan ni Agatha para ilayo ito sa kanya. Hindi niya alam kung paano natatagalan ni Knight ang ina nito—dahil kung siya ang may inang ganoon ay matagal na siyang nag-rebelde—pero wala na siyang pakialam doon. Ang tanging concern niya ngayon ay ang layuan ito. Kaya pagka-text nito sa kanya na babalik na ito ng Maynila ay agad siyang nagpalit ng numero para hindi na siya nito makontak pa.
“Reema, I love her. You know I do. So, please tell me where she is. Please,” nagsusumamong sabi ni Knight kay Reema.
Iyon ang unang pagkakataon na marinig niya mula ritong mahal siya nitong talaga. Kahit ramdam na niya iyon noon pa ay malakas ang naging dating niyon sa kanya. May parte sa kanyang gustong lumabas na sa pinagtataguan niya pero ayaw gumalaw ng mga paa niya.
Her heart didn’t even take those words lightly. Sa halip ay labis na sakit ang naging dulot niyon sa kanya. Hindi na iyon ang gusto niyang marinig mula rito ngayon dahil mas lalo lang siyang nahihirapan at nasasaktan. Gusto niyang magalit ito sa kanya. Gusto niyang kalimutan din siya nito katulad niya na gusto rin itong kalimutan. It’s better that way.
This sucks. Fuck shit. I hate my life.
“Fine. Sumunod siya kay Raoul sa Italy,” pagsisinungaling ni Reema. Iyon ang sinabi niya ritong sabihin kay Knight dahil alam niyang magiging makulit ito. Ayaw pang pumayag ni Reema noong una pero naintindihan nito ang lagay niya.
“What? Bakit siya sumunod kay Raoul do’n?” nagtatakang tanong ni Knight pero nasa tinig din nito ang pait, sakit at lungkot.
“Hindi ko alam. Pero babalik na sila bukas. At saka kasi…” pa-misteryosong sabi pa ni Reema.
Ang totoo’y nakabalik na si Raoul nang bansa—isang araw matapos niya itong makausap sa phone noon—at tumulong ito sa kanya para makapag-isip ng mga paraan kung paano makakalayo sa kanya si Knight. Ayaw niyang gamitin si Raoul dahil ayaw na niya itong masaktan pa at mahirapan pero mukhang iyon lang ang choice niya ngayon.
“Ano?”
“Wala ako posisyon para sabihin sa’yo ang—“
“Ano’ng alam mo, Reema?” tila nauubusan na ng pasensiyang tanong ni Knight. Nagulat siya sa lakas at tigas ng boses nito pero naiintindihan naman niyang galit na ito ng mga oras na iyon.
That’s right, Knight. Magalit ka. Magalit ka. Magalit ka, paulit-ulit na sabi ni Leigh sa sarili habang umiiyak. Hindi niya mapigilan ang pag-alpas ng sunud-sunod na luha sa kanyang mga mata.
“Ang totoo kasi n’yan, si Raoul ang gusto ni Tita Nely para kay Leigh at hindi ikaw. Naalala mo no’ng umuwi tayo noon sa Cavite? No’ng birthday ni Tita Nely? Bago noon ay nagtapat na si Raoul kay Leigh. Mahal ni Raoul si Leigh at alam ‘yon ng parehong mga magulang nila. May tiwala si Tita Nely kay Raoul dahil kilala na niya si Raoul mula pagkabata pa lang. Hindi alam ni Leigh na noon pa man ay gusto na ni tita si Raoul para sa kanya. Kaya no’ng nalaman ni tita na mahal ni Raoul si Leigh, b-um-ack up agad siya kay Raoul. After no’ng birthday party niya, kinausap niya si Leigh at sinabing bigyan ng chance si Raoul. Siguro, ‘yon ang ginawa ni Leigh ngayon. Binibigyan niya ng chance si Raoul,” mahabang paliwanag ni Reema.
Again, another lie. Half-lie.
“What the…fuck! I can’t believe this! I couldn’t believe you. Hindi ‘yon magagawa ni Leigh sa’kin. I know she loves me too,” hindi makapaniwalang saad ni Knight.
“Maybe. Pero matagal na silang magkasama ni Raoul at hindi ‘yon dapat simpleng bale-walain lang. Siguro unti-unti na niyang nare-realize ngayon na may pagtingin din siya kay Raoul,” sabi pa ni Reema.
“Dammit!” hiyaw ni Knight.
Sapol na sapol si Leigh ng murang iyon ni Knight. Hindi na niya kaya pang marinig ang iba nitong sasabihin, hindi na niya kaya pang maramdaman ang presensiya nito pero hindi naman niya ito malapitan kaya marahan siyang nagtungo sa kanyang kwarto at padapang humiga doon. She buried her face on a pillow and cried harder. Mahirap ang naging pag-iyak niya dahil pinipigilan niya ang sariling mapasigaw.
She wanted to scream all her angst out. She wanted to let her pain all out. She wanted to shout her blame to someone, anyone. But she just lay there, crying and barely breathing.
Pwede mo namang sabihin kay Knight ang totoo, Leigh. Hindi mo kailangang mag-ala-martir na ganyan. Hindi kailangang ikaw lang ang masaktan, udyok ng isang bahagi ng isipan niya sa kanya.
Pero hindi niya kayang gawin iyon kay Knight. She loved him too much to hurt him. Isa pa, may paniniwala siyang ang kasiyahan lang ng isang tao ang dapat i-share at hindi ang lungkot at sakit na nararamdaman nito.
“Umalis na siya,” narinig niyang bungad ni Reema sa kanya. Hindi siya bumangon para tingnan ito. Naramdaman niyang umupo ito sa kama niya at hinagod ang likod niya. Mas naiyak siya ng gawin iyon ni Reema, hindi niya alam kung bakit. Pero kasi’y pakiramdam niya’y siya ang pinaka-kaawa-awang tao sa buong mundo.
“Bakit napaka-unfair ng universe sa’kin, Reema?” tanong niya rito kahit na nabaon pa rin sa unan ang kanyang mukha.
“I think it’s the only way to have balance. You win some, you lose some. Parang good versus evil lang. You’ve lived in comfort for the past years of your life. Hindi man gano’n kagarbo ang buhay mo, masaya ka naman kahit hindi kompleto ang pamilya mo. At ‘yon ang pinaka-importante sa lahat. Pero hindi naman dapat puro saya lang ang nararamdaman natin, ‘di ba? Paano ka rin matututo kung hindi mo pagdadaanan ang ganito? Isipin mo na lang na sa susunod na ma-in love ka, ‘yon na talaga,” ani Reema.
“Iyon din ba ang iniisip mo? Ganito din ba ang naramdaman mo noon nang mag-break kayo ng ex mo?” tanong niya rito. Bumangon na siya at hinarap ito.
“Oo. First time ko eh. Na-culture shock ako sa sakit pero ‘kita mo naman, hindi na ako apektado pa ngayon. Alam kong darating ang araw na gano’n ka din. Hindi naman kasi madaling mag-move on kaya ‘wag mong masyadong pilitin ang sarili mo. Moving on takes time. Kasi, the more na ipinipilit mo sa sarili mo, the more na hindi ka makaka-move on. Mas aalalahanin mo lang ang mga alaala n’yo na magkasama.”
“Hindi na ako makapaghintay na mangyari ‘yon sa’kin. I hate this feeling,” aniya rito.
“Sino ba namang hindi? Kain na lang tayo ng ice cream,” pagkuwa’y yaya sa kanya ni Reema. Tinanguan niya ito saka niya inayos ang sarili.
Mawawala din ang sakit at makakalimutan ko rin ang pangyayaring ito, aniya sa sarili.