Maggie's Diaries Series 3 Chapter 13

“I’VE MISSED you so much,” sabi ni Knight kay Leigh. Nanatili pa rin itong nakayakap sa kanya at nanatili naman siyang parang estatwang nakatayo sa harapan nito. True enough, his embrace was full of longing and need. Pero maraming tanong na ang naglalaro sa isipan niya.

Lasing ba ito? Ano’ng ginagawa nito roon at bakit siya nito na-miss? O pinaglalaruan lang siya nito? nalilitong tanong ni Leigh sa sarili na tila ba kaya niya ring sagutin ang mga iyon.

‘Wag ka nang mag-isip pa. Itulak mo na siya palayo! utos ng isipan niya sa kanya.

Kumalas ng yakap sa kanya si Knight pagkatapos ay tiningnan siya nito ng diretso sa mga mata. “Don’t you miss me too?” tanong nito sa kanyang may lungkot sa mga mata.

Think of an alibi, Leigh, natatarantang sabi ng isipan niya. Nakakaramdam kasi siya ng tuksong tingnan ng diretso sa mga mata si Knight at yakapin din ito para pawiin ang lungkot na nararamdaman nito.

This is bullshit! Hindi siya makapag-isip ng malinaw at maayos ng mga oras na iyon. Kaya habang hindi pa gumagana ng maayos ang utak niya’y itinulak muna niya si Knight palayo sa kanya. Halatang nagulat ito sa ginawa niya. Nagtatanong ang mga mata nito pero nalilito naman siya sa inaakto nito ngayon. It seems like they were both in a haze.

“H-hindi…hindi kita kilala,” pagsisinungaling niya kay Knight. Humakbang siya palayo rito at humihingi ng tulong na tumingin kina Reema at Pete. Sana ay makuha ni Reema kung ano ang ibig sabihin ng ginawa niya para malusutan nila ang sitwasyon na iyon.

At ang pagsasabing hindi mo siya kilala ang magandang ideya na naisip mo para makalusot ngayon? Stupid idea, Leigh. Babalik lang siya at pipilitin kang alalahanin ang lahat, mariing sabi ng isang bahagi ng isipan niya sa kanya. Pero iyon kasi agad ang tanging pumasok sa isipan niya.

“Ah, hi, Knight,” singit sa kanila ni Reema.

Pagkuwa’y hinila siya nito patungo sa may dulo ng kanilang sala saka ito bumalik sa harapan ni Knight kasama si Pete. Nakita niyang mas lalong nagtanong ang mga mata ni Knight at may halong kalituhan na rin ito katulad niya. Pero hinila ito ni Reema palabas. Hindi niya marinig kung ano ang sinasabi ni Reema dito pero maya’t maya ay naririnig niya ang pagtaas ng boses ni Knight. Hindi makapaniwala sa kunwari’y ‘kondisyon’ niya ngayon.

“Leigh, you love me! We share something special! Mahal mo rin ako kaya lumabas ka d’yan please, mag-usap tayo!” sigaw ni Knight sa kanya.

Ang mga luhang akala niya’y hindi na niya mararamdaman pa noon ay malayang tumulo mula sa kanyang mga mata ngayon. Ang sakit na akala niya’y nakalimutan na niya noon ay muling umusbong sa puso niya ngayon.

Pagkuwa’y may narinig siyang hindi pamilyar na tinig ng isang lalaki na umaawat kay Knight at nagyayang umuwi na ang mga ito. Siguro’y may kasamang driver doon si Knight. Maya-maya pa ay tumigil na ang kaguluhan at bumalik na sa loob ng apartment nila sina Reema at Pete.

“’Ay, letse! Bakit ka umiiyak? Hindi ka dapat umiyak! Itigil mo ‘yan, Leighton! Kapatid mo siya!” masakit na paalala sa kanya ni Reema pagkakita nitong umiiyak siya.

Alam ko, alam ko. Weird nga ako. Bakit hindi ako makaramdam ng pagiging incest kay Knight gayong kapatid ko siya? Bakit hindi man lang ako nandidiri sa sarili ko tuwing inaalala ko noon na hinalikan ko ang kapatid ko? Ano bang problema ko? sunud-sunod na tanong ni Leigh sa sarili. Marami siyang na-realize na bagay nitong mga nakalipas na buwan pero mas marami pa rin ang mga tanong na hindi pa niya nasasagot katulad niyon.

Pinahiran niya ang mga luhang naglandas sa kanyang pisngi. “Ano’ng sabi niya sa’yo at sino ‘yong bigla na lang sumingit?” tanong niya kay Reema.

“Driver ni Knight ‘yon. Ang sabi niya naaksidente daw no’ng isang linggo si Knight at ngayon lang daw nakalabas ng ospital. Dalawang araw na unconscious pero okay naman na daw ngayon. Dito daw agad nagpahatid dahil gusto kang makita. Mukhang hindi alam ni manong ang nakaraan n’yo. Pero hindi ba weird? Bakit gusto ka niyang makita pagkatapos ng nangyari sa inyo noon? At nagalit pa siya sa’kin nang sabihin ko sa kanyang naaksidente ka. Bakit daw hindi ko ipinaalam sa kanya? Grabe,” ani Reema.

“Naguguluhan din nga ako sa inaakto niya eh. Kaya nataranta ako kanina. Nasabi ko tuloy na hindi ko siya kilala,” sabi naman niya.

Pagkuwa’y biglang tumawa si Pete. “Naisip ko lang kasi, hindi kaya may amnesia siya? ‘Tapos, nagpanggap kang may amnesia din, Leigh. Ang epic lang.” Tinaasan niya ito ng isang kilay. Pinalo naman ito sa braso ni Reema.

“Pero kung may amnesia siya, ‘di dapat bantay-sarado na siya kay Agatha, ‘di ba? Nasaan si Agatha ngayon?” nalilito pa ring tanong niya.

“Baka hindi rin nila alam na may amnesia si Knight. O baka umaarte lang si Knight na may amnesia. Parang ‘yong mga pulitiko lang ngayon, may selective amnesia,” pabirong sabi ni Pete. Pinukol niya ito ng masamang tingin. Itinaas nito ang dalawang kamay bilang pagsuko at nagtungo sa kanilang kusina.

Pero napaisip siya sa mga sinabi ni Pete. Posible kayang magkaroon nga ng amnesia si Knight? See? Napaka-stupid ng ideya mong magkunwaring hindi siya kilala. Fake amnesia, shit. Nakikinita-kinita na niyang magiging problema niya si Knight sa mga susunod na araw kung hindi agad ito rerendahan ni Agatha.

“Mag-ingat ka, Leigh. Sigurado akong babalikan ka ng sadistang nanay no’ng si Knight,” sabi ni Reema sa kanya.

Posible nga iyon dahil siguradong palalayuin na naman siya ni Agatha kay Knight. Sa ikalawang pagkakataon ay pakiramdam niya’y mauulit muli ang nangyari noon. She braced herself to a possibility of facing Agatha again. Pero kasabay niyon ang pag-alaala niya sa hitsura ni Knight ngayon at sa pakiramdam nang muling mayakap nito.

God, it feels so right. Why couldn’t it be so right? himutok niya sa sarili.

Magkapatid kayo, Leigh. Magkapatid kayo. Magkapatid kayo. Bawal ang nararamdaman mo sa kanya. It’s taboo. Kaya kinailangang isang libong beses mong kurutin ang mga pisngi mo at kagatin ang dila mo para pigilan ang sarili mong muling makaramdam ng ‘taboo’ kay Knight, gawin mo, mariing bilin niya sa sarili.

Bakit kasi kailangan pa niyang bumalik?

Test lang ‘to. Test lang, Leigh. Matatapos din ‘to.

NAGING TOTOO nga ang sinabi ni Reema kay Leigh kagabi dahil kinabukasan ay nakipagkita sa kanya si Agatha. Kung gusto niya ay maaari din siyang magpanggap na may amnesia dito pero dahil alam niyang kakampi niya ito sa pagpapalayo kay Knight sa kanya ay magpapaka-totoo siya rito. But somehow, she felt like she’s conspiring with the devil.

Tila naging déjà vu pa ang ikalawang pagkikita nila dahil alalang-alala pa niya ang mga pinag-usapan nila roon sa parehong café na iyon. Pero nauna sa kanya si Agatha roon.

“Alam mo na sigurong naaksidente si Knight last week. Sinabi sa’yo ng driver niya kagabi, ‘di ba? Sakay siya ng kanyang Ducati galing dito sa Maynila patungo sa rest house namin sa Tagaytay nang mawalan siya ng balanse. Wala namang serious injuries maliban sa ilang pasa at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan niya. He’s wearing protective gears anyway. May nagawa rin siguro ang instinct niya bilang former superbike racer noon kaya hindi gano’n kalala ang nangyari sa kanya. Except for this sudden and unexpected case of amnesia. Yes, Knight has amnesia, selective memory loss to be precise,” agad na paliwanag sa kanya ni Agatha pagkaupo pa lang niya sa tapat nito.

Hindi na nagulat pa si Leigh sa sinabi nitong may amnesia si Knight dahil may hint na siya na totoo iyon pagkatapos nang nangyari kagabi. Pero nangangamba siya na muling masaktan si Knight kapag naalala nito ang mga nangyari sa kanila noon—lalo na nang huli silang magkita at ang masasakit na salitang sinabi niya rito. Sigurado siyang magagalit na naman ito sa kanya.

Ang hindi niya mapaniwalaan ay ang reaksyon nito ngayon. Umaakto ito na para bang bale-wala lang ang nangyaring aksidente kay Knight. Hindi niya alam kung front lang nito iyon para ipakita sa kanyang matatag ito o totoong bale-wala lang dito ang nangyari kay Knight. Kaya nadagdagan ang inis na nararamdaman niya rito.

Kung anu-ano ang napapansin mo, Leigh. Malay mo, pokerfaced lang talaga siya, anang isang bahagi ng isipan niya. Pero bakit naman si Raoul, kahit na pokerfaced ito at palaging seryoso ay nagpapakita pa rin ito ng pag-aalala sa kanya noon. Isa pa, bakit ka niya haharapin kung hindi siya nag-aalala para sa kabutihan ni Knight?

“Ang sabi ng doktor niya, it was a rare case of amnesia due to head injuries which Knight suffered from. Kanina lang namin nakumpirma dahil wala naman siyang ipinapakitang bizarre attitude no’ng naka-confine siya sa ospital, until last night happened. Pero hindi pa nila ma-determine kung aling bahagi ng utak niya ang may damage dahil hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa rin daw ng mga eksperto ang kaso ng selective memory loss ng iba’t ibang pasyente. And for some reasons we still don’t know, hindi niya maalala ang nangyari matapos niyang manggaling sa Cebu noon. Kaya ang alam niya ay in love pa rin kayo sa isa’t isa ngayon. Ipinaliwanag ko na sa kanya ang nangyari noon pero hindi siya naniwala sa’kin,” patuloy ni Agatha.

Hindi alam ni Leigh kung ano ang magiging reaksyon niya roon. Pero sigurado siyang may munting parte ng puso niya na nagalak sa nalaman. Naging uneasy siya ng makita niyang tinitingnan siya ng mataman ni Agatha na para bang binabasa nito ang ekspresyon ng mga mata niya.

“Pero nagpanggap akong hindi ko siya kilala kagabi. Hindi ko naman kasi alam ang tungkol sa naging aksidente niya at sa kondisyon niya ngayon,” sabi naman niya rito. Kung siya siguro ang nasa posisyon ni Pete ay tatawa rin siya sa sitwasyon niya ngayon. Ang epic nga.

“I see. ‘Wag kang mag-alala. Inaayos ko na ang magiging engagement niya kay Stephany Lopez. Mawawala din siya sa landas mo. In the meantime, gawin mo ang lahat para lumayo siya sa’yo. Ipagpatuloy mo ang pagpapanggap na may amnesia ka,” utos nito sa kanya.

“Hindi mo na kailangang sabihin pa ‘yon dahil ‘yon naman talaga ang gagawin ko,” sabi naman niya rito. Pero tumatak sa isipan niya ang sinabi nito tungkol sa engagement ni Knight sa isang Stephany Lopez. Nagdulot iyon ng kirot sa puso niya na hindi na niya dapat pang maramdaman ngayon.

Damn you, self. Shit ka, heart.

“Good. Matalino ka naman pala hindi katulad ng nanay mo. You know better than to go against me,” ani Agatha.

Nairita siya sa sinabi nito at mas lalo siyang nairita ng bigyan siya nito ng nakakalokang ngiti na para bang nanalo ito sa kanya o kung ano man na hindi niya maintindihan. Basta ang alam niya’y na-doble pa ang inis na naramdaman niya rito. Pero bago pa man siya makaganti dito ay inunahan na siya nito ng tayo. Katulad nang una nilang pagkikita ay ito na naman ang naunang umalis na para bang ito ang nanalo sa usapang iyon.

Bruhang Agatha talaga! ngali-ngaling isigaw niya rito. Mabuti na lang dahil iyon na ang huling pagkakataon na makikita niya ito. I hope.

Bago siya umuwi ay bumili muna siya ng ice cream na nagsilbing comfort food niya nitong mga nakalipas na buwan. Iyon ang naging kapalit ng waffle na paborito niyang kainin dahil naaalala lang niya si Knight tuwing kumakain siya ng waffle.

‘Knight’ na naman. Parang ‘back at one’ lang ang peg mo ah. Stop thinking about him. Sanay ka na naman, ‘di ba? Patunayan mong totoo ‘yon, anang isang bahagi ng isipan niya. Napailing na lang siya sa kanyang sarili.

Pagdating niya sa kanila ay nagulat si Leigh nang makitang may nakaparadang sasakyan sa tapat ng apartment nila pagkababa niya ng taxi. Muli sana siyang sasakay sa taxi dahil may kutob na siya kung kanino iyon pero nakita na siya ni Knight.

“Ano’ng ginagawa mo dito?” taray-tarayang tanong niya rito.

“Gusto kitang makausap, Leigh. Please give me a chance to talk to you,” nakikiusap na sabi nito. “Hindi mo ba gustong malaman kung ano ang nangyari sa’tin noon?”

“Paano natin pareho malalaman kung ano ang nangyari sa’tin noon kung pareho tayong may amnesia?” aniya rito.

“Alam mong may amnesia ako?” takadong tanong nito.

Kinunutan niya ito ng noo. “Wala ba? Ang sabi kasi ng pinsan ko sa’kin kagabi, baka daw may amnesia ka. Dahil kung wala, hindi ka raw babalik dito at yayakapin na lang ako bigla. Galit ka raw sa’kin dahil sinaktan kita noon. Bakit gusto mo pang makipag-usap sa’kin ngayon?” Shit, Knight. Umalis ka na. Please lang.

“I was hoping…I was hoping that maybe we could still fix whatever problem we’ve been through then. Because maybe you did hurt me back then, but my heart still wants you now,” masuyong sabi ni Knight.

Hindi pwede! “’Di sira-ulo ka pala! Bakit gugustuhin mo pa ang isang taong nanakit sa’yo? Iuntog mo na lang ulit ‘yang ulo mo sa pader para maalala mo ang sakit na naidulot ko sa’yo noon. Kung ano man ‘yon. ‘Wag ka nang bumalik pa dito, dahil hindi ko man maalala ang nangyari noon, ayoko na ring bumalik pa sa’yo ngayon.”

Napamaang lang si Knight sa kanya. Alam niyang nagulat ito sa mga sinabi niya at sa tono ng pananalita niya dahil ni minsan ay hindi siya nagsalita ng ganoon dito maliban noong huli sila nitong nagkita sa opisina ni Raoul. Pero sa halip na umalis ito roon ay pumikit lang ito sa harapan niya.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong niya rito pero hindi agad siya nito sinagot. Pagmulat nito’y ngumiti ito sa kanya bigla. Kaya nabigla din ang puso niya at bumilis ang pintig niyon.

What the heck? Hindi na dapat ako makaramdam ng ganito sa kanya, ‘di ba?

“May dumaan kasing shooting star—lucky me—so I made a wish. I wished that you’d still love me despite what happens then. I wished to start anew with you. Will you give me a chance?”

Na-shock siya sa sinabi nito. Tila bumabalik sa kanya ang mga ginawa niya noon. Kaya sa halip na sagutin si Knight ay sinipa niya ito palayo sa kanya saka mabilis na tumakbo papasok sa loob ng apartment nila. Pagpasok niya roon ay nasapo niya ang kanyang dibdib dahil hindi niya ma-kalma ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.

He’s crazy. I’m crazier. We’re the craziest. Magkapatid nga kami. Leigh laughed at herself because of that bitter truth. If given the chance, she’d kick Knight again. Kung iyon ang isa sa paraan para lumayo ito sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.