MAGGIE, nang araw na makilala kita at maibigay mo sa’kin ang diary na ‘to pati na ang charm bracelet mo nang basta na lang, iyon din ang araw na muli kong nakita si Knight. Hindi kaya imbes na maging lucky charm ang bracelet mo sa akin ay na-jinx lang nito ang buhay ko?
Ngayon naman ay walang humpay ang pangungulit sa’kin ni Knight. Parang nire-replay kasi ni Knight ang mga nangyari sa’min noon mula sa pag-wish sa isang shooting star hanggang sa pagpapadala sa’kin araw-araw ng cake jars at waffles. Pero lahat ng ‘yon ay hindi ko naman napapakinabangan. Sina Reema at Pete ang nakikinabang sa mga ‘yon.
Palagi din siyang nagpapakita sa’kin pero itinataboy ko siya. He was trying to win me back, regardless of what happened then, no matter what happens now. Ngunit ang mga ginagawa niyang ito ay nagdudulot ng malaking kaguluhan sa aking isipan. Alam kong mali ang ginagawa niya pero bakit may pakiramdam ako na hindi naman ‘yon mali? O nakakaramdam ako ng ganito dahil gusto kong maging tama ang ginagawa niya? Dahil gusto ko pa rin siya. Accccck! I know it’s taboo, pero hindi ko mapigilan ang makaramdam ng gano’n.
Matagal na akong hindi nagwi-wish sa shooting stars o sa wishing bracelets pero bibigyan ko ng chance ang charm bracelet mo. So, I hope this will bring me good luck. Kung hindi, ike-curse kita. Haha! Joke.
---
“HOY! OKAY ka lang ba? Parang wala ka sarili mo ngayon,” puna ni Leigh kay Raoul.
Kanina pa siya dada ng dada sa harapan nito tungkol sa magiging schedule nito sa buong araw pero tila hindi siya nito naririnig dahil nakatulala lang ito sa kanya. Actually, mula nang bumalik ito galing Italy nang nakaraang linggo ay ganoon na ang akto nito. Nagkwento naman ito tungkol sa naging karanasan nito sa Italy pero pakiramdam niya ay hindi iyon ang buong kwento dahil may lungkot sa mga mata nito ngayon. Kung sinuman ang nakilala nitong babae doon ay alam niyang tinamaan ng malakas ang kaibigan niya dito. Ito ang dahilan kung bakit ayaw na niyang abalahin pa si Raoul sa kanyang problema. May sarili na rin kasi itong personal na problemang dapat harapin. Dapat nga ay tulungan niya ito ngayon pero naiipit pa rin siya sa hindi matapos-tapos na problema niya kay Raoul.
“I need coffee,” bawi ni Raoul. Pero nginisihan lang ito ni Leigh dahil huling-huli na niya ito. “What? Gusto mo bang ulitin ko pa ‘yon?”
“Tinamaan ka sa babaeng ‘yon ‘no?” pang-aasar niya rito.
“Alam ko na kung ano ang schedule ko sa buong araw. Thank you. Isipin mo na lang kung paano mo itataboy ‘yong manliligaw mo. Baka mamaya nand’yan na ‘yon sa labas,” ganti sa kanya ni Raoul.
Napasimangot naman siya sa sinabi nito dahil nasukol nito ang malaking problema niya. Mahigit isang linggo na kasi siyang sinusuyo ni Knight at bale-wala rito kung “pareho” silang may amnesia, kahit na “pareho” silang walang ideya kung ano ang naging problema nila noon. Ipina-kausap at pina-kwentuhan niya ito kay Reema tungkol sa totoong nangyari noon pero hindi pa rin ito tumigil sa pangungulit sa kanya. Ang naging katwiran nito’y ganito: “I don’t feel like I hate you”.
Kahit na alam nitong kay Raoul pa rin siya nagta-trabaho at malapit pa rin sila sa isa’t isa ay hindi pa rin ito natinag sa panunuyo sa kanya. Hindi naman na niya magamit pa dito si Raoul dahil alam nitong wala daw “nobya” ngayon ang kaibigan niya. Nakakalap agad ito ng impormasyon tungkol kay Raoul dahil nag-“research” daw ito. Hindi niya alam kung paano ito nag-research. Parang alam na tuloy nitong nagpanggap lang sila noon.
Dapat rin pala ay hindi na lang niya sinabi ritong mayroon siyang “amnesia”. Things would have been easier for the both of them. Ang tanging alas na lang niya ngayon ay ang “engagement” nito na inaayos daw ni Agatha. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang naririnig na engagement sa kampo ng mga ito. Baka mamaya o bukas ay madulas na lang siya kay Knight at maisiwalat niya rito ang lahat ng katotohanan. Ayaw niyang mangyari iyon. Matindi ang paninindigan niyang huwag ipaalam dito kung ano ang tunay nilang relasyon sa isa’t isa at kung bakit hindi sila pwede.
“Don’t you think it’s better to hurt him big time than to hurt him over and over again?” pagkuwa’y sabi sa kanya ni Raoul. Hindi agad nakasagot doon si Leigh.
Alin nga ba ang mas maigi? Iyong masaktan ka ng dahan-dahan, unti-unti at paulit-ulit pero mas madaling patawarin at kalimutan o iyong masaktan ka ng isang beses pero parang nalugmok ka naman sa quicksand na pakiramdam mo’y hindi ka na makakaahon pa?
Napaisip doon si Leigh. Ang una ang pinili niyang gawin—hindi pumasok sa isipan niya na masasaktan niya ng paulit-ulit si Knight—dahil alam niyang iyon ang mas madaling kalimutan, kahit hindi na ang patawarin, ang mahalaga ay hindi makaramdam ng masyadong sakit si Knight. Pero ngayon lang niya na-realize na paulit-ulit nga niyang sinasaktan si Knight—dahil hindi niya inasahan na mangyayari ngayon, na magkakaroon ito ng amnesia at hahanapin siya nitong muli. Dahil natatakot siya noong mas masaktan pa ito ng labis.
Nakaramdam siya ng matinding guilt. She felt so sorry for him. Kung ang pangalawa siguro ang ginawa niya, mas magiging madali ang lahat para sa kanila. Sobrang sakit man, at least, isang daanang sakit lang. Bakit nga ba hindi na lang iyon ang ginawa niya? Kung malalaman ni Knight na magkapatid sila, siguro ay iiwasan na rin siya nito. But there was Agatha to deal with first. Ayaw nitong malaman ng mag-ama nito ang tungkol sa kanya. Kapag nangyari iyon ay tiyak na babalikan sila nito ng nanay niya. She couldn’t let that happen.
Hay, life.
“Coffee, Leigh,” putol ni Raoul sa pag-iisip niya. Nginitian niya ito. Hanggang ngayon ay pinoprotektahan pa rin siya nito kahit na may sarili itong problema.
“Yes, boss,” aniya rito bago lumabas ng opisina nito para magtimpla ng kape.
Paglabas niya roon ay nadatnan niyang naghihintay sa kanya roon ang isang bell boy nilang si Rod. May dala itong cake box at bungkos ng mga pulang rosas sa isang kamay. Alam na niya agad kung kanino iyon galing.
Nagbago siya ng taktika? Ngayon lang kasi nagpadala sa kanya si Knight ng mga rosas at cake.
“Ma’am, delivery na naman po para sa’yo,” ani Rod.
“Sa inyo na lang ‘yan,” bale-walang sabi niya rito.
“Hindi n’yo man lang ba titingnan, ma’am? Ang sabi kasi sa’kin kailangan mo daw tanggapin ang mga ito,” giit ni Rod.
Napataas ang isang kilay niya rito. Hindi siya sigurado kung sino ang taong tinutukoy nito pero may kutob siyang personal iyong dinala roon ni Knight. Hindi lang ito makapasok doon sa floor ng opisina nila dahil nananatiling banned ito roon.
“Hindi ko na kailangan pang tingnan ang mga ‘yan. Sige na, Rod. Sorry sa abala ha,” sabi naman niya rito. Pero sa halip na umalis si Rod sa harapan niya ay ipinatong nito ang mga dala sa kanyang mesa. “Ano sa tingin mo’ng ginagawa mo?”
“Ma’am, sayang kasi. Kahit isang beses lang, tanggapin n’yo naman. Ang sweet kaya niya at gwapo pa. Kung ayaw n’yong ipaalam sa kanya na tinanggap n’yo ‘to, hindi ko sasabihin. Basta tingnan n’yo lang. Sayang ang effort,” katwiran ni Rod.
Una nitong binuksan ang cake box at ipinakita nito sa kanya ang laman niyon. Ang inaasahan niya’y cake ang laman niyon pero waffles naman pala ang laman—limang layer ng waffle iyon na hugis puso—sa top layer niyon ay nakalagay ang “YOU” gamit ang chocolate syrup. Parang ganoon din sa ginawa ni Knight noon dati. Hindi pa rin pala ito nagbago ng taktika. Pagkuwa’y tinanggal ni Rod ang note na naroon sa loob at ibinigay sa kanya.
“Every layer of my heart have you,” ang nakalagay sa note. Napakunot ang noo niya doon. At bago pa siya magtanong ay nasagot na ni Rod ang tanong na nasa isipan niya. Marahan nitong tinanggal ang top layer ng waffle cake. Tumambad sa kanya ang isa pang “YOU” na gawa naman sa cut bananas. Inulit ni Rod ang prosesong iyon at hindi niya mapigilan ang mamangha dahil hanggang sa pinakahuling layer ay may nakalagay na “YOU” gamit ang iba’t ibang klaseng pagkain—strawberries, mangoes at cream cheese. Ngayon lang umabot sa ganoong extent si Knight. Her heart swelled with so much…sweetness and tenderness.
Pagkatapos ay ibinigay naman sa kanya ni Rod ang card na kasama ng mga rosas. Pagbukas niya niyon ay nakita niyang may kasama pala iyong bracelet—isang wish bracelet. “Close your eyes and make a wish. Tie your bracelet on your wrist. When it breaks the thread wears through, this is when your wish comes true,” ang nakasulat sa card.
“O, ‘di ba, ang sweet, ma’am?” tila kinikilig na saad ni Rod.
Hindi niya ito sinagot. Sa halip ay tinalikuran niya ito at mariin niyang kinurot ang kanyang magkabilang pisngi. Kung pwede lang niyong supilin at pigilan ang kilig na nararamdaman niya ngayon.
Hindi tama, Leigh. Hindi dapat, paalala niya sa kanyang sarili.
“Sige na, Rod. Salamat at pasensiya ka na sa abala. Sa’yo na lang ang mga ‘yan,” aniya kay Rod kapagkuwan.
“Ah, sige po,” sabi na lang ni Rod. Nasa tinig nito ang hindi maitatagong disappointment sa naging reaksyon niya.
Tumuloy siya sa pantry room nila at nagtimpla ng kape para kay Raoul. Ginawa niya ang trabaho sa buong araw pero panaka-naka ang pagsusulat niya sa diary ni Maggie. Si Maggie ay ang babaeng nakilala niya nang nakaraang linggo at basta na lang nagbigay sa kanya ng diary pati na isang charm bracelet na may kasama pang kontrata. Akala niya’y niloloko lang siya nito kaya naman tinawagan niya ang numerong nakalagay sa kontratang ibinigay nito.
Nakausap niya si Maggie at noon niya nalaman ang istorya nito—may sakit pala itong leukemia. Maggie’s reasons for giving out her diaries maybe shallow but Leigh would do everything to help and inspire her. Kahit hindi niya alam kung nakaka-inspire ba ang mga naisulat at isusulat pa niya sa diary nito. Isa pa, naging kaibigan na rin niya si Maggie dahil panaka-naka ang pagtawag at pangungumusta niya rito. Kaya naging komportable na siyang magsulat sa diary nito—para dito.
Akala ni Leigh ay tapos na ang araw na iyon sa mga pangungulit ni Knight. Pero pagkauwi niya sa kanila’y nagulat siya ng may madatnan siyang cake jars sa kanilang pintuan. Hindi na niya binilang kung ilan pang cake jars iyon. Ngayon naman ay sa bawat cake jar ay may nakalagay na letters sa cap niyon. The letters says, “Still loving you”.
Sabihin ko na kaya sa kanya ang totoo para matapos na ang lahat ng ‘to? aniya sa kanyang sarili matapos niyang murahin si Knight sa kanyang isipan.
Tila nahahapong umupo siya sa maliit na hagdan ng apartment nila sa may pintuan. Dumampot siya ng isang cake jar at sinimulang kainin iyon. Nakakapagod din palang mag-isip ng mag-isip. Nakakapagod magpanggap at higit sa lahat, nakakapagod masaktan at manakit. Pagod na siyang ipaalala sa sarili niyang maling gustuhin muli si Knight pero iyon ang nararamdaman niya. Pagod na siyang sabihin sa sariling tama ang ginagawa niyang pag-iwas dito dahil hindi naman iyon ang gusto niyang gawin.
Okay na ako eh. Bakit pa niya kailangang bumalik? ‘Asar! Life’s too unfair to me, himutok ni Leigh sa sarili. Napatingala siya sa mga langit. Pero nang may marinig siyang mga yabag ay napatuwid muli siya ng tingin. Nakita niya si Knight na palapit sa kanya.
“D’yan ka lang,” pigil niya rito. “Ito na ang huling beses na sasabihin ko ‘to sa’yo, Knight. Ayaw ko sa’yo. Kaya tumigil ka sa mga ginagawa mo ha?”
“Ano ang naging basehan mo para sabihin ‘yan?” tanong naman ni Knight.
Kinunutan niya ito ng noo. “Kailangan bang may basehan pa? Hindi ba pwedeng ‘yon lang talaga ang nararamdaman ko para sa’yo? Ayaw ko sa’yo, tapos.”
“Iyan ba talaga ang gusto mo? Iyan ba talaga ang sinasabi ng puso mo? Ni hindi mo pa nga binubuksan ang puso’t isipan mo sa’kin eh. All I need is just one chance, Leigh.”
Marahas siyang napabuga ng hangin sa harapan nito. “Hindi ko alam kung tanga ka o sadista ka lang talaga. Alam mo nang sinaktan kita noon pero sume-sige ka pa rin sa’kin. Paano kung saktan ulit kita? In fact, araw-araw nga kitang sinasaktan eh. Hindi ka pa rin ba napapagod? Hindi mo ba nakikita ang lahat ng signs na hindi talaga kita gusto?”
“I don’t just see things, Leigh. I feel them. At nararamdaman kong hindi ang mga lumalabas sa bibig mo o ang mga ikinikilos mo ang totoong nararamdaman mo,” sabi naman ni Knight. Hindi agad siya nakasagot sa sinabi nito. “Alam ko nang hindi totoong naging kayo ni Raoul noon. Kasinungalingan lang ang sinabi sa’kin ni Reema. Ang totoo’y magkaibigan lang talaga kayo.”
“Well, magkaibigan talaga kami ni Raoul. At tungkol do’n, hindi ko masasagot ‘yan. Wala nga akong maalala, ‘di ba?” mataray na sabi niya rito. “Knight, seryoso na ‘to. Maghanap ka na lang ng ibang mamahalin, okay? Hindi kasi…Wala kasi akong kakaibang nararamdaman para sa’yo. I don’t even feel attracted to you.”
“Tama ka, Leighton.”
“See? Kaya—“
“No. Tama ka sa pagsasabing martir at tanga siguro ako. Nasasaktan na ako pero hindi ko pa rin mapigilang balik-balikan ka. Siguro nga kahit na naghiwalay tayo noon, baka pinagmamasdan pa rin kita sa malayo. Because this thing I feel for you, it’s too powerful that I can’t just get rid of it. Kaya kahit siguro paulit-ulit mo pa akong saktan, I’d still come back to love you,” ani Knight.
“Bahala ka na nga sa buhay mo,” sabi na lang niya kay Knight saka mabilis siyang pumasok sa loob ng apartment nila.
Mariing pinisil ni Leigh ang kanyang mga pisngi. Pakiramdam niya’y puputok na ang puso niya sa biglang paglobo niyon dahil sa mga sinabi ni Knight. Ganoon din kasi ang nararamdaman niya para dito. Kahit na paulit-ulit din siyang nasasaktan ay nananatili pa rin ang pagmamahal niya para dito. Kahit na alam niya ang buong katotohanang magkapatid sila.
Hindi kaya may mali sa tadhana nila? O hindi kaya may loophole na hindi nila alam? Pero kinumpirma ng nanay niya sa kanya na si Augustus Serrano nga ang tatay niya. Hindi kaya si Agatha naman ang may itinatagong sikreto? Pero ano naman kaya iyon? Because honestly, she didn’t feel like Knight’s really her brother. Ngayon lang pumasok sa isipan niya ang isiping iyon. Pero posible nga kaya?
Ah, I’m getting nuts.