“NGAYON ko lang na-realize na may ilan pala sa mga pinagbigyan ko ng diary ang connected sa isa’t isa,” nakangiting sabi ni Maggie sa kanya.
Kasalukuyan nilang pinapanood ang paglalakad sa aisle nang bride na si Leigh—na ginaganap sa isang islang tinatawag na “The Haven of Secrets”. Si Leigh ang pinakahuling nagbalik ng diary kay Maggie noong nakaraang linggo.
Kilala niya ang tinutukoy ni Maggie. Si Nicole Hontiveros na dati’y ‘Santos’ at asawa na nang kaibigan ni Knight—ang groom sa araw na iyon—na si Dwight. Naroon din si Ariadne Tatlonghari—na ‘Adams’ na ngayon dahil ikinasal ito kay Fryth na kaibigan din nina Knight at Dwight tatlong buwan na ang nakalilipas. Pamilyar na mukha na sa kanya si Ariadne dahil madalas itong pumunta kina Maggie.
Ngayon ay dalawang diary na lang ang hindi bumabalik sa posesyon ni Maggie. Ang kanilang dalawa ni Nikki—ang matalik na kaibigan ni Maggie na hindi sumama doon ngayon dahil nagtampo dito ang huli. Pineke kasi ni Nikki ang mga isinusulat nito sa diary para lang pasayahin si Maggie. May pagka-bitter kasi sa pag-ibig si Nikki at ayaw nitong ma-in love pa. Pero may hindi alam ang karamihan nang tao rito. At gusto ni Maggie na muli itong magtiwala sa pag-ibig.
Ang sa kanya nama’y ibabalik niya kay Maggie sa tamang oras.
“They’re all happy now,” sabi niya kay Maggie.
“I know. I’m happy for them too. Sino’ng mag-aakala na mag-a-ala-Cupid pala ako sa kanila ‘no?” ani Maggie.
“Are you happy?” tanong naman niya rito.
“Oo naman. Everything’s falling into place at gumagaling na ako,” nakangiting sabi nito sa kanya.
Masaya siya dahil gumagaling na nga ito. Masaya siya dahil masaya ito. Gagawin niya ang lahat para manatili ang kasiyahang iyon sa mukha nito.
“Have you found your ‘reason’?” tanong niya ritong ang tinutukoy ay ang ikinwento nito sa kanya noon na natutunan nito kay Knight.
“Yes. You.”